Martes, Marso 12, 2019

Kwento - Ang 105-Day Maternity Leave


ANG 105-DAY MATERNITY LEAVE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naikwento ni Isay na naisabatas na rin sa wakas ang 105-Day Expanded Maternity Leave Law o Batas Republika Blg. 11210 na nilagdaan ng pangulo nitong Pebrero 20. Napag-usapan nila ito nina Ingrid, Ines, at Iska sa karinderya ni Aling Inday isang Sabado ng hapon.

“Alam n'yo ba,” sabi ni Isay, “mula animnapung araw ay sandaan at limang araw na ang maternity leave nating manggagawang kababaihan.”

“Totoo ba 'yan?” Tanong agad ni Ingrid.

“Eto, o, basahin n'yo sa dyaryo. Pirmado na ang Republic Act 12210 na nagpalaki ng araw ng maternity leave.”

“Aba, ayos iyan, ah. Apatnapu't limang araw ang nadagdag.” Sambit naman ni Iska.

“Ano pang laman niyan. Pabasa nga.” Si Ines.

“Ito, basahin mo nang malakas, ha? Para dinig namin.” Iniabot ni Isay kay Ines ang pahayagan.

“Sige, basahin ko ng malakas.” Ani Ines. “Sinasaklaw ng batas na ito ang mga babaeng manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor, kabilang ang mga nasa impormal na ekonomiya, at binibigyan sila ng karapatan sa 105 araw na maternity leave na babayaran batay sa 100 porsiyento ng kanilang arawang kita. Ang batas ay nagbibigay din ng karagdagang 15 araw na may bayad na bakasyon kung ang babaeng manggagawa ay kuwalipikado bilang solo parent sa ilalim ng Solo Parent Welfare Act of 2000, na may opsyong palawigin ng karagdagang 30 araw na walang bayad. Ayos pala ito sa tulad kong solo parent.""

“Ano pa?” Tanong ni Ingrid.

“Ito. Tinataasan ng batas ang benepisyo sa araw-araw na maternity leave mula sa unang 60 araw para sa normal na panganganak, o 72 araw para sa caesarian delivery, sa 105 araw, anuman ang uri ng panganganak. Pag nakunan naman, ang karapatan ay 60 araw ng bayad na maternity leave. Ang batas ay higit pang nagpapalawak ng maternity leave sa bawat pagkakataon ng pagbubuntis, anuman ang dalas, mula sa nakaraang limitasyon ng unang apat na panganganak o nakunan.”

Napasimangot si Inday sa pinag-uusapan at siya’y sumabat. “Ang batas palang iyan ay para sa lang sa mga sumasahod. Paano naman kaming mga maralitang hindi nakaempleyo kundi kumikita lang sa sariling kayod, tulad nitong karinderya ko. Wala naman kaming leave.”

“Iyan, Inday, ang hindi nakalagay dito,” ani Isay. “Baka may ibang batas talaga para sa maralita kaugnay nito. Iyan po ang saliksikin natin.”

“Sabagay, Inday” ani Iska, “pag nanganak naman ang tulad nating maralita, may maternity leave din tayo, hindi nga lang tulad nila, magli-leave sila sa pinapasukang trabaho nang may bayad kasi nga empleyado sila. ‘Yung atin naman bilang vendor o simpleng dumidiskarte, tulad nitong karinderya mo, anumang oras, maaari tayong mag-leave sa pagtitinda. Wala lang bayad tulad nila.” 

“At wala ring batas tulad niyan,” ani Isay.

“Teka, naiiba na ang usapan.” Ani Ingrid, “buntis ako, nais kong malaman paano ba ako makikinabang diyan sa aming kumpanya.”

“Meron dito,” ani Ines, “Eto. Basahin ko. Upang maging karapat-dapat sa nabanggit na mga benepisyo sa maternity leave, ang isang buntis na babaeng manggagawa sa pribadong sektor ay dapat na (i) magbayad ng hindi bababa sa 3 buwang kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago ang  panganganak, o kung nakunan, o natapos na ang pagbubuntis; at (ii) abisuhan ang kanyang employer tungkol sa kanyang pagbubuntis at ang posibleng petsa ng kanyang panganganak. Ito pa ang malupit. Ang mga employer na hindi susunod sa mga probisyon ng batas ay magmumulta nang hindi bababa sa 20,000 piso o higit sa 200,000 piso at/o pagkakulong ng hindi bababa sa 6 na taon at 1 araw o higit sa 12 taon, gayundin ang hindi pag-renew ng mga business permit.”

Napabuntong-hininga si Ingrid sabay hipo sa tiyan. “Mabuti na rin iyan, kahit paano mula animnapung araw ay nadagdagan ng apatnapu’t limang araw. Kahit paano, mabuti upang makabalik ang katawan ko sa dati, at mas malusog. At makapagtrabaho muli”

“Ito pa,” ani Ines, “Iba pa ang solo parent sa may-asawa, kasi nakalagay dito, ang isang babaeng manggagawa na may karapatan sa maternity leave ay maaaring maglaan ng hanggang pitong araw ng bayad na bakasyon sa ama ng bata, bilang karagdagan sa mga benepisyong ipinagkaloob sa kanya sa ilalim ng Paternity Leave Act of 1996, kung naaangkop, kasal man siya o hindi sa babaeng manggagawa.”

“Aplikable pala iyan sa amin ng asawa ko,” Ani Ingrid, “di tulad mo na solo parent. May ibang batas pa para sa iyo.”

“Oo nga, eh. Buti nga, may Solo Parent Act na.” Ani Ines.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Marso 1-15, 2019, pahina 14-15