sapagkat hindi kawanggawa ang kanyang pangalan
ni emmanuel v. dumlao
*** trapolista - trapong kapitalista
------
siya ang magarang plastik na lantarang iniaabot
ng trapolistang sa mga nasalanta’y nakikihimutok,
pero hindi kawanggawa ang kanyang pangalan;
kilatising maigi, kilatisin ang bawat kaluskos
at tuntunin ang ugat ng ganitong paglilimos.
tubig sardinas noodles bigas kape damit
nagsasalimbayang mga karton at plastik,
may tatak na logo o alyas o pakyut na mukha
ng trapolistang bumait nang biglang-bigla;
pero hindi kawanggawa ang kanyang pangalan.
hindi siya ang bisig ng payat na basurerong
nilamon ng baha ang barungbarong at mga anak,
pero nagtaya ng buhay para kapuwa ay masagip;
hindi siya ang tinapay na tahimik na ipinagkaloob
ng kamay na nangangatog din sa gutom at lamig.
siya ang biyayang kahit hindi pa dumarating
sinasalubong na agad ng papuri at patalastas –
biyayang may sariling banda at kurbating;
kilatising maigi, kilatisin ang kaluskos
at tuntunin ang ugat ng ganitong paglilimos.
nakakapawi ng gutom at ginaw, bakit hindi;
pero hindi kawanggawa ang kanyang pangalan.
tawagin natin siyang halagang dapat itinumbas
sa pinagpaguran ng mga manggagawa, pero nililimas
ng trapolistang sa atin ngayon tila santong naglilimos.
tawagin natin siyang buwis na dinambong –
ligtas at saganang buhay na sa ati’y inumit
ng mga trapolistang babad sa kislap ng kamera,
at may retokadong ngiti na pamingwit ng boto;
hindi kawanggawa ang kanyang pangalan.
kilatising maigi, kilatisin ang kaluskos
at tuntunin ang ugat ng ganitong paglilimos:
siya ang kahandaang sa ati’y ipinagkakait
para pag may sakuna maging santo ang ganid;
kaya tawagin natin siyang pagbabalat-kayo,
kaya tawagin natin siyang pagsasamantala.
sapagkat hindi kawanggawa ang kanyang pangalan.