Miyerkules, Enero 25, 2012

Maikling Kwento: Ang Apat na Sikreto ng Sahod

ANG APAT NA SIKRETO NG SAHOD

Maikling Kwento

ni Gregorio V. Bituin Jr.


Maaliwalas ang umaga. Walang nakalambong na ulap sa bughaw na langit. Tila kaysarap ng simoy ng hangin bagamat nasa lungsod ang lugar na puno ng polusyon. Imbes na huni ng mga ibon ay pawang harurot ng traysikel ang bumubulabog sa katahimikan ng lugar.


Gising na ang mga manggagawa sa piketlayn, habang may ilang di pa makatayo sa pagkagupiling dahil na rin sa pagod sa nagdaang araw. Nagdagsaan kasi kahapon ang mga manggagawang kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Metro East Labor Federation, at ang pederasyon ng mga nakapiket, ang Super Federation, na siyang mayhawak ng kaso ng nakawelgang unyon.


Nagsibangon na ang ilang lider dahil sa maagang pagdating ng mga kabataang estudyante mula sa grupong Piglas-Kabataan o PK. Ang mga ito'y mga anak ng mga lider-maralita ng Zone One Tondo Organization (ZOTO) at ng pederasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML). Bakasyon noon at isa sa gawain ng mga kabataan ang integrasyon sa hanay ng mga manggagawa, na taun-taon nilang ginagawa, at nais din nilang kapanayamin ang mga lider ng unyon para sa kanilang munting dyaryong Piglas. Bakit nga ba nakawelga ang mga manggagawa? Gaano nga ba kahirap ang buhay sa piketlayn?


"Magandang araw po!" ang bati ni Magda, ang lider ng may pitong kabataang dumalaw sa piketlayn. "Kami po ang mga lider-kabataan mula sa Piglas-Kabataan. Narito po kami upang makapanayam kayo, at kahit po sa munting panahon ay makipamuhay sa inyo."


"Ako nga pala si Lena, ang pangulo ng unyon dito sa pabrika. Mabuti naman at napadalaw kayo. Kumain na ba kayo? Pagpasensyahan nyo muna ang aming agahan, sinangag, tuyo at kamatis."


"Salamat po. Katatapos lang po namin. Bakit po kayo nakapiket ngayon?"


"Nagpiket kami dahil tinanggal kami sa trabaho bilang regular. Ang sabi ng manedsment, pwede naman daw kaming muling i-rehire pero gagawin na kaming mga kontraktwal. Ang gumagawa ngayon ng aming trabaho ay yaong mga totoong kontraktwal, kaya kaming mga regular na siyang dapat mayhawak ng mga makina ay narito't nakapiket."


Siya namang pagdating nina Vilma at Nora, pawang mga instruktor hinggil sa kalagayan ng paggawa.


"Sandali, Magda, ha? Kumustahin ko muna sila." ani Lena. "Kumusta na, Vi at Nors? Sila nga pala yung mga kabataang estudyante sa pangunguna ni Magda. Baka pwedeng makasama rin sila sa idaraos nating pag-aaral ngayon."


"Kumusta?" sabay abot ng kamay. "May idaraos nga pala kaming pag-aaral ngayon, tungkol ito sa paksang Puhunan at Paggawa. Dalo sana kayo."


"Mabuti naman po kami. Mabuti po at may pag-aaral na idaraos, makikinig kami. Alam naming anumang butil ng kaalamang aming matamo mula sa mga manggagawa ay malaking punong mabunga na ang aming makakamit."


"O, paano po? Maliit lang naman itong lugar natin kaya tiyak namang magkakarinigan tayo." ani Vi.


Katatapos lamang mag-almusal ng mga manggagawa, kaya naghanap na sila ng maayos na pwesto para sa pag-aaral. Inilatag ni Nora ang manila paper at tumambad sa mga manggagawa ang pamagat na malaking nakasulat: Puhunan at Paggawa. Ang mga estudyante naman ay naupo na rin upang matamang makinig.


"Mga kasama, isang magandang umaga sa ating lahat,” ang bungad ni Vilma. “Tayo ay nabubuhay sa ilalim ng kapitalistang lipunan. Ibig sabihin, ang sistema ng lipunan ay katulad din ng sistema sa pabrika. Pagkat sa pabrika, sistemang kapitalismo ang pinaiiral. Suriin natin ang buhay sa pabrika. Tumatakbo ang buhay sa pabrika sa pamamagitan ng dalawang mayor na aspeto: ang puhunan at ang paggawa. Ibig sabihin, hindi pwedeng isa lang sa kanila. Ang kapitalista ang siyang may-ari ng pabrika at siyang namuhunan sa makina, hilaw na materyales, at nagbabayad sa sahod ng manggagawa, at ang manggagawa naman ang nagbebenta ng lakas-paggawa upang tumakbo ang pabrika."


"Sila po pala ang may-ari, e, di sila po ang mapagpasya sa kumpanya", ang sabad ni Ato, isa sa mga estudyante.


"Alam nyo ba na di tatakbo ang pabrika kung wala ang manggagawa? Anumang gawin ng kapitalista sa kanyang pera, makina at hilaw na materyales, hindi sila kikita. Di tutubo ang pera, kakalawangin lang ang makina, at baka masira lang ang mga hilaw na materyales. Tatakbo lang iyan at tutubo lang ang kapitalista kapag pinagalaw na ng manggagawa ang mga makina," paliwanag ni Vilma.


"Ibig sabihin po pala, tatakbo lang ang pabrika kasi nariyan ang manggagawa," sabad muli ni Ato.


"Tama ka. Kung walang manggagawa, di tatakbo ang pabrika, ngunit pwedeng tumakbo ang pabrika kahit walang kapitalista. Makagagawa ng produkto ang mga manggagawa dahil sa kanilang lakas-paggawa na siyang binibili naman ng kapitalista, at ang pambayad sa presyo ng lakas-paggawa ng manggagawa ang tinatawag na sahod."


Tatangu-tango sina Magda, pati na si Lena at ang iba pang manggagawa.


"Alam nyo ba na may apat na sikreto ang kapitalista hinggil sa usaping sahod. Una, tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ang turing sa manggagawa ay ordinaryong kalakal. Ibig sabihin, ang halaga ng lakas-paggawa ang siyang presyong binabayaran ng kapitalista, at ang tawag sa presyong ito ay sahod. Ikalawa, tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ito ay kapital. Ang sahod ay hindi lang panggastos ng manggagawa para siya mabuhay. Ito mismo ay gastos ng kapitalista para umandar ang kanyang negosyo at lumago ang kanyang kwarta. Ibig sabihin, ito ang pinakaimportanteng bahagi ng kanyang kapital," paliwanag pa ni Vilma.


"Di po ba, kaltas sa puhunan ng kapitalista ang sahod? Bakit ito ang pinakaimportante sa kapitalista, gayong kabawasan nga ito?" Malalim ang pagsusuri ni Magda.


"Magandang tanong," ani Vilma. "Ganito iyan. Ang sahod bilang pera, kapag ginastos na ng manggagawa, ay nauubos. Pero sa kapitalista, ang sahod ding ito, habang ginagastos ng kapitalista, ay lumalago. Bakit ka'nyo? Maliit lang kasi ang gastos sa sahod ng manggagawa kumpara sa tubo ng kapitalista. Magbigay tayo ng halimbawa."


Inilatag na agad ni Nora ang isa pang manila paper, at natambad sa mga manggagawa't kabataan ang isang kompyutasyon. Pulos numero sa kanang bahagi, habang sa kaliwang bahagi naman ang kumakatawan sa mga numero.


"Suriin natin ang mga datos batay sa kompyutasyon sa kita ng kumpanyang Goldi. Sa isang departamento nila, nakakagawa ang mga manggagawa ng 12,000 rolyo ng cake bawat araw, sa loob ng 3 shift. Ibig sabihin, may 4,000 cake ang nagagawa sa bawat shift. Ang halaga ng bawat cake sa merkado ay P200. May kabuuang 106 na manggagawa na sumasahod ng P450 sa loob ng walong oras na paggawa, mas mataas ng kaunti sa minimum wage ngayon na P426 dito sa National Capital Region," paliwanag ni Vilma, habang matamang nakikinig at nakatitig ang mga manggagawa sa mga numero, nagsusuri.


"I-multiply natin. Ang halaga ng kabuuang rolyo ng cake ay P2,400,000.00; mula 12,000 rolyo ng cake times P200.00 halaga ng bawat cake. Gumastos ngayon ang kumpanya ng sahod na P47,000.00 lamang, mula sa komputasyong P106 manggagawa times P450.00 na sahod kada araw. Ibawas natin ang kabuuang benta ng cake: 2,400,000.00 minus sahod na P47,700.00, ang kita ng kumpanya o gross profit ay P2,352,300.00. Ibawas na rin natin dito ang gastos sa buwis, bayad sa kuryente at tubig, gastos sa depresasyon ng makina, at hilaw na materyales, na nasa kalahati o 50% ng kita. Mula sa gross profit P2,352,300.00 (kita minus sahod) ibabawas ang kalahati nito o 50%, ang kita ng kumpanya ay P1,176,150.00 sa isang buong araw. O, di ba, malaki ang tubo ng kumpanya. Paano kung i-multiply mo pa ito sa isang buwan? E, di limpak-limpak na tubo ito, kumpara sa gastos nila sa sahod," mahabang paliwanag ni Vilma. Nakakunot naman ang noo ng mga nakikinig. Halatang nagsusuri.


"Mula sa kompyutasyon sa itaas ay dadako naman tayo sa ikatlong katotohanan ng sahod. Tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ito ang pinanggagalingan ng tubo ng kapitalista. Ang gastos sa sahod ang siyang porsyon ng kapital na pinanggagalingan ng tubo. Sa madaling salita, ang porsyong ito ng kapital ay walang ambag sa produksyon na ginastos para sa materyales at makina. Ito ang misteryo at mahika ng kapitalismo. At panghuli sa apat na katotohanan hinggil sa sahod, ang nagpapasahod talaga sa manggagawa ay ang mismong manggagawa," dagdag pa ni Vilma. "Halina't muli tayong mag-kompyut." Inilatag ang isa pang manila paper.


"Sa P2,400,000.00 kita ng kumpanya sa isang araw, hatiin natin ito sa 106 manggagawa. Lumalabas na bawat manggagawa ay kumikita ng P22,641.51 sa bawat araw o walong oras niyang pagtatrabaho. Hatiin natin bawat oras ang halagang ito: P22,641.51 divided by 8 oras, pumapatak itong P2,830.19 bawat oras. Ibig sabihin, mahigit dalawang libong piso na ang kita ng bawat manggagawa sa isang oras niyang pagtatrabaho. Hatiin natin ito sa bawat minuto: P2,830.19 divided by 60 minuto. Lumalabas na sa bawat minuto sumasahod ang manggagawa ng halagang P47.17. At kung hahatiin naman ito sa bawat segundo: P47.17 divided by 60 segundo, lumalabas na sa bawat segundo ay may 79 sentimo ang manggagawa," mahabang talakay muli ni Vilma.


Sumabad si Magda na noon din ay nagkokompyut sa papel, "Ibig sabihin po pala, sa P450 sahod ng manggagawa, kung hahatiin sa P47.17 kita niya bawat minuto, lumalabas pong sa loob lamang ng 9.5 minuto ay nakuha na ng manggagawa ang kanyang sahod. At ang natitirang pitong oras at 50.5 minuto ay sa kapitalista na napunta. Nakagagalit naman ang ganyang katusuhan ng kapitalista. Dapat nga po talagang lumaban ang mga manggagawa"


"Tama ka, Magda. Iyan ang halaga ng di bayad na oras ng paggawa. Ibig sabihin, malaki talaga ang tinutubo ng kapitalista sa bawat araw, at mumo lang ang natatanggap ng manggagawa," ani Vilma. "Okey, mga kasama, uulitin ko, ha. Ang apat na lihim ng kapitalismo hinggil sa sahod ay ang apat na katotohanang pilit itinatago nila sa manggagawa. Ang sahod ay presyo. Ang sahod ay kapital. Ang sahod ang pinanggagalingan ng tubo. At ang huli, ang sahod ay galing mismo sa manggagawa. Napakaliit na nga ng naibibigay sa manggagawa, nais pang baratin ng kapitalista upang humamig pa ng humamig ng tubo."


Nagtanong si Jose, isa pa sa mga kasamang estudyante ni Magda. "Bakit po nakapako kasi ang sweldo ng manggagawa sa P450, di po ba pwede namang taasan ito? Mga P1,000 sa isang araw, para kahit papaano naman ay mabuhay naman ng maayos ang pamilya ng manggagawa. Sa pagkakaalam ko, P1,000 ang sinasabi ng NEDA na halagang makabubuhay sa isang pamilya."


Si Nora naman ang sumagot, "Alam nyo, ang minimum wage ay tinatakda mismo ng gobyerno sa pamamagitan ng Minimum Wage Law, at pinapatupad ito ng Regional Wage Board. Mga kapitalista ang mayorya sa Kongreso na siyang nagpasa ng batas na ito, kaya anong aasahan natin, kundi pawang mga batas na pabor sa kanilang uri, pabor sa kapwa nila kapitalista. Bihira nga ang mga batas ngayong talagang kampi sa manggagawa."


Pinutol ni Vilma ang talakayan, "Sa ngayon ay iyan muna ang ating tatalakayin. May kasunod pa tayong paksa hinggil naman sa kapitalistang lipunan."


"Pinagnilayan ko pong mabuti ang mga paliwanag ninyo. Tama at lohikal. Nuong bata pa po ako ay nagtataka na kung bakit kung sinong masisipag ang siyang naghihirap, tulad ng aking amang magsasaka sa probinsya na madaling araw pa lang ay gising na para bisitahin ang bukid at mag-araro. Napakasipag pero mahirap pa rin kami. Sa ngayon po, nagpapasalamat po kaming muli sa aming mga natutunan,” ani Magda, “Handa po kaming kumuha ng iba pang pag-aaral. Naniniwala po kaming ang mga manggagawa na siyang gumagawa ng yaman ng lipunan ay di dapat naghihirap.”


Katanghaliang-tapat na kaya nagyaya na si Lena kina Magda, "O, siya. Naghanda na kami ng ating pananghalian. Kumain muna tayo at saka natin ipagpatuloy ang ating naudlot na kwentuhan kanina."


"Sige po." At masaya nang nagsikuha ng kani-kanilang mga pagkain ang mga kabataang estudyante, kasama ang mga unyonistang ilang araw na ring nakapiket.

Huwebes, Enero 19, 2012

Ang "Monologo ng Manggagawa" ni Roberto "Bobet" Mendoza

ANG "MONOLOGO NG MANGGAGAWA" NI ROBERTO "BOBET" MENDOZA

ni Gregorio V. Bituin Jr.


Mapalad ako't nabili ko sa halagang P100 lamang ang aklat na "BANGON: Antolohiya ng mga Dulang Mapanghimagsik" na sale sa UP Press Bookstore noong Disyembre 14, 2007. Ang nasabing aklat ay binubuo ng 760-pahina, at may sukat na 7" ang lapad at 10" ang taas. Sa kapal na ito'y baka mahigit P500 ito sa iba pang bookstore. Buti na lamang at natsambahan kong nagbaratilyo ng libro ang UP Press Bookstore na nasa unang palapag ng Balay Kalinaw sa UP Diliman.


Klasik ang librong ito at collector's item na kung tutuusin, dahil ito'y katipunan ng mga dulang nilikha mismo ng mga manggagawa mula sa pabrika, mga dulang tinipon sa loob ng tatlong dekadang singkad, mula 1967 hanggang 1997. Inilathala ang aklat na ito ng Office of Research Coordination ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod ng Quezon noong 1998, kung saan ang mga patnugot ng aklat na ito'y sina Glecy C. Atienza, national artist for literature Bienvenido L. Lumbera, at Galileo S. Zafra.


Nang makita ito ni Apo Chua, isang UP professor, awtor ng libro at tagapayo ng Teatro Pabrika, tinanong agad niya sa akin kung nabasa ko na sa librong ito ang tula ni Bobet Mendoza, na isang kasapi rin ng Teatro Pabrika. Ang sabi ko'y hindi pa, at itinuro niya sa akin ang "Monologo ng Manggagawa" sa mahabang dulang "Kuwatro Kantos", na mula pahina 559 hanggang 606. Sinabi niyang basahin ko raw ang tulang ito ni Bobet Mendoza at magugustuhan ko. Kung gayon, si Bobet Mendoza ang tinutukoy sa pambungad ng dulang "Kuwatro Kantos" kung saan nakasulat: "Ang mahabang "Monologo ng Manggagawa" sa dulo ng unang eksena ay nakabatay sa monologo na laging itinatanghal noon ng isang naunang miyembro ng Tanghalang Silangan." Matatagpuan ang nasabing tula sa pahina 575-579 ng nasabing aklat. Matagal ko na ring nakilala si Bobet Mendoza dahil isa siya sa mga mang-aawit at naggigitara para sa Teatro Pabrika, na siya ring grupong pangkultura ng sosyalistang organisasyon at pampulitikang sentro ng uring manggagawa, ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).


Gayunpaman, sa aklat ay walang eksaktong nakalagay kung sino ang tiyak na may-akda ng mahabang tulang "Monologo ng Manggagawa" at tanging ang may awtor ay yaong buong dulang "Kuwatro Kantos" na nakasulat sa pambungad: "Sinulat ito nina Glecy Atienza, Roberto Mendoza at ng Teatro Pabrika Writers' Pool."


Isang trahedya ang tula, na nang dahil sa kahirapan sa lalawigan ay pinangarap ng isang karaniwang tao na maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya, ngunit lagim ang kanyang sinapit sa huli.


Nagsimula ang tula sa paglisan ng manggagawa sa kanilang lalawigan upang magtrabaho sa Maynilang anya'y nakararahuyo. Lumuwas siya ng Maynila't nahanap ang barungbarong na tahanan ng kanyang Nana Sela. Naghanap siya ng trabaho't nakapasok sa pabrika ng pakain sa hayop, ngunit umalis din upang mapasok naman sa isang pabrika ng sapatos. Naging kasapi siya ng unyon at naging aktibo sa mga gawain doon, dahil naniniwala siyang dapat maging makatarungan ang kapitalista sa ibinibigay na sahod at benepisyo sa manggagawa. Hanggang kumilos na rin siya sa labas ng pabrika upang organisahin ang iba pang manggagawa. Ngunit naging mainit siya sa mga kapitalista.


Papauwi na ang manggagawang iyon mula sa isang pagpupulong nang hinablot siya ng kung sinong mga buhong at ipinasok sa sasakyan. Dinala sa isang talahiban, at doon naalala ng manggagawa ang iniwan niyang lalawigan pati na mga magulang at kapatid na naghihintay. Ngunit iyon na pala ang kanyang katapusan.


Tinortyur siya ng mga kumuha sa kanya hanggang siya'y pinatakbong pilit. Tumalima naman siya sa pag-aakalang siya'y makakatakas. Ngunit paano niya matatakasan ang putok ng baril? Sa huling hibla ng kanyang hininga'y umaasa siyang sana'y may magpatuloy pa ng kanyang marangal na adhikain para sa mga manggagawa.


Napakaganda ng salaysay ni Mendoza, at sinuman ang makababasa nito, sa wari ko'y maghihimagsik dahil sa kawalang katarungang sinapit ng manggagawa. Maganda ang pagkakahawak ni Mendoza sa tugma't sukat. Apat na taludtod ang bawat saknong, habang lalabing-apatin ang pantig ng bawat taludtod, bagamat di siya naging masinsin sa pagtiyak ng sesura o hati sa gitna ng tula, na dapat ay may hati sa ikapitong pantig, na sa kabuuan ng tula'y di sumusunod sa ganito. Gayunpaman, di na ito gaano pang mapapansin ng mga mambabasang di pamilyar sa batas ng tugma't sukat, at di na rin papansinin ng sinumang makikinig o manonood sa monologo, dahil sa mas mapapansin nila ang indayog at emosyon ng pagkakasalaysay ng tula.


Isang taas-noo at taas-kamaong pagbati ang iniaalay ko sa makatang ito ng uring manggagawa. Sadyang kalulugdan siya at maoorganisa niya ang mga unyonista't karaniwang manggagawa sa tula niyang ito. Mabuhay ka, kasamang Bobet!


Halina't ating namnamin ang kabuuan ng 34-saknong na tula.



MONOLOGO NG MANGGAGAWA

ni Roberto "Bobet" Mendoza, Teatro Pabrika


Naging balon ng luha mga mata ni Inang;

Kalungkuta'y bakas naman sa mukha ni Tatang;

Maliliit kong kapatid ay nakatingin lang,

Habang ako sa kanila ay nagpapaalam.


Masakit sa loob kong sa kanila'y malayo

Ngunit mga pangarap ko'y di dapat maglaho

Buo ang paniniwalang ito'y matatamo,

Sa Maynilang kilala at nakararahuyo.


Ako nga ay lumisan sa aming lalawigan;

Ang trabahong bukid ay akin nang iiwanan;

At maging si Tatang ay di na mananakahan;

Buong pamilya’y hahanguin sa kahirapan.


Sa barko pa lamang ay di na ‘ko mapakali;

Kinakab’han dahil ‘di alam ang mangyayari;

Kahit may pananabik takot ang nakakubli;

Sa likod ng pag-asa’t pangako sa sarili.


Sa wakas, sa wakas narating ko ang Maynila;

Punong-puno ng tao kahit saan luminga;

Sa sari-saring amoy ikaw ay magsasawa;

Kaya kailangan ay matibay na sikmura.


Agad kong hinanap ang lugar na tutuluyan

Na ibinilin sa akin ng pinsan ni Tatang;

Nagtanong-tanong pa ako sa kung saan-saan;

Sa tsuper, sa pulis, mga tambay sa tindahan.


Sa pinagtatanunga’y aking ipinakita

Ang tangan kong papel iniwan ni Nana Ella

Na nagsasaad kung saan siya nakatira

Kung kaya’t narating, makipot na eskinita.


Nakakakaba ang makitid na daraanan

Dikit-dikit ang bahay halos walang pagitan

Mga tagarito sa aki’y nagtitinginan

Lalo na ang mga lalaking nag-iinuman.


Naglakas-loob akong huwag na lang pansinin,

At sa halip ay nagtuon sa dapat marating

‘Di pa nagtatagal, may kumakaway sa akin

Ang Nana ko palang sa tuwa’y halos magbitin.


Sinalubong ko siya ng ngiti’t pagtataka;

Dahil ang asa ko, ang bahay niya’y maganda

Ngunit ang katotohana’y barung-barong pala

At ito’y nasa tabi ng bundok ng basura.


Matamang minasdan ko ang aking Nana Ella

Ibang-iba siya noong huli kong makita

Kumikinang sa alahas, todo ang pustura

Ngayo’y mukhang ginahasa ng kabayong mola.


Ano pa ba’ng magagawa kundi ang tumigil

Sa paligid na ito na nakahihilahil

Taglay ang pag-asa at walang makakapigil

Na hinding-hindi na muling sa bukid hihimpil.


Hindi nagtagal ako’y naghanap ng trabaho

Pinupuntahan ang mga anunsyo sa dyaryo

Binabasang lahat, paskil na madaanan ko

Ngunit iisang sagot: “Walang bakante dito.”


Tanggapin na nyo ako’t marami akong alam

Sanay ako sa hirap, ang lakas ko’y kay inam;

Maghalo man ng semento, magpukpok, magkatam

Gagawin ko’ng lahat, ‘wag lang tiyan ko’y kumalam.


Dahil sa ‘king kakulitan, ako ay natanggap

Sa pabrika ng feeds ako’y naging tagabuhat

Ngunit anong malas, ako’y pinantal, sinugat

Ngunit naranasan ko ang kakaibang hirap.


Hinintay ko na lamang ang maliit kong sweldo;

Upang makapagpagamot kahit papaano

Ngunit ang takdang araw upang makuha ito

Sadyang pagkatagal-tagal at pabagu-bago.


Sa pangyayaring ito’y di na nga nakatiis

Nilapitan ang bisor at nagtanong kung bakit?

‘Wag daw akong magreklamo’t bawal ang makulit

Kaya’t sa trabaho, agad akong pinaalis.


Kaya ako ay muling naghanap ng trabaho

Sa pabrika ng sapatos, na-regular ako

At dito’y agad akong naging isang miyembro

Ng unyong di ko malaman ang layuning gusto.


Hindi nagtagal at akin nang naunawaan

Ang unyon pala’y para sa aming karapatan

Sahod at benepisyo’y dapat makatarungan

Makakamit lamang ito kung ipaglalaban.


Sa gawaing pag-unyon ako’y naging aktibo

Unti-unting nasasagot ang mga tanong ko

Nalaman ang dahilan maging ang puno’t dulo

Ng lahat ng kaapihan sa lipunang ito.


Ang pagsasamantala ang ugat ng problema

Nang aking matuklasan ay agad na nagpasya

Na kumilos nang lubos di lamang sa pabrika

Sa labas ma’y kaydaming dapat iorganisa.


Naging matagumpay ang aking mga gawain

Sa mga pagawaan ay nagpasalin-salin

Hangad ang pag-uunyo’y lalong pag-ibayuhin;

Buo ang hangaring ang kalayaan ay kamtin.


Sa mga kapitalista ako ay uminit

Mayr’ong nakikiusap at mayr’ong nangungulit,

Mayr’on ding nanunuhol at nananakot pilit

Pag ‘di daw ako tumigil ako’y ililigpit.


Dahil sa batid kong ako ay nasa matuwid

Hindi ako natinag at ni hindi nanginig

Ako’y naniniwala na nasa aking panig

Ang katarungang sa manggagawa’y aking hatid.


Papauwi na ako mula sa aming pulong

Ang lansanga’y mala-dagat noong gabing iyon

Sa tubig-ula’t putik, swelas ko’y bumabaon,

Nang biglang sa aki’y may sasakyang sumalubong.


Hinablot agad ako’t inginudngod sa putik

Ng mga lulan nitong pawang mababalasik

Tinadyakan ako at namilipit sa sakit,

Ulirat ko’y nawala’t lubusang natahimik.


Nang ako’y magising sa silya na’y nakatali

Sa madilim na silid na hindi ko mawari

Kahit anong isip ko’y iisa’ng sumasagi

Nasa bahay akong kalupita’y naghahari.


Umilaw ang bombilya sa may aking ulunan

At mayro’ng pumasok na di ko maaninawan

Paglapit sa akin, ako ay sinikmuraan

Sinampal, pinaso, kinalikot ang katawan.


Ang bawat parusang iginagawad sa akin

Ng mga dyablong itong lubhang mapang-alipin

May kasamang katanungang dapat kong sagutin,

Sumagot ka’t hindi ay tatamaan ka pa rin.


“Di ba ikaw ay rebelde’t isang subersibo?”

“Hindi! Wala akong alam!” ang laging sagot ko

Sila ay lalong bumangis at sinila ako

Kaya’t ako’y nawalang muli ng malay-tao.


Muli akong nagising sa kaibang paligid

Malawak na lupaing mayro’ng mga talahib

Para bang ako ay nagbalik sa aming bukid

Hinihintay ng magulang at mga kapatid.


Ako ay kinalagan ng mga mapandahas

Pinatakbo ako kahit na magkandadulas

Gawin ko raw ito kung nais kong makaligtas

Baka sakaling sa bala ako’y makaiwas.


Tumalima ako at tumakbo papalayo

‘Di pa nagtatagal at sumunod na ang punglo

Ang damo at talahib ay dinilig ng dugo

Payak at bagong pangarap, ngayo’y naglalaho.


Sa ‘king paghalik at pagyakap dito sa lupa

Sana’y may magpatuloy nitong aking nagawa

Ang paglingkuran at mahalin ang ating kapwa

Uri at Inang Baya’y ganap na mapalaya.