HINDI RAW STROKE(?)
Laking ginhawa ang sinabi ni Doktora G. kaninang umaga hinggil sa kalagayan ni Liberty, ang aking asawa. Hindi raw stroke ang nangyari kay misis, dahil iba ang stroke kaysa venous thrombosis. Sa stroke daw, ang tinamaan ay arterial o ang ugat, samantalang kay misis ay may blood clot sa pagitan ng artery at vein.
Sa mga paliwanag na iyon, ang nangyari kay misis ay isang tipo ng stroke. Subalit ibang punto ang sinabi ni Dra. G. na nakapagbigay ng ginhawa sa amin. Iba ang stroke na tinatamaan ay arterial at iba ang blood clot sa pagitan ng artery at vein, o venous thrombosis na, ayon kay Dra. G., ay tumama kay misis. Bagamat ang epekto'y kapwa may napaparalisang bahagi ng katawan. Ayon sa pamangkin kong nagbabantay din kay misis, similar siya sa stroke, iba lang ang location. Kaya na-categorize siya as stroke.
Batay sa research sa internet, ang
venous thrombosis "is the blockage of a vein caused by a thrombus (blood clot). A common form of venous thrombosis is deep vein thrombosis (DVT), when a blood clot forms in the deep veins." https://en.wikipedia.org/wiki/Venous_thrombosis
Noong dinala namin si misis noong Abril 3 sa emergency room (ER) ng ospital, ang agad umattend na mga doktor at/o nars sa kanya ay may nakasulat sa likod ng jacket nilang blue na STROKE TEAM. Hindi na maigalaw ni misis ang kanyang kanang balikat, kanang braso, kanang kamay, kanang hita, kanang binti hanggang kanang paa. Kinagabihan nang inadmit na siya sa NCCU (NeuroCritical Care Unit). Hindi kami pinayagang magbantay doon.
Abril 8 nang inoperahan siya sa ulo dahil nakitang namamaga na ang utak at kailangang tanggalin ang buto sa kaliwang bahagi ng ulo, at isinabay na rin ang operasyon sa pagtanggal ng abscess o nana sa loob ng tiyan, na halos kalahating bote ng 330 ml na mineral bottle ang nakuha, nang pinakita ni Doktora C. ang litrato ng nakuhang abscess.
Abril 13 ng gabi ay inalis na siya sa NCCU at dinala sa Progressive Care Unit (PCU), at Abril 16 ay dinala na siya sa regular room. Abril 19 ay inilipat din ng kwatro na kinatigilan namin hanggang ngayon.
Nang tinanong ako ng panganay kong kapatid na babae, kung stroke ba ang nangyari kay Libay, ang sinagot ko ay oo. Dahil nga ang umattend sa kanya noong nasa ER pa siya ay nasa Stroke Team, at hindi na maigalaw ang kanang bahagi ng kanyang katawan. Tinanggal pa ang isang buto sa kaliwang bahagi.
Nasa dalawampu't limang doktor pala ang salitan na tumingin kay misis, batay sa kasalukuyang Statement of Account o SOA. Mas marami ito kaysa labing-apat na doktor niya noong nakaraang taon nang maospital siya ng 49 na araw dahil sa blood clot sa bituka.
Iba daw ang kalagayan ni misis. Kaya pala sinasabi ni Dra. G. na special case ang nangyari sa kanya nang maospital siya noong nakaraang taon sa blood clot sa bituka, at ngayon ay blood clot sa pagitan ng artery at vein.
Dahil kung arterial ang tinamaan ay baka hindi raw kaagad siya naka-recover. Kailangan talaga nating maunawaan at mabatid ang ganitong mga kaibahan, lalo na sa usaping medikal o kalusugan.
Pinagnilayan ko ito at ginawan ng tula:
HINDI RAW STROKE (?)
kaylaking ginhawa ang ipinaliwanag
ni Doktora na di raw istrok ang tumama
kay misis kundi may namuo roong dugo
sa ulo sa pagitan ng artery at vein
bagamat may pagkakapareho sa stroke
dahil naparalisa ang kanang bahagi
ng katawan, iba lamang daw ang lokasyon
salamat po, Dok, sa paliwanag na iyon
bagamat matagal ang rehabilitasyon
at physical at occupational therapy
dapat din naming aralin ang mga iyon
upang magamit at lagay niya'y bumuti
aktibistang Spartan man ako'y magiging
nars ni misis nang siya'y tuluyang gumaling
subalit dapat ding kumita ng salapi
upang may panggastos sa gamot at therapy
- gregoriovbituinjr.
06.02.2025