Regular na kontraktwal?
Kung bakit malabo ang DO 18 ng DOLE
ni Merck Maguddayao
Benepisyo, seguridad sa trabaho, overtime pay, at 13th month pay—ito ang mga benepisyong hindi tinatamasa ng mga manggagawang kontraktwal sa mahaba nang panahon. Ngunit ito raw ay maigagawad na dahil sa bagong kautusan ng Department of Labor and Employement (DOLE), ang Department Order (DO) 18-A series of 2011, na magtatakda ng benepisyong pang-regular na manggagawa.
“This will address the clamor of the labor sector to clarify government policy on contractual employment so that they could be assured this will not be used to circumvent the compliance of employers to labor standards,” ani DOLE secretary Rosalinda Baldoz sa isang press conference kamakailan lang.
Paliwanag niya, layunin ng kautusang ito na gawing propesyonal ang kaayusan ng pangongontrata ng paggawa sa ilalim ng mga contracting agencies at buwagin ang maiiksing kontrata o ang tinatawag na “5-5-5 work duration.”
Sa kautusang ito, matatamasa na raw ng mga kontraktwal na manggagawa ang mga benepisyong tinatamasa ng mga regular na manggagawa. Kabilang na rito ang mga benepisyo gaya ng SSS, Pag-Ibig, at Philhealth, gayundin ang overtime pay at 13th month pay.
Kahungkagan ng DO 18
Dito naman makikita ang kabalintunaan ng bagong kautusang ito. Kung matatamasa rin naman pala ng mga kontraktwal na mga manggagawa ang mga benepisyong para sa mga regular na manggagawa, bakit hindi na lang gawing regular ang lahat ng mga manggagawa?
Bagamat nararapat lang na maigawad sa mga kontraktwal na manggagawa ang mga benepisyong nararapat para sa kanila, pahamak ang DO 18 sa mga regular na manggagawang agarang tinanggal sa trabaho. Halimbawa rito ay ang mga manggagawa ng Philippine Airlines na sinesante sa trabaho kamakailan lang upang i-outsource, o ibigay sa mga contractors at mga kontraktwal na mga manggagawa ang mga pwesto ng mga tinanggal na empleyado. Ang ganitong kalakaran ay maaaring maabuso ng mga employer dahil ang lalong ginagawang lehitimo, bagamat may mga regulasyon, ang contracting at subcontracting ng paggawa.
“Bagamat dapat lang na tratuhin nang pantay ang mga regular at kontraktwal na manggagawa sa usapin ng benepisyo at seguridad sa trabaho, wala pa ring silbi ang sinasabing ganansya ng DO 18 dahil pag-legitimize pa rin ito ng subcontracting,” ani Teody Navea, pangalawang pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).
Ani Navea, ang DO 18 ay resulta ng isang congressional hearing na naganap dalawang taon na ang nakalilipas. Ang posisyon noon ng BMP sa isyung ito, aniya, ay ang pantay na pagtrato sa mga regular at kontraktwal na manggagawa.
“Sa ilalim na kontraktwalisasyon, naaabuso ng mga kapitalista ang Article 106 ng Labor Code na pinapayagan ang kontraktwal na paggawa para sa kanilang kapakinabangan. Ang resulta ay mababang sweldo, kakulangan ng benepisyo, at kawalan ng seguridad sa mga kontraktwal na manggagawa,” paliwanag niya.
Ang solusyon, aniya, ay ang tuluyang gawing pantay ang pagtrato sa mga regular at kontraktwal na manggagawa upang mawalan ng opsyon ang kapitalista sa kung aling kategorya sila makatitipid, kaya ang magiging resulta ay regular na trabaho para sa lahat. Ngunit, ani Navea, walang penalty clause, o parusa para sa mga lalabag, sa EO 18, kaya hindi rin magbubunga ang mga benepisyon ipinapangako sa kautusang ito.
Regular na trabaho para sa lahat
Dahil dito, isang malaking kahungkagan ang mga pangako ng EO 18. Hangga’t kinikilala ng gobyerno ang kontraktwal na paggawa at hangga’t pinapayagan nito ang walang habas na kontra-manggagawang mga palisiya ng mga kompanya (sa ilalim ng Articles 282 at 283 ng Labor Code—ang Management Prerogative rule), walang matatamasang tunay na kaginhawaan at benepisyo ang mga kontraktwal na manggagawa, at seguridad naman para sa mga regular na manggagawa.
Kaya sa mga kontraktwal na manggagawa, huwag asahan ang mga pangakong benepisyo ng EO 18. Kailangan pa ring igiit ang regular na trabaho at seguridad sa paggawa. Kailangang organisahin ang hanay ng mga manggagawa—regular man o kontraktwal—upang tuluyang wakasan ang salot ng kontraktwalisasyon.
Sanggunian:
• Medenilla, Samuel. New rule on contractual employment. Tempo (1 Disyembre 2011)
• Briola, Jerbert. DOLE’s new contractualization rules puzzle PALEA. GMA News Online (3 Disyembre 2011)
• Contractual employees will now enjoy benefits of regular workers. DOLE (1 Disyembre 2011)
• DOLE primer on contracting and subcontracting. Chan Robles Virtual Law Library. (Sinilip noong 12 Disyembre 2011)