Huwebes, Disyembre 11, 2025

Pipikit na lang ang mga mata ko

PIPIKIT NA LANG ANG MGA MATA KO

pipikit na lang ang mga mata ko
upang matulog ng himbing na himbing
napapanaginipa'y paraiso
na lipunang makatao'y kakamtin

aba'y kayganda ng panaginip ko
na para bang ako'y gising na gising
umalwan ang buhay sa bansang ito
ginhawa ng dukha'y natamo na rin

wala nang namamayagpag na trapo
walang dinastiya't oligarkiya
na nagpapaikot ng ating ulo
na masa'y dinadaan sa ayuda

lipunan na'y binago ng obrero,
ng mga aping sektor ng lipunan
pagpupugay sa uring proletaryo
pagkat binago ang sandaigdigan

pipikit na lang ang mga mata ko
kung sa pagbaka'y napagod nang ganap
kung nais nang magpahinga ng todo
kung natupad na'y lipunang pangarap

- gregoriovbituinjr.
12.11.2025

Di magsasawang magrali hangga't may api

DI MAGSASAWANG MAGRALI HANGGA'T MAY API

abang makata'y di magsasawang magrali
misyon: gálit ng masa'y gatungang matindi
lalo't sa katiwalian di mapakali
ngingisi-ngisi lang ang mga mapang-api

"Ikulong na 'yang mga kurakot!" ang hiyaw
dahil sa mga buktot na trapong lumitaw
tingni ang bansa, parang gubat na mapanglaw
para bang masa'y tinarakan ng balaraw

huwag magsawang magrali hangga't may api
hangga't may mga trapo pang makasarili
at dinastiya'y naghahari araw-gabi
panahon nang lipulin silang mga imbi

di dapat manahimik, tayo nang kumilos
laban sa korap na trapong dapat maubos
baguhin ang sistema'y misyon nating lubos
upang bayan ay guminhawa't makaraos

- gregoriovbituinjr.
12.11.2025

Ilang araw ding di nakatulâ

ILANG ARAW DING DI NAKATULÂ

binalak kong sa bawat araw ay may tulâ
sa mga nakaraang buwan ay nagawâ
ngunit ngayong Disyembre'y nawalan ng siglâ
ilang araw ding iba ang tuon ng diwà

huli kong tula'y ikalima ng Disyembre
nakatulâ lang ngayong Disyembre a-Onse
aking tinatása ang loob at sarili
bakit nawalan ng siglâ, anong nangyari?

naging abala sa Lunsad-Aklat? pagdalo
sa Urban Poor Solidarity Week, a-otso
sunod, International Anti-Corruption Day
a-Diyes ay International Human Rights Day

napagod ang utak, maging yaring katawan
mahabang pahinga'y dapat na't kailangan
ngunit pagkatha'y huwag nawang malimutan
ng makatang ang búhay na'y alay sa bayan

- gregoriovbituinjr.
12.11.2025

Sa ikaanim na death monthsary ni misis

SA IKAANIM NA DEATH MONTHSARY NI MISIS

kalahating taong singkad na nang mawalâ
si misis ngunit puso'y tigagal pang sadyâ
ako man ay abala sa rali't pagkathâ
na mukha'y masaya subalit lumuluhà

Hunyo a-Onse nang mamatay sa ospital
naghahandâ na sanang umuwi ng Cubao
uuwi kaming Lias ang bilin ng mahal
iba sa inasahan, mundo ko'y nagunaw

akala ko'y buháy siyang kami'y uuwi
alagaan siyang tunay ang aking mithi
subalit sa pagamutan siya'y nasawi
sinta'y walâ na't siya'y aming iniuwi

tigib pa rin ng luha yaring iwing pusò
subalit sa búhay, di pa dapat sumukò
kathâ lang ng kathâ kahit nasisiphayò
sa bayan at sinta'y tutupdin ang pangakò 

- gregoriovbituinjr.
12.11.2025

Biyernes, Disyembre 5, 2025

Panagimpan

PANAGIMPAN

nanaginip akong tangan ang iyong kamay
ngunit nagmulat akong wala palang hawak
alas-tres ng madaling araw na'y nagnilay
kung anong kahulugang sa isip naimbak

aking sinta, mula nang ikaw ay pumanaw
nahihimbing akong kayraming nalilirip 
nararamdaman ko pa rin ang pamamanglaw
at sumasagi kang bigla sa aking isip 

narito akong ginagampanan ang misyon
at tungkulin dito sa bayang sinumpaan
batid kong ginagabayan mo ako ngayon
na payo'y huwag pabayaan ang katawan

di ko hahayaang ang masang umaasa
ay maiwanan na lamang sa tabi-tabi
salamat, sa panaginip ko'y dumalaw ka
habang ako'y nagsisilbing tinig ng api

- gregoriovbituinjr.
12.05.2025

* larawan mula sa google

Huwebes, Disyembre 4, 2025

Kanin at toyo lang sa pananghalian

KANIN AT TOYO LANG SA PANANGHALIAN

minsan, ganito lamang ang pananghalian
lalo na't walang-wala talagang pagkunan
minsan, maayos ang agahan o hapunan
pag nakaluwag-luwag, na bihira naman

maraming salamat sa nakauunawa
sa kalagayan naming mga walang-wala
mga maralitang madalas naglulupa
upang makausap lamang ang kapwa dukha

minsan, kanin at toyo; minsan, may kamatis
minsan nama'y tuyong hawot na maninipis
kung walang toyo o asin, madalas patis
ganyan ang tibak na Spartan kung magtiis

buti't walang sakit na siyang mahalaga
sa mga rali'y dumadalo pa talaga
katawan nama'y di pinababayaan pa
kumakain ng gulay, okra, kalabasa

- gregoriovbituinjr.
12.04.2025

Tungkulin nating di manahimik

TUNGKULIN NATING DI MANAHIMIK

batid mo nang korapsyon ang isyu ng bayan
subalit pinili mong manahimik na lang
huwag makisali sa rali sa lansangan
dahil tingin mo, ikaw lang ay madasaktan

ito na lang ang meron tayo: boses, TINIG
kung galit ka rin sa korapsyon, IPARINIG
ang mga kurakot ang nagpapaligalig
sa ating bayan, dukha'y winalan ng tinig

pakinggan natin ang lumalaban sa korap
si Catriona Gray, talumpati'y magagap
si Ka Kokoy Gan, na tinig ng mahihirap
si Atty. Luke Espiritu kung mangusap

dinggin mo ang tinuran ni Iza Calzado
na talumpati'y tagos sa pusò, totoo
pakinggan mo ang tinig ni Orly Gallano
ng lider-maralitang Norma Rebolledo

ilabas mo rin ang galit mo sa korapsyon
at likhain ang bagong kasaysayan ngayon
huwag nang manahimik sa silid mong iyon
makipagkapitbisig tayo't magsibangon

- gregoriovbituinjr.
12.04.2025

* litrato kuha ng makatang galâ sa Bahâ sa Luneta, Maynila, 11.30.2025