Huwebes, Nobyembre 19, 2009

Spin-Off, Sarsuwela o Lakas ng Pagkakaisa

SPIN-OFF, SARSUWELA
O LAKAS NG PAGKAKAISA
ni Julian Kasamahan

(Oktubre 15, 2009, nakatakda ang spin-off na pansamantalang hindi ipinatupad at nananatiling banta pa rin sa ilang libong manggagawa ng Philippine Air Lines. Sa kasalukuyan ay patuloy na nagbubuo ng mga konseho bawat departamento para paghandaan ang kinakaharap na banta.)

Spin-off ang sa PAL Management
Sa Union Leaders, Bargaining Agreement
Tila walang pagkakasunduan
O sadyang palabas lamang!

Sarsuwelang nagaganap
Lubhang nakakabagabag
Manggagawa'y nabulabog
At halos di makatulog!

Nang dahil sa takot
Nabahag ang buntot
Di bale nang walang umento
Basta't may trabaho!

Isang malaking kabuktutan
At huwag nating papayagan
Ating kakayanan ay maliitin
Uri at pagkatao ay libakin!

Tumindig sa sariling mga paa
Mag-isip, kumilos baka mahuli pa
Konseho sa departamento'y pagyamanin
Maliliit na pulong ating pagsama-samahin!

Aktibo man o nasa katahimikan
Nagmamatyag o nagsusuri man
Alam ang kagalingan at karapatan
Sa iisang lakas ating bigyang daan!

Ating ipagtanggol at depensahan
Trabaho't benepisyo sa kasiguruhan
Iba't ibang kapanig, dapat mag-analisa
Araling mabuti... sino nga ba sa kanila!

Sulong, mga kapatid, mga kasama
Sa iisang lakas tayo'y magkaisa
Maging kritikal, kumilos, magsalita
Kapakanan ng manggagawa, ating ibandila!

* Si Julian Kasamahan ay manggagawa at kasapi ng unyon sa PAL

Lunes, Nobyembre 2, 2009

Unang Tungkulin ng Manggagawa - ni Crisanto Evangelista

KUNG ANO ANG MGA PANGUNANG TUNGKULIN NG ISANG MANGGAGAWA
ni Crisanto Evangelista
(Panayam na binasa sa Pulong ng Kapisanang “Sikap Kabataan”, sa Peñafrancia, Pako, Maynila, noong ika-5 ng Oktubre, 1913)
PAUNANG SALITA
G. Pangulo, Kabinibinihan at mga Kasama:
Ang Lupon sa Panayam na natatag sa pamamagitan ng isang kapasiyahan noong nagdaang pulong, pagkatapos ng kanyang masusing pagpili sa magiging pangunang salaysayin o paksa ay minarapat na iuna ang: “Kung Ano ang mga Pangunang Tungkulin ng Isang Manggagawa” at ang naatasang gumanap sa naturang salaysayin ay dili iba’t ang hamak na nagsasalita sa inyo ngayon.
Aandap-andap ang aking kalooban at ako na sa sarili ang nagsasabing hindi kapit sa akin, na isang hamak na manglilimbag, ang tungkuling ito, sapagkat buong buo na ang aking paniniwala na marami sa atin ang kapag kauri na niya ang nagsisiwalat ng isang damdaming katutubo, ng isang katotohanang nadadama at sinasaksihan ng mga pangyayari, ay di pinapansin at ipinagwawalang bahala. Subukin ninyong gumawa ng isang aklat, sumulat ng isang lathala, magbigay ng isang kuro na may lagda ng iuyong pangalan – at hindi pamagat o pseudonismo – ay makikita ninyong isa ma’y walang pumupuna, ang ibig ko bagang sabihi’y bihira ang bumabasa noon, at subukin ninyong humingi ng kuro sa isa namang nakabasa at matuturol na ninyo kung ano ang isasagot: “Isang sipi lamang, isang lipas na kuro, isang bagay na walang kapararakan sa buhay at pagsasamahan ng mga tao.” Anopa’t ang ibig sabihin sa tiyakang pagsasabi ay wala nang kailangang pag-abalahan pa, una’y manggagawa lamang ang may lagda at pangalawa’y isang kurong wala tayong mapupulot pagkat lipas na sa panahon, wala nang kapararakan.
Iyan ang balakid na nakababahala sa akin, kung bakit alinlangan ako at kung bakit sinabi kong hindi ako ang karapatdapat na manungkol sa isang panayam na gaya nitong idinadaos natin ngayon. Datapwat sa kabilang dako naman, doon sa kabila ng aking pag-aalapaap, nab aka nga di maging marapat ang aking bibigkasin sa inyo, ay may nababanaagan akong isang katungkulang hindi maaaring ipag-urongsulong: ang pagsisiwalat ng mga tala at pangyayaring nagpapasigla sa akin at nagsasabing nararapat akong magpatuloy, kasakdalang yaring mga pangungusap ay dahop sa timyas ng isang wagas na literature.
SIMULA NG AKING PANIWALA
At palibhasa’y kabilang ako sa lalong maraming anak ng Diyos na nagdaralita, isa ako sa mga nagtitiis at nakadadama ng hirap sa gitna ng ating pakikipamuhay, pinagpilitan kong kilalanin, suriin o pag-aralan ang mga sanhing kailanma’y siyang pinanggagalingan ng pagkaapi, pagkapariwara at pagkalipos ng kapighatian.
Nagbasa ako ng mga aklat at lathala ng mga kilalang manunulat ng ukol sa manggagawa dito sa atin – nina Lope, Mendoza, Ronquillo, Soriano at iba’t iba pa – at ang tanging natutuhan ko at napulot sa mga mahalagang bagay na iyon ay wala kungdi isang katotohanan lamang: “Na nasa pagkakaisa ang buhay, lakas at katubusan ng mga manggagawa.” Salamat sa pagkapulot kong ito at ginising ang aking pusong tumulong sa pagsasagawa ng simulating yaon. Mula pa noong Pebrero ng 1902 ay nasok na ako sa mga kapisanan, nakinig ako ng mga iba’t ibang uri ng talumpati, sumama ako sa mga dakilang pulong at pamahayag; datapwa’t ang ipinagtataka ko’y kung bakit hindi maisagawa dito sa atin ng buo at ganap ang diwa ng dakilang simulating yaon. Itong sanhing ito ang sumisira sa aking isip at din a miminsang sa paghanap ko ng mga sanhi, sa pagbibigay ko ng mga kuro at palagay ay inaari akong baliw ng aking mga kabiruang kasama.
ANG KILUSAN NG MGA MANGGAGAWA SA IBANG LUPAIN AT DITO SA ATIN
Sa pagnanais kong makaunawa ng mga kilusang lalong malalaki at mabibisa ay nagpumilit akong makabasa ng mga ilang aklat, gaya ng mga ulat ng kapisanan, kasaysayan nito at iba pa, at pamahayagang manggagawa na nangasusulat sa mga wikang kastila at ingles, at salamt sa tulong ng mga diksiyonaryo ng dalawang wikang yaon at sa bahagya ay nakilala ko kung ano ang diwa at kung paano ang pagsasagawa ng kanilang mga layon.
Ang mga ingles, ang mga amerikano, ang mga aleman at ang lahat halos ng mga manggagawa sa Europa ay may mga kapisanang natatatag na ang layon ay: (a) itatag ang ganap na pagkakapatiran; (b) itatag ang karapatan at kalayaang katutubo sa lahat ng mga manggagawa, gaya rin ng kanilang kapwa tao; (k) usigin ang ikapapaanyo ng kanilang katayuan; (d) itakda ang maikling oras ng paggawa; (e) ibatay ang pagpaparagdag ng sahod sang-ayon sa halaga ng mga kailangan; (g) maglagda ng mga paraang ikasasanay at ikatututo ng mga kaanib; at (h) maglaan ng dilang bagay na kailangan na makapagtatanggol sa harap ng kanilang pakikitunggali sa layon at sa ikaliligaya ng pamumuhay.
Sa ikatutupad ng mga sinundang layon ay binahagi ang pangangasiwa ng kanilang mga kapakanan sa isang pambansang kapisanan ng bawat magkakahanapbuhay na may mga balangay na nangatatatag sa mga bayan-bayan. Bawat estado o lalawigan, kung baga sa mga amerikano, ay may isang kalipunan ng mga kapisanang lalawigan, at bawat pambansang mga kapisanan ng magkakahanapbuhay ay may katungkulang sumapi at makibuo sa isa namang Kalipunan ng mga Pambansang Kapisanan ( nasyonal o internasyonal), gaya halimbawa ng Kalipunan ng Paggawa sa Amerika o American Federation of Labor, ng Confederation Generale du Pruvail sa Pransia, Holanda, Noruega, at iba pa, ng mga Congreso Obrero sa Inglaterra, Alemania, Swisa, Belhika, Kanada, Australia, at sa lahat ng bansa sa Europa, at ito namang mga kalipunang ito ang noong 1311 sa Budapest, Belhika, ay nagtatag ng isang Kalipunan ng mga Kalipunang Manggagawa sa iba’t ibang lupain na pinamagatang International Secretariat.
Ang mga kapisanang ingles ay may matitibay na katayuan; ang mga amerikano, lubha pa ang kapisanan ng mga manglilimbag, ay gayon din, at may bahay ampunan; ang mga aleman ay may mga tindahan at pagawaang malalaki, may sariling lapiang politiko na siyang sa ngayo’y maraming kinatawan sa Reichstag o Kapulungang Bayan. May mga sariling templo obrero sila na siyang kinapapalagyan ng kanilang mga tanggapan at pangasiwaan, siya nilang pinagdarausan ng mga pagpupulong, mga pagdiriwang, mga panayam at iba pang mga bagay na sa tuwina’y pinagliliming suliranin o kilusan. May mga kinatawan silang manggagawa sa mga Kapulungang Bayan: anopa’t ang kilusan nila roon ay tunay na nakaaalam at nakatutugon sa isang mabisang pagkilos na tungo sa ikapapaanyo ng lahat. Nasusukat nila, sa pamamagitan ng kapisanan, ang mga kaparaanang ikapagtatagumpay ng layon.
Sa harap ng dakilang pagkilos na ito sa ikapagbabangon ng matwid at ikatutubos ng Sangkatauhan, ang Pilipinas, itong bayan natin, ay nagnasang tumugon at sa pagtugong ito’y napatatag ang Union Obrera Democratica, ang Union del Trabajo; datapwa’t sa kasawiang palad, sa kasamaan ng pagkakataon ay nangaunsiyami, nangabigo at nangamatay, pagkatapos ng masidhing pagkilos. Natatag sa ibabaw ng mga kalansay niya ang mga kapisanan ng magkakahanapbuhay, at ang mga samahang abukuyan, na ang layon, bagamat sa ikagagaling ng manggagawa, ay dinaramdam kong sabihing hindi tumutugon ng ganap sa kilusang manggagawa sa ibang lupain.
Dito sa atin ay hindi nakilala, sapagkat hindi itinuro at isinagawa, ang bias ng pagbabawas ng oras ng paggawa, ang pagpaparagdag ng sahod, ang pagpapaanyo sa kalagayan ng mga manggagawa, ang pagpapatalino sa mga kaanib, sa pamamagitan ng kanilang kapisanan. Sukat na nga ang mga abuloy sa pagkakasakit, sa pagkatiwalag sa pagawaan, sa pagkasawi sa paggawa[1] at sa pagkamatay. Pinalaki ang manggagawa dito sa atin sa pag-asa sa mga abuloy at hindi itinuro ng mga nagsipagtaguyod, kung ano at kung paano ang pagdamay na ganap sa kanilang sari-sarili at sa kanilang kapwa at mga kahanapbuhay, kaya ngayon, bago mo mapaanib ang isa ay kailangan munang sabihin mong mababa ang kuota at malaki ang abuloy; mga bagay na sa talagang diwa ng isang kilusang tungo sa ikagagaling ng lahat, ay di gaanong binibigyang hakaga ang abuloy na ating tatamuhin, subali’y ang nililingap na unauna ay ang karapatan at kalayaang kailangang usigin upang tamuhin at magamit pagkatapos, ng lahat na nangangailangan noon.
HUWARAN NATIN ANG LALONG MABUTI
Sa harap ng dalawang uri ng kilusang manggagawa, ng sa mga taga-ibang lupain at dito sa atin, ay katungkulan natin ang mili ng isang lalong mabisa. Ang kilusang natin dito ay unsiyami, ang kanila roon ay malusog; ang mga nagagawa natin dito ay maliit samantalang sila roon ay malaki. Dito’y kakaunti ang sumasapi at nagigiliw sa kapisanan, doo’y marami at halos lahat ng mga manggagawa.
Naitatag nila roon ang karaniwang walong oras na paggawa sa maghapon, dito’y hindi natin alam kung bakit yaon ginagawa; napatataas nila ang mga sahod at naibabagay sa dami ng mga kahilingan, dito’y pawang naghihikahos tayo at di nakasusunod sa hiling ng mga sadyang kailangan; sila’y may mga bahay-ampunan ng mga matatanda, sawi o salanta at may sakit na kaanib, dito sa atin ay wala; malalaki ang kanilang abuloy, dito sa atin ay maliliit; sila’y may mga sangguniang tagapagturo, dito’y wala noon; sila’y may mga tatak (label) na ginagamit at ipinagagamit sa nagpapagawa na ang katutura’y iginagalang sila ng puhunan, kinakasama sila ng mabuti at tinatangkilik naman nila ang mga ito, hindi natin alam ang bagay na iyon pagka’t sinoma’y wala pang nagpapahiwatig sa atinl sa kabuuan, sila’y gumagawa at nakagagawa, kinikilala silang malaya, may karapatang katutubo, nakalalasap ng mga kapakinabangang bunga ng bagong kabihasnan at pagkakasuong sa pamamagitan ng kapisanan, samantalang dito sa atin ay hindi.
SA ANO ANG DAHIL
May lihim o wala ang kaibhang ito ng mga kilusan dito sa atin at sa ibang lupa? Ang nagdimula ng pagtatag ng mga kapisanan dito ay mga maginoo, mga abogado at doctor, mga marurunong na politico at mga makabayan at makamanggagawa. Ang simulaing kinatatatagan ng ating mga kapisanan ay di upang gumawa – sa tunay na gawa at hindi sa salita – ng ating ikalalaya at ikatutubos sa pagsamantala ng iilan, kungdi upang maitatag lamang ang pagkakaisa upang pagkatapos ay mag-abuluyan, at wala na, kaya’t sa katunayan, sa bawat sulok nitong kamaynilaan, sa bawat bayanbayan ng lalawigan natin ay mga samahang abuluyan lamang ang nangatatatag.
Ang marami sa mga manggagawa dito sa atin ay di pa nangakatatalos ng mga katutubong tungkulin at diwa ng mga kapisanang manggagawa, hindi pa niya nakikilala kung ano ang mga nagagawa nito kundi ang nakilala niya kaagad ay ang pagkawaldas ng kanyang salapi, paggamit sa kanya na parang isang kasangkapan sa pag-akyat sa matataas na tungkol at ang pagka-pangkat-pangkat sa maraming landas at pananalig.
Kung dito lamang sa atin ay nakilala kaagad, gaya nang pagkakilala ng mga kapatiran ng kanterong ingles, ng mga manglilimbag na pranses at amerikano, ng mga minerong aleman, sa bisa ng kapisanang magkaka-hanapbuhay disi’y nasa dako pa roon tayo ng ating hangganang inaasahang aabutin. Ngayon sana’y nakalalasap na tayo ng bungang hinog ng ating pagpapagod, nalaman na natin disin kung ano ang ating mga karapatan at tungkulin sa harap ng kabihasnan at pagkakasulong na ating tinatawid.
KUNG ANO ANG KAHULUGAN NG MALIIT NA SAHOD
Sa maningning na araw ng Siglo XX, na ang lahat ng pagkakataon, ay wala nang malalabi sa bawat gunita kungdi ang mag-angkin ng katalinuhan, magkaroon ng isang kaalamang ganap, sa pamumuhay niyang sarili at sa kanyang pagka-mamamayan. Araw ngayon ng pagbabagong anyo at diwa, ng pagpapasigla at pakikibagay sa kabihasnan at pagkakasulong, alalaong baga’y pagkakataon ito ng pagbabagong buhay.
Katungkulan natin ang magbasa ng mga aklat at pamahayagang kinapapalamanan ng mga bagong balita at pangyayari sa buong sinukob: kailangan nating makatalos ng dilang bagay na makapagbibigay nang pakinabang sa atin: ang maaliwalas na tahanan, ang malakas na katawan at di takaw sakit, ang manamit ng malinis at maayos, kumain ng busog at masagana, ang mag-ayos ng tahanan, ang bumihis at umaliw sa mga asawa at bunso na ating pinakakain ay isang tungkuling hindi dapat kaligtaan, isang katungkulang sinasagot natin sa harap ng ating pakikipagkapwa at pakikipamuhay sa gitna ng sangkatauhan.
Nasaan ang ating ikasusunod? – ang maitatanong ninyo marahil sa akin, at ako sa ganang sarili ay sasagot sa inyo ng wala nga!... Ngunit isang tanong naman sa inyo: Maaatim baga ninyong kayo’y tumahan sa isang dampang tahanan ng sakit, huwag kumain ng busog at masagana, pabayaan ang mga asawang lumakad sa daan na walang baro at nanglilimahid na parang alipin; matitiis baga ninyong ang ating mga bunso ay mamatay sa walang gamot at manggagamot, o lumaki ng mangmang, parating nanglilimahid; matatanggap baga ninyong tayo’y tawaging mababa na ang kahulugan ay mangmang, dungo at taong walang kinalaman sa kanyang bayan at pagkatao? at kaipala’y sasagutin ninyo akong “wala tayong magagawa”, tayo’y mga anak sa karalitaan, maliliit ang ating sahod. At kung ito nga ang ating isasagot ay maipagpapauna ko na sa inyong tayo’y walang kapararakan, hindi tayo maaasahang tumulong sa pagbabangon ng isang bayang malaya, umiibig at nagmamahal sa buhay at sumusunod sa atas ng kabihasnan at pagkakasulong.
KUNG PAANO ANG PAGPAPARAGDAG NG SAHOD
Dito sa mga sanhing ito kailangan ang kapisanan. Kung tayo sa ating sarili ay walang magagawa, huwag tayong magpabaya, at humanap tayo ng makakatulong.
Ang kapisanan ay itinatag at itinatatag upang tumulong sa mga nangangailangan. Kung tayo’y walang magawang dahil sa ikararagdag ng ating sahod, ang kapisanan ay makagagawa noon; kung nais nating mapaanyo ang ating kalagayan, masunod ang mga kailangang sundin, humingi tayo sa kapisanang makapagbibigay noon. Isang halimbawa, ang gugol ng isang mag-anak ay piso araw-araw na labas ang mga damit, ang bigas, ang pagliliwaliw, ang pangbili ng mga pamahayagan at aklat, ang panghulog sa kapisanan, katungkulan natin ang huminging bayaran ang ating paggawa ng isang halagang makatutumbas sa ating mga gugulin at kailangan. Ang mga mamumuhunan, mga kasama, bago ipagbili ang kanilang kalakal ay tinataya muna ang halagang dapat pagbilhan noon: inaawas ang kalugihan sa pagkakaimbak, ang upa sa bahay, sa tubig, ang sa telepono, sa ilaw, sa lapis, tinta at papel, ang bayad sa manggagawa at sa lahat ng lalong maliliit na kailangan, bukod pa sa rito’y pinapatungan pa ng malaking pakinabang, kaya’t sa ganitong paraan ay lumago ang kalakal, ang mga pagawaan ay umunglad at nangagibayo ng laki, ang mamumuhunan ay nagtamasa sa salapi ng higit sa ibang linalang.
Bakit tayong mga manggagawa na siyang bisig na nagpapagalaw noon, siyang nagbibigay buhay ay mamamalagi sa kadiliman ng gabi, walang liwanag, walang karapatan, nagdaralita at pataygutom at uhaw sa giti ng kaligayahan? May karapatan tayo o wala na humingi at magbili sa ating pagod ng higit o katumbas man lamang ng ating mga gugol sa araw-araw? Katungkulan nila ang magbigay ng halaga sa kanilang kalakal; katungkulan naman natin ang maghalaga sa ating kapagalan. Na ang puhunan ay maaaring gumawa nito pagkat sila’y may salapi at tayo’y hindi pagkat mahina at wala noon? May kasaysayan baga ang katawang walang bisig, ang ulong walang utak, ang pusong walang dugo, at ang isang bagay na may hininga’y walang buhay? Ganyan ang salapi, ganyan ang mga makina, ganyan ang mga pagawaan. Samantalang tayo, kung tayo’y nagbubuklod sa silong ng isang layon at ng isang kapisanan, wala man tayong salapi, tayo ay didinggin at pagpipitaganan.
ANG MAIKLING ORAS NG PAGGAWA
Ang mga kapisanan ng magkaka-hanapbuhay sa ibang lupain mula sa kanilang pagkakatatag ay wala nang pinag-aksayahan ng mahabang panahon sa pakikitunggali, kungdi ang pagpapaikli ng oras na igagawa. Kung bakit? Ang kasaysayan nito’y lubhang napakahaban kung sasalaysayin. Sukat na ang ilang pinakapangulong diwa upang huwag naman akong palawig at ng inyong kayamutan. Sa paglingap ng kapisanan sa buhay ng kanyang mga kasapi ay itinadhana ang pagtatatag ng ganitong batayan: “Walong oras na paggawa, walong oras na pagpapahinga at walong oras sa ibang naisin” na siyang kabuuan ng 24 na oras o isang araw.
Ang batayang ito, palibhasa’y isang batayang nagbibigay ng panahon sa mga gumagamit, kaya ang bawat matutong sumunod ay nagtatamo ng kapakinabangan. Dito’y itinatakda ang pagpapahingalay upang mabawi ang lakas na naubos; binibigyan ng panahon ang pag-iisip upang tumuklas at lumikha ng dilang bagay na sumasalilong sa iniaatas ng moral. Maliwanag na nagbibigay-buhay sa matwid at sa katauhan.
Dapat unawaing sa pagtatatag ng maikling oras na paggawa, ang lahat ay binibigyang kapakinabangan.
Ipaghalimbawa natin sa isang pagawaan ay may dalawampu’t apat kataong gumagawa sa tagal na sampung oras sa maghapon; kung ang tagal sa sampung oras ay gagawin nating walo ay ilan kayang oras ang ating matitipid sa maghapong singkad? Dalawampu’t apat na makalawa ay apatnapu’t walo; bahaginin natin sa walong oras na katimbang ng maghapon, lalabas ay anim, samakatwid, anim na tao ang mapapakinabangan, anim na anak ang maililigtas sa gutom, anim na lalaki ang bubuhayin at anim na anak ang bibihisan. Hindi baga ito isang katungkulang itinuturo ng dakilang asal o moral?
Sasabihing di malulugi ang puhunan, di mababawasan ng mga sahod, at kung gayon, ay lalong hihirap ang gawain, lalong mamamahal ang bibilhin? Ganyan nga ang palagay ng mga kunwang ekonomista, ganyan nga ang sasabihin ng mamumuhunan; datapwat kung ipaliliwanag nating ang anim na tao bagang mapagawa ay di anim na makararagdag sa mga gawain, anim na mararagdag sa mga anak na gumuguol dahil sa anim na makatutugon sa lahat ng mga kailangan. Anim na maragdag sa yari ng 24 ay isang karagdagan sa yari ng puhnan at anim na maragdag sa mga gumugugol ay anim na malaki ang magagawang tulong sa pagkapaunlad ng kalakal.
ANG “HYGIENE” O KALINISAN
Ang bayang umiibig at nagnanais ng ikapapaanyo ng sangkatauhan ay bayang may pagkakasulong. Iya’y isang katotohanang hindi mababali; isang bigkas iyang katutubo sa lahat ng mabubuti at mararangal na tao; isang simulain iyan ng ating mga kapisanan ng magkaka-hanapbuhay. Ang paglingap sa katauhan ay di lamang ang paglingap sa sarili, sa anak, kungdi sa bayan, sa lahat; at ang pag-ibig na iyan upang maisagawa ay kailangan ang mag-angkin ng isang karaniwang pag-iisip.
Dito sa atin sang-ayon sa mga ulat ng ating mga manggagamot at sa ulat ng Kagawaran ng Sanidad ay lubhang napakarami ang bilang ng mga batang nagkakamatay kaysa ibang bansa sa sangsinukob. Marami dito sa atin ang bilang ng mga namamatay sa tisis; ang mga sinasawi ng mga sakit na kolera, peste bubonica, lepra o ketong ay gayundin. Ang mga sakit na iyan ay sa maraming bagay nagbubuhat: sa kawalan ng linis, sa kawalan ng mabubuting pagkain, sa kasamaan ng tahanan at sa di kaalamang gumawa ng mga pangsugpo noon.
Ang mga tahanan natin ay alipin ng mga sakit, ang mga pagawaan natin – ang marami – ay pawang marurumi, hindi sinisilayan ng katutubong liwanag, hindi inaabot ng dalisay na hangin. Ang mga pagkain nating nakakayang bilhin ay hindi sagana at hindi lubhang nakapagpapalusog (nutritivo); hindi tayo nakasusunod sa iniaatas ng pagbibihis ng malinis; hindi natin mabusog ng sagana ang ating kaalaman; bihira sa atin ang kumakain ng nakakubyertos; madalang sa atin ang nakakulambo kung matulog; ang nagpapagamot ay madalang, at kung nagpapagamot naman tayo, ay magsabi ang mga manggagamot! kungdi kung kailan na lamang tayo’y talamak sa sakit. Sahol tayo sa tiyakang sabi, sa pagsunod sa tinatawag na kalinisan at pag-aalaga sa ating katawan.
Ngayo’y isang tanong: Ang bayan bagang may pagkakasulong, umiibig sa kalinisan, umiilag sa sakit at nagliligtas sa katauhan ay makaaatim sa lahat ng ito?
Sino man sa atin, gaya ng aking hinagap, ay di makatitiis, hindi iibigin ninoman ang kanyang ikapapariwara, at dahil ito ay tungkulin natin, ng una sa lahat ang sumugpo sa lahat ng ito; kailangan natin ang magligtas sa ikasasawi ng ating mga kapatid, sapagkat dapat nating tantuing tayo’y inianak upang mabuhay at bumuhay, ng upang buhayin naman pagkatapos, alalaong baga’y hindi tayo mabubuhay ng wala tayong pakikipamuhayan, mga sanhing siyang nagdudulot sa tao ng matataas na kuro at ng mga isipang tungo sa isang dalisay na kabihasnan.
ANG KAPISANAN LAMANG ANG TANGING MAKAGAGAWA NG ATING IKAGAGALING
Ang mga kapisanang manggagawa, gaya ng nasabi ko sa una, ay itinatag at itinatatag upang magbigay ng mga kapakinabanagan sa atin. Siya’y nakapaglalagda ng mga batayang sang-ayon sa ating ikapapaanyo; nakapagtatanggol siya sa mga naaapi, sa oras ng pangangailangan; nakapagbibigay siya ng buhay at kaligayahan sa mga anak na sahol; nakapagbibigay siya ng isang hinaharap sa maayos at payapa; nakapagdudulot siya ng maraming bagay na tugon sa isang masamang simulain, “na ang isa’y para sa lahat at ang lahat ay para sa isa: ng pagdadamayan, sa madaling sabi.
Datapwa’t ang isang bagay na di natin dapat kaligtaan ay ang pagbuhay sa kapisanang iyan kung paano. Ang anak ay siyang simula ng mga samahan, ang samahan ay siyang simula ng mga bayan, at ang bayan ang siyang simula ng mga pamahalaan. Upang maging maayos at maligaya ang mag-anak ay kailangan ang isang magulang na, bumubuhay at binubuhay naman ng kanyang anak na nasasakupan; ang bayan, upang matawag na ganito na nga ay kung mayroong isang pamahalaang nagtataguyod, nag-uutos, pinag-uutusan at sinusunod. Alin man sa ama ng isang anak, o ng anak sa isang ama, o ng pamahalaan sa isang bayan at ng samahan sa isang pamahalaan, ang hindi kikilos ng tungo sa kanilang ikagagaling ay walang mangyayari kungdi ang masawi at magkawatak-watak, ang mapanganyaya ang dilang mga kapakanang kinakailangang kandilihin ng bawat isa, yamang ang angkitin ng bawat isa’y angkiting para sa kanilang ikapapaanyo at ikagagaling din. Ang isang mag-anak ay binubuhay at kinakandili ng isang magulang, datapwa’t ang magulang namang ito, huwag na ang maglagda pa ng mg autos, kungdi ng mabuting akala na lamang, ay kailangang buhayin at kandilihin naman ng kanyang mga anak. Ang pamahalaang nagpapalakas sa dilang kapakanan ng isang bansa o bayan, iyang pamahalaang handa sa lahat ng pagkakataon sa ikapagtatanggol ng kapayapaan ng kanyang bayan o bansang nasasakop, ay nakikita nating hindi mabubuhay ng maayos at matatag kung ang mga nasasakupa’y hindi tumutulong sa kanyang ikapapaanyo at di sumusunod. Ganyan din ang mga samahan ng magkaka-hanapbuhay, ibigin man niya ang lahat ng ating ikagiginhawa, gaya ng kanyang pagkaibig na matupad ang ikapapaanyo ng lahat na ating ninanais at kung ito ang hindi kikilos, magwawalang bahala at magpapaanod, hindi tutulong at maghihintay na lamang ng dating, ay mawiwika ko sa inyong wala ring masasapit. Hindi disin natupad ang mga layong ngayo’y pinagkakautangan ng mga bansang bihasa, ng mga pamahalaang lalong malalaki at malilinis, na uliran ng kabihasnan at pagkasulong, ang kalayaang doo’y kinikilala, ginagamit at ipinagkakapuri ng lahat; hindi disin naiguho ang matataas na trono ng mga hari at hari-harian; ang mga maginoo disin na siyang tanging may-ari ng lahat, ng mga maralita, ng mga bukiring tinatamnan nito, ng mga kayamanang bunga ng pagpapatulo ng pawis ng mga abang alipin, ay patuloy pa ngayon sa pagpapasasa sa pagod ng may pagod, sa hanap ng may hanap, sa buhay ng may buhay; alipin pa disin tayong lahat!...
Ang araw sa atin ay dumating at nakilala na natin kung ano ang isang kapisanan, kung ano ang layon nito at kung paano ito nabubuhay. Wala nang nalalabi sa atin kungdi ang tumulong sa kanya at magbigay-buhay. Isang tungkuling una sa lahat, ng higit sa mga pagdalangin sa langit na pipi at di dumidirinig sa kaluwalhatiang hindi hinihingi kungdi hinahanap at ginagawa at sa kayamanang niyayari ng pagsasandugo sa ibabaw ng matwid, ang pakikisama sa sinapupunan ng ating mga kapisanan, yamang ito’y ang sa malao’t madali’y siyang tanging makapagliligtas sa atin sa marawal na kalagayang ating tinatawid.

Sabado, Oktubre 3, 2009

sapagkat hindi kawanggawa ang kanyang pangalan

sapagkat hindi kawanggawa ang kanyang pangalan
ni emmanuel v. dumlao

*** trapolista - trapong kapitalista

------
siya ang magarang plastik na lantarang iniaabot
ng trapolistang sa mga nasalanta’y nakikihimutok,
pero hindi kawanggawa ang kanyang pangalan;
kilatising maigi, kilatisin ang bawat kaluskos
at tuntunin ang ugat ng ganitong paglilimos.

tubig sardinas noodles bigas kape damit
nagsasalimbayang mga karton at plastik,
may tatak na logo o alyas o pakyut na mukha
ng trapolistang bumait nang biglang-bigla;
pero hindi kawanggawa ang kanyang pangalan.

hindi siya ang bisig ng payat na basurerong
nilamon ng baha ang barungbarong at mga anak,
pero nagtaya ng buhay para kapuwa ay masagip;
hindi siya ang tinapay na tahimik na ipinagkaloob
ng kamay na nangangatog din sa gutom at lamig.

siya ang biyayang kahit hindi pa dumarating
sinasalubong na agad ng papuri at patalastas –
biyayang may sariling banda at kurbating;
kilatising maigi, kilatisin ang kaluskos
at tuntunin ang ugat ng ganitong paglilimos.

nakakapawi ng gutom at ginaw, bakit hindi;
pero hindi kawanggawa ang kanyang pangalan.
tawagin natin siyang halagang dapat itinumbas
sa pinagpaguran ng mga manggagawa, pero nililimas
ng trapolistang sa atin ngayon tila santong naglilimos.

tawagin natin siyang buwis na dinambong –
ligtas at saganang buhay na sa ati’y inumit
ng mga trapolistang babad sa kislap ng kamera,
at may retokadong ngiti na pamingwit ng boto;
hindi kawanggawa ang kanyang pangalan.

kilatising maigi, kilatisin ang kaluskos
at tuntunin ang ugat ng ganitong paglilimos:
siya ang kahandaang sa ati’y ipinagkakait
para pag may sakuna maging santo ang ganid;
kaya tawagin natin siyang pagbabalat-kayo,
kaya tawagin natin siyang pagsasamantala.

sapagkat hindi kawanggawa ang kanyang pangalan.

Miyerkules, Hulyo 1, 2009

Gising na, aking bayan

GISING NA, AKING BAYAN
Akda ni: Ka Tony Miranda, BMP-ST


Minsan tayong mga Pilipino ay nagmamaang-maangan
Kung bakit ko sinabi ito, sadyang nararanasan sa kasalukuyan,
Tayo’y inaapi na sa sariling bayan,
Na nagpapakasasa ng yaman ang mga kapitalista’t mga dayuhan...

Tayong mga pilipino ay di na raw talaga matuto,
Madami nga sa atin ay may talino at kaalaman
Ngunit lalo lang nadadala sa burges na kaisipan,
Ng mga kapitalista’t mga dayuhan...

Taong bayan ay kanyang pinagsasamantalahan,
Madami na nga akong nakasalamuha sa aking bayan
Ngunit, dahil sa kahirapan sila’y nagkikibit balikat na lamang
Kaya mga kapitalista at mga dayuhan ay nagiging gahaman.....

Sadya ba talagang ganyan na ang sa kasalukuyan
Naghahantay na lamang yurakan ang dangal at pagsamantalahan,
Maghahantay na lamang ba tayo na agawin
Ang kabang yaman sa lupang ating tinubuan

Ng mga naghaharing uri sa ating lipunan...
Ito ba ang kasagutan sa kahirapan na nararanasan,
Na unti-unti ng inaagaw ang lupain na minana pa natin sa ating mga ninuno
Na kapag lumaban ka, ipapadukot o ipapatay ka ng gobyerno

Minsan tuloy naiisip ko, Pilipino nga ba ang nakatira sa ating bayan?
Oh, sadya talagang nalunod na tayo o nadala na ang ating kaisipan ng mga dayuhan
Ilang buhay pa ba ang ibubuwis para lang makamit ang tunay na pagbabago?
Ng ilang lider na walang hangad kundi ang kapakanan ng taong bayan...

Dapat na tayong matuto aking mga kababayan.,
Mga kapitalista, trapo at mga dayuhan na naninirahan na,
At sila lang ang nagpapakasasa sa ating mga pinagpaguran
Na walang ibang hangad kundi magkamal ng limpak-limpak na tubo lamang..

Kaya itanim natin sa isipan, sa buong sambayanan,
Na mga kapitalista, trapo at mga dayuhan ay salot sa ating lipunan...
Kaya tayo ng lumaban! Laban sa mga naghaharing uri sa lipunan!
Itayo natin ang tunay na pagbabago! Itayo ang gobyernong makamasa!

Desperada

DESPERADA
Akda ni: Ka Tony Miranda, BMP-ST

Minsan mahirap paniwalaan,ngunit sadyang totoong nararanasan
Na kung titignan mo ay nagiging desperada ang isang babae,
Na kung ikaw ay magbabasa lamang ng mga pahayagan,
Na kahit ano na lang ang ginagawang papogi sa bayan.....

Madaming klaseng trabaho ang iniaalok sa mga tao,
Ngunit sa dami ng nawalan ng trabaho,ilan lang kwalipikado...
Ito ba ang sinasabi ng gobyerno na pang-agdaw-gutom sa mamamayan
Ano ba talaga ang kanyang plano sa sambayanang Pilipino?

Sobra na ang kanyang ginagawa sa taong bayan,
Ngunit gumagawa talaga ng iba’t ibang pamamaraan,
Maging marahas man o pumatay ng tao na tingin niya ay kalaban
Para lamang mapagtakpan ang kanyang mga kasinungalingan.....

Tulad ng mga nakaraang araw,habang mahimbing na natutulog ang taong bayan
Nagsagawa ng isang lihim na pagpupulong ang mga "KAWATAN"
Na ipinasa nila (con-ass) na walang abiso sa senado at sambayanan,
Isang pambabalasubas at pambabastos nito sa ating mamamayan

Tulad din ng isinusulong na cha-cha ng mga kongresista,
Ito ay pagpapalawig lang ng termino ni gloria…
Upang manatili lamang sa panunungkulan,kaya tuwang-tuwa itong kapitalista
Upang habang buhay na pagsamantalahan ang taong bayan o buong bansa...

DESPERADA na talaga si GLORIA,
Dahil sa samo’t saring problemang ibinabato sa kanya
Ng mga kritiko at sambayanang Pilipino,
Hindi lang ”DEPERADA”, naluluka na talaga ang ating Pangulo...

Kikilos pa ba tayo? O hahayaan na lang ba natin?
Na maghari ang mga nanunungkulan sa ating GOBYERNO,
At nag-aagawan sa puwesto,dahil sa iisa ang interes
Ng mga DAYUHAN,KAPITALISTA at mga TRAPO...

Malulutas ba nito ang malalim na problema sa kahirapan ng ating bayan,
Ekonomiya,Pulitika,Kultura at Relasyong panlabas,
Kaya’t labanan natin,patatagin at palakihin ang puwersa!
Itayo ang gobyerno na makamasa!

Huwebes, Hunyo 25, 2009

Kakaibang Pera ng Pinansyal na Kapital

Kakaibang Pera ng Pinansyal na Kapital
ni Mike Garay

DAPAT maintindihan ng manggagawang Pilipino kung saan nagmula ang kasalukuyang krisis pang-ekonomya sa buong mundo.

Ang naging mitsa nito ay ang krisis pinansyal sa US – o sa iba at mas palasak na salita, ang krisis ng mga bangko. Humawa ang krisis na ito sa manupaktura’t industriyang binabatbat ng tanggalan sa trabaho at pagsasara ng mga kompanya, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Ito ang dahilan kung bakit madalas sabihin na ang naganap sa Amerika ay krisis ng Wall Street (kumakatawan sa mga bangko at ispekulador sa pinansya) na humantong sa krisis ng Main Street na sumisimbolo sa industriya.

Kailangan, kung gayon, na simulan natin ang pagsusuri sa pinansyal na kapital – paano ang operasyon nito, ano ang relasyon at ugnayan nito sa industriya, ang papel nito nagaganap na krisis pang-ekonomya, at higit sa lahat, ang epekto nito sa ekonomya ng ating bansa.

Pera, Kalakal at Kapital

Sa ordinaryong tao, kapag tinanong kung anong ordinaryong bagay ang kumakatawan sa terminong kapital, tiyak na iisa lamang ang papasok sa kanyang isipan: “pera”. Alam kasi natin na laksa-laksang pera ang nasa kamay ng mga kapitalista kaya sila naiiba sa mga manggagawa.

Subalit ang pera ng mga kapitalista ay hindi “ordinaryong pera”. Ito ay may ekstra-ordinaryong katangian na kaiba sa perang hawak ng mga manggagawa tuwing sila ay sumasahod.

Ang perang ito ay kapital. Kakaibang pera na habang ginagastos ay hindi nauubos kundi lumalago. Milyon-milyon kung gumastos ang mga kapitalista. Magkano ang binibiling hilaw na materyales sa isang taon. Magkano ang makinang binili upang gamitin sa isang takdang panahon. Napakalaking halaga ng perang ginastos! Subalit imbes naubos ay lumago pa ito!

Nasaan ang sikreto sa pera ng mga kapitalista, partikular sa industriya na ating pinapaksa sa ngayon? Ito kasi ay hindi lamang ipinambibili ng ordinaryong kalakal (mga bagay na may presyo, nilikha upang ibenta).

Ang pera kasi ng mga kapitalista ay bumibili ng kakaibang kalakal: ang lakas-paggawa ng manggagawa – ang tanging kalakal sa mundo na kapag ginamit ay hindi nauubos ang halaga kundi lumilikha pa ng bagong halaga.

Isalarawan natin. Ang P500 ay pwedeng ipambili ng sapatos, magarang damit, at anupamang kalakal na may katumbas na halaga. Habang ginagamit ang nabiling kalakal, ang P500 ay lumiliit hanggang mapunta sa kawalan.

Naiiba ang lakas-paggawa ng manggagawa. Ang manggagawa ay ipagpalagay na binili ng P500 upang gamitin sa produksyon sa isang araw.

Ngunit kapag siya ay nagtrabaho, siya ay lilikha ng bagong kalakal na mas mataas ang halaga kumpara sa nilalaman nitong lumang kalakal (hilaw na materyales at depresasyon ng makina). Halimbawa, siya ay makakagawa ng bagong kalakal na may halagang P2,000 mula sa ipinuhunang P1,000 sa hilaw na materyales at makina at P500 na pasahod.

Kung gayon, makikita natin na dumaan sa iba’t ibang anyo ang kapital. Ito ay maaring nasa anyo ng perang-kapital (money capital) at kapital na kalakal (commodity-capital).

PERA  KALAKAL (hilaw na materyales, makina, sahod)… KALAKAL* (bagong kalakal)  PERA*

Nagsimula ito sa anyo ng pera (na nagkakahalagang P1,500). Ito ay nag-anyo bilang kalakal (hilaw na materyales, makina at lakas-paggawa) ngunit hindi pa nagiging ganap na kapital sapagkat hindi pa ito lumalago.

Ang biniling mga kalakal ay ginamit upang lumikha ng bagong kalakal na may halagang P2,000, i.e., nasa anyo pa rin ng kalakal ngunit mayroon nang mas mataas na halagang P500. At kapag naibenta na ang kalakal, ito ay bumabalik sa anyo ng pera upang malasap na ng kapitalista ang tubong P500.

Proseso ng paggawa ang pinagmumulan ng bagong halaga. Ang paggawa ang dahilan kung bakit ang pera ay nagiging kapital. Ang pera ay kapital kapag ito ay nilapatan ng pagpapawis, pagpapagod at pagsusumikap ng uring manggagawa.

Naisalarawan natin ang dinadaanang proseso ng kapital sa industriya. Dito mas lantarang makikita ang esensyal na papel ng paggawa sa paglikha ng tubo, na siyang sikreto’t mahika sa likod ng kapitalistang lipunan. Tawagin natin itong “produktibong kapital”.

Paano naman ang kapital sa hindi saklaw ng paglikha ng produkto o serbisyo? Matatagpuan ito sa mga bangko, pinansyal na institusyon at mga imbestor sa stock market, treasury bills, atbp. Sila – kaiba sa produktibong kapital – ay ang kinakategorya natin bilang kapital sa pinansya o “finance capital”.

Tila hiwalay sa produksyon ang paglago ng perang ito na pinapautang ng mga bangkero. Ito ay parang pera na nanganganak ng panibagong pera matapos ang takdang panahon. Halimbawa, ang P1 Milyon ay maaring may interes na 12% kada taon (per annum), kung kaya’t ito ay magiging P1,120,000 matapos ang 12 buwan.

Ang kapital na ito ay nasa anyo din ng pera (money-capital) na tumutubo sa pamamagitan ng interes. Tawagin natin itong “interest bearing capital”.

Paano tumutubo ang mga bangkero? Nagmumula sa bagong halagang likha ng manggagawa. Kapag pinautang sa mga kapitalista sa industriya, ang interes ang kukunin sa tubo o bagong halagang nilalaman ng mga nalikhang kalakal. Kapag pinautang naman sa mga manggagawa (halimbawa sa anyo ng housing loan), ito ay kukunin mula sa sahod, na kanya ring nilikha.

Isalarawan natin. Ang ating ihinalimbawang kapitalista sa industriya (may kailangang puhunang P1,500 kada araw, kada manggagawa) ay uutang sa bangko para sa produksyon ng 300 araw ng 100 manggagawa. Siya ay uutang sa bangko ng P45 milyon (P1,500 x 300 araw x 100 manggagawa) para sa ekspansyon ng kanyang negosyo.

Batay sa ating naunang paliwanag, ang P45 milyon na inutang ay lalago at magiging P60 milyon kapag naibenta ang lahat ng kalakal (P2,000 x 300 araw x 100 manggagawa).

Mula sa tubong P15 milyon, na nilikha ng paggawa, kukunin ang interes na ibabayad sa serbisyo ng bangko, kung 12% kada taon, ang interes ay nagkakahalaga ng P5.4 milyon. Maliban sa mga bangko, may ibang kapitalistang hindi direktang bahagi ng produksyon ang nabubuhay sa halagang ito na nilikha ng manggagawa. Kasama rito ay ang mga kapitalistang landlord (upa) at ang kapitalistang gobyerno (buwis).

Papel ng Kredito sa Kapitalistang Ekonomya

Ngayon nama’y tutukan natin ang krusyal na papel ng mga bangko sa kabuuang kapitalistang sistema sa ginagawa nitong pagbibigay ng kredito o pautang.

Ang mga bangko ay nagpapautang para sa tubo sa anyo ng interes. Hinahabol nila ang mas malaking tubo mula sa kanilang puhunan. Subalit habang sila ay itinutulak ng pansariling interes, ang pagbibigay nila ng kredito ay nagtitiyak din sa lubusang pag-unlad ng buong kapitalistang lipunan.

Paano ba umuunlad ang kapitalistang sistema? Nagmumula ito sa tuloy-tuloy at mabilisang pag-ikot ng kapital, ibig sabihin, sa pag-inog ng kapital mula sa perang kapital (money capital) tungong kalakal na kapital (commodity capital) at pabalik sa perang kapital upang umikot uli sa nasabing proseso.

Sa medaling sabi, kailangang may sapat na suplay ng perang ilalagak sa produksyon upang malikha ang mga kalakal at kailangan ding nabebenta ang mga nalikhang kalakal para umikot ang pera. Hindi lang para gamitin sa luho ng indibidwal na mga kapitalista kundi upang ilagak sa ibayong produksyon – na magdudulot ng kasiglahan sa mga industriyang karugtong ng isang kompanya. Halimbawa, pabrika ng pantaloon, pagawaan ng sinulid, plantasyon ng bulak, atbp., atbp.

Subalit kung walang mga bangko – at aasa lamang ang industriya sa sarili nilang bulsa para sa puhunan –tiyak na hindi magiging tuloy-tuloy ang pag-ikot ng kapital. Sapagkat may mga pagkakataong hindi pa nabebenta ang kabuuang kalakal na kanilang nalikha upang ibalik ang pera sa produksyon. Mayroon ding sitwasyong kailangan nila ng mas malaking kapital kumpara sa nakalagak sa produksyon para sa ekspansyon ng kanilang operasyon.

Halimbawa, sa loob ng nakaraang taon, ang industriyal na kapitalista ay nakalikha ng kalakal na may halagang P60 milyon mula sa puhunang P45 milyon. Subalit kalahati pa lamang nito ang nabebenta (P30 milyon), paano ipapanatili ng kapitalista ang nakaraang antas ng produksyon na nangangailangan ng P45 milyon? Paano pa kung kailangan niyang doblehin ang produksyon? Kailangan niya ang kredito o pautang ng mga bangko.

Ulitin natin: ang papel ng kredito o pautang ng mga bangko ay ang tuloy-tuloy at mabilis na sirkulasyon o pag-ikot ng pera at kalakal, na nangangahulugan ng paglago ng kapital sa pamamagitan ng pagbabago ng anyo nito sa loob ng produksyon.

Sa kaso ng malalaking bansa, ang pautang ay hindi lamang para sa mga industriya. Malaking bahagi nito ay nakalaan sa mamamayang na nabubuhay sa kredito. Sa pamamagitan ng credit card, hindi lamang nabibili ng manggagawang Amerikano ang kanilang pangangailangan kahit kinukulang ang kanilang sweldo. Mas pa, natitiyak din nitong nabibili ang mga produktong likha ng industriya’t agrikultura sa Amerika.

Krusyal ang papel ng pinansyal na kapital sa akumulasyon ng kapital. Sa panahon ng kasiglahan, ang maluwag na pautang ay nagpapasigla sa buong ekonomya. Subalit sa mga yugto ng krisis, humihigpit ang kredito ng mga bangko. Hindi makautang ang mga kapitalista para sa ipagpatuloy at palawakin ang kanilang operasyon. Hindi makautang ang mamamayan para bilhin ang mga produkto.

Ang resulta, nagsasara ang mga pabrika at laksa-laksa ang nawawalan ng trabaho. Ganito ang naganap sa Amerika – ang pinakamalaking ekonomya sa buong mundo. Sa ngayon, ang tinutukoy pa lamang natin ay ang pangkalahatang relasyon ng industriya at pinansya sa panahon ng mga krisis. Ang partikular na dahilan ng krisis pinansyal ng US ay tatalakayin natin sa susunod na artikulo.

Sugal ng mga Kapitalista

Subalit hindi lamang sa interes kumikita ang mga bangko at iba ang pinansyal na institusyon, sila ay kumikita din sa pamamagitan ng pamumuhunan sa tinatawag na “financial market”. Kasama sa merkadong ito ang stock market, treasury bills, currency trading, hedge funds, atbp.

Paano kumikita sa merkadong ito? Umaandar ito sa ispekulasyon. Bumibili ng shares of stock ng isang kumpanya, treasury bill ng mga Central Bank, dolyar, atbp., sa pagtantyang tataas ang halaga nito sa isang takdang panahon upang kanilang maibenta ng mas mababa sa umiiral na market price.

Lagyan natin ng halimbawa. Ang isang kompanya ay may share of stock na nagkakahalagang P200. Bibilhin ito ng ispekulador kung tinataya niyang tataas ang presyo nito sa mas mabilis na panahon. Ipagpalagay na bumili siya ng 1,000 shares at matapos ang ilang buwan ay tumaas ang presyo nito at naging P300. Maari niya nang ibenta ito sa halagang P250. Sa isang iglap ay mayroon siyang tubong P50,000 nang hindi dumadaan sa mga komplikasyong karugtong ng industriyal na produksyon.

Isa pang halimbawa. Ang kasalukuyang palitan ng isang dolyar ay nasa P48. Bibili ang ispekulador ng $10,000. Kung ang presyo ng dolyar ay naging P55 matapos ang dalawang linggo, ibebenta niya ang bawat dolyar sa presyong P52.50. Walang kahirap-hirap siyang tumubo ng P45,000!

Ang problema, hindi nakatitiyak kung kailan babagsak ang halaga ng naturang mga papel. Sa ating halimbawa, ang nakabili sa share of stock sa halagang P250 ay umaasang tumaas pa sa P300 ang presyo nito sa merkado. Ganundin ang nakabili ng dolyar sa presyong P52.50 ay nais pang sumirit ito sa P55. Pareho silang nangangarap na maibenta ito sa mas mataas na halaga. At ganundin ang layunin ng susunod na makakabili ng mga ito.

At sa pagpasok ng bagong siglo, kumaripas ang takbo ng mga pinansyal na merkado – hindi lamang sa Amerika kundi sa buong mundo.

Umabot sa trilyon-trilyong dolyar ang isinusugal sa pinansya. Bumilis ang paglipat sa iba’t ibang kamay ng mga samut-saring papel na kumakatawan sa mga shares of stock, treasury bills, hedge funds, atbp. Lumobo ng lumobo ang halaga ng mga ito. Ipinatupad ang deregulasyon sa financial market. Lumarga ang ekonomya ng Amerika bilang “casino economy”.

Subalit, pagpasok ng Setyembre 2008, bunga ng “housing crisis” na nagpabagsak sa ilang prominenteng bangko na hindi makasingil sa pautang sa pabahay, naglaho ang halaga ng mga naturang papel. May ilang bangko na naging $1 ang halaga ng kada share mula sa pinakamataas na $130. Nalusaw ang mga halagang nasa papel lamang at walang direktang ugnayan sa produksyon – ang tunay na pinagmumulan ng halaga.

Dahil nabangkarote sa kanilang pagsusugal, nagsara ang mga bangko at naghigpit sa kredito o pautang sa mga kapitalista at sa mamamayang Amerikano. Namilipit ang industriya. Nagsara ang mga pabrika. Laksa-laksang manggagawa ang itinapon sa lansangan. Ang kapital sa pinansya ay naging berdugo ng manupaktura at industriya. #

Susunod na artikulo: Ang Pilipinas at Krisis Pinansyal sa US

Huwebes, Mayo 14, 2009

Kung Paano Magkaisa ang mga Manggagawa sa Transportasyon

Kung Paano Magkaisa ang mga Manggagawa sa Transportasyon


Ang Industriya ng Transportasyon

Ang industriya ng transportasyon ay itinuturing na isang istratehikong industriya hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Isa ito sa mga pinakamatandang larangan ng pangekonomyang aktibidad ng tao sa buong mundo. Ang kasaysayan ng industriyang ito ay kaalinsabay ng kasaysayan ng modernong lipunan ng tao simula nang madiskube ng tao ang gulong.

Saklaw ng industriyang ito ang lahat ng mga sasakyang ginagamit (panglupa, panhimpapawid at pandagat) upang maghatid ng mga produkto, serbisyo at tao sa buong larangan ng ekonomiya. Ang serbisyo ng paghahatid ng mga kinakailangan para sa pag-inog ng produksyon at kalakalan sa lipunan ang pangunahin at tanging aktibidad ng industriyang ito.

Mula sa pagkuha ng hilaw na materyales, patungo sa iba’t ibang larangan ng produksyon at manupaktura hanggang sa paghahatid ng mga kalakal sa pamilihan at tahanan ay malaki ang papel na ginagampanan ng transportasyon. Ang bilis ng pagsikad ng anumang industriya ay nakadepende sa bilis at antas ng transportasyong magagamit nito. Maging ang pinakamahalagang elemento sa produksyon, ang paggawa, ay pinagsisilbihan din ng sektor ng transportasyon upang mabilis na makarating sa trabaho at sa kanyang tahanan.

Ang silbi ng sektor ng transportasyon ay tulad ng ugat sa katawan ng tao. na siyang pinagdadaluyan ng dugong kinakailangan sa iba’t ibang bahagi ng katawan upang mabuhay. Na kung titigil o mapipinsala ay maaring maghatid ng paghihingalo o kamatayan. Kung wala ang industriya ng transportasyon walang kalakalan na malilikha, walang buhay na iinog sa buong lipunan.

Labas sa istratehikong papel ng transportasyon sa buhay ng ekonomiya ng isang bansa. Ang industriyang ito ay may malaki ring inaambag sa nililikhang kita’t kabuhayan para sa bansa. Bilang bahagi ng industriya ng serbisyo, ang sektor ng transportasyon ay isa rin sa mga masigla’t lumalaking industriya sa ekonomiya na naghahatid ng dagdag na kita sa bansa.

Sa Pilipinas, ang taunang ambag ng sektor ng transportasyon sa Gross Domestic Product o GDP ng bansa ay nasa 6% hanggang 10% ng kabuuang iniaambag ng industriya ng serbisyo sa ekonomiya. May pinamalaking inaambag sa sektor ng transportasyon ang panlupa na tumataas ng mahigit 13% noong 2006 at tumaas naman ng bahagya nitong 3Q ng 2007 ng 4.3% Sinundan ito ng panghimpapawid na nagtala ng 6.2% nitong 2006 ngunit lumobo sa 26.9% nitong 2007. Pinakamabagal naman ang naitalang paglaki sa pantubig na nagtala -5.5% noong 2006 at bahagyang nakarekober nitong 3Q ng 2007 sa talang .6%

Sa usapin ng trabaho, ang sektor ng transportasyon ay papalaki rin ang bilang ng mga manggagawang nabibigyan nito ng hanapbuhay. Sa pinakahuling tala umaabot sa mahigit na 1.5 M manggagawa ang sinasaklaw ng industriya kung saan ang bulto ay nasa panlupa (1.17M), pantubig (220,000), panghimpapawid (11,000) at auxiliary at support (70,000) ayon sa pagkakasunud-sunod. Tinatayang umaabot sa P 30 B piso ang kabuuang kumpensasyon ang iniaambag ng sektor sa ekonomiya. Habang tinatayang ambag nito sa produktibidad ay nasa P1.43M kada manggagawa noong 2002. Hindi pa kasama sa produktibidad ang mga nasa informal na bahagi ng sektor ng transportasyon (Hanap ng datos refer to NTU research)

Sa laki ng papel at iniaambag ng sektor sa ekonomiya ng bansa maituturing na isang mga istratehikong sector ito ng lipunan na dapat alagaan at tiyaking umuunlad. Ang anumang pagtigil nito ay hindi lamang nangangahulugan ng pagtigil ng isang industriya kundi nang kabuhayan mismo ng milyun-milyong pamilya. Ang kinabukasan ng transportasyon ay buhay at kamatayan ng isang ekonomiya’t lipunan.

Dahil sa krusyal at istratehikong papel ng transportasyon sa buong ekonomiya’t lipunan ang industriyang ito ay itinuturing na isang sentral na responsibilidad ng anumang gobyerno. Pangunahing obligasyon ng gobyerno ang tiyaking may sapat at angkop na moda ng transportasyon at kailanman ay maayos at hindi nababalam ang pag-inog nito kung nais nitong matiyak ang pagsulong at pag-unlad ang lipunan.

Ngunit sa kabila ng ganitong kahalagahan ng transportasyon sa pangekonomya’t panlipunang buhay ng bansa nananatiling atrasado at napabayaan ang sektor na ito ng bansa. Nananatiling malasado ang katangian nito na inilalarawan ng sabay na pag-iral ng moderno’t atrasadong moda ng transportasyon at mga pasilidad para dito.

Nananatiling nakakonsentra sa mga mayor na lungsod at sentro ang bulto ng modernong transportasyon habang sa mga kanayunan ay umiiral ang mga atrasadong moda na siya paring pangunahing nagseserbisyo sa mga mamamayan. Mabagal ang usapin ng modernisasyon nito na pangunahing nakaasa ang pag-unlad sa mauutang ng pamahalaan sa mga dayuhang bansa at mga pampinansyang institusyon at mas itinutulak ang pagpapaunlad hindi nang intenal na pangangailangan nito kundi ng kumpas ng pandaigdigang pamilihan at kalakalan.

Ang Kalagayan ng mga Manggagawa sa Transportasyon

Atrasadong kalagayan sa gitna ng istratehikong papel sa lipunan

Sa kabila ng pagiging krusyal at istratehiko ng sektor ng transportasyon ang mga manggagawa nito ay isa sa mga itinuturing na pinaaktrasado ang kalagayan sa usapin ng kabuhayan at relasyon sa paggawa.

Malaking bahagi ng mga manggagawa sa transportasyon ay nasa hanay ng impormal na seksyon. Sa mahigit 2 M manggagawa sa industriya, halos 60% hanggang 80% nito ay nasa impormal na seksyon. Maliit na bilang lamang ang nasa pormal na seksyon na kalakhan ay makikita sa transportasyong pandagat at panghimpapawid. Pinakaatrasado ang kalagayan ng mga manggagawa sa impormal na seksyon ng transportasyon kung saan ang kabuhayan ay nakabatay sa negosasyon o kontrata nito sa indibidwal na may-ari o operator.

Bulto na nga ay impormal hindi pa relasyong sahuran ang dominanteng relasyon sa hanay ng transportasyon. Sistemang boundary at porsyentuhan ang pangunahing relasyon laluna sa hanay ng panlupang transportasyon. Masaklap pasan ng mga manggagawa ang lahat ng gastusin nito sa operasyon mula krudo hanggang pangmulta.

Sa ganitong relasyon sa paggawa makikita rin ang malaking diperensya sa kabuhayan at kita ng mga manggagawa sa transportasyon. Malayo ang diperensya sa sahod at benepisyo ng mga manggagawa sa pormal at impormal na seksyon. Sa pormal na seksyon ang karaniwang sahod nito ay hindi bumaba sa P9,000 kada buwan habang ang pinamataas ay tumatanggap ng P60,000 kada buwan idagdag pa ang alawans na hindi bumababa sa P1,000.00. Habang ang mga nasa impormal na seksyon ang kita nito ay nasa bahagdan ng P100 – 600 kada araw o P3,000 – 15,000 kada buwan depende sa ruta at haba ng pagtatrabaho nito.

Bulto ng mga mahihirap na manggagawa ay makikita sa impormal na seksyon kung saan ang kita ay hindi pa minsan umaabot sa minimum na halagang kinakailangan para buhayin ang kanyang pamilya. Hindi rin nagtatamasa ang seksyong ito ng mga benepisyo’t proteksyon mula sa gobyerno tulad ng insurance, tulong kabuhayan, pabahay, edukasyon at pangkalusugan.

Magkaiba rin ang batas na gumagabay at sumasaklaw sa relasyon ng pormal at impormal na manggagawa sa transportasyon. Para sa mga pormal na manggagawa saklaw sila ng Batas Paggawa at tinatamasa nila lahat ng mga itinakda nitong benepisyo. Samantalang ang impormal dahil sa kawalan ng malinaw na employee-employer relation ay mas ginagabayan ng pangkalahatang Batas sa kontrata at obligasyon.

Gayunpaman, sa kabila ng kanilang kaibahan sa sahod at benepisyo, tulad ng iba pang mga manggagawa pareho silang nagpapasan ng dagdag na pabigat mula sa mga programa’t patakaran ng gobyerno alinsunod sa liberalisasyon at deregulasyon ng ekonomiya tulad ng mataas na bilihin, kuryente at tubig at iba pang serbisyong panlipunan.

Susing kawing ng ekonomya ngunit walang boses sa lipunan at dumadanasan ng matinding pagsasamantala

Walang boses ng mga manggagawa sa sektor ng transportasyon sa loob mismo ng mga pamahalaan. Walang regular na nakaupo sa mga ahensyang pangunahing pumapatnubay sa transportasyon (DOTC,LTO at LTFRB, ERB, LGUs atbp.). Hindi sila bahagi sa mga pagbubuo ng mga patakaran at polisya na karamihan ay may malaking epekto sa kanilang araw na pamumuhay. Sa mga konsultasyon lamang sila pinakikinggan na kadalasan ay pabalat bunga at pormalisasyon na lamang ng mga nais ipatupad ng pamahalaan. Masaklap mas madalas na kinukonsulta at pinakikinggan ng gobyerno ay hindi pa ang mga manggagawa sa industriya kundi ang mga may-ari o operator nito tulad ng IMBOA, Association of Taxi Operators of the Phils atbp. Maging sa mga JODA na magkasanib ang drayber at operator ay mas tinig at interes ng operator ang naririnig.

Wala na ngang boses sa pamahalaan, ang mga manggagawa sa transportasyon ay siya pa ring pangunahing nakararanas ng pagsasamantala hindi lamang sa mga operator kundi maging sa pamahalaan.

Sa operator ang kawalan ng malinaw na batas na gumagabay sa pagtatakda ng boundary at obligasyon ng mga ito sa mga mangagagawa ay nagbubunga ng hindi makatwirang kalakaran sa boundary at porsyento sa nililikhang kita ng mga manggagawa. Marami din dito ang hindi nagpapatupad ng mga obligasyon nito alinsunod sa Batas Paggawa sa minimum na standard ng relasyong paggawa.

Sa gobyerno, labas sa mga napakataas na buwis at multang hinuhuthot sa mga manggagawa sa transportasyon. Biktima pa rin sila ng mga tiwaling opisyal ng kapulisan at mga ahensya nito. Sila ang pumapasan ng kotong na arawang hinihingi ng mga tiwaling pulis. Sila rin ang hinuhuthutan ng mga kawani sa LTO at LTFRB sa tuwing magrerehistro at kukuha ng lisensya.

Idagdag pa natin ang pagsasamantala sa kanila ng mga usurero na nagsasamanatala sa kanilang kahirapan sa pamamagitan ng pag-aalok ng tulong pinansyal sa nakapataas na interes tulad ng 5-6

Maging mga politiko ay pinagsasamantalahan ang sektor. Ginagamit at pinapangakuan sa panahon ng eleksyon ngunit tanging mga lider at opisyal lamang ang binubusog habang ang kalakhan ay walang ibinibigay na biyaya.

Bahagi ng sosyalisadong produksyon ng lipunan ngunit mahina ang pagkakaorganisa

Ang mga manggagawa sa transportasyon ay malinaw na bahagi ng sosyalisadong produksyon sa bansa. Sila ang dugtong sa bawat proseso ng produksyon at maging ng pamilihan. Gayunpaman, mababa ang antas ng pagkakaorganisa ng mga manggagawa sa transportasyon maging ito man ay nasa pormal o impormal na seksyon.

Kadalasan ang porma ng organisasyon ay batay sa ispesipiko lamang na interes ng mga manggagawa tulad ng TODA at JODA na itinayo para proteksyunan ang kanilang sarili sa kumpetisyon mula sa mga kapwa manggagawa at mga tiwaling opisyal ng gobyerno.

Labas dito, sektaryan at kanya-kanya bihirang nagtutulungan ang mga manggagawa sa sektor para isulong ang kanilang interes. Kadalasan ang pagkakaoorganisa pa ay nasa antas ng impormal na seksyon na ang pangunahing inaasikasong usapin ay ang dagdag pasahe at pagtutol sa anumang panukalang magbibigay na dagdag pasanin sa kanila. Sa hanay ng pormal na seksyon hirap sa pagbubuo ng mga union dahil na rin sa katangian ng kanilang gawain at dahil sa malakas na pagbara dito ng mga kapitalista.

Walang isang pambansang organisasyon ang sumasaklaw sa interes ng lahat ng mga manggagawa sa bansa at iniuugnay ito sa mas malawak na kilusan ng manggagawa at progresibong kilusan sa kabuuan na siyang dahilan kung bakit sa kabila ng napakalaking sektor ng transportasyon at napakalaki ng papel nito sa lipunan ay nananatiling wala itong malakas na boses sa lipunan at hindi kinikilala bilang isang malaking pwersa ng pamahalaan.

Ang Papel ng PMT

Sa ganitong konteksto natin itatayo ang isang organisasyon maaring tumutugon sa hamong bigyan ng isang malakas na tinig ang mga manggagawa sa sektor ng transportasyon upang mapagpasyang harapin ang samu’t saring problemang kinakaharap nito sa hanapbuhay.

Isang pambansang pagkakaisa lamang ng mga manggagawa sa transportasyon magagawang seryosohin ng pamahalaan na pakinggan ang karaingan at kahilingan ng sektor at kayang magtiyak na maipupwesto ito sa pambansang plano ng pamahalaan.

Ito ang hamon at bisyon sa pagbubuo ng Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Transportasyon sa ilalim ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino.

Pangkalahatang Layunin ng PMT

1. Organisahin at pagkaisahin ang malawak na hanay ng uring manggagawa sa transportasyon upang bigyan ito ng organisado’t solidong tinig sa pamahalaan at lipunan
2. Mapataas ang kamulatan ng mga manggagawa sa transportasyon para sa mas produktibo’t progresibong papel nito sa lipunan
3. Maglunsad at magpatupad ng mga programa’t serbisyong pantulong sa sektor para sa pagpapataas ng kagalingan at kabuhayan nito.
4. Magsulong ng mga panukala’t programang makakapagpataas sa kalagayan ng mga manggagawa sa transportasyon.
5. Paglakasin ang pagkakaisa ng sektor sa kabuuang kilusang paggawa at kilusang progresibo sa bansa.

Pangkalahatang Istratehiya

Upang bigyang katuparan ang mga pangkalahatang layunin ng organisasyon sa hanay ng mga manggagawa sa transportasyon isasagawa nito ang mga sumusunod na programa at Gawain:

1. Pag-oorganisa (ground-level at teritoryal level)
2. Pag-aaral, Pananaliksik at Pagsasanay
3. Sektoral at Pambansang Kampanya
4. Sosyo-ekonomikong Programa
5. Legal at Para-Legal na serbisyo
6. Internasyunal na Pakikiisa

Katangian ng PMT

Isa itong pambansang organisasyon ng mga manggagawa sa transportasyon na sasaklaw sa iba’t ibang moda ng transportasyon sa bansa. Isa itong pangmasang organisasyon ng mga manggagawa sa transportasyon na walang itatangi sa usapin ng relihiyon, kasarian at pinag-aralan basta’t handang pumaloob at naniniwala sa layunin, prinsipyo, programa ng organisasyon at handang maglaan ng panahon para dito.

Tatayo itong sentrong organisasyon ng sektor para sa kampanya at pagsusulong ng mga, sektoral na kahilingan, reporma’t panlipunang pagbabago. Magsisilbi itong tinig at kinatawan ng sektor sa pagharap sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Isa rin itong self-help organisasyon na hindi lamang magsusulong ng mga karaingan ng sektor kundi magpapatupad din ng mga serbisyo’t programang makakatulong sa pagpapataas ng kabuhayan at kagalingan ng mga kasapi nito

Iiral at kikilos ang organisasyon sa batayan ng prinsipyo ng
a. DEMOKRASYA;
b. BUKAS na PAMAMAHALA;
c. PAGKAKAPATIRAN;
d. SAMA-SAMANG PAGTUTULUNGAN;
e. KOLEKTIBONG PAMUMUNO at;
f. SAMA-SAMANG PAGKILOS.

Huwebes, Mayo 7, 2009

Panambitan ni Titser

Panambitan ni Titser
ni Ramon B. Miranda

Propesyong pinili di naman madali
Pagkat sakripisyo'y pinananatili
Pagpanday ng bukas lagi naming gawi
Upang bansa nati'y umunlad palagi.

Ngunit ano itong nangyayari sa'min?
Buhay naming titser laging alanganin,
Karampot na sweldo't maraming pasanin,
Tanging pagtityaga natitira sa'min.

Ang aming bokasyon bayani sa turing,
Dignidad naman ay laging nasasaling.
Ang pamahalaa'y masyadong magaling
Ngunit bingi naman sa'ming mga daing.

Sa mga pinunong mata'y nakapiring
Sa'ming panawaga'y kagyat na gumising
Dapat nang ibigay makatwirang hiling
Nang di maglayasan gurong magagaling.

(Nalathala sa pahayagang Dignidad ng Teachers Dignity Coalition o TDC, Mayo 2009, p. 12)

Kapitalismo, Salot

KAPITALISMO, SALOT!
ni Ka Gem de Guzman

SAKLOT ang buong mundo ng krisis – ng krisis ng kapitalismo. Mula sa Wall Street ng New York, ito ay lumaganap na parang epidemya sa buong Amerika, naimpeksyon ang Europa, Asya, Africa, Antarctica, Oceania at lahat ng bansa. Nangalugi ang mga mortgage companies, bangko at investment houses sa Wall Street hanggang sa mga bangko at insurance companies sa ibat-ibang bansa; nagbagsakan ang Big 3 (Ford, GM at Chrysler) sa Detroit at iba pang pabrika sa buong mundo.

Lahat ay nagitla: gubyerno at burgesya; ekonomista at pantas; pati ang kanilang mga tuta sa kilusang paggawa. Di matanto kung ano ang tumama sa kanila, nagsisisihan sa nangyari, di malaman ang gagawin.

Limang milyong manggagawa na ang nawalan ng trabaho sa Amerika mula ng sumabog ang krisis noong Setyembre 16, 2008, marami ng nakatira sa mga tent. Tinatayang aabot sa 20 milyon ang mawawalan ng trabaho sa China. Sa Pilipinas, ayaw ihayag ng gubyerno ang totoong bilang ng nawalan ng trabaho pero may tantyang 1.5 milyon ang mawawalan ng trabaho ngayong 2009.

Dalawang bagay ang ibinunga nito:

1. Napatunayang panaginip lang ang American Dream.

2. Nasira ang alamat na mag-aahon sa kahirapan ang neoliberalismo at lumalantad sa mata ng madla ang salot ng kapitalismo.

Sa dahilang ito, nagtipun-tipon sa London ang mga pangunahing CEO ng kapitalismo mula sa iba’t-ibang bansa (G-20), at nagbalangkas ng isang communique, upang isalba ang bulok na sistema.

Pero bago natin tingnan ang pinagkaisahan nilang reseta, alamin muna natin kung ano ang sakit na ito na gusto nilang gamutin.

1. Saan nagsimula ang krisis?

Ang mitsa ng krisis ay ang tinatawag na subprime mortgage market sa US na nagsimula pa noong 2002 matapos sumabog ang dot com bubble sa stock market noong 2001. Mga housing loans ito (atbp gaya ng car loans, credit cards) na ibinigay sa mga taong mababa ang kakayahang magbayad (low credit ratings) o mababa ang kita na sa simula ay mababa ang interest rate pero kalaunan ay itinaas din. Pinalawak ang merkado at pinaluwag ang mga rekisito para sila makautang dahil gustong tumubo nang malaki ng mga kapitalista. Bilyun-bilyong dolyar ang ipinuhunan dito.

Ito ay sumabog noong Setyembre 2008, nang di na kayang bayaran ng mga umutang ang kanilang hulugang bahay. Maraming nailit na bahay. Dahil dito bumaba ang presyo, buy one , take one. Dahil bumagsak ang presyo ng bahay, kahit ang mga may kakayahang magbayad ay iniiwan ang kanilang bahay dahil mas malaki ang kanilang hinuhulugang prinsipal kaysa sa inabot na presyo ng bahay. Resulta: puro bahay ang naiwan sa mga bangko, walang pera. Dito nagsimula ang krisis na tinawag na credit crunch.

Pero di lang ang mga kumpanya sa US na direktang nagpautang sa mga tao ang apektado ng mga bad debts o utang na di na kayang bayaran. Ang epekto ay lumaganap sa buong sistemang pampinansya ng mundo.

2. Paano ito nangyari?

Ang mga pautang sa mga tao ay nirepak (repackaged) sa mga bond (sertipiko) na binili at ibinenta sa mga institusyong pampinansya. Nilaro naman ng mga negosyante at bangko ang presyo ng mga bond na ito. Sa maikling salita, ang pautang ng mga nagpagawa ng bahay ay ibinenta sa iba at ibinentang muli ng mga nakabili ng mga bond. Nabibili ang bond dahil sa napaniwala ng nagbebenta ang mga negosyante na malaki ang tutubuin nila pagdating ng oras ng paniningil. Halimbawa ng bentahan ng bond: Company A ang nagpagawa ng bahay na ipinahulugan sa mga tao; nirepak ng Company A ang pautang at ginawang bond. Ibinenta ng Company A ang bond kay Company B, C at D. At sina Company B, C at D ay muling ibinenta ang bond sa mas mataas na halaga kay Company E, F at G. Trilyong dolyar ang pinag-uusapan dito.

Sa bawat bentahan ay tumutubo nang malaki ang mga negosyante at bangko kahit walang ginagawang produkto o serbisyo. Ispekulasyon ang tawag dito. Parang madyik na tumutubo ang kanilang pera kahit di ito inilalagak sa produksyon na gumagawa ng produkto at serbisyo. Tumutubo kahit walang value-added na sa produksyon lamang nagaganap. Ito’y parang sugal kayat tinawag na casino economy.

Sa karaniwan, ang tubo ay nagmumula sa produksyon. Ang lakas-paggawa na inilalapat ng manggagawa sa mga hilaw na materyales para makalikha ng bagong produkto o serbisyo ay tinatawag na value-added o dagdag na halaga. At ang dagdag na halagang ito ay napupunta sa manggagawa bilang sahod at sa kapitalista bilang tubo matapos maibenta ang produkto. Ang produksyon ang tinatawag na real economy.

Nang di na makabayad ang mga taong umutang, natanto ng mga negosyante na ang mga bond ng housing ay mas delikadong negosyo kaysa sa nauna nilang paniniwala. Napaso kasi ang marami sa dot com bubble na sumabog noong 2001 o ang biglang pagbaba ng halaga ng sapi (stocks) sa stock market ng internet startup (Amazon at AOL). Kaya naniwala silang mas mainam ang housing bond dahil ito ay may produktong nakikita kaysa sa stock market.

Pero dahil sa paraan ng pagkakarepak ng pautang at ibinenta nang ibinenta nagpasapasa sa iba-ibang kamay ang mga bond, walang nakakaalam kung kanino kamay pumutok ang bad debts at kung gaano kalaki ito.

Kaya tumigil sa pagpapautang ang mga bangko sa isa't isa sa takot na di na bumalik sa kanila ang kanilang pera. (Kailangan ng mga bangko ng short term na pautang ng isa't isa para sa kanilang arawang operasyon. Di lang sila umasa sa deposito sa savings account ng mga tao).

Dito nagsimula ang credit crunch – nang ang pautang sa pagitan ng mga bangko at financial houses na dati ay kaydaling makuha ay biglang natuyo. Pati ang mga pabrika ay apektado ng kawalan ng magpapautang. Bukod sa kawalan ng pang-operasyon, walang bumibili sa kanilang mga produkto dahil walang laman ang mga credit cards ng mga tao.

Isang halimbawa: ang Northern Bank sa Great Britain ay mas umaasa sa short term na utang para pinansyahan ang negosyo nito, kaysa sa deposito ng mga tao.Nang matigil ang pagpapautang, bumagsak ang bangkong ito. Gumalaw ang gubyerno at isinabansa ito noong nakaraang taon. Ganyan din ang ginawa ng US sa mga bangko, investment at insurance companies.

3. Ispekulasyon ang gumatong sa krisis

Nang mawalan ng kumpyanya ang mga negosyante sa kanilang tinayaan, inilipat nila ang kanilang pera na nagdulot ng panic sa iba pa at nagsunuran na rin.

Sa pagbagsak ng mga bangko, may mga negosyanteng kumita ng milyun-milyong dolyar.

Isang paraan nila ay ang “short selling” na ipinagbabawal. Ang mga negosyante na karaniwang nasa sirkulo ng malilihim na grupong pampinansyang tinatawag na hedge funds ay kumukuha o humihiram ng mga sapi sa isang takdang panahon. Sa pag-asang bababa ang presyo, ibinibenta nila ito agad bago bumaba ang presyo at muling bibilhin pag mababa na ang presyo. Ganyan sila tumitiba.

Isa pang paraan ang “insider dealing” na iligal. Ang ilang tao sa loob ng kumpanya ay alam na may ilalathala ang kumpanya, kung ito ay masama o mabuti o alam din kung kailangan bilhin o ibenta ang shares. Sa ganitong paraan, isang iglap lang ay tumutubo nang malaki ang mga sugarol sa stock market.

Isang pag-aaral sa 172 mergers sa US stock exchange ang nakatuklas na sa bawat kaso ng merger ay may nangyaring insider dealing.

4. Deregulasyon ang nagpahintulot sa walang-prenong ispekulasyon

Ang Wall Street o ang financial houses sa Wall Steet ay umabot na kanilang kapabilidad na bagu-baguhin at magimbento ng sari-sari at sopistikadong financial instruments na lagpas sa kakayahang mangontrol ng gubyerno ng US. Di dahil sa walang kakayahang mangontrol ang gubyerno kundi dahil ang pangingibabaw ng kaisipang neoliberal at malayang kalakalan ang pumigil sa gubyerno na gumawa ng mga epektibong mekanismong pangkontrol.

Ito’y sapagkat ang mga gubyerno mismo ng mayayamang bansa sa pangunguna ng US ang nagsilbing chief executive officers sa pagpapatupad ng polisiyang neoliberal at malayang kalakalan.

5. Tama bang sa mga gahamang ispekulador lang isisi ang krisis?

Totoo may malaking papel ang mga ispekulador sa pagputok ng krisis. Hindi lang ang mamamayan ang kanilang niloko kundi pati na rin ang kanilang mga kauring kapitalista. Pang-eengganyo sa mga manggagawang Amerikano na umutang sa mababang interest rate na kalauna’y itataas din, mga pandaraya sa totoong halaga ng mga ari-arian, artipisyal na pagpapalobo ng presyo ng kanilang ibinebenta at pangangako ng mas malaking tubo, panunuhol sa mga opisyal ng mga gubyerno upang malusutan ang mga ipinagbabawal ng batas at iba pa. Lahat ng ito ay ginagawa nila para magkamal ng mas malaking tubo sa maikling panahon. At ang mga ito ay kakambal ng kapitalismo.

Pero natural sa sistemang kapitalismo ang maghangad ng mas malaking tubo. Ang mga kapitalista ay nagpapaligsahan sa pagalingan ng teknolohiya at pababaan ng pasahod upang maging “competitive” sa kanilang mga karibal sa negosyo at sa dulo ay tumabo ng malaking tubo.

Kahit na gaano “kabusilak” ang puso ng isang kapitalista, siya ay uubligahin ng sistema na maging wais para magkamal ng malaking tubo, gagawin ang lahat para mapalaki ang tubo sa pinakamaikling panahong kakayanin. Iyan ang kaibuturan ng kapitalismo bilang sistemang panlipunan. Dahil kung hindi ito gagawin ng isang kapitalista, maiiwanan siya sa pansitan, matatalo sa kumpetisyon, malulugi, hindi na siya matatawag na kapitalista, mawawala siya sa uring kinabibilangan niya. Hindi ito udyok ng masamang ugali ng indibidwal na kapitalista.

Isa pa, Ang perang nakaimbak o di ginamit sa negosyo ay yaman pero hindi kapital, hindi puhunan. Ang kapital ay hahanap at hahanap ng negosyong mapagtutubuan nang malaki at madali. Iyan ang kalikasan o naturalesa ng kapital.

6. Bakit hindi nakabayad ang mga Amerikano sa kanilang utang sa pabahay?

Una. Nabaon sa utang ang mamamayang Amerikano. Noong 1980, ang karaniwang utang ng isang pamilya ay $40,000; ngayon ito ay umaabot sa $130,000. Mas malaki ang kanilang gastos kaysa sa kanilang kita. Mula 2005, sa kauna-unahang pagkakataon mula noong matapos ang Great Depression of 1930, walang naiimpok ang mamamayang Kano. Noong Agosto 2007, nagwarning ang United States Federal Reserve na ang utang ng bawat pamilyang Kano ay tumaas mula 58% ng kita ng pamilya noong 1980, umabot na sa 120% noong 2006. Ayon naman Kay Eric Toussaint, isang eksperto sa paksang ito, ang average na utang ng pamilyang Amerikano sa nakalipas na dalawang taon ay umabot na sa 140% ng kanilang taunang kita. Bukod sa utang sa bahay, baon din sa utang sa credit card ang mga Amerikano. Utang ang tumutustos sa buhay nilang “kinaiinggitan” ng maraming Pinoy—ang tinatawag na American Dream. Sa katapusan ng 2008, ang total na utang ng US (utang ng gubyerno, utang ng mga kumpanya, at utang ng bawat pamilya) ay umabot sa mahigit triple (350%) ng gross domestic product ng nito.

Tatlumpo at tatlong milyong Amerikano (33M) ang nabubuhay sa ilalim ng poverty line. Bagama’t tumaas nang 60% ang produktibidad ng manggagawang Amerikano mula 1979, ang sahod naman nila ay bumagsak nang 5%.

Ikalawa. Kagaya ng iba pang manggagawa sa lahat ng bansa, ang mga manggagawang Amerikano ay biktima rin ng cheap labor policy, flexibilization of labor at iba pang pakana ng uring kapitalista para paliitin nang husto ang gastos sa produksyon (variable capital—sweldo at mga benepisyo) na napupunta sa manggagawa kapalit ng lakas-paggawa upang mapalaki ang kanilang tubo sa patuloy na pagbaba ng rate of profit dahil sa inherent o likas na problema ng sistemang kapitalismo—ang overproduction.

Narito ang kabalintunaan ng sistemang kapitalismo. Ang katangian nitong maghangad ng mas malaking tubo ang siya ring dahilan ng paulit-ulit na krisis ng overproduction. Maraming nalilikhang produkto pero walang kakayahan ang manggagawa at mamamayan na bilhin ang mga ito. Ito’y dahil patuloy na pinabababa ng mga kapitalista sa tulong ng mga gubyernong maka-kapitalista ang sweldo at benepisyo ng manggagawa sa buong mundo.

Ito ang problema ng kapitalismo. Likas sa katawan nito ang overproduction dahil sa kakayahan nitong palakasin ang produktibong kapabilidad nang lagpas sa kakayahan ng populasyong bumili dahil naman sa panlipunang di pagkakapantay-pantay na naglilimita sa kakayahang bumili ng tao. Ang gayo’y nagpapababa sa tantos ng tubo.

7. Ano ang overproduction?

Kagaya ng nasabi na sa itaas, sobra-sobra ang produkto at serbisyong nagagawa ng manggagawa pero di mabili. Hindi sa ayaw bilhin kundi walang kakayahang bumili ang mga manggagawa mismo at iba pang mamamayan. Iyan ang overproduction.

Pero higit pa sa simpleng paliwanag na yan ang overproduction ng kapitalismo bilang sistemang panlipunan na dominante sa buong mundo.

Ang kapitalistang produksyon ay para sa ultimong layuning magkatubo. Nagkakaroon ng produksyon kapag ang likas yaman ay nilapatan ng lakas-paggawa – mula sa pagkuha, pagpoproseso at paggawa ng sari-saring produkto mula sa mga hilaw na materyales na ito. Matapos ibenta at bawasin ang mga gastos sa produksyon (variable at constant capital), ang matitira ay ang tinatawag na tubo o surplus value o profit.

Pag konti ang kapital, konti rin ang nagagawang produkto, kaya konti rin ang tubo. Kaya may naririnig tayong expansion ng kumpanya, ito’y dahil sa gustong palakihin ang produksyon upang mas malaki ang tutubuin. Kung ano ang uso at mabili dun naglalagak ng puhunan ang mga kapitalista. Pero dahil iisang palengke naman ang mundo at walang regulasyon sa pagmamanupaktura kung ilan ang gagawing produkto, sumusobra ang nagagawang produkto. Nabubulok ang mga pagkaing di mabili. Nalilipasan ng uso ang mga kasuotang di nabenta. Ganyan din sa ibang produkto. Bunga nito, lumiliit ang rate of profit. Para di tuluyang lumiit ang tubo, binabawasan ang produksyon, ang ibang pabrika ay nagsasara o ibinibenta sa ibang kapitalista. Ang resulta, nawawalan ng trabaho at nagugutom ang maraming manggagawa.

Ang ganitong problema ay paulit-ulit na naganap sa kasaysayan mula 1841 mula nang mauso ang malakihang produksyon na ibinunsod ng Industrial Revolution. Mula noon, ilang ulit na lumaki ang kapasidad ng lipunan sa buong mundo na lumikha ng pangangailangan ng tao. Sa kasalukuyan, ang produksyon ng pagkain ay kayang pakainin nang sapat sa nutritional requirement ang tripleng bilang ng populasyon ng mundo. Napakalaking bilang ng populasyon ng mundo ay nagugutom dahil wala silang kakayahang bumili ng pagkain. Ayon sa International Labor Organization (ILO) ng United Nations, ang 190 milyong walang trabaho sa buong mundo noong 2008 ay maaaring madagdagan ng 51 milyon sa katapusan ng 2009 dahil sa nagaganap na krisis. At magkakaroon ng 1.4 bilyong manggagawa na nabubuhay sa kahirapan na kumikita lang ng di tataas sa P120 (2 Euros) bawat araw, 45% ito ng may trabaho o economically active sa mundo.

Ang kasaysayan ng kapitalismo sa mundo ay kasaysayan ng pag-ahon at pagbagsak o ang tinatawag na boom and bust cycle. Sa bawat pag-ahon, tumitiba ang mga kapitalista. Sa bawat pagbagsak, nababawasan ng tubo ang mga kapitalista, may mga nalulugi at nagsasara pero nalilipat lang sa ibang kamay ang kanilang kapital. Sa panahon ng pag-ahon at sa panahon ng pagbagsak ng kapitalismo, parehong kawawa ang mga manggagawa. At habang tumatagal ang kapitalismo sa daigdig bilang panlipunang sistema, lumalaki ang bilang ng manggagawa at mamamayang tila purgatoryo ang buhay sa lupa. Ito’y sapagkat sinisipsip ng kapitalismo ang yamang ginawa ng manggagawa sa produksyon. Ang yamang ito ay ang surplus value o tubo. Dahil sa extraction ng super-profit ang motibo ng kapital, ang manggagawa ng daigdig ay natatalsikan lang ng yamang nilikha niya sa proseso ng produksyon, at balde-balde sa mga kapitalista. Sa paraang yan nagkakamal ng limpak-limpak na tubo ang mga kapitalista at bilyun-bilyon naman ang naghihirap.

8. Ano ang kaugnayan ng overproduction sa pumutok na krisis pampinansya?

Bakit hindi inilagak ang malaking pera sa produksyon sa halip na bumili ng bond, stocks at derivatives?

Overproduction na ang mundo. Overcapacity rin ang mga kagamitan sa produksyon. Sobra-sobra na rin ang perang tinubo mula sa production. Wala ng lugar ang dagdag na pabrika. Kung magtatayo ka ng bagong pabrika, di ka na rin tutubo dahil marami ng produkto sa merkado.

Kaya ang limpak-limpak na salaping tinubo ng mga kapitalista sa produksyon ay ginamit sa financial market para tumubo pa kaysa nakaimbak lang—andyan ang mga bangko, mortgage companies, investment houses at insurance companies. Di lang nila pera kundi maging ang mga impok ng mamamayan na pera ay kanilang ginagamit – savings, pension fund, educational fund, pati mortuary, atbp. — sa ispekulasyon ng kapital.

Sari-saring paraan ito na gumagamit lang ng papel, mga sertipiko na ibinibenta at binibili para tumubo. Trilyon-trilyong dolyar ang halagang umiikot sa financial market. Hamak na malaki ito, higit doble, sa puhunang nakalagak sa real economy o produksyon.Pero tulad ng nangyari sa housing bubble sa US, puro hangin ang laman ng mga transaksyong ito. Sa isang iglap lang ay naglahong parang bula ang trilyun-trilyong dolyar.

Para higit nating maunawaan, balikan natin ang tingurian nilang Gintong Panahon ng Kapitalismo noong 1945 hanggang 1975.

Ito ang panahon ng mabilis na “pag-unlad” (growth, na sinusukat sa GNP at GDP) kapwa sa center economies (gaya ng US, England, France, etc) at underdeveloped economies (gaya ng Pilipinas, Indonesia). Isang dahilan ng pag-unlad ay ang malawakang rekonstruksyon sa Europa at East asia matapos sirain ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig na nagpasikad ng produksyon at demand. Isa pang dahilan ay mga bagong kasunduang sosyo-ekonomiko na pumailalim sa Keynesianismo—susi rito ang malakas na kontrol ng estado sa merkado, agresibong paggamit ng fiscal at monetary policies para kontrolin ang inflation at recesssion, at pagbibigay ng relatibong mas mataas na sweldo upang paandarin at panatilihin ang demand (pagbili).

Ang kaunlarang ito ay nagwakas noong kalagitnaan ng dekada 70, nang ang center economies ay tinamaan ng stagflation – magkasabay na low growth at inflation.

Bakit nangyari ito? Ang rekonstruksyon ng German at Japan at ang mabilis na pag-unlad ng mga bagong industrialisadong bansa gaya ng Brazil, Taiwan at South Korea ay nagdagdag sa productive capacity at nagpalala ng kumpetisyon sa mundo. Ang social inequalities ay lumaki ang agwat sa bawat bansa at sa pagitan ng mga bansa, na naglimita sa paglago ng kakayahang bumili (purchasing power) at demand. Sa gayo’y bumaba ang tubo (profitability). Pinalala pa ito ng mabilis na pagtaas ng presyo ng langis noong dekada 70.

9. Paano nilulutas ang krisis?

Sa di malayong nakaraan sa kasaysayan, ang krisis ng kapitalismo ay nilutas ng digmaan. Ang dalawang digmaang pandaigdig noong 1914 at 1941 ang “lumutas” sa krisis ng overproduction, pagbagsak ng stock market at pagliit ng rate of profit.

Di na kayang bilhin ng kanya-kanyang merkado ang produkto ng mga kapitalistang bansa noon. Kailangang maghanap ng panibago at dagdag na merkado upang magtuluy-tuloy ang produksyon at magtuluy-tuloy din ang pag-akyat ng tubo. Wala silang ibang paraan noon kundi agawin sa isa't isa ang kanya-kanyang merkado.

Ang panalo ng Allied Power na pinangunahan ng US noong World War II ang nagsalba sa US sa Great Depression na nagsimula noong 1929 na ayon sa maraming ekonomista ay katulad ang tindi sa nagaganap ngayong krisis. Ang produksyon ng materyales pandigma na ibinenta sa mga kaalyado ng US ang nagpaandar ng ekonomya nito. At ito ay umahon sa depresyon sa pamamagitan ng pagsakop sa mga merkado ng mga natalong bansa sa pamamagitan ng mga kondisyones na nilagdaan ng magkabilang panig bilang resolusyon sa pagtatapos ng gyera.

Sa kasalukuyang mga sirkumstansya, ang pandaigdigang gyera bilang solusyon sa krisis ay halos segunda sa imposible nang maganap. Ito’y dahil ang business interests ng malalaking burgesya sa iba’t-bang malalaki at mayayamang bansa ay nakakalat na sa buong mundo. Ang G-8 at G-20 ay ang mga konsolidadong samahan ng malalaking kapitalistang bansa. Sa pana-panahon ay nag-uusap sila sa Davos upang lutuin ang kanilang taktika kung paano patataasin ang rate of profit; kung paano pigain ang manggagawa ng lahat ng bansa para palakihin ang kanilang tubo. At nitong Abril 2009 nga ay nagmiting sila sa London para pagkaisahan ang kanilang taktika kung paano pigain ang mangagawa ng buong mundo upang isalba ang kapitalistang sistemang kanilang pinagkakakitaan.

Pero di nangangahulugan na ang mga burgesyang ito ay di susuporta sa gyera gaya ng pagsuporta nila sa adventuristang militar ng US sa Iraq at Afganistan upang ipreserba ang pandaigdigang kaayusang kapitalista at upang palakihin ang tubo ng military industrial complex ng US at iba pang monopolyo kapitalista na direkta at di-direktang nakakabit ang kapalaran sa kapangyarihan ng Amerika.

Mula 70’s, may 3 paraan silang ginawa para maalpasan ang krisis—neoliberal restructuring, globalization at financialization.

a. Neoliberal restructuring. Ito ang tinatawag na Reaganism at Thatcherism sa mauunlad na bansa (North) at Structural Adjustment Program (SAP) sa mahihirap na bansa (South). Ang layunin nito ay palakasin ang akumulasyon ng kapital, at sa paraang 1) alisin ang kontrol ng estado sa paglago, paggamit at paggalaw ng kapital at yaman; 2) redistribusyon ng kita mula sa mahihirap at middle class patungo sa mayayaman (kapitalista) sa paniniwalang maeenganyo silang mamuhunan at pasikarin ang economic growth.

Malaki ang problema ng pormulang ito. Sa paghigop ng kita ng mahihirap at panggitnang uri papunta sa mga kapitalista, pinaliliit ang kita ng mahihirap at gitnang uri na ang resulta ay pagbaba ng purchasing power nila at kung gayo’y pagbaba ng demand. Samantalang di sigurado na maeenganyo ang mga mayayaman na maglagak ng mas maraming puhunan sa produksyon.

Sa katunayan, nang ipatupad nang todo ang neoliberal restructuring noong 80’s at 90’s kapwa sa mayayaman at mahihirap na bansa, nagresulta ito ng mababang rekord sa pag-unlad: ang average global growth ay 1.1% noong 90’s at 1.4% noong 80’s. Samantalang 3.5% noong 60’s at 2.4% noong 70’s nang dominante pa ang pakikialam ng gubyerno sa negosyo. Hindi nagawang pigilan ng neoliberal restructuring ang pagbagsak ng ekonomya tungong stagflation.

b. Globalisasyon. Ang ikalawang lunas ng pandaigdigang kapital para mapigil ang stagnation ay ang malawakang akumulasyon o globalisasyon. Ito ang mabilisang integrasyon ng mga bansang di kapitalista o mala-kapitalista sa global market economy. Ito ay para maitaas ang rate of profit sa mayayamang bansa. Paano? Sa pamamagitan ng pagpapatrabaho sa mga manggagawang mababa ang sweldo, pag-abot sa bagong pamilihan, pag-abot sa mga bagong pagmumulan ng murang produktong agrikultural at hilaw na materiales at bagong lugar na gagawan ng imprastraktura.

Ang integrasyong ito ay nagawa sa pamamagitan ng trade liberalization o ang pag-aalis ng mga sagabal sa paggalaw ng pandaigdigang kapital at dayuhang pamumuhunan.

Ang China ang pinakaprominenteng kaso ng di kapitalistang bansa na pumasok sa integrasyon sa nakalipas na 25 taon.

Upang makontra ang patuloy na pagbaba ng kanilang rate of profit, marami sa Fortune 500 corporations – ang pinakamalalaking kumpanya sa mundo – ay inilipat ang malaking bahagi ng kanilang operasyon sa China upang samantalahin ang napakalaking bilang ng napakamurang lakas-paggawa doon. Sa kalagitnaan ng unang dekada ng bagong milenyo (2005), humigit kumulang sa 50% ng tubo ng mga korporasyong Amerikano ay galing sa operasyon at benta sa labas ng US, pangunahin ang China.

Bakit di nagawang sawatain ng globalisasyon ang krisis? Pinalala lang ng globalisasyon ang overproduction. Ito ay sapagkat dinagdagan nito ang productive capacity. Napakalaki ng kakayahang lumikha ng produkto ang naidagdag sa China sa nakalipas na 25 taon. At ito ay nagbunga ng pagbaba ng presyo at tubo. Bandang 1997 nang makitang di na tumataas ang tubo ng mga korporasyong Amerikano. Ayon sa isang pag-aaral, ang rate of profit ng Fortune 500 ay pababa: 7.15 noong 1960-1969; 5.30 noong 1980-1990; 2.29 noong 1990-1999; 1.32 noong 2000-2002.

c. Financialization. Dahil sa limitadong ganansya ng neoliberal restructuring at globalisasyon para kontrahin ang pababang epekto ng overproduction sa rate of profit, ang ikatlong solusyon ang nasilip ng mga kapitalista para imentena at itaas ang tantos ng tubo.

Sa ideyal na mundo ng ekonomyang neoklasikal, ang sistemang pampinansya ay mekanismo para pagsanibin ang mga may sobrang pondo at mangangalakal na nangangailangan ng pampuhunan sa produksyon. Sa mundo ngayon ng late capitalism, dahil sa napakababang rate of profit sa industriya at agrikultura bunga ng overcapacity sa produksyon, higanteng sobrang pondo ang umiikot, ipinipuhunan at muling ipinupuhunan sa sektor ng pinansya. Nagsarili ang sektor ng pinansya.

Nagresulta ito ng malaking dibisyon sa pagitan ng masiglang financial economy at matamlay na real economy.

Sa esensya, ang financialization ay pagpiga ng halaga (value) sa dating nagawang halaga. Tutubo ka sa pamumuhunan dito pero di ka makakagawa ng bagong halaga. Ang industriya, agrikultura, pangangalakal (trade), at serbisyo lamang ang nakakabuo ng bagong halaga.

Pero mabuway ang pamumuhunan dito dahil ang tubo ay di nakabatay sa nagawang halaga. Ang presyo ng mga sapi, bond, derivatives at iba pang porma ng puhunan ay madaling magbago, tumaas o bumaba, mula sa totoong halaga nito. Isang halimbawa ang sapi ng Internet startups na patuloy ang pagtaas, pataas nang pataas sa tulak ng mga ispekulador hanggang sa biglang bumagsak noong 2001.

Tutubo ka kung natiyempuhan mong bumili ng sapi nang ang presyo ay papataas at naibenta ito sa mas mataas na presyo bago bumagsak ang presyo sa totoong halaga nito. Ang sobrang pagtaas ng presyo ng aria-arian (assets) na malayo sa totoong halaga (real value) nito ay tinatawag na “bubble”.

Nalutas ba ng financialization ang problema?

Dahil ang pagtubo ay nakadepende sa ispekulasyon, di nakapagtataka na ang mga kapitalista ay palukso-lukso sa bawat bubble. At dahil ito ay pinaaandar ng ispekulasyon, ang kapitalismo ay dumanas ng napakaraming financial crisis mula nang ipatupad ang deregulasyon at liberalisasyon sa pinansya noong 1980’s.

Bago naganap ang kasalukuyang Wall Street meltdown, ang pinakamalalala ay ang Mexican Financial Crisis noong 1994-95, ang Russian Financial crisis noong 1996, ang Asian Financial Crisis noong 1997-98, ang Wall Street Stock Market Collapse noong 2001, at ang Argentine Financial Collapse noong 2002.

Lahat ng mga pagbagsak na ito, at kahit ang Great Depression noong 1930, ay kinakitaan ng pag-ayuda (bail-out) ng mga gubyerno at/o ng IMF sa mga kumpanyang bumagsak. Gaya ng nangyayari rin ngayon, trilyon-trilyong dolyar ang pinagsama-samang bail out ng mga gubyerno sa kani-kanilang ekonomya sa layuning apulain ang malawakan at tuluyang pagbagsak ng sistemang kapitalista.

Pero ang perang ito ng mga gubyerno ay pera ng manggagawa, pera ng mamamayan. Ililigtas nila ang mga nagpakana ng krisis hindi ang malawak na bilang ng mamamayang biktima ng krisis.

Tunghayan natin ngayon ang pinagkaisang reseta ng G-20 sa London nitong maagang bahagi ng Abril, 2009 para gamutin ang karamdaman ng kapitalismo:

1. Kinikilala nilang pandaigdigan ang krisis, lampas na sa pagiging isang pinansyal na krisis. Sabi nila, kung global ang krisis, global din ang solusyon. Malinaw na preserbasyon ng neo-liberal na sistema ang puno’t dulo ng kanilang recovery plan.

2. Ang sentro ng recovery plan ng G20 ay ang pagsasaayos ng pandaigdigang sistemang pampinansya: bailout para ipreserba ang banking and finance system, hinahabol na mapadaloy muli ang pagpapautang at kapital.

3. $5.5 Trillion ang ipapasok sa recovery plan. Ang bulto ay ibibigay sa banking and finance system para matiyak ang pagsikad ng daloy ng kapital.

4. Ang IMF at WB ang sentro na magpapatupad ng programa sa recovery. Ito rin ang magiging tagapagtiyak nila na susunod sa kanilang plano ang mga mahihirap at gipit na bansa.

5. Nagsasalita ng mga regulasyon pero walang ngipin ang regulasyon sa mga instrumentong pampinansya tulad ng hedge funds, derivatives, CDO, atbp (speculative funds) na siyang nagluwal ng kasalukuyang krisis pampinansya. Bakit nga ba nila kikitlin ang buhay ng mga instrumentong ito samantalang ito ang siyang mabilis na nagpalago ng tubo para sa mga kapitalista sa kaayusang neoliberal?

6. Ang recovery plan ay ipatutupad sa loob ng dalawang taon. Sa tantya nila, sa katapusan ng 2010 matatapos ang recession na niluwal ng global financial crisis. Tinataya nilang makakakita na ng 2% growth sa dulo ng 2010. Subali’t dahil hindi man lang inugat ng kanilang solusyon ang mga kontradiksyon na nilikha ng pakanang “financialization,” umangat man nang 2% ang world economy, ito’y muling bubulusok sa maiksing panahon.

Walang ibang patutunguhan ang recovery plan na ito kundi ang pagkakatali ng mga mahihirap at gipit na bansa sa kumunoy ng utang at pagsunod sa kaayusang pangkalakal at pamumuhunan na higit na dudurog sa mga pambansang ekonomiya ng mga ito. Mas titindi ang pagpiga ng tubo sa mga manggagawa ng lahat ng bansa, laluna sa mahihirap na bansang kagaya ng Pilipinas. Dapat maghanda ang mga manggagawa ng lahat ng bansa sa muling pag-atake ng kapital sa kaparaanan ng mabang sweldo at benepisyo, pagyurak sa mga karapatan at pagliit ng maliit nang serbisyo publiko.

Tayo ay nasa gitna ng krisis. Higit pa sa pampinansyang krisis. Higit pa sa pang-ekonomyang krisis. Ito ay krisis ng panlipunang sistemang kapitalismo.

Ang sistemang ito ang nagkakait ng masaganang kabuhayan sa mayorya ng tao sa mundo.

Ang sistemang ito ang naghahasik ng karahasan sa sangkatauhan.

Ang sistemang ito ang sumisira sa kalikasan.

Ang sistemang ito ang nagpapababa sa dignidad ng tao at sumisira sa bawat hibla ng sibilisadong buhay panlipunan. Ang sistemang kapitalismo ang pumapatay sa pangarap na pinapangarap ng sangkatauhan.

Ang sistemang kapitalismo ay salot!

Dapat itong ibagsak at palitan ng sistemang para sa tao hindi para sa tubo! Ito ang sistemang sosyalismo.

Pero hindi kusang maglalaho ang sistemang kapitalismo. Kahit na paulit-ulit ang boom and bust cycle, nagagawan ng solusyon ng pandaigdigang burgesya ang krisis. Ito’y sapagkat ang manggagawa ng lahat ng nasyon ay pumapayag pa na isalba nila ang kapitalismo mula sa napakalalim na krisis nito.

Minsan ay sinabi ni Lenin, “Ang kapitalismo ay di babagsak nang walang panlipunang pwersang magpapabagsak nito.”

Sabado, Mayo 2, 2009

Manggagawa - ni Gregorio V. Bituin Jr.

MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung saan-saan ninyo kami nakikita
sa mga lansangan, bukid, talyer, pabrika
naroroon kaming kakaunti ang kita
munting sahod, alipin ng kapitalista

kami ang tinatawag ninyong manggagawa
na iba't ibang produkto ang nililikha
ngunit alipin kaming mga gumagawa
lakas-paggawa'y di binabayarang tama

sa anyo ko'y madali akong makilala
ngunit hindi ang aking mga pagdurusa
pagsisikap ko'y madali nyong makikita
ngunit hindi ang luhang pumatak sa mata

masdan mo't ang mga kamay ko'y pulos lipak
sinemento ko ang maraming daang lubak
pinanday ko'y mga kanyon, araro't tabak
ngunit ako itong gumagapang sa lusak

ako ang nag-aayos ng tagas sa gripo
ako ang tagalilok ng mga rebulto
ako ang sa bukid ninyo'y nag-aararo
ako ang nagtatahi niyang baro ninyo

aking ginawa ang gusali ng Kongreso
Malakanyang, Hudikatura at Senado
pinalilipad ko ang mga eroplano
pandagat din dahil isa akong marino

ako'y gawa ng gawa maghapon, magdamag
sa pagsisipag, katawan ko'y pulos libag
lakas-paggawa ko'y talaga namang laspag
madalas pa, karapatan ko'y nilalabag

ako'y hamak na alipin ng aking amo
ako'y alipin din ng mga asendero
alipin din ng kapitalistang barbaro
kailan ba lalaya sa sistemang ito

barya lang ang sahod, di sapat sa pamilya
habang panay ang tubo ng kapitalista
laging usap nila'y paano yayaman pa
kaya manggagawa'y tinulad sa makina

dahil sa kapitalistang pribilehiyo
na bawat gamit sa produksyon ay pribado
kaming manggagawa'y inalipin ng todo
kayod kalabaw para sa kaybabang sweldo

pribadong pag-aari ang nagtanikala
sa pagkatao't buhay naming manggagawa
dapat nang wasakin ang kalagayang sumpa
sa sistemang bulok dapat kaming lumaya

manggagawa, magkaisa, huwag palupig
sa sistemang tanging tubo ang iniibig
ang kapitalismo'y dapat nating madaig
sosyalismo'y itayo sa buong daigdig

Mayo 1, 2009
Sampaloc, Maynila