Sabado, Mayo 17, 2008

Hermenegildo Cruz: Biographer ni Francisco Balagtas, Lider-Manggagawa

Hermenegildo Cruz:
Biographer ni Francisco Balagtas, Lider-Manggagawa
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming mahahabang tulang epiko ang Pilipinas, tulad ng Ibong Adarna, na hindi na nakilala kung sino ang maykatha. Kaya malaki ang dapat ipagpasalamat ng sambayanang Pilipino kay Hermenegildo Cruz upang makilala natin kung sino si Francisco Balagtas, ang makatang lumikha ng walang kamatayang Florante at Laura.

Noong 1906, isinulat, inilathala at ipinamahagi ni Hermenegildo Cruz ang kanyang maliit ngunit makapal na aklat na pinamagatang Kun Sino ang Kumatha nang “Florante”. Ito’y umaabot ng 220 pahina, kung saan ito ang siyang tangi at pinakamahalagang batayan ng buhay at sulatin ng kilalang makatang si Francisco Balagtas. Ang aklat na ito’y ibinenta ng Librería Manila Filatélico, na nasa Daang Soler sa Santa Cruz, Maynila.

Maraming mahahalagang detalye ang aklat na suportado ng mga opisyal na rekord, bagamat ang karamihan ay mula sa mga kwento at patunay mula sa mga indibidwal, anak, at kamag-anak ni Balagtas. Ang edisyon ni Cruz ng Florante at Laura ay inedit para sa kanya ng anak ni Balagtas na si Victor. Naroon din ang talaan ng mga kilalang komedya na kinikilalang sinulat ni Balagtas, at ang kanyang iba pang kinathang tula na binigkas niya sa malalaking piging. Pati na ang kanyang sayneteng La India Elegante y El Negrito Amante.

May mga malalalim na komentaryo din kay Balagtas at sa kanyang mga tula, at sa panitikang Tagalog at sa kultura sa kabuuan. Idinagdag pa ni Cruz na maunlad na ang kulturang Pilipino bago pa dumating ang mga Kastila kung ikukumpara sa pamantayan ng kanluran. Binigyang-diin pa ni Cruz ang mga sulatin ni Lewis Henry Morgan, isang US technologist na binabanggit ni Friedrich Engels sa kanyang aklat na Origin of the Family, Private Property and the State. Binanggit din ni Cruz si Antonio Morga na awtor ng Sucesos de las islas Filipinas na nalathala sa Mexico noong 1609.

Ayon kay Hermenegildo Cruz, unang nalathala ang Florante at Laura noong 1838, at mula noon hanggang 1906, labingdalawang edisyon na ang nalathala kung saan umabot ito sa 106,000 kopya (o maliit ng kaunti sa 9,000 kopya bawat edisyon).

Ipinanganak si Cruz noong Disyembre 31, 1880 sa San Nicolas, Binondo, Maynila mula sa mahirap na pamilya. Dahil sa kahirapan at maagang pagkamatay ng kanyang mga magulang, hindi siya agad nakapag-aral. Sa maagang gulang, nagtinda na siya ng tungkod, saranggola at dyaryo, habang sa gabi, nagsikap siyang mag-aral. Dahil sa kanyang pagsisikap, nakapagtrabaho siya bilang apprentice sa isang palimbagan, naging kompositor, proofreader, katulong ng manunulat, at sa kalaunan at naging isang manunulat.

Nakasama siya sa paglalathala ng La Independencia, ang rebolusyonaryong pahayagang pinamamatnugutan ni Heneral Antonio Luna, noong 1899. Nagsulat din siya ng iba’t ibang artikulo at editoryal sa mga pahayagang Tagalog at Kastila, kung saan ipinakita niya ang kanyang sigasig sa pagpapalaganap ng diwa ng kalayaan, pagtatama sa mga maling datos sa kasaysayan, at paglilinaw ng mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas.

Bilang tagahanga ng bayaning si Gat Andres Bonifacio, kanyang isinulat ang aklat na Kartilyang Makabayan noong 1922 bilang unang masinsinang pagtalakay sa kasaysayan ni Bonifacio at ng Katipunan. Kahit sa aklat na Kun Sino ang Kumatha nang Florante, nabanggit niya at ipinagtanggol si Bonifacio at ang Katipunan laban sa mga taong sumisira sa Rebolusyong 1896 at sa mahalagang papel na ginampanan ni Bonifacio.

Naging tagapagtatag at patnugot siya ng dalawang publikasyon sa mga unang taon ng pananakop ng mga Amerikano. Ito’y ang pahayagang Ang Mithi at ang magasing Katubusan. Magkasama rin sila ni Lope K. Santos sa serye ng mga artikulong sosyalista hinggil sa paggawa sa pahayagang Muling Pagsilang. Dito rin sa Muling Pagsilang nalathala ng serye noong 1905 ang unang nobelang sosyalista sa bansa, ang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos, na naisaaklat noong 1906.

Isa siya sa mga tagapagtatag at naging kalihim ng Union Obrero Democratico (UOD) noong 1902. Isa siya sa mga alagad ni Isabelo delos Reyes, ang tinaguriang Ama ng Kilusang Paggawa sa Pilipinas, sa pagpapakalat ng diwang manggagawa sa bansa. Bilang isang tunay na lider-manggagawa, pinag-ukulan ni Hermenegildo Cruz ng buong panahon ang kilusang manggagawa sa Pilipinas. Inorganisa niya noong 1904 ang Union de Litografos y Impresores de Filipinas (ULIF). Siya rin ang unang pangulo ng Union de Impresores de Filipinas (UIF) na itinayo ni Crisanto Evangelista noong 1906. Noong Mayo 1, 1913, itinatag ang Congreso Obrero de Filipinas (COF), na siyang pinamalaking samahang manggagawa sa bansa ng panahong iyon, at unang pinamunuan ni Hermenegildo Cruz.

Bilang pagkilala sa kanyang mahahalagang ambag sa kilusang paggawa, naimbitahan siyang maglingkod sa pamahalaan at naitalaga bilang auxilliary Director of Labor noong 1918, naging interim Director of Labor noong 1922, at naging Director of Labor hanggang sa magretiro siya noong 1935. Pagkatapos noon, nagsilbi siya bilang technical adviser on labor matters kay Pangulong Manuel L. Quezon, at naging kinatawan din siya ng sektor ng paggawa sa National Sugar Board. Namatay siya sa Maynila noong Marso 21, 1943.

Mga pinaghalawan: (a) Chapter 1 ng aklat na Poet of the People: Francisco Balagtas and the Root of Filipino Nationalism, ni Fred Sevilla, at inilathala ng Philippine Centennial Commission; (b) aklat na Mga Tinig mula sa Ibaba ni Teresita Gimenez Maceda.

Biyernes, Mayo 2, 2008

Monologo ng Manggagawa - ni Roberto "Bobet" Mendoza

MONOLOGO NG MANGGAGAWA
ni Roberto "Bobet" Mendoza

mula sa aklat na "BANGON: Antolohiya ng mga Dulang Mapanghimagsik, pahina 575-579

(Ang tulang ito, na may labing-apat na pantig bawat taludtod, ay sinulat bilang bahagi ng mahabang dulang may pamagat na “Kuwatro Kantos” at isinadula ng Teatro Pabrika, 1995)

Naging balon ng luha mga mata ni Inang;
Kalungkuta'y bakas naman sa mukha ni Tatang;
Maliliit kong kapatid ay nakatingin lang,
Habang ako sa kanila ay nagpapaalam.

Masakit sa loob kong sa kanila'y malayo
Ngunit mga pangarap ko'y di dapat maglaho
Buo ang paniniwalang ito'y matatamo,
Sa Maynilang kilala at nakararahuyo.

Ako nga ay lumisan sa aming lalawigan;
Ang trabahong bukid ay akin nang iiwanan;
At maging si Tatang ay di na mananakahan;
Buong pamilya’y hahanguin sa kahirapan.

Sa barko pa lamang ay di na ‘ko mapakali;
Kinakab’han dahil ‘di alam ang mangyayari;
Kahit may pananabik takot ang nakakubli;
Sa likod ng pag-asa’t pangako sa sarili.

Sa wakas, sa wakas narating ko ang Maynila;
Punong-puno ng tao kahit saan luminga;
Sa sari-saring amoy ikaw ay magsasawa;
Kaya kailangan ay matibay na sikmura.

Agad kong hinanap ang lugar na tutuluyan
Na ibinilin sa akin ng pinsan ni Tatang;
Nagtanong-tanong pa ako sa kung saan-saan;
Sa tsuper, sa pulis, mga tambay sa tindahan.

Sa pinagtatanunga’y aking ipinakita
Ang tangan kong papel iniwan ni Nana Ella
Na nagsasaad kung saan siya nakatira
Kung kaya’t narating, makipot na eskinita.

Nakakakaba ang makitid na daraanan
Dikit-dikit ang bahay halos walang pagitan
Mga tagarito sa aki’y nagtitinginan
Lalo na ang mga lalaking nag-iinuman.

Naglakas-loob akong huwag na lang pansinin,
At sa halip ay nagtuon sa dapat marating
‘Di pa nagtatagal, may kumakaway sa akin
Ang Nana ko palang sa tuwa’y halos magbitin.

Sinalubong ko siya ng ngiti’t pagtataka;
Dahil ang asa ko, ang bahay niya’y maganda
Ngunit ang katotohana’y barung-barong pala
At ito’y nasa tabi ng bundok ng basura.

Matamang minasdan ko ang aking Nana Ella
Ibang-iba siya noong huli kong makita
Kumikinang sa alahas, todo ang pustura
Ngayo’y mukhang ginahasa ng kabayong mola.

Ano pa ba’ng magagawa kundi ang tumigil
Sa paligid na ito na nakahihilahil
Taglay ang pag-asa at walang makakapigil
Na hinding-hindi na muling sa bukid hihimpil.

Hindi nagtagal ako’y naghanap ng trabaho
Pinupuntahan ang mga anunsyo sa dyaryo
Binabasang lahat, paskil na madaanan ko
Ngunit iisang sagot: “Walang bakante dito.”

Tanggapin na nyo ako’t marami akong alam
Sanay ako sa hirap, ang lakas ko’y kay inam;
Maghalo man ng semento, magpukpok, magkatam
Gagawin ko’ng lahat, ‘wag lang tiyan ko’y kumalam.

Dahil sa ‘king kakulitan, ako ay natanggap
Sa pabrika ng feeds ako’y naging tagabuhat
Ngunit anong malas, ako’y pinantal, sinugat
Ngunit naranasan ko ang kakaibang hirap.

Hinintay ko na lamang ang maliit kong sweldo;
Upang makapagpagamot kahit papaano
Ngunit ang takdang araw upang makuha ito
Sadyang pagkatagal-tagal at pabagu-bago.

Sa pangyayaring ito’y di na nga nakatiis
Nilapitan ang bisor at nagtanong kung bakit?
‘Wag daw akong magreklamo’t bawal ang makulit
Kaya’t sa trabaho, agad akong pinaalis.

Kaya ako ay muling naghanap ng trabaho
Sa pabrika ng sapatos, na-regular ako
At dito’y agad akong naging isang miyembro
Ng unyong di ko malaman ang layuning gusto.

Hindi nagtagal at akin nang naunawaan
Ang unyon pala’y para sa aming karapatan
Sahod at benepisyo’y dapat makatarungan
Makakamit lamang ito kung ipaglalaban.

Sa gawaing pag-unyon ako’y naging aktibo
Unti-unting nasasagot ang mga tanong ko
Nalaman ang dahilan maging ang puno’t dulo
Ng lahat ng kaapihan sa lipunang ito.

Ang pagsasamantala ang ugat ng problema
Nang aking matuklasan ay agad na nagpasya
Na kumilos nang lubos di lamang sa pabrika
Sa labas ma’y kaydaming dapat iorganisa.

Naging matagumpay ang aking mga gawain
Sa mga pagawaan ay nagpasalin-salin
Hangad ang pag-uunyo’y lalong pag-ibayuhin;
Buo ang hangaring ang kalayaan ay kamtin.

Sa mga kapitalista ako ay uminit
Mayr’ong nakikiusap at mayr’ong nangungulit,
Mayr’on ding nanunuhol at nananakot pilit
Pag ‘di daw ako tumigil ako’y ililigpit.

Dahil sa batid kong ako ay nasa matuwid
Hindi ako natinag at ni hindi nanginig
Ako’y naniniwala na nasa aking panig
Ang katarungang sa manggagawa’y aking hatid.

Papauwi na ako mula sa aming pulong
Ang lansanga’y mala-dagat noong gabing iyon
Sa tubig-ula’t putik, swelas ko’y bumabaon,
Nang biglang sa aki’y may sasakyang sumalubong.

Hinablot agad ako’t inginudngod sa putik
Ng mga lulan nitong pawang mababalasik
Tinadyakan ako at namilipit sa sakit,
Ulirat ko’y nawala’t lubusang natahimik.

Nang ako’y magising sa silya na’y nakatali
Sa madilim na silid na hindi ko mawari
Kahit anong isip ko’y iisa’ng sumasagi
Nasa bahay akong kalupita’y naghahari.

Umilaw ang bombilya sa may aking ulunan
At mayro’ng pumasok na di ko maaninawan
Paglapit sa akin, ako ay sinikmuraan
Sinampal, pinaso, kinalikot ang katawan.

Ang bawat parusang iginagawad sa akin
Ng mga dyablong itong lubhang mapang-alipin
May kasamang katanungang dapat kong sagutin,
Sumagot ka’t hindi ay tatamaan ka pa rin.

“Di ba ikaw ay rebelde’t isang subersibo?”
“Hindi! Wala akong alam!” ang laging sagot ko
Sila ay lalong bumangis at sinila ako
Kaya’t ako’y nawalang muli ng malay-tao.

Muli akong nagising sa kaibang paligid
Malawak na lupaing mayro’ng mga talahib
Para bang ako ay nagbalik sa aming bukid
Hinihintay ng magulang at mga kapatid.

Ako ay kinalagan ng mga mapandahas
Pinatakbo ako kahit na magkandadulas
Gawin ko raw ito kung nais kong makaligtas
Baka sakaling sa bala ako’y makaiwas.

Tumalima ako at tumakbo papalayo
‘Di pa nagtatagal at sumunod na ang punglo
Ang damo at talahib ay dinilig ng dugo
Payak at bagong pangarap, ngayo’y naglalaho.

Sa ‘king paghalik at pagyakap dito sa lupa
Sana’y may magpatuloy nitong aking nagawa
Ang paglingkuran at mahalin ang ating kapwa
Uri at Inang Baya’y ganap na mapalaya.