Lunes, Disyembre 12, 2011

Regular na kontraktwal? Kung bakit malabo ang DO 18 ng DOLE

Regular na kontraktwal?
Kung bakit malabo ang DO 18 ng DOLE
ni Merck Maguddayao

Benepisyo, seguridad sa trabaho, overtime pay, at 13th month pay—ito ang mga benepisyong hindi tinatamasa ng mga manggagawang kontraktwal sa mahaba nang panahon. Ngunit ito raw ay maigagawad na dahil sa bagong kautusan ng Department of Labor and Employement (DOLE), ang Department Order (DO) 18-A series of 2011, na magtatakda ng benepisyong pang-regular na manggagawa.

“This will address the clamor of the labor sector to clarify government policy on contractual employment so that they could be assured this will not be used to circumvent the compliance of employers to labor standards,” ani DOLE secretary Rosalinda Baldoz sa isang press conference kamakailan lang.

Paliwanag niya, layunin ng kautusang ito na gawing propesyonal ang kaayusan ng pangongontrata ng paggawa sa ilalim ng mga contracting agencies at buwagin ang maiiksing kontrata o ang tinatawag na “5-5-5 work duration.”

Sa kautusang ito, matatamasa na raw ng mga kontraktwal na manggagawa ang mga benepisyong tinatamasa ng mga regular na manggagawa. Kabilang na rito ang mga benepisyo gaya ng SSS, Pag-Ibig, at Philhealth, gayundin ang overtime pay at 13th month pay.

Kahungkagan ng DO 18

Dito naman makikita ang kabalintunaan ng bagong kautusang ito. Kung matatamasa rin naman pala ng mga kontraktwal na mga manggagawa ang mga benepisyong para sa mga regular na manggagawa, bakit hindi na lang gawing regular ang lahat ng mga manggagawa?

Bagamat nararapat lang na maigawad sa mga kontraktwal na manggagawa ang mga benepisyong nararapat para sa kanila, pahamak ang DO 18 sa mga regular na manggagawang agarang tinanggal sa trabaho. Halimbawa rito ay ang mga manggagawa ng Philippine Airlines na sinesante sa trabaho kamakailan lang upang i-outsource, o ibigay sa mga contractors at mga kontraktwal na mga manggagawa ang mga pwesto ng mga tinanggal na empleyado. Ang ganitong kalakaran ay maaaring maabuso ng mga employer dahil ang lalong ginagawang lehitimo, bagamat may mga regulasyon, ang contracting at subcontracting ng paggawa.

“Bagamat dapat lang na tratuhin nang pantay ang mga regular at kontraktwal na manggagawa sa usapin ng benepisyo at seguridad sa trabaho, wala pa ring silbi ang sinasabing ganansya ng DO 18 dahil pag-legitimize pa rin ito ng subcontracting,” ani Teody Navea, pangalawang pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Ani Navea, ang DO 18 ay resulta ng isang congressional hearing na naganap dalawang taon na ang nakalilipas. Ang posisyon noon ng BMP sa isyung ito, aniya, ay ang pantay na pagtrato sa mga regular at kontraktwal na manggagawa.

“Sa ilalim na kontraktwalisasyon, naaabuso ng mga kapitalista ang Article 106 ng Labor Code na pinapayagan ang kontraktwal na paggawa para sa kanilang kapakinabangan. Ang resulta ay mababang sweldo, kakulangan ng benepisyo, at kawalan ng seguridad sa mga kontraktwal na manggagawa,” paliwanag niya.

Ang solusyon, aniya, ay ang tuluyang gawing pantay ang pagtrato sa mga regular at kontraktwal na manggagawa upang mawalan ng opsyon ang kapitalista sa kung aling kategorya sila makatitipid, kaya ang magiging resulta ay regular na trabaho para sa lahat. Ngunit, ani Navea, walang penalty clause, o parusa para sa mga lalabag, sa EO 18, kaya hindi rin magbubunga ang mga benepisyon ipinapangako sa kautusang ito.

Regular na trabaho para sa lahat

Dahil dito, isang malaking kahungkagan ang mga pangako ng EO 18. Hangga’t kinikilala ng gobyerno ang kontraktwal na paggawa at hangga’t pinapayagan nito ang walang habas na kontra-manggagawang mga palisiya ng mga kompanya (sa ilalim ng Articles 282 at 283 ng Labor Code—ang Management Prerogative rule), walang matatamasang tunay na kaginhawaan at benepisyo ang mga kontraktwal na manggagawa, at seguridad naman para sa mga regular na manggagawa.

Kaya sa mga kontraktwal na manggagawa, huwag asahan ang mga pangakong benepisyo ng EO 18. Kailangan pa ring igiit ang regular na trabaho at seguridad sa paggawa. Kailangang organisahin ang hanay ng mga manggagawa—regular man o kontraktwal—upang tuluyang wakasan ang salot ng kontraktwalisasyon.

Sanggunian:
• Medenilla, Samuel. New rule on contractual employment. Tempo (1 Disyembre 2011)
• Briola, Jerbert. DOLE’s new contractualization rules puzzle PALEA. GMA News Online (3 Disyembre 2011)
• Contractual employees will now enjoy benefits of regular workers. DOLE (1 Disyembre 2011)
• DOLE primer on contracting and subcontracting. Chan Robles Virtual Law Library. (Sinilip noong 12 Disyembre 2011)

Miyerkules, Nobyembre 30, 2011

Liham at Polyeto ng Unyon sa Arco Metal

Ang Samahan ng Manggagawa sa Arco Metal (SAMARM), sa pamumuno ng kanilang pangulo ng unyon na si Percival Bernas, ay kasalukuyang nakapiket sa harapan ng kanilang kumpanya sa Santolan, Pasig.

Nakatanggap ang bawat manggagawa ng liham mula sa kumpanya na may petsang Oktubre 6, 2011. Ito ang nilalaman ng liham:



Re: Pagsarado ng Kumpanya

Ginoong (pangalan ng manggagawa),

Mabuhay!

Ikinalulungkot naming ipaalam sa iyo na magsasara at ihihinto ang pagpapatakbo ng negosyo ng kumpanya, Arco Metal Products Co., Inc. ("Kumpanya") sa Nobyembre 5, 2011.

Bilang pasasalamat ng Kumpanya, ikinalulugod namin na bigyan ka ng paid leave mula ngayon hanggang Nobyembre 5, 2011. Umaasa kami na gagamitin mo ang panahong ito sa paghahanap ng bagong trabaho o iba pang paraan ng kabuhayan. Sang-ayon sa patakaran ng Kumpanya, idedeposito ng Kumpanya ang iyong sweldo para sa panahong paid leave sa iyong payroll account sa bawat Biyernes ng bawat linggo.

Kasalukuyan naming inihahanda ang iyong mga separation pay at iba pang benepisyo. Ibibigay at kakalkulahin ang mga ito alinsunod sa batas at sa Collective Bargaining Agreement. Mangyari po lamang na bumalik sa kumpanya sa Nobyembre 3, 2011 sa pagitan ng 9 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali upang makakuha ng mga benepisyong ito.

Maraming salamat sa iyong oras at pagsisikap sa at para sa Kumpanya.

Lubos na sumasaiyo,

(Sgd.) SALVADOR T. UY
President



Ang sumusunod ang siyang nilalaman ng polyeto ng SAMARM na ipinamahagi sa ikalawang araw ng nakaraang ika-6 na Pambansang Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) noong Nobyembre 26-27, 2011:

KATOTOHANAN AT KATUWIRAN LABAN SA KASINUNGALINGAN

Ano ang reaksyon ninyo kung ang isang kumpanya na patuloy na kumikita at tumutubo ng malaki ay biglaang magsasara? Makukumbinsi ba kayo kung ang dahilan nila ay umatras diumano ang mga sinusuplayan nilang mga kostumer kung kaya't obligadong itigil na ang operation habang ang sister company nito na lumilikha din ng kaparehong produkto ay patuloy na tumatakbo?

Kami pong mga regular na manggagawa ng Arco Metal Corporation, na matatagpuan sa Santolan, Pasig City, ay nahaharap ngayon sa ganitong sitwasyon. Oktubre 2011 nang mag-file ng Closure sa DOLE ang management ng Arco Metal. Dalawang araw pagkatapos nito ay hindi na kami pinayagan pang makapasok sa loob ng pabrika. Ang kaduda-duda, nasa yugto kami ng pakikipagtawaran para sa aming Collective Barganing Agreement o CBA nang isagawa ito ng management.

Seryoso ba silang isarado na ang kumpanya? Bakit hindi sila nag-file ng closure sa Business and Licensing Office ng Lungsod ng Pasig? Wala rin silang request sa DTI at information sa SEC para ipa-dissolve ang company. Kung tutuusin, dapat nga ay nauna nilang ginawa ang mga ito dahil ang pagpa-file ng Closure sa DOLE ay para lang naman ipaabot sa ahensya na tatanggalin na nila ang kanilang mga trabahador. Ibig ipakahulugan nito, gusto lang nilang alisin ang mga regular na empleyado, buwagin ang aming unyon, at mag-hire ng mga contractual workers bilang kapalit. Kapag walang unyon, at mag-hire ng mga contractual workers bilang kapalit. Kapag walang unyon, madaling pagsamantalahan ang empleyado para mas malaki ang mapupuntang tubo sa may-ari ng kumpanya.

Dahil sa hakbang na ito ng management, kinailangan naming manindigan at lumaban para maipagtanggol ang aming mga karapatan at seguridad sa trabaho. Para sa amin, hindi makatuwiran na basta na lamang kami itatapon at babalewalain ng kumpanya. Totoong may intensyon sila na bayaran ang aming naging serbisyo subalit hindi ito katanggap-tanggap dahil malinaw na ang kanilang motibo ay malisyoso. Gusto lamang ng management ng Arco Metal na ikubli sa likod ng kunwariang pagsasara ang totoong layunin nila na tanggalin kaming lahat sa trabaho.

Para po sa inyong kaalaman, ang Arco Metal Corp. ay nagsimula lamang bilang isang maliit na bodega at machine shop na lumilikha ng spare parts ng motorsiklo. Sa maliit na panahon ay naging ganap na pabrika at nagawa nitong mamonopolyo ang supply sa halos lahat ng motorcycle company sa loob ng bansa. Nagsimula ding magig exporter ang Arco Metal at tuluyang namayagpag sa merkado sa buong dekada 90, sa mismong panahon kung kailan nagkaroon kami ng unyon at CBA.

Kaya't bakit nila kailangang buwagin ang unyon kung ang pagiging organisado ng mga manggagawa ang naging susi sa paglikha ng mas masinop at de kalidad na produkto ng Arco Metal. Hindi maikakaila ng management na dahil sa pagkilala nila sa mga karapatan naming mga empleyado ay tumaas ang kumpiyansa ng mga supplier at customer na siyang ugat kung bakit lumobo ng husto ang tubo at kapital ng kumpanya. Kaya nga nakapagpatayo sila ng isa pang pabrika, ang Metalcast Corporation na matatagpuan sa Cavite. Gusto ba nilang palabasin na kaming mga empleyado nila ay walang naging kontribusyon sa pag-unlad ng kumpanya?

Kung sadyang mababangkarote ang Arco Metal Corporation, matatanggap namin ang proseso na gustong mangyari ng management. Pero, dahil hawak namin ang lahatng patunay na nananatling matatag ang kumpanya, hindi namin papayagan ang kanilang maitim na hangarin.

Ito ang dahilan kung bakit kami nagtayo ng piket sa harapan ng pabrika. Kung bakit kami ngayon ay nagpuprotesta at kinukundena ang baluktot na hakbangin ng management sa pangunguna ng may-ari ng kumpanya na si Mr. Salvador Uy.

Mga kamanggagawa at kababayan, kung mababasa at maiintindihan mo ang aming saloobin, hihilingin namin na samahan mo kami sa aming pakikibaka. Hindi mo man kami pisikal na masusuportahan sa gagawin naming mga protesta, sapat na sa amin na maging kaisa ka namin sa pagkundena laban sa mga kumpanyang katulad ng Arco Metal na walang iniisip kundi ang magkamal ng tubo at tayong mga manggagawa ay itatapon na lamang matapos pigain ang lakas at mapakinabangan. Hindi man namin kayo makakasama sa aming mga itinakdang pagkilos, sapat na sa amin na isama ninyo sa inyong mga panalangin ang aming tagumpay.

At alam namin na magtatagumpay kami dahil kaisa namin kayo sa aming paninindigan at ipinaglalaban.

ANG TAGUMPAY NG AMING LABAN AY TAGUMPAY NG LAHAT NG MANGGAGAWA LABAN SA MGA MAPANLINLANG NA KAPITALISTA!

MARAMING SALAMAT!

SAMAHAN NG MANGGAGAWA SA ARCO METAL (SAMARM)

Linggo, Nobyembre 20, 2011

Gintong Tanikala - ni Mary Grace De Leon


GINTONG TANIKALA
ni Mary Grace De Leon noong Linggo, Nobyembre 20, 2011 nang 1:46 PM
(mula sa facebook)

Makinang pagmasdan ang taling malubay
Maraming nangarap na s'ya'y matalian
Mahirap lagutin dahil di nya alam
Na ang pagkalagot ay s'yang kalayaan

Sahod na mataas parang s'yang sukdulan
Tila nga dulo na nitong ating buhay
Iniisip nating doon makakamtan
Ang ating paglaya sa hirap ng buhay

Di ba't ang panali ay para sa hayop
Para paamuin ang ligaw na loob
Sa alipin lamang ito naaangkop
At hindi sa taong nagpapakapagod

Maraming pangalan ang iniaangkop
Upang matabunan ang masamang loob
Sweldo, honorarium, salary at income
Kahuluga'y SAHOD na s'yang tanikalang
Sa ati'y gumagapos at nagpapayukod

Kung ito'y panali sa ating ALIPIN
Bakit hinahangad? Bakit di lagutin?
Kailangan pa bang tayo ay patayin
Upang sa bangungot tayo ay magising?

Lunes, Nobyembre 7, 2011

Ang Huling Biyahe ni Margie - ni Ohyie Purificacion

ANG HULING BIYAHE NI MARGIE
ni Ohyie Purificacion

Sumisigaw sa takot si aling Loleng, habang inaawat ni tata Isko si Roman, “awat na, tantanan mo na asawa mo baka mapatay mo yan!” Galit na galit si Roman, nanlilisik ang mga mata, akmang susuntukin ang asawa ngunit itinulak siya ni tata Isko. Sakto naman dumating ang mga baranggay tanod na tinawag ng iba pang kapitbahay na naawa sa asawa ni Roman. Dinampot ng tatlong tanod si Roman, tinangka ni Roman lumaban ngunit pinalo siya ng batuta sa likod ng isa sa baranggay tanod. Dito parang nahimasmasan si Roman, umiyak ito at nagmakaawa sa baranggay tanod, “Boss di po ko lalaban, pasensya na po lasing lamang ako.. away po namin itong mag-asawa kaya wag na kayo makialam”. ’kanina ang tapang-tapang mo, ngayon para ka maamong tupa” galit na bulyaw ng tanod kay Roman, “sige bitbitin na to.” Agad dinaluhan ni aling Loleng ang asawa ni Roman, habang ang asawa nito si tata Isko ay nagpasalamat sa mga baranggay tanod at pinauwi na ang ilang kapitbahay

“Dun ka kaya muna sa amin Margie. kayo ng beybi mo”, puno ng pag-alala ang boses ni aling Loleng. Wag na po aling Loleng baka pati kayo pag-initan ni Roman, kilala nyo naman ang asawa ko wala kinikilala pag nakainom”, mahinang tugon ni Margie. Sumagot si tata Isko, “Ang sabihin mo talagang dimonyo yan si Roman! Sige, kami ay uuwi na nang makapahinga ka na rin”.

Nakaalis na ang mag-asawang matanda ngunit nanatiling nakaupo lamang si Margie. Maga ang mukha nito sa inabot na suntok mula sa asawang si Roman. Nararamdaman niya ang sakit ng sikmura niya dahil sa tadyak at sipa ng asawa Ngunit sanay na si Margie, hindi na siya dumadaing. Kunsabagay, wala siyang dadaingan, nasa malayong probinsya ang magulang niya at kapatid. Matagal nang wala siyang balita sa mga ito. At hindi rin naman ata siya hinahanap

Natatandaan niya, umalis siya ng Abra, ang probinsyang kinalakihan niya pagkatapos niya gumaradweyt ng elementary. Ayaw na siyang pag-aralin ng hayskul ng kanyang ama kahit marami ang nagsasabi na matalino siyang bata. Katunayan, marami siyang sabit ng medalya.

“May kausap na akong magsasama sa iyo sa Maynila. Tutal malaking bulas ka naman. Puwede ka na daw magtrabaho dun kahit kahera”, ito ang sabi ng kanyang ama. Umiyak siya ng gabing kinausap siya ng kanyang ama, tutol siya ngunit wala siyang magagawa sa desisyon ng kanyang ama, batas ang salita ni mang Anton sa loob ng kanilang tahanan. Dagdag pa rito ang pag-obliga sa kanya bilang panganay na tumulong sa pagpapalaki sa kanyang pito pang kapatid. Hindi uso ang family planning sa kanilang lugar, kayamanan daw ang maraming anak, ganun ang turo ng kanilang parokya.

Sa bus na sinasakyan ni Margie, katabi niya ang matabang babae na tadtad ng burloloy sa katawan, ito ang magsasama sa kanya sa Maynila. Habang bumibiyahe, nag-umpisang mangarap si Margie, mag-iipon siya upang maipagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral, magpapadala siya ng pera sa kanyang magulang at kapatid at maiahon sa hirap ng buhay.

Estranghero ang pakiramdam ni Margie pagsapit nila ng Maynila. Maraming sasakyan na wala sa kanilang probinsya. Sanay siya makakita ng paragos na hila-hila ng kalabaw, dito siya sumasakay kapag maglalaba siya sa ilog. Napakaraming malalaking tindahan na maraming sabit na paninda. Sa kanilang lugar, dalawa lang ang tindahan. Mabibilang pa sa daliri ang mga tinda pero wala gaanong bumibili dahil walang pera ang mga tao. Napansin ni Margie ang malaking simbahan, akala niya ay palasyo. “Inosente ka talaga, simbahan ’yan, ito ang Quaipo” galit na sigaw sa kanya ng matabang babae na nakilala niya, Vicky ang pangalan.

Pasikot-sikot ang kanilang dinaanan, napakaraming tao, hanggang sumapit sila sa isang malaking tindahan, dagsa ang bumibili. Hindi mawari ni Margie kung anu-anong mga paninda ang naroon, may mga bilog na kulay puti. Nasa plastik at kulay brown na pahaba at pabilog. Hindi magkandatuto ang mga tindera sa pagbebenta sa customer. Hila-hila siya sa kamay ni Vicky papasok sa isang bodega, Dito siya iniwan ni Vicky. Dito nagsimula ang kalbaryo ni Margie.

“Hoy Margie, napakatanga mo talaga, mali itong binigay mo sa customer! Ang order niya ay sampung kilong squid balls hindi fishballs! Wala din sa listahan ang kikiam,” tila kakainin si Margie ng balyenang amo niyang si Mrs. Que, isang Filipino-Chinese. “Halika rito, ayusin mo itong mga order at mamaya hindi ka kakain ng hapunan”. Iba’t ibang parusa ang ipinapatikim ni Mrs. Que sa lahat ng mga tindera niyang nagkakamali na puro kababaihan at menor de idad. Ikinukulong sa mainit na bodega, ginugutom at nilalatigo. Hindi pinapasuweldo at tinatakot na ipapahuli sa pulis sa sandaling tumakas. Kakasuhan sila ng pagnanakaw.

Mahapdi ang sugat ni Margie sa likod, dahil nagkamali siya muli. Nahilo si Margie habang buhat niya ang isang kahon ng chicken balls. Nabitawan niya ang kahon at natapon lahat ang paninda. May isa pang natuklasan si Margie, ang asawa ni Mrs. Que ay pumapasok sa kanilang silid tulugan at may dalang patalim. Ginigising at tinutukan ng kutsilyo kung sinuman ang magustuhan. Inilalabas ng silid. Ang kaawa-awang kasama niya ay bumabalik na umiiyak at tulala.

Nahindik sila lahat nang isang umaga ay bumulaga sa kanila ang nakabitin na katawan ni Sol, may tali ng lubid ang leeg, ang isang kasama ni Margie na nakita niyang inilabas ng kuwarto ni Mr. Que.

Ngunit sa mag-asawang Que, balewala ang nangyari. Basta pinakuha na lang ang bangkay at wala na silang nabalitaan pa kay Sol.

“Kumuha tayo ng utusang lalaki kapalit ni Sol” giit ni Mrs. Que sa asawa niyang mukhang butete sa laki ng tiyan, Nagtatalo ang mag-asawa. “Ayoko!” galit na tutol ni Mr. Que. “Mas mainam ang babae, madaling takutin!”

Araw-araw, halos lahat sila sa tindahan ng mag-asawang Intsik ay nagdarasal na may dumating na magliligtas sa kanila. Takot din silang magsumbong sa pulis dahil kumpare ang mga ito ni Mr. Que.

Hanggang makilala ni Margie si Roman, isang pahinanteng nagdedeliber sa tindahan ng mga paninda. Tinulungan ni Roman si Margie na makatakas. Nagsama sila bilang mag-asawa.

Sa umpisa, naging maganda ang pagsasama nila ni Roman, ngunit nang lumaon, lumabas ang tunay na ugali ni Roman. Mahilig uminom ng alak si Roman, mapaghanap at mainitin ang ulo. Pakiramdam ni Margie, walang pinagkaiba si Roman sa mag-asawang intsik, nananakit kahit sa maliit na pagkakamali niya at sa tuwing hindi mapagbigyan ni Margie sa nais nito.

At kanina, nagalit si Roman dahil ayaw ni Margie tumabi at magsiping sila. Kapapanganak pa lamang ni Margie. Dalawang buwan pa lamang ang kanyang sanggol. Hindi pa nga niya ito napapatsek-up kahit sa health center sa kanilang baranggay. Bigla, nagulantang si Margie. Umiiyak si Mirasol. Tahimik na tumayo si Margie at kinarga ang bata. Tuloy-tuloy na lumabas ng kanilang barong-barong. Tahimik pa rin si Margie habang pangko niya si Mirasol. Ngunit sa isip niya nabuo ang isang desisyon.

Lumipas ang sampung taon, wala nang nakaalala kay Margie sa lugar na iniwan niya. Maliban kay aling Loleng at tata Isko na itunuring siyang parang anak. Nagulat na lamang ang mag-asawang pinahina na rin ng katandaan at kakapusan sa buhay nang may kumatok sa kanilang pinto. Isang magandang babae, kasama ang isang batang babae na masigla, malusog at matalino. Nagpakilala ang bisita ng mag-asawa. “Ako po si Margie. At ito ang aking anak. Nagtagumpay ako.”

Biyernes, Oktubre 21, 2011

Ang FASAP at ang Baligtaring Hukuman

ANG FASAP AT ANG BALIGTARING HUKUMAN
ni Greg Bituin Jr.

Nanalo na sa korte nitong Setyembre 7, 2011 ang 1,400 myembro ng Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP) ang labintatlong taon ng pakikibaka at paghahanap ng katarungan. Ilegal ang pagsibak sa trabaho ng 1,400 manggagawa ng PAL at dapat silang i-reinstate at mabayaran. Pabor sa FASAP ang desisyon, at ito'y "final and executory", pinal na at hindi na pakikinggan pa ang anumang apela dito. Ngunit sa isang iglap lamang, sa pamamagitan ng isang liham ng abogado ng Philippine Airlines (PAL) na si Atty. Estelito Mendoza sa Korte Suprema, ang desisyong "final and executory" ay biglang nabalewala. Binawi agad ng Supreme Court en banc ang naunang desisyon ng Second Division ng Korte Suprema na nagdedeklarang ilegal ang pagsibak ng PAL sa 1,400 flight attendants noong 1998.

Huling balwarte ng demokrasya ang turing sa Korte Suprema, ngunit sa pagbawi nito sa desisyon ng 2nd Division, tunay na nabahiran ang pangalan at dangal ng Korte Suprema. Nang dahil sa sulat ng abogado ng ikalawang pinakamayamang tao sa bansa, kaybilis magpasiya ng Korte Suprema. Sa napakabagal na hustisya sa mga mahihirap sa Pilipinas, napakabilis ng hustisya kay Lucio Tan. Hindi maiiwasang magduda kung may umikot ngang milyong-milyong pisong salapi sa kasong ito. Aba'y pag mahirap, kaybagal ng hustisya. Magbibilang pa ng ilang taon sa kulungan bago mapalaya sa isang kasong di pala nila nagawa.

Tagapagtanggol nga ba talaga ng naghaharing uri, ng mga elitista't mayayaman ang hukuman? Nakapagtataka bang laksa-laksang mahihirap ang nakakulong kaysa mayayaman?

Sa liham ni Estelito Mendoza, kinwestyon nito ang komposisyon ng Second Division na naglabas ng resolusyon. Wala na raw kasi ang lahat ng myembro ng Third Division na unang humawak at nagdesisyon sa kaso. Ikinagalit ito ng mga kasapi ng FASAP, kaya agad silang nagsagawa ng kilos-protesta sa harap ng Korte Suprema noong Oktubre 12 upang kondenahin ang pagbawi ng Supreme Court en banc sa naunang desisyon ng Supreme Court Second Division. Ngunit dahil napakahaba ng pisi ng mga kasapi nito, nakapag-file pa rin sila ng Motion for Reconsideration. Sa inihaing petisyon ng FASAP, hiniling nila na ibasura ang SC en banc resolution na may petsang October 4, 2011.

Ang desisyong pabor sa mga manggagawa ng PAL ay naging bato pa. Nakapagdududa pa bang kampi sa kapitalista maging ang hudikatura? Iisa lang sila ng uri. Nagpapatunay lang itong sa ilalim ng kapitalistang sistema ng lipunan, hindi pagkamakatao ang umiiral kundi ang kaganiran ng kapitalista sa tubo. Umiikot ang salapi. At ito ang masakit. Gaano man katindi at kahaba ng pasensya ng manggagawa upang ipaglaban ang kanilang karapatan, nanalo na sila, pabor na sa kanila, “final and executory” na ang desisyon sa kanila, ngunit nababaligtad pa. Napakayamang kapitalista kasi ang kanilang kalaban. Ikalawang pinakamayaman sa buong Pilipinas.

Kung nangyayari ito sa mga manggagawa ng PAL, na nakibaka talaga sa labanan sa korte, paano pa ang mga mahihirap na naghahanap ng hustisya, ngunit walang pambayad sa korte? Hindi ito makataong lipunan. Walang hustisya para sa manggagawa hangga’t itong mga kapitalista ang nakapangyayari sa ating lipunan. Walang hustisya sa mga maralita hangga’t kapitalismo ang sistema. Parang Divisoria na pati ang Korte, kung sino ang may pambayad, sila ang nananalo. Kung sino ang mas malaki ang bayad, sila ang nagwawagi. Nakapagtataka pa bang mas marami ang mahihirap na nakakulong, at ang mga mayayamang nakulong ay nakalalaya na. Hindi ito makatarungan. Dapat mabago mismo ang sistema. Dapat itayo ang totoong lipunang makatao na magtitiyak na walang maiitsapwera, na ang hustisya ay para sa lahat.

Ang nangyari sa FASAP ay eye-opener para sa marami na wala tayong maaasahan sa ilalim ng kapitalistang lipunan kundi lalo’t lalong kahirapan at pagdurusa. Panahon na para wakasan ang ganitong klase ng sistema, at itayo na ang isang lipunang makatao.