Miyerkules, Pebrero 12, 2020

Kwento - Dapat may Ka Popoy Lagman Writer's Award para sa mga manunulat sa paggawa

DAPAT MAY KA POPOY LAGMAN WRITER’S AWARD PARA SA MGA MANUNULAT SA PAGGAWA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Nabasa n’yo ba ang naisulat ni Dennis Mendiola sa Letter to the Editor na nalathala sa Philippine Daily Inquirer isang linggo pagkapaslang kay Ka Popoy Lagman? Isinulat niya, at talagang paborito kong linya ito: One of his favorite inspirational phrases was Lenin's "singleness of purpose." He writes well enough. De Quiros and Quijano would envy his thoughts and command of language. Palanca awardees would be pretenders compared to this man's masterpieces.” Ani Sinag.

“Aba’y maganda iyan!” Tugon naman ni Alab. “Nais ko rin iyang mabasa ng buo.”

“Subalit hindi iyan ang punto ko.” Agad sabi ni Sinag na isang lider- unyonista sa kanilang pabrika. “Kung ayon kay Dennis Mendiola, si Ka Popoy ay magaling pa sa idolo kong si Conrado de Quiros na kolumnista, at ni Nick Joaquin na magaling na nobelista natin kung sa pagsusulat lang, aba’y dapat yatang magkaroon ng Ka Popoy Lagman Writer’s Award para sa mga magagaling magsulat nating mga manggagawa.”

“Magandang mungkahi iyan, Sinag.” Ani Alab. “Subalit paano ba iyan maisasakatuparan? Dapat yata’y kausapin natin si Dennis Mendiola, at gumawa tayo ng petisyon mula sa ating unyon, at papirmahan natin sa iba pang mga kapatid na unyon. Lalo na yaong naaabot o inoorganisa ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).”

Kanina pa pala nakikinig si Diwa, na siyang sekretaryo ng kanilang unyon. “Ayos iyang pinag-uusapan n’yo, ah. Kung nais n’yo, ako na ang magsusulat ng petisyon, at ipaabot natin sa ating pangulong si Tala upang mapag-usapan.”

Dumating din sa opisina ng unyon sina Magtanggol, Magdiwang, Alindog, Liwayway at Luningning, na pawang mga opisyales ng unyon. Naroon sila dahil sa patawag ng kanilang pangulong si Tala. Ang paksa ay kampanya nila sa sahod. Ang nasa gobyeno’y may Salary Standardization Law V (SSL V) o RA 11466 na naisabatas lang nitong Enero 8, 2020.

Ikasampu ng umaga, dumating si Tala. Inilatag niya sa manila paper ang adyenda. “Ang bagong batas sa sahod pala’y para sa empleyado ng gobyerno. Di tayo sakop. May iba pa ba kayong mungkahing adyenda?”

Nagtaas ng kamay si Alab at nagsalita, “May mungkahi si Sinag na magsulat tayo ng petisyon hinggil sa Ka Popoy Lagman Writer’s Award.”

“Ah, oo, alam ko iyan. Nabanggit na sa akin ni Sinag iyan noong isang araw. Unahin muna nating paksain iyan bago itong bagong batas sa sahod dahil excited din ako sa gawad na iyan.” Ani Tala.

Tumugon si Diwa, “Ito na nga po, may nasulat na akong petisyon.”

Nagsalita si Alindog, “Baka maaari mong basahin ang draft para maunawaan din namin at para makatulong kami sa pagpapalagda.”

“Sige, ito na.” Kinuha ni DIwa ang nakamakinilyang draft.

PETISYON PARA SA BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO (BMP) UPANG ILUNSAD ANG KA POPOY LAGMAN WRITER’S AWARD TAUN-TAON PARA SA MAHUHUSAY NA MANUNULAT SA PAGGAWA.

Sapagkat si Filemon Ka Popoy Lagman ang pambansang pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino nang siya’y mapaslang sa UP Bahay ng Alumni noong Pebrero 6, 2001;

Sapagkat si Ka Popoy Lagman ang nagsulat ng napakahusay na dokumentong Counter Thesis noong 1991;

Sapagkat ayon sa Letter to the Editor ng isang Dennis Mendiola sa pahayagang Philippine Daily Inquirer na nalathala noong Pebrero 14, 2001: “One of his (Ka Popoy's) favorite inspirational phrases was Lenin's "singleness of purpose." He writes well enough. De Quiros and Quijano would envy his thoughts and command of language. Palanca awardees would be pretenders compared to this man's masterpieces.”

Kung gayon, ipinapanawagan namin sa BMP na ilunsad ang Ka Popoy Lagman Writer’s Award para sa mga mahuhusay na manunulat sa paggawa bilang gawad sa mga manunulat at magbigay inspirasyon sa mga manggagawang nagnanais ng pagbabago tungo sa lipunang patas, pantay, at walang pagsasamantala ng tao sa tao.

“Bagamat kaunting kinis pa, nasapul naman ng nilalaman ang nais sabihin. Sumasang-ayon ba ang lahat, at tutulong tayo sa pangangalap ng pirma sa iba’t ibang unyon?” Tanong ni Tala.

Nagtaasan ng kamay ang lahat, at nangakong tutulong sa petisyon.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Pebrero 1-15, 2020, pahina 10-11.

Martes, Pebrero 11, 2020

Soneto sa organisador

Soneto sa organisador
(taludturang 2-3-4-3-2)

Animo'y agila kang naroon sa himpapawid
Na sa kalawakan ay may kung anong ihahatid

Gayong isa kang langay-langayang nakikibaka
Organisador na hangad baguhin ang sistema
Rebolusyonaryong kumikilos para sa masa

Ginagampanan mo ang itinalagang tungkulin
At tinataguyod ang niyakap na simulain
Nasa isip paano magtagumpay sa layunin
Isinasagawa ang bawat misyong dapat tupdin

Sa anumang samahan, kapwa'y iyong nililingap
At lagi kang kasama ng masa sa dusa't hirap
Di ka basta aatras sa labang inyong kaharap

Organisador kang maalam sa taktika't pihit
Risko man at problema'y kaharap sa bawat saglit

- gregbituinjr.