Huwebes, Hulyo 24, 2025

Di lang ulan ang sanhi ng baha

DI LANG ULAN ANG SANHI NG BAHA

natanto ko ang katotohanang
di lang pala sa dami ng ulan
kaya nagbabaha sa lansangan
kundi barado na ang daanan

ng tubig, mga kanal, imburnal
basura'y nagbarahang kaytagal
nang dahil sa ating mga asal
pagyayaring nakatitigagal

MMDA ay nakakolekta
ng animnaraang tonelada
ng samutsaring mga basura
magmula sa Tripa de Gallina

isang malaking pumping station
sa Lungsod Pasay, kaya ganoon
dapat talagang linisin iyon
tayo'y ayusin ang tinatapon

kapag mga ganyan ay barado
ang katubigan lalo't bumagyo
ay walang lalabasang totoo
di ba? kaya babahain tayo

panahon namang gawin ang dapat
basura'y huwag basta ikalat
maging responsable na ang lahat
lansangan ay huwag gawing dagat

- gregoriovbituinjr.
07.24.2025

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa at Bulgar, Hulyo 24, 2025, pahina 2

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento