Miyerkules, Hulyo 31, 2019

Ang mga maikling kwento ni Ohyie Purificacion

ANG MGA MAIKLING KWENTO NI OHYIE PURIFICACION
Maikling Sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Isa sa mga magagaling na manunulat para sa uring manggagawa si kasamang Ohyie, o Ma. Lorena Purificacion. Isa siyang dating pangulo ng unyon sa kumpanya ng Noritake, ang Noritake Porcelana Labor Union (NPLU) na isa sa kasaping unyon ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Bukod sa kanya ay may dalawa pang kasamang manunulat ang may natipon ding mga sulatin - ang gurong si Prof. Ramon Miranda, na isa sa best man ko sa kasal, at si Ka Jhuly Panday na nasa Partido Lakas ng Masa. At kung makakapag-ipon tayo ng sapat na sulatin para maisaaklat ang kanilang mga naipong akda ay ilalathala natin ang mga iyon bilang aklat. Ito naman ay sa pamamagitan ng pinangangasiwaan kong Aklatang Obrero Publishing Collective.

Anim ang maikling kwento, dalawang tula at isang sanaysay ni kasamang Ohyie ang natipon ko. Dalawang kwento niya ang nalathala sa magasing PUGON ng Noritake Porcelana Labor Union. Apat na maikling kwento naman niya ang nalathala sa magasing ANG MASA na inilathala ng Partido Lakas ng Masa mula Nobyembre 2011 hanggang Mayo 2012.

Nalathala sa PUGON ang kanyang maikling kwentong "Anay at Bukbok" at "Minsan, sa Luneta". Nalathala naman sa magasing ANG MASA ang kanyang maikling kwentong "Ang Huling Biyahe ni Margie" (Nobyembre-Disyembre 2011), Si Mina (Disyembre 2011 - Enero 2012), Si Violy (Pebrero-Marso 2012), at Si Hanna, at si Lilly (Abril-Mayo 2012). Inilagay ko ito sa kawing na http://mgaakdaniohyie.blogspot.com/ blogsite ng kanyang sulatin na ako na ang lumikha, sa layuning hindi na ito mawala.

Mayroon din siyang sanaysay na pinamagatang "Kumusta na ang mga manggagawa", at dalawang tulang pinamagatang "Ang Mundo ay Triyanggulo" at "Ang Manggagawa".

Anim na makabuluhang maiikling kwento hinggil sa buhay sa pabrika, buhay ng manggagawa, buhay ng kababaihan, na tiyak na kagigiliwang basahin ng madla. Anim na kwentong nararapat mapasama sa panitikang Pilipino.

Kung hindi nagsara ang magasing Ang Masa dahil sa kawalan ng pondo, marahil ay nasa apatnapu o limampu na ang kwentong naisulat ni kasamang Ohyie. At maaari na itong maisalibro.

Nawa'y makapagsulat pa si kasamang Ohyie ng makabuluhan at napapanahong maiikling kwento ng buhay, lalo na sa panahon ng tokhang, kontraktwalisasyon, at paninibasib ng globalisasyon sa kabuhayan ng mamamayan. Alam kong kaya ni kasamang Ohyie na isulat ang mga ito. Marahil kailangan muli ng malalathalaang magasin o pahayagan upang sumipag muli si kasamang Ohyie sa pagsusulat. 

O kaya naman, may mga naisulat na talaga siyang maiikling kwento pa, subalit nakatago lamang dahil walang maglathala. Sana'y marami pa siyang naipong kwentong dapat malathala dahil ang talento ng tulad niyang dating lider ng unyon ng manggagawa ay hindi dapat maitago na lamang.

Napapanahon na upang malathala ang kanyang mga kwento sa isang aklat at bibilhin natin ito sa National Book Store, Power Books, Fully Booked, Book Sale, Popular Book Store, at iba pa.

Malaking ambag sa panitikang manggagawa at sa panitikang Pilipino ang kanyang mga sulatin.

Martes, Hulyo 23, 2019

Maralita at Kontraktwalisasyon

MARALITA AT KONTRAKTWALISASYON
Sinulat ni Greg Bituin Jr.

Pabor ba sa maralita ang kontraktwalisasyon dahil kahit papaano'y nakakasingit siya ng trabaho kahit 5-months, 5-months lang? Hindi naman magkalayo ang bituka ng manggagawa at maralita upang gustuhin ng maralita ang maging kontraktwal kaysa naman walang trabaho. Nais ba ng maralita ng mumo kaysa walang makain? Bituka ba at hindi karapatan kaya nais niyang maging kontraktwal? Sawa na siya sa 555 na sardinas, ngayon ay nais niyang magtrabaho ng 5-5-5 months bilang kontraktwal.

Maraming benepisyo at katiyakan sa trabaho (security of tenure) ang mga benepisyong hindi tinatamasa ng mga manggagawang kontraktwal. Na hindi rin tatamasahin ng maralitang naging manggagawang kontraktwal.

At ang maralitang kontraktwal ay magiging manggagawa na rin. At hindi niya maiiwasang mamulat bilang manggagawa bunsod ng labis na kaapihan at pagdurusa sa kalupitan ng mga kapitalista, at sa kalaunan ay maunawaan niya ang katumpakan ng makauring pagkakaisa at harapin ang mga hamon ng kasaysayan. Hanggang sa matanto ng maralitang kontraktwal na hindi lamang dahil sa kagustuhang magkatrabaho ay magbibingi-bingihan na siya sa karaingan  ng  kanyang  mga kapwa manggagawa.

Nanaisin tiyak ng maralitang naging kontraktwal na ipaglaban din, hindi lamang ang ilalaman ng kanyang tiyan, kundi ang karapatan nila bilang manggagawa.

Matatransporma sa kalaunan ang kamalayan ng maralitang kontraktwal upang yakapin niya ang kanyang uring pinagmulan - ang uring walang pag-aari kundi ang kanyang lakas-paggawa - ang uring manggagawa. 

Kaya hindi lamang pabahay at laman ng tiyan ang nasa kanyang isipan kundi ang karapatan niya sa loob ng pagawaan ay maipaglaban, at ang kanyang dignidad bilang tao (hindi makina) ay kanyang maipagtanggol at mapanghawakan.

* Nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Espesyal SONA issue, Hulyo 2019, p. 6

Miyerkules, Pebrero 27, 2019

Kwento - Ang mga marginalized o sagigilid

ANG MGA MARGINALIZED O SAGIGILID
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasaliksik ni Ipe, na kasama ni Inggo sa samahang maralita, na may salitang sagigilid nang nabasa niyang muli ang kasaysayan ng ating bansa noong bago dumating ang mga Kastila. Mayroon palang dalawang uri ng alipin - ang aliping namamahay at ang aliping sagigilid.

“Alam mo, Inggo, may katumbas na pala noon pa ang salitang marginalized, tulad sa marginalized sector, sa ating sariling wika. Ito ang sagigilid. Mula sa margin o gilid, ang marginalized ay sagigilid.” Ani Ipe.

“Aba’y ganoon ba, Ipe,” ani Inggo, “ayos iyan upang magamit muli, lalo na’t nakikita nating tila nababoy na ang partylist system. Pinasok na ng mga hindi naman galing sa marginalized sector ang partylist system. Tulad ni Miko Arro na first nominee ng Guardia partylist ngunit hindi naman gwardya, kundi artista. May isa pang mayaman na first nominee ng party list ng Magbabalut. Aba’y talagang nawala na sa tunay na diwa ang party list system, na imbes mula sa hanay talaga ng mga mahihirap at maliliit  ay mula pa  sa mga trapong pulitiko.”

“Ibig sabhin niyan, Inggo” ani Ipe, “halos nawala na talaga ang esensya ng labindalawang saray o sektor ng sagigilid sa partylist. Buti na lang may partylist pa na kumakatawan sa mga magsasaka,  kabataan, manggagawa, kababaihan, at iba pang aping saray ng lipunan. Ang tanong na lang, maipapanalo ba sila?”

Malayo-layo roon si Igme habang nakaupo sa karinderya ni Aling Isay, subalit dinig niya ang pinag-uusapan. Maya-maya’y sumabat siya, “Iyung tinatawag n’yong sagigilid ay marginalized pala. Alam n’yo ba, na inaral ko rin iyan noon, kaya lang mga alipin sila. May tinatawag ngang aliping namamahay at aliping sagigilid.”

“Kung natatandaan mo,” ani Inggo, “pakipaliwanag muli.”

Kaya agad nagpaliwanag si Igme, “Ayon sa pagkakatanda ko, ang aliping namamahay ay yaong karaniwang taong nakatira sa kanilang sariling bahay, na maaaring magkaroon ng ari-arian ngunit hindi lupa, at may karapatang magpakasal at magpamana ng mga ari-arian sa kanilang mga anak. Kabaligtaran naman nito ang aliping sagigilid sapagkat sila ang pinakamababang uri ng aliping nakatira sa bahay ng amo, walang ari-arian o kalayaan, maaaring ipagbili, at hindi makakapag-asawa nang walang pahintulot, di gaya ng isang modernong alipin o kasambahay.”

“Salamat sa paliwanag mo,” ani Ipe, “Ganyan din naman ang mga modernong sagigilid. Walang ari-arian, kundi lakas-paggawa, na kanilang ibinebenta kapalit ng sahod. Sila ang nagbebenta ngunit ang bumibili pa ang nagtatakda ng presyo. Di ito gaya sa palengke na ang nagbebenta ang nagtatakda ng presyo, hindi ang bumibili.”

Nagpatuloy si Igme, “Kahit nga iyong salitang timawa, ngayon ay kawawa. Subalit noon, ang timawa ay yaong mga hindi alipin, kundi mga taong malaya. Ibig sabihin lang, umuunlad at nag-iiba-iba ang mga salita. Tulad ng margin sa papel, iyon ang gilid. Kaya ang marginalized na mula sa margin, iyon ang sagigilid na salitang mula sa gilid. Kaya nga, dapat na ating gamitin ang salitang sagigilid bilang katumbas ng marginalized, at hindi mardyinalisado, na parang itlog na malasado. Para rin iyang salitang iskwater na ngayon ay ginawang ISF o informal settler families.”

Sumagot si Inggo, “Maganda ang paliwanag mo. Subalit paano natin iyan maipapalaganap, lalo na’t pinag-uusapan natin iyang partylist system? Ang mungkahi ko, gamitin natin ang ating panulat. Maglabas tayo ng aklat ng mga sanaysay, puna, kwento at tula, na maaari nating pamagatang ‘Ang mga kasalukuyang sagigilid: Ang partylist system sa ating panahon.’ Ano sa palagay n’yo?”

“Ayos ka ring mag-isip, ah. Bagamat may katagalan iyan, aba’y atin nang simulan. Ang kakayahan ko’y magsulat ng polyeto, kaya isusulat ko na iyan.” Ani Ipe, “Ikaw naman, magaling kang tumula. Itula mo na. Si Igme naman ang pag-upak sa binaboy na partylist system, na maaari niyang isulat sa mga letter-to-the-editor. Subukan din nating sumulat sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) upang magamit din nila ang luma ngunit taal na salita natin sa marginalized.”

“Okay,” sabi ni Igme, “Sisimulan ko na ang ating paninindigan laban sa pagbaboy ng burgesya sa partylist at paggamit natin ng sagigilid bilang tiyak na salin ng marginalized. Gumagabi na. Maraming salamat.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Pebrero 16-28, 2019, pahina 14-15.

Huwebes, Pebrero 14, 2019

Kwento - Apat na obligasyon ng bawat pamahalaan sa karapatan sa paninirahan


APAT NA OBLIGASYON NG BAWAT PAMAHALAAN SA KARAPATAN SA PANINIRAHAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ano nga ba ang karapatan sa paninirahan? Isa ito sa mga isyung nakaharap ko nang maging staff ako ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong 2001. At ngayong nahalal na ako bilang sekretaryo heneral ng KPML nitong Setyembre 2018, mas lumaki ang responsabilidad ko upang ituro sa mga kapwa maralita kung ano nga ba ang karapatan sa paninirahan.

Napakahalaga para sa bawat tao o bawat pamilya na magkaroon ng sapat na paninirahan. Paninirahang hindi siya maiirita, kundi tahanang siya o sila'y masaya. Ngunit sa maralita, lalo na sa mga lugar ng iskwater, maraming demolisyon ang nagaganap; maraming maralita ang nawawalan ng tahanan. Ngunit kasalanan ba ng mga maralita na tumira sila sa barung-barong, gayong dahil sa kahirapan ay yaon lamang ang kanilang kaya? Katunayan, ilan sa mga labanang nasaksihan ko ay ang demolisyon sa Sitio Mendez, North Triangle at sa Brgy. Mariana, na pawang nasa Lungsod Quezon. Taon 2013, ayon sa pagkakatanda ko, nang mademolis sina Ka Sandy sa kanilang lugar sa Mariana. Subalit nalipat na sila sa kung saan may kapayapaan ang kanilang isip. Taon 1997 nang sina Ka Linda ng Sitio Mendez ay nademolis at muling nakabalik sa kanilang lugar matapos ang higit isang buwan sa Quezon City Hall matapos idemolis.

May mga ilan akong natutunan na nais kong ibahagi, di lang sa kanila o sa kapwa dukha, kundi sa malawak na mamamayan. Ayon sa aking mga pananaliksik, sa ilalim ng International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR) ng United Nations, may APAT NA OBLIGASYON ang bawat gobyerno hinggil sa karapatan para sa sapat na pabahay:

1.To recognize - PAGKILALA - obligasyon ng Estado na kilalanin ang karapatan sa pabahay ng sinuman at tiyaking walang anumang batas o patakarang sasagka sa karapatang ito;

2. To respect - PAGGALANG - tungkulin ng Estado na igalang ang karapatan sa sapat na pabahay, kaya dapat nitong iwasan ang pagsasagawa o pananawagan ng sapilitang pagpapaalis o pagtanggal ng mga tao sa kanilang mga tinitirhan;

3. To protect - PAGPROTEKTA - tungkulin ng Estado na protektahan ang karapatan sa pabahay ng buong populasyon, kaya dapat nitong tiyakin na anumang posibleng paglabag sa mga karapatang ito na gagawin ng ikatlong partido (third party) tulad ng mga landlord at developer ay maiiwasan;

4. To fulfill - PAGGAMPAN - ang obligasyon ng Estado na magampanan ang tungkulin sa karapatan sa pabahay ay positibo at may pakikialam, kaya pumapasok dito ang tungkulin ng Estado hinggil sa isyu ng pampublikong gastusin (public expenditure), regulasyon ng gobyerno sa ekonomya at pamilihan sa lupa (land market), mga probisyon sa pampublikong serbisyo at kaugnay na imprastruktura, paggamit ng lahat ng available resources, at iba pang positibong obligasyong lilitaw para positibong magampanan ang tungkulin sa karapatan sa pabahay ng lahat.

Kailangang kabisado natin ang mga ito lalo na sa pagtalakay nito sa mga taga-gobyerno at sa mga samahang maralita. Lalo na’t marami sa maralitang dinemolis at dinala sa relokasyon ang hindi naman talaga nabibigyan ng sapat na pabahay, ayon sa negosasyon sa kanila bago sila idemolis, bagamat marami talaga sa kanila ang sapilitang tinanggalan ng bahay. Bahala na ang maralita sa erya ng relokasyon pagdating sa pabahay. Ang matindi pa ay ang pagiging negosyo ng pabahay, imbes na serbisyo. Patunay dito ang tinatawag na escalating scheme of payment na kasunduan para sa pabahay, na hindi naman kaya ng mga maralita. Madalas batay sa market value ang presyo ng pabahay, habang hindi pinag-uusapan ang capacity to pay ng maralita.

Sinabihan nga ako ni Ka Pedring, “Ipalaganap natin ang karapatan sa paninirahan at ipamahagi natin ito sa mga erya ng KPML at sa labas ng ating pinamumunuan. Hindi man naipapabatid sa atin ng pamahalaan ang ating mga karapatan sa paninirahan, tayo ang magbabahagi nito sa pamahalaan at sa ating kapwa maralita.”

Sumang-ayon naman kami sa National Executive Committee (NEC) na mahalagang maipalaganap ang karapatan sa paninirahan. Ah, dadagdagan ko pa ang pananaliksik hinggil dito lalo na’t marami palang pandagdigang kasunduan hinggil sa ating karapatan sa pabahay.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Pebrero 1-15, 2019, pahina 14-15.

Miyerkules, Enero 30, 2019

Kwento - Mandaragat ng Navotas, itinapos sa bundok ng Towerville, walang dagat upang maghanapbuhay doon


MANDARAGAT NG NAVOTAS, ITINAPON SA BUNDOK NG TOWERVILLE, WALANG DAGAT UPANG MAGHANAPBUHAY DOON
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-uusap ang ilang mga mangingisda sa Navotas na nailipat na sa relokasyon sa bundok ng Towerville sa San Francisco Del Monte sa Bulacan, nang minsang mapadalaw si Igor doon dahil sa ilang gawain sa samahan niyang pinaglilingkuran. Nagkita sila nina Inggo, Isko, at Igme.

Bungad ni Inggo, “Alam mo, Igor, kami nina Igme, at ng asawa kong si Isay, hindi na halos kumakain, at sumasala na sa oras pati ang aming mga anak. Hindi kagaya noong nasa Navotas pa kami, kahit paano’y nakakakain kami ng tatlong beses kada araw, lalo na pag may huli, kahit barungbarong lang tirahan namin. Dito sa relokasyon, walang dagat. Wala rito ang kabuhayan. Gutom ang inaabot namin dito. Binigyan ka nga ng bahay ngunit hindi naman makakain. Nagbago ang lahat, Igor.”

“Kung hindi po maganda ang kalagayan ninyo dito sa relokasyon, ano pong balak ninyong gawin?” Tanong ni Igor.

Mabilis namang sumagot si Isko, “Nais naming bumalik sa Navotas at doon ay makipagsapalaran muli. Mangingisda muli kami roon, kasama ng aming pamilya, kaysa mamatay kami sa gutom dito.”

“Di po ba, may sinasabi sa UDHA (Urban Development and Housing Act) na bibigyan daw kayo rito ng kabuhayan sa relokasyon upang kayo’y makapagsimula muli.” Usisa ni Rigor, at sumagot si Igme.

“Mukhang hindi naman totoo iyon. Dahil hanggang ngayon, ilang buwan na kami rito, ay wala namang pangkabuhayan. Maliban sa P18,000 na pabaon paglipat dito na halos paubos na. Aba’y kami pa ang nag-finishing ng bahay na bigay dahil manipis ang pader, na may lamat na. Ang totoo lang dito, dinala kami rito at bahala na kami. Dumating kaming walang kuryente at tubig. Nag-iigib pa kami sa ilog sa ibaba, na ginawa na ring labahan.” Mahabang sabi ni Igme. “Kaysa magutom ang pamilya namin, mangingisda uli kami sa Navotas. Kahit paano, may makukuha pang tahong doon, na  maaaring ibenta at kumita kahit papaano.”

"Kailan po ninyo balak bumalik ng Navotas?” Muli, si Igor.

Napabuntunghininga si Inggo, “Maganda na nga may sarili kaming bahay. Subalit gutom naman ang inaabot namin dito. Sa Sabado ay luluwas kami pabalik sa Navotas at muling makapangisda roon. O kaya’y manguha ng tahong. Baka may mga kaibigan pa tayong makakatulong sa amin. Alam mo naman, Igor, mahirap namang manghingi, dahil walang-wala rin sila. Makikitrabaho lang.”

“Nauunawaan ko po kayo, Mang Inggo. Kumusta po pala ang mga anak ninyo?” Usisa ni Igor.

Si Inggo uli, “Isa pa iyan. Simula nang mapunta kami dito, di na sila nakapag-aral. Grade 6 na sana si Dayunyor ko. Iyan din, nais ko silang makatapos kahit elementarya. Igapang sila sa pangingisda ko sa Navotas. Kahit nga tuyong dilis o tuyong hawot ay nag-uulam din sila. Paborito nila ang tahong.”

Maya-maya, dumating na si isay, kasama ang hipag na si Ines, na asawa ni Igme. Galing sila sa pangunguha ng talbos ng kamote na nadatnan na nilang tanim sa relokasyon. 

“Nandiyan ka pala, Igor? Buti, nadalaw ka.” Ani Isay.

“Oo nga po. Nangungumusta lang po.” Sagot naman ni Igor.

“Mahirap ang buhay dito sa relokasyon.” Nakatungong sabi ni Aling Isay. “May bahay nga, subalit kung hindi ka magtitiyagang magtanim-tanim ay baka mamatay kami sa gutom dito. Di tulad sa Navotas, nakaka-ekstra pa ako sa pagbebenta ng tahong na pinanguha nitong si Inggo at mga kasamahan niya.”

Sumabat si Ines, “Balak na nga naming bumalik sa Navotas, hindi gaya rito, baka magkasakit na nga kami rito. Iyong iba nga naming kasabayang pumunta rito, umalis na. Binenta ang bahay nila upang may maipandagdag sa pagkain nila. Para kasi kaming dagang itinaboy sa malayo at bahala na kami rito. Kaya nagbabalak din kaming bumalik sa pangingisda sa Navotas upang kahit paano ay may makakain kami. Teka, ilaga ko lang muna itong talbos ng kamote, at sabay na tayong kumain. Marami pa tayong pagkukwentuhan,”

Napatanga na lang si Igor at napatango. Naisip niyang bakit ganito ang nangyari? Nasaan ang pangako ng pamahalaan, na sa relokasyon, dapat ay may serbisyong panlipunan, tulad ng tubig at kuryente. At higit sa lahat, may pangkabuhayan sa mga nadala rito upang hindi sila magutom at makapamuhay ng maayos. Nasaan na ang mga iyon?

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Enero 16-31, 2019, pahina 18-19.

Lunes, Enero 14, 2019

Kwento - Pinaglipatang relokasyon sa maralita: From Danger Zone to Death Zone


PINAGLIPATANG RELOKASYON SA MARALITA:
FROM DANGER ZONE TO DEATH ZONE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang hindi ko malilimutang karanasan ang mapunta sa relokasyon sa Calauan, Laguna ilang buwan matapos ang kaytinding bagyong Ondoy na naganap noong Setyembre 26, 2009. Napapaisip ako sa mga sinasabi ng mga matatandang lider-maralita na nagisnan ko na sa hindi pa noon pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), tulad nina KR o Ka Roger Borromeo, KP o Ka Pedring Fadrigon, at KJ o Ka Joe Managbanag. Madalas kong marinig sa kanila na ang relokasyon ay “From Danger Zone to Death Zone”?

Noong panahon matapos ang bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009, ay nakarating ako, bilang staff ng KPML, sa Santolan, Pasig, na talagang lubog sa baha ang mga bahay. Nakausap ang ilang mga unyunista roon na ang unyon ay kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Isa ako sa tinawagan ng BMP upang mag-asikaso sa laban ng mga maralita roong binaha. Hanggang sa mapunta na ang iba sa relokasyon, tulad sa Calauan, Laguna. Ang iba ay nanatili pa sa lugar.

Nakausap ko ang ilang ni-relocate sa Calauan noong panahon ng Halalan 2010. Nakita kong nakatira sila sa isang munting bahay na bigay ng pamahalaan subalit maninipis ang pader at may lamat na. Ayon sa kanila, galing silang Marikina, iba’y sa Pasig at Maynila, dinala sa relokasyon upang doon na manirahan, kasama ng pamilya. 

Subalit ayon sa kanila, may mabuti at masama sa kalagayan nila roon. Mabuti dahil may natirahan na silang bagong bahay, na umano’y hindi binabaha, at baka mapasakanila na. Subalit malayo naman sa hanapbuhay. Kaya madalas, kailangan pa nilang mag-stay-in sa trabaho sa Marikina o sa pabrika sa Pasig, at tuwing Sabado ng gabi o Linggo ng madaling araw na makakauwi sa kanilang tinutuluyan sa Calauan, at aalis ng Linggo ng gabi o Lunes ng madaling araw upang makarating sa trabaho.  Marami silang ganyan doon.

Subalit bakit “From Danger Zone to Death Zone” ang relokasyon? May bahay sila. Subalit noong panahong dumating ako roon, wala silang kuryente at binibili ang tubig. Malayo sa trabaho, malayo sa ospital, paano kung may magkasakit. Malayo sa palengke. Mabuti na lang may diskarte ang ilang nasa relokasyon na magsari-sari store, kaya may nabibilhan ng pangangailangan tulad ng bigas, sardinas, patatas, sibuyas, ang mga tao. Kung sa pinanggalingan ay nakakadiskarte pa ang marami, nakakaekstra sa trabaho, doon ay wala. Bahala ka sa buhay mo.

Kaya marahil ang relokasyon ay itinuring nilang “From Danger Zone to Death Zone”, dahil kagutuman ang madadatnan mo sa relokasyon kung hindi pa maayos ang kalagayan mo roon. O kaya’y kapit sa patalim ang iba. Sabi nga ng isang lider, minsan ang kapalit ng isang kilong bigas at sardinas ay puri. Nakupo! Totoo ba iyon? Kung totoo iyan, aba’y totoo nga ang “From Danger Zone to Death Zone”!

Sa Towerville naman sa Bulacan, ang kwento ng ilang lider, galing sila sa Navotas na ang hanapbuhay ay pangingisda. Tapos itinapon sila sa bundok ng Towerville. Paano ang kabuhayan nila roon kung wala namang dagat doon? Saan sila mangingisda? Nang una nilang dating doon ay talahiban pa. Walang bahay na nakatayo. Literal na itinapon sila roon na parang daga. Kaya upang maitayo ang bahay nila, tinabas nila ang mga malalaking talahib, at doon ay nagtayo na sila ng kanilang mga barungbarong. Doon pa lang ay makikita mo ang sinasaad sa awiting “Bahay” ni Gary Granada. Tagpi-tagpi ang mga dingding at bubong na pinatungan lang ng pampabigat na bato. Paano kung mahulog sa ulo?

Kaya nararapat lang magsuri, magkaisa at maorganisa ang mga maralitang nailipat sa relokasyon. At huwag nilang ipagwalang-bahala ang kanilang abang kalagayan. Sa mga nangyayaring ito, paano at kailan kaya makakawala ang maralita sa mga relokasyong “From Danger Zone to Death Zone”? Tila hindi nasusunod ang nakasulat sa RA 7279 o Urban Development and Housing Act, na pag nilagay sa relokasyon ang maralita, dapat ay may pangkabuhayan, may tubig, may kuryente, o may kumpletong serbisyong panlipunan. 

Tila nilalabag ng pamahalaan ang mismong diwa ng batas. Dapat ang relokasyon ay “From Danger Zone to Safe and Livable Zone”, at kailan ito magaganap? Marahil kung ipaglalaban ng mga maralita ang kanilang karapatang pantao na hindi sila dapat ituring na parang mga dagang basta itinaboy na lang sa malalayong relokasyon, at ipaglaban din nila ang katiyakan sa paninirahan bilang mga taong may dignidad.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Enero 1-15, 2019, pahina 16-17.