ANG SORBETERO
anong sipag maglako sa gitna ng kainitan
ng mamang sorbeterong talagang masikap naman
upang makapawi ng pagod ng binebentahan
upang makabawi sa mga pinagkagastusan
upang sa pamilya'y may pangtustos at may pangkain
upang kinabukasan ng bata'y paghandaan din
matumal man ang benta'y may umaga pang parating
sa katanghaliang tapat, kumikitang magaling
ice cream na iba't ibang flavor ang inilalako
may mangga, may niyog, tila sarap niyon ay luho
ang tamis niyon nga'y nakakawala ng siphayo
nakapapawi rin ng nadaramang pagkahapo
sa init, bumili ako ng ice cream na matamis
na nilagay sa tinapay, kinain kong kaybilis
habang ang mga kasama'y di na rin nakatiis
matapos ang pagkilos, bumili rin ng sorbetes
mabuti't naroon ang sorbetero sa lansangan
lalo na't wala roong natatanaw na tindahan
tila sinagip kami sa gutom at alinsangan
salamat sa mamang sorbetero't siya'y nariyan
- gregoriovbituinjr.
01.31.2022