Huwebes, Setyembre 30, 2021

Ka Ipe

KA IPE

Taasnoong pagpupugay, Ka Ipe Faeldona!
Lider-manggagawa, bayani, sadyang makamasa
Isang magaling na edukador at aktibista
Isang ganap na rebolusyonaryo't sosyalista

Madalas kong makasama sa pulong ng B.M.P.
Lalo't ako'y minutero sa pulong na nasabi
Matututo ka sa kanya, sa bayan ay nagsilbi
Payo niya'y mananatili sa isip maigi

Isa kang moog ng uring nagbigay halimbawa
Mahusay na organisador, tila walang sawa
Bise presidente ng SUPER, matalas ang diwa
Tunay na kasama ng manggagawa tungong paglaya

Mga aral at karanasan mo'y dapat mapagnilay
Ng mga manggagawang iwing buhay mo'y inalay
Ka Ipe, isa pong taaskamaong pagpupugay
Tunay kaming sumasaludo, mabuhay! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
09.30.2021

* binasa sa luksang parangal kay Ka Ipe Faeldona, gabi ng 09.30.2021 sa zoom
* litrato mula sa fb page ng BMP

Linggo, Setyembre 26, 2021

Kayganda ng umaga

KAYGANDA NG UMAGA

kayganda ng umagang sumilang sa niloloob
habang nagpapatuloy pa kami sa pagsusuob
bangis ng virus ay dapat madurog at makubkob
at mabubuting selula ang dito'y magsilusob

salubunging masigabo ang umagang kayganda
sapagkat tanda ng pag-asam ng bagong pag-asa
lalo't dumila ang init ng araw sa balana
naninilay na wala na sanang magka-covid pa

inhale, exhale pa rin, mag-ehersisyo ng katawan
bagamat bawal pang lumabas sa abang higaan
huwag laging nakatunganga't kisame'y pagmasdan
kundi igalaw-galaw rin ang tuhod at katawan

O, kayganda ng umagang ang salubong ay ngiti
at pasasalamat ang sa labi mamumutawi
salamat sa buhay at naritong nananatili
upang ipagpatuloy ang adhikain at mithi

- gregoriovbituinjr.
09.26.2021

Huwebes, Setyembre 23, 2021

Kwadernong itim

KWADERNONG ITIM

di ko tanda kanino galing ang kwadernong itim
na binigay marahil sa akin ng gurong lihim
nakakatakot ba sakaling lamunin ng dilim?
may kapayapaan nga ba sa baligtad na talim?

Kampilan ni Lapulapu'y matalas at kaiba
Excalibur ni Arturo'y matalim ding espada
Katana'y baligtad ang talim ni Kenshin Himura
upang pumayapa ang mundo sa panahon nila

di mawawala ang dilim na muling bumabalik
tulad din ng tanghaling ang araw ay tumitirik
tulad ng saknong na may talinghagang natititik
tulad sa katahimikang minsan dapat umimik

kung kulay ng kwaderno ko'y itim, eh, ano naman
kung sinusulat ko rito'y mithing kapayapaan
habang nagpapagaling, pinapanday kong mataman
ang tugma't sukat, ang puso, diwa't pangangatawan

upang sa muling pakikihamok ay maging handa
upang muling hasain ang sandata ng makata
upang maging katuwang ng manggagawa't dalita
tungo sa lipunang magpakatao ang salita

- gregoriovbituinjr.
09.23.2021

Huwebes, Setyembre 2, 2021

Si Jose Mari Chan at ang mga natanggal na obrero

SI JOSE MARI CHAN AT ANG MGA NATANGGAL NA OBRERO

'ber months na, maririnig na naman natin ang mga
awiting pamasko datapwat Pasko'y malayo pa
wala pang Undas, pauso na ng kapitalista
nang pamaskong regalo'y maihanda't mabili na

habang umeere ang tinig ni Jose Mari Chan
may isang paalala lamang si kasamang Emman
isang union buster at sa manggagawa'y kalaban
si Jose Mari Chan, masakit na katotohanan

sa Hotel Enterprises of the Philippines, pangulo
ang Hyatt Regency Manila'y pag-aari nito
babayarang service charge na one point three milyong piso
ay kanya pang ipinagkait sa mga obrero

dulot nito'y illegal mass lay-off ng manggagawa
higit dalawang daan silang trabaho'y nawala
sa kabila ng awit, may lihim palang nagawa
na sa mga obrero'y bagay na kasumpa-sumpa

at salamat, Ka Emman, sa pagbubulgar mong ito
di mo kasalanan, tapat ka lang sa tungkulin mo
habang umaawit si Chan, tandaan natin ito
dahil sa kanya'y kayraming nawalan ng trabaho

- gregoriovbituinjr.
09.02.2021

* litrato mula sa post sa fb ni Emman Hizon na nakilala ko noong siya'y nasa Freedom from Debt Coalition (FDC) pa

Pagpupugay sa dukhang Olympic Bronze Medalist


PAGPUPUGAY SA DUKHANG OLYMPIC BRONZE MEDALIST

kamamatay lang ng Seoul Olympic bronze medalist
ang boksingero't kababayang Leopoldo Serrantes
bago mamatay, sa ospital siya'y nagtitiis
sa sakit na chronic obstructive pulmonary disease

at dalawang linggo lamang bago siya mamatay
ang tindahang Chooks-to-go ay nag-commit na magbigay
ng sandaang libong pisong allowance kada buwan
upang makatulong sa gastusin sa pagamutan

buti pa ang tindahan ng lutong manok, Chooks-to-go
may buwanang allowance na sandaang libong piso
na ayon sa anak, walang napala sa gobyerno
gayong nagbigay ng karangalan si Mang Leopoldo

Olympic medalist natin ay namatay na dukha
buti't si Hidilyn, may milyon-milyong gantimpala
iba ang maka-gold, pag bronze medal lang ba'y kawawa
ang ambag ni Serrantes sana'y di mabalewala

gayunman, pagpupugay kay Mang Leopoldo Serrantes
na doon sa Seoul Olympics naging bronze medalist
sana mga Olympian nating nakikipagtagis
sa laban sa ibang bansa sa kanya'y di maparis

- gregoriovbituinjr.
09.02.2021

Pinagsanggunian:
https://www.reportr.world/news/boxer-leopoldo-serantes-seoul-olympics-bronze-medalist-passes-away-at-59-a4713-20210901?ref=article_feed_1
https://mb.com.ph/2021/09/01/olympic-boxing-bronze-medalist-leopoldo-serantes-passes-away/

Minolestiya ng parak

MINOLESTIYA NG PARAK

anong lupit nitong balitang di ko madalumat
kung bakit nangyayari, buti't ito'y naiulat
kaya sa mamamahayag na nagsulat, salamat
at ganitong mga krimen ay agad mong naungkat

minanyak ng pulis ang isang quarantine pasaway
isang balitang talagang di ka mapapalagay
akala ng pulis, babae'y tatahimik lamang
dahil sa kanyang tsapa, babae'y takot matokhang

Unathorized Person Outside Residence ang babae
dahil lockdown sa lugar nila ay baka bibili
upang makakain ang pamilya, ngunit hinuli
dinala sa boarding house ng pulis, aba'y salbahe

doon na minolestiya ang labingsiyam na anyos
na biktima, dalawang pulis pala ang nambastos
talagang ginawa nila'y krimeng kalunos-lunos
ngunit nasabing dalaga'y handang makipagtuos

at nang nasabing babae'y nagsampa ng reklamo
ay dinisarmahan ang pulis ng kabaro nito
nilagay sa restrictive custody ang taong ito
na dapat lamang makulong sa ginawang asunto

mga ganitong pulis ay di dapat pamarisan
na ginagamit ang tsapa nila sa kabastusan
nangmomolestiyang dapat lang mabulok sa kulungan
gayunman, tula'y batay sa ulat sa pahayagan

- gregoriovbituinjr.
09.02.2021

* Tula batay sa ulat sa nilitratuhang balita mula sa Abante Tonite, petsang Agosto 29, 2021, araw ng Linggo, pahina 2

Miyerkules, Setyembre 1, 2021

SUOB pala ay steam inhalation


SUOB PALA AY STEAM INHALATION

SUOB, bagong salitang natutuhan ko lang ngayon
ngunit salitang lalawiganin marahil iyon
sagot nina Pinsan at Utol: steam inhalation
upang mag-ingat ang lahat at naiwan pa roon 

lalo't tatlong kamag-anak ang agarang namatay
dahil sa COVID ay di napapanahong nahimlay
nagbuo ng grupo sa fb doon nagtalakay
nag-usap-usap, anong gagawin, maging matibay

magpipinsan ay nag-usap at nagtutulong-tulong
binabasa anumang napag-uusapan doon
at magSUOB daw upang katawan ay may proteksyon
laban sa virus na di makitang kalaban ngayon

bilin sa mga kaanak, mag-ingat-ingat pa rin
bilin ay SUOB, magmumog ng tubig na may asin
magpainit ng tubig, usok niyon ay langhapin
dapat may twalya upang usok sa'yo papuntahin

salamat, SUOB pala'y termino sa kalusugan
salin ng steam inhalation sa wika ng bayan
lokal mang salita sa pinagmulang lalawigan
ni ama, ay gagamitin ko na sa panulaan

- gregoriovbituinjr.
09.01.2021

* ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, ang suob sa ikatlong depinisyon ay "pagkulob at pagpapausok sa maysakit, p. 1186

Balantukan

BALANTUKAN

nakangiti ngunit naghihirap ang kalooban
pilit tinatago ang sugat na nararamdaman
kunwari'y masaya pag siya'y kaharap mo naman
minsan, makwento, madalas tahimik, siya'y ganyan

nang masawi sa pag-ibig, kunwa'y di apektado
dinadaan lang sa tawa ang pagkabigong ito
subalit tuwing gabi'y inom doon, toma dito
animo ang nalasap na pagkabigo'y seryoso

tila sugat na balantukan ang kanyang kapara
akala'y naghilom sa labas ngunit sariwa pa
ang sugat sa loob kahit kita mong nagpilat na
sa kabila ng lahat, nakangiti pa rin siya

ilan sa atin ang ganyan, tinatago ang hapdi
o sakit na nararamdaman at nakakangiti
pagkabigo ba'y tanggap na't magbabakasakali
sa ibang kandungan, dama pa man ang pagkasawi

payo sa kanya'y marami pa namang babae
baka makahanap ng bago't muling dumiskarte
sinunod niya ang payo kaysa siya'y magbigti
at mahahanap din ang iibig na binibini

- gregoriovbituinjr.
09.01.2021

Panapin-sa-init

PANAPIN-SA-INIT

kabibili ko lang ng tatlong pot holder kahapon
nabili ko'y tatlo bente singko, mura na iyon
matagal ko ring planong pot holder ay magkaroon 
nang makita lang sa bangketa'y napabili doon

tatlong pot holder, panapin sa kalderong mainit
maprotektahan ang kamay, iwas-paso ang hirit
kaysa basahan o rug ang gamit laban sa init
basahan na, pamunas pa, nakakalitong gamit

ang mga Asyano'y mahilig kumain ng kanin
bakit ba pot holder ay walang katumbas sa atin
bagamat may mungkahi ang mga kapatid natin
ang tawag nila sa pot holder nang aking tanungin

tungkulin ng makatang kilanlin ang tawag dito
sa ating wika kaya dapat magkaisa tayo
sossopot sa Kalinga, apuro sa Ilokano
iba naman ang gikin na patungan ng kaldero

panapyo, pansapyo, panaklot o kaya'y pangsikwat
salitang ugat ng panaklot ay daklot, pangsunggab
ang kahulugan naman ng sikwat ay pag-aangat
ano sa panapyo, sapyo, dapyo, hanapin lahat

kaldero'y wikang Espanyol nang aking saliksikin
subalit sariling wika ang kanin at sinaing
Ingles ang pot holder na sa mainit ay panapin
anong katutubong tawag ay magkaisa man din

- gregoriovbituinjr.
09.01.2021

Tapos na ang Agosto

TAPOS NA ANG AGOSTO

tapos na ang Agosto, ang Buwan ng Kasaysayan
at Buwan ng Wika, ngunit patuloy pa rin naman
kaming tagapagtaguyod ng wika't kasaysayan
sa aming layon at tungkuling magsilbi sa bayan

upang paunlarin pa ang ating sariling wika
at sa tula'y ihayag ang katutubong salita
maging ito man ay lalawiganin o kaya'y luma
kaya patuloy sa pagkatha ang mga makata

binabasa't inaaral ang talahuluganan
o mga diksiyonaryong kayraming malalaman
baka may salitang sa diwa'y manggigising naman
o salitang di pa batid ng mga kabataan

tapos na ang Agosto, ngunit kayraming gagawin
magsaliksik, magsuri, magbasa, magsulat pa rin
upang ating wika't kalinangan ay paunlarin
habang sa kalye'y nakikibaka pa ring taimtim

iyan ang tungkuling tangan ng tulad kong makata
sa wika, kasaysayan at kalinangan ng bansa
habang nakikibaka kasama ng mga dukha't
maitayo paglaon ang lipunang manggagawa

- gregoriovbituinjr.
09.01.2021