Huwebes, Oktubre 29, 2020

Kwento: Nawalan ng trabaho dulot ng pandemya

NAWALAN NG TRABAHO DULOT NG PANDEMYA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Noong mag-lockdown, nahinto kami sa produksyon sa pabrika dahil hindi kami makapasok sa trabaho. Hindi ko malaman ano ang gagawin. Paano na kami ng aking pamilya? Ang kakarampot kong sahod ay di sapat lalo't nangungupahan lang kami ni misis, kasama ng apat naming anak." Ito ang sabi ni Mang Inggo nang unang linggo ng lockdown at hindi sila pinayagang magbiyahe patungo sa trabaho.

Wala na kasing pinayagang makalabas ng bahay noon, kaya pati mga nagtatrabaho, sa pabrika man iyan, sa opisina, sa pamamasada o maging tindera sa palengke, ay napatigil sa pagtatrabaho. Ayon naman sa pamahalaan, kailangan mag-lockdown upang labanan ang COVID-19. 

Ang mga maralita nga ng San Roque sa Lungsod Quezon ay nagrali na dahil sila'y nagugutom. Gutom ang dulot ng lockdown. Gutom dahil di makalabas upang makadiskarte ng pang-ulam. Di makakain si Bunso. Mabuti kung may natitira pa silang salaping pambili sa tindahan. Subalit kahit pagbili sa tindahan ay pahirapan din dahil nga hindi sila makalabas.

Si Mang Tune na drayber ng dyip ay naghihimutok dahil hindi na sila makapamasada. Ang nangyari ay tambay na lang sila sa looban. Naaabutan lang ng may malasakit. Ang ayudang bigay ng pamahalaan ay di naman sapat. Ang iba’y nabibigyan ng salapi, habang ang iba’y nabibigyan ng grocery na pang-ilang araw lang, na tulad ng ibinibigay sa mga nasunugan. Limang kilong bigas, ilang delatang sardinas, ilang noodles, kape, asukal, nadagdagan lang ng alkohol at face mask.

“Anong dapat nating gawin?” Sabi ni Mang Igme sa kanyang mga kapitbahay. “Hindi tayo makalabas. Gutom ang aabutin natin nito?” 

Kaya nagkaisa ang mga magkakapitbahay, sa pamamagitan ng HOA nila, upang pag-usapan ang mga hakbang na dapat gawin. Di makapag-patawag ng pulong ang HOA dahil lockdown. Walang makalabas. Gayunman, nagawan nila ng paraang makapagpulong, nang isa-isa silang magpuntahan sa bahay ni Mang Kanor, ang pangulo ng HOA.

Ayon kay Mang Kanor, “Dalawang dahilan lamang upang bigyan tayo ng pamahalaan ng makakain, pag panahon ng gera at pag panahon ng kalamidad. Ngayong idineklara ng pamahalaan ang lockdown, ito’y nasa linya ng kalamidad, kaya dapat bigyan nila tayo ng ayuda upang hindi magutom ang ating pamilya. “

Sa ganitong punto ay napagkaisahan nilang sumulat sa pamahalaan upang bigyang katugunan ang kanilang kalagayan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2020, pahina 16.

Martes, Oktubre 20, 2020

Ako'y tibak

Ako'y tibak

ako'y tibak na wala sa dulo ng bahaghari
pagkat nakikibakang ang kasama'y dukhang uri
upang lupigin ang bata-batalyong naghahari
upang pagsasamantala't pang-aapi'y mapawi

adhika'y karapatan ng tao't ng kalikasan
naggugupit ng plastik, inaaral ang lipunan
nageekobrik, bakit may mahirap at mayaman
magbukod ng basura, maglingkod sa sambayanan

hangad na maitayo ang lipunang makatao
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
dukha man, karapatang pantao'y nirerespeto
bawat isa'y makipagkapwa, may wastong proseso

isinasabuhay ko ang proletaryong hangarin
upang pagsasamantala't pang-aapi'y durugin
sa kabila ng karukhaa'y may pag-asa pa rin
tayo'y magekobrik, bulok na sistema'y baguhin

ako'y karaniwang tao lang na hilig ay tula
na sinusulat ay buhay ng manggagawa't dukha
nasa Kartilya ng Katipunan nga'y nakatala
ang niyakap kong prinsipyo't tinanganang adhika

- gregoriovbituinjr.

Pagninilay sa aking lungga

Pagninilay sa aking lungga

minsan nga ako'y di mapakali sa aking lungga
lalo na't sugat ng alaala'y sinasariwa
upang itala ang buhay ng binabalewala
bakasakaling makaahon sa danas na sigwa

kayraming litrato ng mga balyenang tumirik
ang mata dahil kumain ng sangkaterbang plastik
paano ba magtutulungan sa pageekobrik
nang masagip ang kalikasan sa kanyang paghibik

oo, pangarap ko'y makaahon, di ang makahon
sa nadamang kahungkagang sa puso'y lumalamon
mabuti nang sumagasa sa bangin ng kahapon
kaysa dumaluhong pa ang kaburyungan ng ngayon

matutunton pa kaya ng lakan ang kanyang dayang
na matagal nang nawala't may iba nang hinirang
matutulungan ba ang mga pesanteng hinarang
ang karapatan sa lupang dapat nilang malinang

narito man ako sa aking lungga, nagmamasid
katiwalian at karahasan ay nababatid
karapatan ay ipagtanggol, huwag maging umid
ang hustisya'y ipaglaban, buhay man ay mapatid

- gregoriovbituinjr.

Biyernes, Oktubre 16, 2020

Pinakapahinga ko sa trabaho ang pagtula

Pinakapahinga ko sa trabaho ang pagtula

pinakapahinga ko sa trabaho ang pagtula
sa maghapong paggawa'y pahinga na ang pagkatha
magninilay-nilay kahit na sa panahong putla
agad isinusulat anumang nasa gunita

minsan, maghapon ang pagpapako't pagmamartilyo
magdidilig, mga tanim ay inaasikaso
at minsan naman, maglaba, magluto't maglampaso
o kaya'y magsalin ng akdang naroon sa libro

habang trabaho'y ginagawa, ay may naninilay
ang ina'y nasa piitan, ang anak ay namatay
aktibista ang nanay na sa anak napawalay
dahil ba aktibista, ang hustisya na'y di pantay

pagpupugay doon sa nars na maganda'y ginawa
nagpaanak sa kalsada ng inang namumutla
di sila dapat makaligtaan sa bawat tula
tuloy muna ang trabaho't mamaya na kakatha

- gregoriovbituinjr.

Mga paksa sa pagkatha

Mga paksa sa pagkatha

paano nga bang kinakatha ang hibik ng puso
habang naninilay ang mga ugaling hunyango
at nanonokhang habang may pinunong kapit tuko
di lumpo ang panitik habang iba'y pinayuko

inaakdang buong tigib ang samutsaring paksa
sinasapuso ang bawat daing ng maralita
pinapaksa ang kasanggang hukbong mapagpalaya
at paglilingkod kasama ang uring manggagawa

matematika, astronomiya, pageekobrik
aktibo, aktibismo, tahakin man ay matinik
sistemang bulok, hustisyang panlipunan, paghibik
makata, tula, nasa loob ay sinasatitik

pluma ang gatilyo ng bawat paksang susulatin
nasa diwa'y punglong sa mapang-api'y patagusin
aklat, sakripisyo't danas ang kaluban kong angkin
layuning sistemang mapagsamantala'y kikitlin

pakikipagkapwa't pagpapakatao'y nilayon
na aking tinataguyod bilang dakilang misyon
upang iyang bulok na sistemang tunay na lason
ay durugin sa mga akda't mawala paglaon

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Oktubre 15, 2020

Ang kalagayan ng mga locally stranded individuals (LSI)

ANG KALAGAYAN NG MGA LOCALLY STRANDED INDIVIDUALS (LSI)
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napabalita sa telebisyon, radyo at pahayagan, lalo na sa social media, ang tinatawag na locally stranded individuals o LSI. Sumulpot ang ganitong penomenon nito lamang panahon ng pandemya. 

Ayon sa balita, mayroon nang 8,408 LSI na pawang nasa Kamaynilaan na nais nang pauwiin ng pamahalaan sa kani-kanilang lalawigan. 

Sa pagtitipon ng mga LSI, halimbawa sa loob ng Rizal Memorial Stadium, hindi nasusunod ang social distancing, o yaong pamantayang dapat ay isang metro ang layo sa bawat isa. Habang ang karamihan sa kanila ay nagsusuot naman ng face mask at face shield, malinaw na hindi nila napapanatili ang ligtas na distansya mula sa bawat isa. Sa dami ba naman ng tao, paano nga ba ang pagdisiplina sa kanila, habang karamihan sa kanila, bukod sa nais nang makauwi, ay pagod na, kaya kung saan-saan na lang isinasalampak ang kanilang pagal na katawan.

Paulit-ulit ngang binigyang diin ng mga opisyal ng kalusugan ang kahalagahan ng paglayo ng pisikal at iba pang mga hakbang sa kaligtasan upang maiwasan ang anumang impeksyon sa coronavirus. Ang pagbawas ng mga paghihigpit sa usaping ito ay pinangangambahan na maging sanhi ng pagkakaroon ng coronavirus sa kalusugan ng mamamayan at sa ekonomiya.

Maaaring kumalat ang virus dahil sa mga malawakang pagtitipon tulad nito at maaaring mahirap nang malaman at masubaybayan kung sino ang maaaring magkasakit sakaling may mga taong nahawahan ng COVID-19.

Umapela si Joseph Escabo, pinuno ng Hatid Tulong Program ng pamahalaan, para sa pag-unawa matapos na maging viral ang mga larawan ng mga LSI sa mataong Rizal Memorial Stadium.

"Noong nakaraang araw, lahat ng mga taong 'yun ay nasa kalsada… Kailangan mo ng pagbibigay ng desisyon upang mabigyan ng maayos na kanlungan ang kababayan nating LSIs. Kung lumabag man po kami sa isyu ng social distancing, kailangan nating ipakita ang simpatya, pag-unawa at pag-aruga sa ating mga kababayan," sabi ni Escabo.

Pinag-aaralan din ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ang kalagayan ng mga LSI upang makagawa ng nararapat na tulong upang hindi sila mapabayaan ng pamahalaan.

Dahil sa pandemya, dumarami na ang mga LSI tulad sa labas ng Libingan ng mga Bayani at sa loob ng Rizal Memorial Stadium. Tila isa nang bagong penomenon ang usapin ng LSI sa bansa. Dahil sa pandemya, marami sa kanila'y natutulad sa mga maralitang iskwater na walang tahanan, walang matuluyan, at marahil ay wala na ring panggastos.

Isa ang kwento ni Michelle Silvertino, 33, na namatay habang nag-aabang ng masasakyang bus sa Pasay patungo sa Camarines Sur. Dahil walang masakyan, ilang araw siyang naghintay sa Pasay, at nagbabaka-sakaling may masakyan. Subalit dahil marahil wala nang sapat na pera, nagutom na, gininaw, walang matulugan kundi sa bangketa, at marahil iyon na ang kanyang ikinamatay. Ang kanyang kwento ang marahil nag-udyok sa pamahalaan na tingnan ang kaso ng mga LSI.

Kasama na riyan ang mga manggagawang nakatira na lamang sa kalye nang mawalan ng trabaho dahil sa pandemya, at pinalayas sa mga inuupahan nilang kwarto o apartment dahil wala na silang pambayad. Silang umaasa pa ring makabalik sa trabaho kaya hindi makauwi ng kanilang probinsya.

Sila'y ilan lang sa dumaraming maralitang hindi na alam kung saan titira. Marahil dapat silang organisahin upang sama-sama nilang maipaglaban ang kanilang karapatan at sama-samang singilin ang pamahalaang ito sa mga kapalpakan nito upang matiyak sanang napapangalagaan ang kanyang mga mamamayan.

Mga pinaghalawan:
https://cnnphilippines.com/news/2020/7/25/LSI-homecoming-Rizal-Memorial-Sports-Complex.html?fbclid=IwAR3-DOUrXGyD-yQp9i9_3xES-8RGGRPhSURks4YfKPgpcI_pZUiAfhbxTqc
https://newsinfo.inquirer.net/1331451/more-stranded-individuals-to-be-sent-home
https://newsinfo.inquirer.net/1289335/stranded-mother-dies-after-waiting-for-bus-ride-to-camarines-sur-at-edsa-footbridge

* Unang nalathala ang artikulong ito sa Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 1-15, 2020, pahina 14-15.

Lunes, Oktubre 12, 2020

Ang mga cactus na parang terra cotta warriors

nilagay sa sanga ng dragonprut ang mga cactus
nahahilera silang animo'y kawal na lubos
animo'y terra cotta warriors ang pagkakaayos
na kung may labanan ay di mo basta mauubos

O, kaygandang pagmasdan ng mga cactus na iyon
sa pabula nga'y mapagsasalita sila roon
na pawang mga mandirigmang naligaw lang doon
di upang lumaban kundi magpahinga't limayon

napakaayos ng kanilang pagkakahilera
bagamat mga cactus ay di naman namumunga
mahal man pag binili'y maganda naman sa mata
animo sa iyong bahay ay may mga bantay ka

mga mandirigmang cactus, huwag munang sumugod
alamin muna anong isyung itinataguyod
karapatan ba ng kapwa'y sasagasaang lugod
kung walang katuturan ay huwag magpakapagod

- gregoriovbituinjr.

* kuha ang mga litrato sa Living Gifts Nursery na hardin ng samutsaring cactus sa Barangay Alno, La Trinidad, Benguet, 10.10.2020


Linggo, Oktubre 11, 2020

Una lagi ang prinsipyo

una lagi ang prinsipyo kaysa anumang lambing
ito'y napagtanto ko sa kwarantinang dumating
bawal tumambay sa inumang may pagiling-giling
pagkat tibak akong may paninindigang magaling

kahit sa basura'y may prinsipyo ring sinusunod
nabubulok at di nabubulok dapat ibukod
maging pageekobrik ay aking tinataguyod
gawaing pangkalikasa'y isa ring paglilingkod

bilang kawal ng paggawa, una lagi'y prinsipyo
pagkat narito ang buod ng diwa't pagkatao
di raw makakain ang prinsipyong sinasabi ko
ngunit di masarap kumain kung walang prinsipyo

makakain mo ba ang galing sa katiwalian?
masarap ba ang ninakaw mo sa kaban ng bayan?
masarap kumain kung galing sa pinaghirapan
lalo't wala kang inapi't pinagsamantalahan

ito ang niyakap ko bilang tao't aktibista
una ang prinsipyo't tungkulin sa bayan at masa
sa pagsusulat man o tumitinding binabaka
prinsipyo'y di ko tatalikdan kahit may problema

- gregoriovbituinjr.

Biyernes, Oktubre 9, 2020

Mga tinakdang apakan sa lansangan

isang metrong social distancing ay ginawang tanda
sa daanan, sa bangketa, kainan, talipapa
upang doon tatapak ang tao nang di mahawa
pagkat pag napabahing ang katabi, ay, kawawa

ito na'y ginawang paraan ng social distancing
sa pagpara ng dyip, sa botika kung may bibilhin
kahit manliligaw ng dalaga'y di makatsansing
apakan mo ang bilog ngunit huwag kang babahing

samutsaring bilog, may nakasulat pa sa sahig
iba't ibang disenyo, ingat lang sa mang-uusig
tumalima na lang, sa payak na bilog tumindig
habang sa naka-facemask na dalaga'y nakatitig

lipat agad pag may umabante't nakasakay na
abante pag sa botika'y nakabili na sila
ganyan sa panahon ngayon pagkat may kwarantina
para walang gulo, kailangan ang disiplina

- gregoriovbituinjr.



Miyerkules, Oktubre 7, 2020

Ang bantayog ni Bonifacio sa Ibaloi garden


Munting bantayog na bakal bilang pagpupugay kay Gat Andres Bonifacio na nakasulat sa baybayin, ang lumang paraan ng pagsulat ng Pinoy. Kuha sa Ibaloi garden, tabi ng Burnham park sa Baguio City. Isang tula ang aking kinatha hinggil dito:

Ang bantayog ni Bonifacio sa Ibaloi garden

may munting bantayog para sa bayaning magiting
si Gat Andres Bonifacio'y pinagpugayan man din
sa lungsod ng Baguio, at nasusulat sa baybayin
tabi ng Burnham park, sa loob ng Ibaloi garden

aralin mo ang baybayin upang iyong mabasa
ang naukit doong sa kanya'y pagpapahalaga
sa isang sanaysay niya'y naisulat pa niya
na baybayin ang panitik noong panahong una

matutunghayan mo iyon sa "Ang Dapat Mabatid..."
sanaysay ni Bonifacio't sa historia'y umugit
na bago dumating ang mga Kastila'y ginamit
ng ating ninuno ang baybaying sadyang panitik

minsan nga'y dalawin natin ang bantayog na iyon
at magbigkas ng kinathang tula ng rebolusyon
bilang pagpupugay sa kanyang may dakilang layon
lalo na't huwaran ng di pa natapos na misyon

- gregoriovbituinjr.

Magkano nga ba ang laya?

magkano nga ba ang laya? magkano ba ang laya?
bakit buhay ay binubuwis para sa adhika?
bakit ipinaglalaban ng uring manggagawa
ang makataong lipunang may hustisya sa madla?

ayaw nating tayo'y nasa ilalim ng dayuhan
o maging alipin ng kapitalistang gahaman
ayaw mayurakan ang dangal nati't karapatan
kaya pagsasamantala't pang-aapi'y labanan

magkano ang laya? bakit buhay ay binubuwis?
ina ng mga bayani'y tiyak naghihinagpis
laya'y inaadhika nang sa dusa'y di magtiis
lipunang makatao'y ipaglabang anong tamis

buhay ba'y kabayaran ng paglayang inaasam?
para sa sunod na salinlahi't kinabukasan
ah, alalahanin ang mga bayani ng bayan
na ibinuwis ang buhay para sa kalayaan

- gregoriovbituinjr.

* ang isang litrato'y kuha sa palengke sa Trading Post, at ang isa'y sa isang kainan, sa magkaibang araw, sa La Trinidad, Benguet
* akala ko nang kinunan ko ang unang litrato ay typo error lang, hanggang sa malitratuhan ko ang isa pa, na ayon kay misis, ang luya ay laya, na ang bigkas ay mabilis at walang impit

Martes, Oktubre 6, 2020

Ang tunay na kahulugan ng pagsisilbi

Ang tunay na kahulugan ng pagsisilbi

naramdaman ko sa piling ng masang inaapi
kung anong tunay na kahulugan ng pagsisilbi
sa bayan, sa paglilingkod ialay ang sarili
katuturan ng buhay ay natagpuan ko rini

hungkag ang buhay sa lugar na napakatahimik
di ako bagay doon habang iba'y humihibik
ng panlipunang hustisya't dama'y paghihimagsik
nais ko pa ring magsilbi, sa puso'y natititik

di ko nais aksayahin ang buhay ko sa wala
isa akong frontliner na sa sigwa'y sasagupa
isang tibak akong kasangga'y uring manggagawa
at sekretaryo heneral naman ng maralita

ang nais ko'y ialay ang natitira kong buhay
sa bawat pakikibaka't sa prinsipyo kong taglay
bilang paralegal ng dukha'y nagpapakahusay
kaya mananatiling tibak hanggang sa mamatay

- gregoriovbituinjr.

Sa unang anibersaryo ng kamatayan ni Ka Pedring Fadrigon

nabigla kami sa biglaan mong pagpanaw noon
dahil ama ka ng maralita't ng asosasyon
unang anibersaryo ng kamatayan mo ngayon
at ginugunita ka, pangulong Pedring Fadrigon

sa mga lider-maralita, pangalan mo'y sambit
mga tulong sa kapwa dukha'y di ipinagkait
lider na kaysipag hanggang kamataya'y sumapit
ang batikang Ka Kokoy Gan ang sa iyo'y pumalit

kayhusay sa pagkilos at tunay kang nagpapagal
pagkat ipinaglaban ang maralita't ang dangal
ang pagiging lider mo'y ipinakita sa asal
kaya dapat isulat yaong naiwan mong aral

buhay na buhay nga ang kolum mong Tinig ng Dukha
sa ating pahayagang Taliba ng Maralita
na sadyang pumukaw sa puso't diwa ng dalita
habang iyong tangan ang ating prinsipyo't adhika

sa aming paggunita sa unang anibersaryo
ng iyong pagkamatay, K.P.M.L. ay narito
O, Ka Pedring Fadrigon, kami sa iyo'y saludo
maraming salamat sa mga payo't pangaral mo

- gregoriovbituinjr.
10.06.2020

Lunes, Oktubre 5, 2020

Ang nais kong buhay


Ang nais kong buhay

nais kong buhay ay ang may panlipunang hustisya
isang buhay na punung-puno ng pakikibaka
di sa payapang tahanang parang retirado ka
gayong kayraming isyung nagbibigay ng pag-asa

ang unang taludtod ng Kartilya ng Katipunan
ay sinasabuhay ko sa maghapon at magdamag:
"Ang buhay na di ginugol sa malaking dahilan
ay kahoy na walang lilim o damong makamandag!"

nasa pakikibaka yaong hanap kong esensya
ng buhay na itong batbat ng kawalang hustisya
nasa paglilingkod sa uring manggagawa't masa
at nasa pagbabago nitong bulok na sistema

para sa akin, walang katuturan ang tahimik
na buhay, na animo'y nakabiting patiwarik
nais ko'y bakahin ang mapagsamantalang switik
at ang mata ng mga mapang-api'y magsitirik

nais kong itayo'y isang lipunang makatao
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
ito ang tangan kong paninindigan at prinsipyo
kung di ito ang tatanganan ko, di ako ito

- gregoriovbituinjr.

Biyernes, Oktubre 2, 2020

Kwotasyon ni Marx ngayong kaarawan

Quote for the Day: 2 October 2020
"In all forms of society there is one specific kind of production which predominates over the rest, ... a general illumination which bathes all the other colours and modifies their particularity." ~ Marx, The Grundrisse (1857)

kaylalim ng quote for the day sa aking kaarawan
na dapat kong basahi't basahin at pagnilayan
Sa The Grundisse ni Karl Marx ay nalathala naman
sa isang blog ng paggawang nasaliksik ko lamang

sa lahat ng anyo ng lipunan ay mayroon daw
na tipo ng produksyon na siyang nangingibabaw
sa iba pa, na kung pagninilayan ko'y balaraw
sa likod ng madla't sa daigdig ay gumagalaw

tulad ba ng tinutukoy sa lipunang alipin
nangibabaw noon ang panginoong may-alipin
sa pyudal, panginoong maylupa, asendero rin
sa kapitalismo'y kapitalistang switik man din

kaya dapat palitan ang kabulukang napala
dahil din sa sistemang may naghaharing kuhila
sa sinabi'y pag-isipan kung anong nagbabadya
upang makakilos tungo sa ganap na paglaya

pangkalahatang tanglaw daw kung aking isasalin
na pinapaliguan ang lahat ng kulay man din
na partikularidad pa'y nagagawang baguhin
subalit sinabing ito'y malalimang suriin

mayroong quote for the day lagi sa blog ng paggawa
na ngayong kaarawan ay aking tinunghayan nga
na sa tulad kong tibak ay dapat lang maunawa
habang patuloy na nagsisilbi sa dukha't madla

- gregoriovbituinjr.
10.02.2020

* ang tinutukoy na blog ng makata ay nasa kawing na http://kilusangpaggawa.blogspot.com/

Huwebes, Oktubre 1, 2020

Buhay ng isang OFW

ako'y nangibang bayan
at nagtungo sa Taiwan
na maglalagi naman
doon ng sampung buwan

nalayo sa pamilya
sakripisyo talaga
malayo sa asawa
at sa tatlong anak pa

subalit kailangan
upang mapaghandaan
itong kinabukasan
ng pamilya't anak man

anak ay mapag-aral
edukasyon ma'y mahal;
sampung buwang tatagal
sa Taiwan magpapagal

madama man ay homesick
sa pamilya'y masabik
ngunit pabaong halik
sa puso'y natititik

anak, para sa inyo
ang aking sakripisyo
tanging bilin sa inyo
ay magmahalan kayo

- gregoriovbituinjr.

* hiniling ng isang kaibigan na gawan ko ng tula batay sa sinabi niyang paksa