Sabado, Disyembre 30, 2023

Kwento - No to jeepney phaseout!

NO TO JEEPNEY PHASEOUT!
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Kumusra na po, Itay? Balita ko, balak ng pamahalaan i-phase out ang mga dyip dahil daw sa PUV modernization? Nakakasira rin daw sa kalikasan ang ating mga dyip dahil sa usok nitong ibinubuga. Tama po ba ang nabalitaan ko, Itay?” Sabi ni Nonoy sa kanyang amang tsuper ng dyip na si Mang Nano.

“Oo nga, anak? Iyan ang problema naming mga tsuper ngayon. Balak ipalit ang mga minibus na tinawag nilang e-jeep. Modernong dyip daw subalit pag sinuri mo naman, mas nakikipagtagalan sa panahon ang ating mga tradusyunal na dyip kaysa sa e-jeep na ilang taon lang, laspag na.” Ang himutok naman ni Mang Nano sa anak.

“Paano po iyan, Itay? Pag nangyari po iyan, aba’y baka di na kayo makapamasada?” Ani Nonoy.

“Ano pa nga ba? Gutom ang aabutin natin, pati na ibang pamilya ng mga tulad kong tsuper! Baka matigil ka na rin sa pag-aaral dahil sa dyip lang natin kinukuha ang pangmatrikula mo.” Ani Mang Nano.

Habang nag-uusap ang mag-ama ay dumating si Nitoy, ang kumpare at kasamang tsuper ni Mang Nano.

Sabi ni Nitoy, “May pulong tayong mga drayber mamaya alas-kwatro ng hapon sa terminal upang pag-usapan ang sinasabing modernisasyon daw ng ating mga dyip. Dalo tayo, pare, nang malaman natin.”

“Sige, pare, dadalo ako. Magkita na lang tayo doon mamaya.”

“Itay, maaari bang sumama? Nais ko lang po makinig.” Ani Nonoy.

“Sige, anak. Samahan mo ako mamaya.”

Dumating ang ikaapat ng hapon. Marami nang tsuper sa terminal, at may megaphone. Nagpaliwanag ang lider ng mga tsuper sa lugar na iyon. Si Mang Nolan. Naroon na rin ang mag-amang Nano at Nonoy.

“Mga kasama,” ani Mang Nolan. “Ipinatawag natin ang pulong na ito dahil nangangamba tayong mawalan ng kabuhayan pag natuloy ang pagpe-phaseout ng ating mga dyip. Hindi tayo papayag diyan! Gutom ang aabutin ng ating pamilya, hindi pa tayo makakapasada. Hanggang Disyembre 31 ang ibinigay sa atin upang magkonsolida ng ating hanay.”

“Anong ibig sabihin niyan?” Tanong ni Mang Nano.

“Ganito kasi iyan,, mga kasama,” ani Mang Nolan, “Naglabas ang Department of Transportation ng Omnibus Franchising Guidelines na una sa programang PUV Modernization Program. Anong laman niyan?”

Nakikinig ng mataman ang mga tsuper sa paliwanag. Nagpatuloy si Mang Nolan, “Sa ilalim ng nasabing guidelines, dapat ikonsolida ng mga tsuper at opereytor ng dyip ang kanilang mga yunit sa isang kooperatiba na tatayong manager at magpapatakbo sa partikular na ruta batay sa polisiyang one route, one franchise. Sa isang prangkisa, 15 yunit ng modernong dyip ang minimum na kailangan. Ang presyo ng isang yunit ay nasa P2.4 milyon hanggang P2.8 milyon. Kaya ba natin iyon? Aba’y lagpas triple na iyan sa bago at magandang klaseng tradisyunal na dyip na nasa P800K lang. Tinaningan na tayo na hanggang Disyembre 31 na lang ay dapat nakonsolida na ang ating mga dyip.”

“Anong dapat nating gawin?” Tanong ng tsuper na ni Mang Nestor.

“Aba’y kinonsulta ba nila ang mga tsuper at opereytor sa balak nilang iyan? O baka dahil may pera sila sa mga modern dyip kaya ginigiit nila iyan sa atin. Mungkahi ko, mga kasama, magpakita tayo ng pwersa bago ang deadline.” Sabi ni Mang Nano.

“Aba, Itay, sasama rin ako riyan! Isasama ko mga kaklase ko!” Sabad naman ni Nonoy.

“Bakit mo naman naisipang sumama?” Tanong ni Mang Nolan.

“Naisip ko po kasi, maraming pamilya ang magugutom pag hindi na nakapasada sina Itay, ang tulad po ninyong mga tsuper. Apektado rin ang aming pag-aaral. Pati mga manggagawang pumapasok sa trabaho, walang masasakyan. Ang laban po ng tsuper ay laban din naming mga komyuter.” Ang mahabang paliwanag ni Nonoy.

“Aba’y magaling. Sige, kung payag ang tatay mo.” Ani Mang Nolan.

Agad sumagot si Mang Nano, “Anong paghahanda ang ating gagawin? Dapat sabihan din natin ang iba pang tsuper. Kailangan nating magpakitang puwersa upang pakinggan tayo!”

Si Mang Nolan, “Sige, mga kasama, sa Disyembre 29 natin itakda ang ating pagkilos. Bago magsara ang taon ay maipakita natin ang ating paninindigan. Ang ating panawagan: No to jeepney phaseout!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2023, pahina 18-19.

Miyerkules, Disyembre 20, 2023

Salamat, kasama

SALAMAT, KASAMA

salamat, kasama, sa magandang mensahe
sapagkat pinasaya ako ngayong gabi
sadyang tulad nating tibak ay nagsisilbi
sa uri't bayan upang bansa'y mapabuti

magpatuloy lang tayo sa pakikibaka
laban sa pang-aapi't pagsasamantala
bilang tibak na Spartan ay makiisa
ng buong puso't giting sa laban ng masa

magbasa-basa, magpakahusay, magsanay
patuloy na gampanan ang adhika't pakay
kumilos at magpakilos, tayo ay tulay
upang laban ng obrero'y ipagtagumpay

salamat, kasama, sa buhay at layunin
sapagkat adhika'y sinasabuhay natin
na bulok na sistema'y tuluyang baguhin
at tayo'y sama-samang kumikilos pa rin

- gregoriovbituinjr.
12.19.2023

Lunes, Disyembre 18, 2023

Ang pakay

ANG PAKAY

pagod ang dama sa bawat hakbang
matapos ang mahabang paglinang
ng mga saknong at taludturan
na gintong uhay ang pakinabang

patuloy lang sa pakikibaka
nang kamtin ang asam na hustisya
na matagal nang hikbi ng masa
na kaytagal ding sinamantala

kaya naritong iginuguhit
ang labanang abot hanggang langit
ang tibak ay nagpapakasakit
nang ginhawa ng masa'y makamit

nawa makata'y di lang magnilay
o kathain ang sugat ng lumbay
kundi ipalaganap ang pakay:
uring manggagawa'y magtagumpay!

- gregoriovbituinjr.
12.18.2023

Linggo, Disyembre 17, 2023

Sinong dakila o bayani?

SINONG DAKILA O BAYANI?

sino nga ba ang tinuturing na bayani?
yaong dakilang taong sa bayan nagsilbi?
lagay ng bayan ba'y kanilang napabuti?
tulad nina Rizal, Bonifacio't Mabini?

O.F.W. ay bayaning di kilala
na nagsasakripisyo para sa pamilya
sa ibang bansa sa kakarampot na kita
mapakain, mapag-aral ang anak nila

bayaning manggagawa, bayani ng bayan
buhay nila'y inspirasyon sa mamamayan
na ipaglaban ang hustisyang panlipunan
nang lumaya ang bayan sa tuso't gahaman

di lang dayuhan ang kalaban nitong bansa
kundi mismong kababayan ngunit kuhila
tulad ng pulitikong nagsisilbi kunwa
ngunit sa kabang bayan ay nananagasa

mahirap man ang magpakabayani ngayon
tinuring raw na bayani'y patay na noon
gayunpaman, kunin ang aral ng kahapon
mabuting gawa nila'y gawing inspirasyon

- gregoriovbituinjr.
12.17.2023

Kawikaan sa kwaderno

KAWIKAAN SA KWADERNO

"The least I can do is speak out for those who cannot speak for themselves." 
~ kawikaan sa pabalat ng isang kwaderno

nabili ko sa Benguet ang kwadernong iyon
dahil anong ganda ng kawikaan doon
marahil tibak din ang nagsalita niyon
na may tapang kapara ng oso o leyon

ang tangi kong magagawa'y ang magsalita
para sa tinanggalan ng tinig, dalita,
maliliit, vendor, babae, manggagawa,
magsasaka, pinagsamantalahang sadya

kawikaang sinasabuhay na totoo
kaya kwadernong yao'y iniingatan ko
makabuluhang patnubay sa pagkatao, 
pangarap, hustisya, karapatan, prinsipyo

kung may gayong kwaderno pa'y aking bibilhin
upang ipangregalo sa kapwa ko man din
nang maging gabay din nila ang diwang angkin
upang api't sadlak sa putik ay hanguin

- gregoriovbituinjr.
12.17.2023

Miyerkules, Disyembre 13, 2023

Sama-samang pagkilos

SAMA-SAMANG PAGKILOS

pag-uwing bahay galing sa rali
animo'y di pa rin mapakali
rali nama'y di kawili-wili
gutom lang lalo't walang pambili

subalit rali ay mahalaga
upang maipaabot sa masa
at gobyerno ang isyu talaga
may rali dahil nakikibaka

kaytaas ng presyo ng bilihin
tulad ng gulay, bigas, pagkain
pangangailangang pangunahin
na araw-gabi nating gastusin

karapatan nating manuligsa
kung pinuno'y kuyakoy lang sadya
barat ang sahod ng manggagawa
walang disenteng bahay ang dukha

tuloy ang sama-samang pagkilos
kung may inapi't binubusabos
labanang ito'y dapat matapos
kaya maghanda sa pagtutuos

- gregoriovbituinjr.
12.13.2023

Lunes, Nobyembre 27, 2023

Pagpupugay kay Gat Andres Bonifacio

PAGPUPUGAY KAY GAT ANDRES BONIFACIO

Gat Andres Bonifacio, Supremo ng Katipunan
mahusay na organisador, marunong, matapang
sa kanyang pamumuno'y dumami ang kasapian
mga Katipon, Kawal, Bayani'y nakipaglaban

dineklara ng Supremo ang paglaya ng bansa
"Punitin ang mga sedula!" ang kanyang winika
ang sigaw niya'y inspirasyong pumukaw sa madla
simula ng himagsikan ng armas, dugo't diwa

O, Gat Andres, salamat sa iyong ambag sa bayan
ngunit pinaslang ka ng 'kapanalig' sa kilusan
taun-taon, ikaw ay aming pinararangalan
tula't sanaysay mo'y pamanang sa amin iniwan

salin ng Huling Paalam ni Rizal, ang Tapunan 
ng Lingap, Ang mga Cazadores, ang Katapusang
Hibik ng Pilipinas sa Inang Espanya, at ang
Mi Abanico sa Espanyol, nariyan din naman

ang obra niyang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa 
ating nauunawa bagamat matalinghaga,
bayani, makata, mananalaysay, manggagawa
pinaglaban ang kalayaan, tunay na dakila

basahi't namnamin ang dalawa niyang sanaysay:
Mararahas na Mga Anak ng Bayan, Mabuhay!
Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog, magnilay
mga gintong aral niya'y makahulugang tunay!

- gregoriovbituinjr.
11.27.2023

* Inihanda para sa "Konsiyerto ng Tula at Awit: Parangal sa Ika-160 Kaarawan ni Gat Andres Bonifacio", University Hotel, UP-Diliman, Nobyembre 27, 2023, 2-6pm 

Sabado, Oktubre 14, 2023

Tuloy ang laban! Tuloy ang lakad!

TULOY ANG LABAN! TULOY ANG LAKAD!

"Tuloy ang laban! Tuloy ang lakad!"
ito sa kanila'y aking bungad
nang climate emergency'y ilahad
saanmang lugar tayo mapadpad

wala sa layo ng lalakarin
kahit kilo-kilometro man din
sa bawat araw ang lalandasin
mahalaga, tayo'y makarating

tagaktak man ang pawis sa noo
magkalintog man o magkakalyo
dama mang kumakalas ang buto
may pahinga naman sa totoo

ngunit lakad ay nagpapatuloy
dahon kaming di basta maluoy
sanga ring di kukuya-kuyakoy
kami'y sintatag ng punongkahoy

- gregoriovbituinjr.
10.14.2023

* kuha sa Lucena City ni A. Lozada

Kwento - Pakikibaka Laban sa 4PH

PAKIKIBAKA LABAN SA 4PH
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nito lang Hulyo 17, 2023 ay nagpalabas na ng Executive Order 34 ang pangulo ng bansa hinggil sa kanyang flagship program na 4PH o Pambansang Pabahay Para sa Pilipino program. Kasunod nito ay lumabas ang Operations Manual nito, o IRR o yaong Implementing Rules and Regulations nito, subalit hindi dumaan sa Kongreso, kundi ginawa ng mga taga-DHSUD (Department of Human Settlements and Urban Development) na ang natalagang sekretaryo ay isang developer.

“Mukhang maganda ang 4PH, ah. Malulutas na raw nila ang backlog na 6.8 milyon na pabahay.” Ang agad sabi ni Inggo.

Sumabad si Mang Igme, habang nakaupo sila sa karinderya ni Aling Ising. “Teka muna. Huwag tayong padalos-dalos. Nabasa mo na ba ang Operations Manual?”

“Hindi pa.” Sagot ni Inggo.

“Iyan na nga ba ang sinasabi ko. Basahin n’yo muna. Dahil ang nakasulat doon, para lang iyon sa mga may trabaho, may pay slip, at may Pag-Ibig. Ibig sabihin, kayang magbayad ng tuloy-tuloy sa ala-condo na yunit, na nagkakahalaga ng mahigit isang milyon. Tayo bang maralita ay may kakayahang magbayad buwan-buwan, at may Pag-Ibig ba tayo? Magkakariton, nagtitinda ng tingi-tingi sa bangketa, pedicab driver, magbabalut, namumulot ng pagkaing pagpag, mangangalkal ng basura. Aba’y wala nga tayong regular na trabaho! Diyan pa lang, di na tayo kwalipikado bilang benepisyaryo. Lumalabas ngang negosyo ang 4PH, at ginagamit lang tayong mga maralita.” Pagbibigay-diin ni Mang Igme.

Sumabad si Aling Isay, “Aba’y dapat muna natin iyang aralin!”

Sumagot din si Aling Ines, “Tama kayo. Baka isa na naman iyang pambubudol sa maralita subalit para pala sa may mga kakayahang magbayad. Tulad kong nagtitinda lang ng mani, makakapasok ba ako riyan at mababayaran ko ba ang buwanan diyan, lalo na’t kulang pa sa pagkain naming mag-iina ang benta ko sa kasoy at mani. Bukod pa sa wala rin akong Pag-Ibig. Balita ko nga’y maliit na kwarto lang din iyan na iyong babayaran ng tatlumpung taon. Matanda na ang anak ko’y baka di pa namin iyan nababayaran.” 

“Ang mabuti pa,” ani Mang Igme, “kakausapin ko si Ka Kokoy, ang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod o KPML, hinggil sa usaping iyan. Pupuntahan ko agad siya bukas.”

Kinabukasan, nagtungo na si Mang Igme sa pwesto ni Ka Kokoy sa isang palengke sa Caloocan. Nagkumustahan muna sila.

“Alam mo, Ka Kokoy, ang ipinunta ko rito ay hinggil sa sinasabing flagship project ni BBM - ang 4PH. Para nga ba ito sa maralita? O ito’y pakulo na naman at nagagamit tayong maralita.” Bungad ni Mang Igme.

Sumagot si Ka Kokoy, “Nabasa na rin namin iyan at tinalakay sa KPML. Ang problema kasi riyan, para raw iyan sa informal settler families o ISF tulad natin. Subalit pag sinuri mo talaga, hindi para sa ISF iyan, kundi para sa may kakayahang magbayad. Pag di ka nakabayad sa tamang oras ay agad ka nang papalitan. Isa pa, saan nila itatayo ang 4PH? Sinasabing kung saan ang mga iskwater, doon itatayo ang pabahay. Aba’y idedemolis muna tayo at ilalagay sa staging area hanggang matapos ang pabahay? Aba’y mapapalaban na naman tayo niyan.”

“Naisip ko, baka mas magandang kayo na sa KPML ang magtalakay hinggil diyan. Maaari ka ba sa darating na Sabado ng alauna ng hapon, doon sa bahay, at iimbitahan ko na rin ang Samahang Magkakapitbahay sa amin upang matalakay mo ang 4PH.” Paanyaya ni Mang Igme.

“Sige, magtutungo kami ni Tek sa inyo sa Sabado.” Ani Ka Kokoy

Dumating ang araw ng Sabado at nagkatipon na ang mga tao.

Si Mang Igme, “Narito sina Ka Kokoy  upang talakayin ang 4PH.”

Sinimulan ni Ka Kokoy ang pagtalakay, “Narito po ang ilang seroks ng EO 34 at ang Operations Manual, na magandang basahin at suriin ninyo. Sa totoo lang po, mga kasama, hindi talaga para sa atin ang 4PH. Dahil ito’y negosyong pabahay. Dapat may Pag-ibig ka at may regular na trabaho upang matiyak nilang makakabayad ka. Kung nais ninyo, magkaisa tayong magrali sa tapat ng DHSUD upang maipabatid natin sa kanila ang ating pagtingin dito. At bakit hindi para sa maralita ang 4PH.”

“Sasama kami riyan. Gagawa na rin kami ng mga plakard. Nakasulat: Pabahay ay Serbisyo, Hindi Negosyo! 4PH, di pang-ISF! Ibasura!” Ang sagot ng mga tao. Itinakda ang pagkilos sa darating na Miyerkules.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre 1-15, 2023, pahina 18-19.

Sabado, Oktubre 7, 2023

Pahinga muna ako ng isang buwan

PAHINGA MUNA AKO NG ISANG BUWAN

magpapahinga muna ako ng isang buwan
kaya mawawala ako ng panahong iyan
pagkat tutungo sa malalayong lalawigan
nang nagbabagong klima'y dalumating mataman

palalakasin ang iwing katawang pisikal
pagpapahingahin ang kaisipan o mental
pangangalagaan ang loob o emosyonal
ang isang buwan ay sandali lang, di matagal

nais ko munang magnilay, buong puso't diwa
nangamatay sa unos sa puso'y masariwa
sa malayong pook ay magtirik ng kandila
maraming salamat po sa inyong pang-unawa

maglalakad-lakad pa rin habang nagninilay
at sasamahan ang mga kapwa manlalakbay
nagbabagong klima man ay nagbabagang tunay
ay babalik na panibagong lakas ang taglay

- gregoriovbituinjr.
10.07.2023

Apo ni Leonidas

APO NI LEONIDAS

dugong Spartan, isang aktibista
apo ni Leonidas ng Sparta
at tagapagtanggol ng aping masa

lingkod ng manggagawa't maralita 
tinig ng inaapi't mga dukha
di palulupig sa mga kuhila

tangan ang prinsipyo ng proletaryo
inoorganisa'y uring obrero
pangarap ay lipunang makatao

sa mapagsamantala'y di pagapi
pati na sa tuso't mapagkunwari
at lalabanan ang mapang-aglahi

nakikibaka pa rin hanggang ngayon
laging mahalaga'y kamtin ang layon
nabubuhay upang tupdin ang misyon

- gregoriovbituinjr.
10.07.2023

* litrato mula sa google

Biyernes, Oktubre 6, 2023

Kaylamlam ng umaga

KAYLAMLAN NG UMAGA

mainit ang araw ngunit malamlam ang umaga
totoo ngang dinaranas ang nagbabagong klima
ngayon ay mainit, biglang uulan, malamig na
maya-maya, bagyo'y bigla na lang mananalasa

bakit ba ganito ang dinaranas ng daigdig
paghaginit ng hangin, kaylayo pa'y maririnig
kanina'y maalinsangan, ngayo'y nangangaligkig
sa nagbabagong klima'y paano tayo titindig?

isang dekadang nakalipas, Yolanda'y naganap
nangyaring Ondoy at Yolanda'y wala sa hinagap
ngunit ngayon, climate emergency na'y nalalasap
mga bulnerableng bansa'y talagang maghihirap

anong dapat naging gawin sa climate emergency?
sa nagbabagong klima'y di tayo makakakubli
mga Annex I countries ba ang tanging masisisi?
o paglutas dito, ang mga bansa'y makumbinsi

- gregoriovbituinjr.
10.06.2023

Miyerkules, Oktubre 4, 2023

Musikainom

MUSIKAINOM

animo'y dalawang salitang pinagsama
pinagdugtong na MUSIKA't INOM, tara na!
subalit pakatitigan mo't tatlo pala
MUSIKAKAIN, at INOM, kayganda, di ba?

anong galing, pinagsamang salita'y tatlo
gig bilang suporta sa mga musikero
ngunit noong isang taon pa pala ito
ngayon lang nakita, di ako nakadalo

nais ko sanang dumalo roon, makinig
sa KusineRock, makiki-jamming din sa gig
tatagay ng isang beer habang nakikinig
at namumulutan ng isaw, mani't sisig

isang sining ang musika, tugtog at awit
tulad ng makatang katha'y tanaga't dalit
suporta sa musika'y pagmamalasakit
lalo sa musikero, di man natin dikit

mabuhay ang mga musikero ng bayan!
awit n'yo'y tumatagos sa puso't isipan
pagtugtog ng gitara'y sadyang aming ramdam
muli, pagpupugay, ituloy ang awitan!

- gregoriovbituinjr.
10.04.2023

Lunes, Oktubre 2, 2023

Lumiham at bumago ng buhay

LUMIHAM AT BUMAGO NG BUHAY

minsan, kailangan mong magsulat ng liham
at may mapagsabihan ka ng inaasam
baka iyon ang kailangan nang maparam
ang iyong mga sulirani't agam-agam

isulat mo ang iyong mga saloobin
o kung mayroong mabigat na suliranin
bawat problema'y may kalutasan, isipin
mo ito, at sa wastong tao'y talakayin

kahit nga sa pahayagan, may kolumnista
na nagbibigay ng payo sa may problema
o sa anumang institusyon, lumiham ka
malay mo, may nagbasa, isa man, pag-asa

simulan mo sa unang hakbang ang pangarap
sa kapwa'y tumulong nang walang pagpapanggap
baka may buhay kang mabago sa paglingap
at pagliham upang makaraos sa hirap

papel at plumang tangan mo'y iyong isulong
baka sa liham mo, kapwa mo'y makabangon
o sa kinasadlakang putik makaahon
liham mo, munti man, ay malaki nang tulong

- gregoriovbituinjr.
10.02.2023

I was born a Red October

I WAS BORN A RED OCTOBER

I was born on the second of October
like Mahatma Gandhi, actor Benjie Paras
classmate Angelo Arvisu, singer Sting
chess grandmaster Jonathan Spillman

a Libra who fight for social change
a writer who write in progressive page
a proletarian poet in politics engage
that in exploitative system feel rage
an activist who read Marx, the sage

I was born a Red October
I was born when French painter, chess
player and writer Marcel Duchamp died
I was born when protesting students
were killed by government forces in what
was known as the Tlatelolco massacre
I was born to continue their struggle
and the struggle of the working class

that's why I am an Spartan activist
that's why I am an environmental advocate
that's why I am a human rights defender
that's why I am a proletarian writer and poet
that's why I am and will always be
a Red October

- gregoriovbituinjr.
10.02.2023

Biyernes, Setyembre 29, 2023

Noong unang panahon

NOONG UNANG PANAHON

noong unang panahon, / may isang pulitiko
na ugali'y magaspang / sa karaniwang tao
kaibang paglilingkod / ang ginagawa nito
tila baga negosyo / ang dapat ay serbisyo

sa presyong limangdaan / ay kanya raw nabili
ang prinsipyo ng dukha't / mga masang botante
tila ba walang paki / sa kanyang sinasabi
pang-uuto pa niya'y / ipinagmamalaki

kaya katiwalian / ay laganap sa bayan
kumpare't negosyante'y / kanyang kinikilingan
negosyo'y naglipana, / walang pangkalusugan
gusali'y nagtayugan, / hubad ang paaralan

mula sa dinastiyang / pulitikal din siya
dating meyor ang ama, / ina'y gobernadora
ang asawa'y may-ari / ng maraming pabrika
habang ang sahod naman / ay kaybabang talaga

bayang ito'y ginawa / nang basahan ng trapo!
sinong dapat sisihin? / yaong masang bumoto?
prinsipyo'y pinagpalit / sa limangdaang piso?
upang sang-araw man lang / dusa'y ibsang totoo?

sa sunod na halalan / ano nang magaganap?
bakit mga tiwali'y / tuloy sa paglaganap?
dapat ang taumbayan / ay talagang mag-usap
baguhin ang sistemang / sa kanila'y pahirap

- gregoriovbituinjr.
09.29.2023    

Miyerkules, Setyembre 27, 2023

Tula't tanong

TULA

pag masakit ang ulo ko, lunas dito'y pagtula
pag masakit ang buong kalamnan, ako'y tutula
sa hirap ng kalooban, ang hingahan ko'y tula
pag nais ko ng pahinga, ang pahinga ko'y tula

sa tambak na trabaho, tula na'y aking pahinga
sa pagod kong katawan, tula'y pinakapahinga
kaya ako'y humihingi sa inyo ng pasensya
kung tumula na naman ako sa inyong presensya

TANONG

bakit may taong sinasayang ang buhay sa bisyo
at sa gawaing masasama, di magpakatao
bakit may mga taong nais lang makapanloko
at buhay na'y inilaan sa gawaing ganito

sa paggawa ng mali, sila ba'y napapakali
wala na bang budhing sa kanila'y namamayani
halina't tuklasin natin anong makabubuti
para sa kapwa, panlahatan, di lang pansarili

- gregoriovbituinjr.
09.27.2023

Ang tindig

ANG TINDIG

inalay ko na para sa bayan at kalikasan
para sa katarungan at makataong lipunan
ang sarili, ito'y matagal na pinag-isipan
prinsipyo itong yakap-yakap hanggang kamatayan

ayokong sayangin yaring buhay sa mga bisyo,
sa pagyaman, o pagsasasamantala sa kapwa ko
ayokong sayangin ang buhay sa mga di wasto
ayokong mamuhay sa sistemang di makatao

kumikilos akong tinataguyod ang hustisya
na tanging iniisip ay kapakanan ng masa
simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka
labanan lahat ng uri ng pagsasamantala

sa paglilingkod sa bayan, buhay ko'y nakaugat
walang bisyo kundi sa masa'y maglingkod ng tapat
ganyan lang ako, di pansarili kundi panlahat
sa bawat hakbang, iyan ang laging nadadalumat

- gregoriovbituinjr.
09.27.2023

Lunes, Setyembre 25, 2023

Alingasngas at aliwaswas

ALINGASNGAS AT ALIWASWAS

ano bang kanilang makakatas
sa mga gawaing panghuhudas
sa bayan? dahil sa yama't lakas?
kaya ba batas ay binubutas?

itaguyod ang lipunang patas
at sa kapwa tao'y pumarehas
labanan ang mga alingasngas
at anumang gawang aliwaswas

- gregoriovbituinjr.
09.25.2023

alingasngas - kilos o pangyayari na itinuturing na mali at nagsasanhi ng galit ng madla, UP Diksiyonaryong Filipino, p.35
aliwaswas - katiwalian, UPDF, p.37

Sabado, Setyembre 23, 2023

Komentula

KOMENTULA

di raw ako masalita
tila tinahi ang dila
madaldal lang daw sa tula
at doon ngawa ng ngawa

sa tula nahahalata
ang damdamin ng makata
anuman ang sapantaha
sa katha sinasariwa

patuloy lang sa pagkatha
ang makatang maglulupa
kay-ingay ng nasa diwa
animo'y rumaragasa

mag-ingay ka pa, makata
ikaw na di masalita
sa toreng garing ma'y wala
kinakatha'y komentula

- gbj/09.23.2023

Lunes, Setyembre 18, 2023

Kung

KUNG

Kung mayroong katahimikin
Ngunit walang kapayapaan
Ito'y hanggang tainga lang
Di pa sa kalooban.

- gregbituinjr.
09.18.2023

Linggo, Setyembre 17, 2023

Tatlo na lang

TATLO NA LANG

tatlo na lang, pitong libo na
tiya-tiyaga lang talaga
higit nang dalawang dekada
sa kathang pagbaka't pagsinta

taospusong pasasalamat
kung tula ko'y nakapagmulat
kahit minsang pinupulikat
sa pagnilay sa tabing dagat

talagang ako'y nagpatuloy
sa panahon mang kinakapoy
lalo't sa diwa'y dumadaloy
ang mga paksang di maluoy

narito mang nagmamakata
tigib man ng lumbay at luha
ako'y kakatha ng kakatha
kahit madalas walang-wala

- gregoriovbituinjr.
09.17.2023

Sabado, Setyembre 16, 2023

Paalala sa dyip

PAALALA SA DYIP

kaylinaw ng paalala
sa dyip na nasakyan agad:
"Barya lang po sa umaga
Pakiabot po ang bayad."

sa isa pa'y nakasulat
katagang "Always be honest!"
na kung iyong madalumat
ay Da Best ka among the rest

paalalang batid natin
kaydaling maunawaan
anong ganda ng layunin
patas at walang dayaan

bakit kailangan nito?
upang walang mag-1-2-3?
at walang basta tatakbo?
at sasakay lang ng libre?

- gregoriovbituinjr.
09.16.2023

Huwebes, Setyembre 14, 2023

Kwento - Pabahay ay Serbisyo, Huwag Gawing Negosyo


PABAHAY AY SERBISYO, HUWAG GAWING NEGOSYO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napag-usapan ng magkumpareng Igme at Inggo ang hinggil sa alok ng pamahalaan na pabahay. Sinabatas na kasi ni BBM sa kanyang Executive Order #34 na flagship project ng pamahalaan ang 4PH o Pambansang Pabahay Para sa Pilipino program nitong Hulyo 2023. Agad ding lumabas ang Operations Manual nito.

“Hindi naman pala para sa maralita ang 4PH kundi para sa mga may regular na trabahong may regular na sweldo.” Ito ang bungad ni Igme habang nagkakape sila ni Inggo sa karinderya ni Aling Isay.

“Aba’y nabasa mo na ba ‘yung sinasabing batas?” Tanong ni Inggo.

“Oo, napakaganda nga ng paliwanag dahil ginamit pa ang Saligang Batas, na nagsasabing dapat magkaroon ng disenteng pabahay sa abot kayang halaga ang mga underprivileged at homeless citizen sa mga lungsod at relokasyon. Pinaganda pa nga ang tawag sa mga iskwater - ISF o Informal Settler Families.” Ani Igme. “Subalit pagdating na sa Operations Manual, aba’y hindi pala kasali ang totoong ISF - na iskwater o yung mga underprivileged at homeless citizen. Parang pinaiikot lang nila ang ulo nating mga maralita.”

Napatingin tuloy sa kanila si Aling Isay, na agad sumabad sa usapan. “Matanong ko nga, paano mo naman nasabing hindi pangmaralita iyang bagong programa ng pamahalaan sa pabahay? Balita ko’y magtatayo raw ng parang kondominyum na pabahay para sa mga iskwater.”

“Ang totoo po niyan, Aling Isay, ang tinutukoy na benepisyaryo ng pabahay  sa Operations Manual ay tinatawag na buyer. Hindi na talaga mga iskwater, o yaong vendor, o dumidiskarte lang para mabuhay. Hindi tayo kasali, dahil dapat may regular kang trabahong may regular na sahod. Paano mo mababayaran ang isang libong pisong mahigit kada buwan na pabahay kung ang kinikita mo ay sapat lang para sa pang-araw-araw na pagkain ng pamilya mo? Ang nakasulat nga sa Operations Manual, ang prayoridad ay low-salaried ISF, employees and workers. Diyan pa lang ay makikitang hindi pangmaralita kundi pang may tiyak na buwanang sahod ang pabahay na iyan. Higit milyong pisong pa ang presyo ng maliit na espasyo sa itatayong ilang palapag na gusali.” Ang mahabang paliwanag ni Igme.

“Hindi pala talaga serbisyo sa maralita ang pabahay na iyan kundi negosyo. Hindi kataka-taka dahil dating contractor ng San Jose Builders iyang bagong kalihim ng DHSUD na si Alcuzar.” Pailing-iling si Aling Isay.

“Saan naman sila magtatayo ng pabahay? Baka naman itapon na naman tayo sa malalayong lugar na malayo sa ating mga trabaho? Aba’y talagang giyera-patani na naman iyan pag nagkataon.” Sabi ni Inggo.

Agad namang sumagot si Igme. “Maghahanap ng lupa ang lokal na pamahalaan upang pagtayuan ng pabahay. Ang problema pa, sila ang pipili ng mga benepisyaryo. Kaya kung political dynasty iyan, iyong mga kabig lang nila ang uunahin nila. Dehado na naman ang mga maralitang laging walang boses. Ano pa? Pag hindi ka agad nakabayad, papalitan ka agad-agad ng may kakayahang magbayad. Paano ang mga naihulog mo dati? Talo ang maralita sa negosyong 4PH. Binibilog nila ang ulo natin.”

“Kaya anong dapat nating gawin?” Tanong ni Inggo.

“Dumalo muna tayo sa patawag na pulong ni Ka Tek, ang pangulo ng samahan ng maralita dito sa lugar natin, upang mapag-usapan ang tungkol diyan. Mamayang ikaapat ng hapon, sa tapat ng barungbarong ni Igor, tatalakayin ang 4PH at ang gagawin nating pagkilos sa harap ng tanggapan ng DHSUD  sa susunod na Lunes.” Ani Igme. 

“Sasama ako sa pulong na iyan at makikinig. Pababantayan ko muna kay Bunso itong munti kong karinderya.” Ani Aling Isay.

Hapon. Pumunta sina Igme, Inggo, at Aling Isay sa tapat ng bahay ni Igor, habang naglabas naman ng mga bangko ang mga kapitbahay para sa pulong. Maya-maya, dumating na rin si Ka Tek, na naglabas naman ng manila paper upang pagsulatan. Nagkumustahan muna, saka tinalakay ni Ka Tek ang kanilang pagsusuri sa bagong programang pabahay na 4PH at inilatag ang planong pagkilos sa Lunes sa tanggapan ng DHSUD sa QC.

“Mga kasama, dahil negosyo at hindi serbisyo ang 4PH, ayon sa ating pinaliwanag kanina, may pagkilos tayo sa Lunes, kasama pa ang ibang maralitang dinemolis sa kani-kanilang lugar. Ito ang detalye, kitaan at oras. Dahil isyu naman nating maralita ito, kanya-kanyang pamasahe tayo. Wala kasi tayong pondo para pang-arkila ng sasakyan. Okay ba sa inyo? Ilan ang sasama?” Ani Ka Tek.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 1-15, 2023, pahina 18-19.

Biyernes, Setyembre 8, 2023

Mag-ingat sa mapagsamantala!

MAG-INGAT SA MAPAGSAMANTALA!

mag-ingat lagi, bilin ni nanay
sa may trabaho niyang panganay
at baka buwitre'y sumalakay
iniingatang puri'y maluray

karima-rimarim na balita
isang pasahero'y ginahasa
ng rider, sinamantalang sadya
ang babaeng lasing, nanghihina

imbes na ihatid sa tahanan
sa motel dinala ng haragan
ang babaeng di na naingatan
ang puri dahil sa kalasingan

sa gimik nanggaling ang babae
ng madaling araw sa Malate
kaya ingat lagi, mga Ate
at baka malapang ng buwitre

hanap ng babae ay hustisya
sana ito'y kanyang makamtan pa
ito'y malaking aral sa iba
pag-iingat, isipin tuwina

- gregoriovbituinjr.
09.08.2023

* "Babaeng pasahero, ni-rape ng rider", ulat mula sa Pilipino Star Ngayon, Setyembre 8, 2023, pahina 1 at 6

Paglagay sa tahimik sa magulong mundo

PAGLAGAY SA TAHIMIK SA MAGULONG MUNDO

pag lumagay ka sa tahimik, ikinasal
ka na katuwang ang tangi mong minamahal
wala nang barkada, bisyo, babae't sugal
kundi sa pamilya iinog ang pag-iral

nasa tahimik, pulos trabaho't tahanan
si misis man ay lagi kang tinatalakan
sweldo'y laan na sa anak, hapag-kainan,
edukasyon, bayad-utang, kinabukasan

ngunit naiba ang paglagay sa tahimik
nang mauso ang tokhang, mata'y pinatirik
kayraming natakot, iba'y di makaimik
mahal ay biktima ng balang anong bagsik

ang mahal na asawa o anak, tinokbang!
kinatok sa tahanan, naging toktok, bangbang!
nangyari'y walang proseso, basta pinaslang!
sinong mananagot, sino ang mga aswang?

nag-iiba ang kahulugan ng salita
saanmang panaho'y nadarama sa wika
nilagay sa tahimik, pinaslang na sadya
pinatahimik ng walang kaawa-awa

- gregoriovbituinjr.
09.08.2023

Lunes, Setyembre 4, 2023

20 Haiku hinggil sa typhoon Haikui

20 HAIKU HINGGIL SA TYPHOON HAIKUI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nananalasa ngayon sa bansa ang bansang Hanna, na ang international name ay Haikui. Sa una kong basa sa Ulat Panahon sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, ito'y Haiku, isang anyo ng pagtulang Hapones, na may pantigang 5-7-5. Subalit nang muli kong tingnan, Haikui pala, hindi typhoon Haiku. Gayunpaman, naisipan kong kumatha ng ilang haiku hinggil sa typhoon Haikui.

Ilang pantig ba ang Haikui? Ang pronunciation o pagkabigkas sa bagyong Haikui, ayon sa http://paladinofstorms.net/cyclone/typhoon.html ay Haikui "high-kway". Ibig sabihin, dalawang pantig. Subalit maaari ring tatlong pantig dahil sa titik k.

Kaya pinakinggan ko ang bigkas sa isang balita sa bidyo na https://www.youtube.com/watch?v=ezu0aAxSYsA na may pamagat na Haikui expected to become another typhoon threat - August 29, 2023, binasa ang Haikui na haykuwi. Tatlong pantig.

Dahil may titik k, kaya ipinagpalagay ko nang tatlong pantig pati ang naunang saliksik na "high-kway. Narito ang ilang haiku na kinatha ko hinggil sa bagyong Haikui.

1
bagyong Haikui
ay kaylakas na bagyo
mag-ingat tayo

2
ang ibong gala
sa bagyo'y basang-basa
tila tulala

3
ingat sa ihi
ng daga pag nagbaha
lestospirosis

4
dyip ay tumirik
at pasahero'y siksik
sa baha't trapik

5
di pala haiku
kundi bagyong Haikui
ang pagkasabi

6
pinagmamasdan
ko ang bahang lansangan
kaligaligan?

7
ang bagyong Hanna
na Haikui rin pala
nananalasa

8
dumapong ibon
sa kawad ng kuryente
sa bagyo'y ginaw

9
mapapakain
sana ang mga anak
kahit may unos

10
pag nadisgrasya
ka sa manhole na bukas
sinong sisihin?

11
sa botang butas
pag nilusong sa baha
ay, alipunga

12
papasok pa rin
sa trabaho, baha man
nang makabale

13
hawakang husay
iyang payong mong taglay
baka matangay

14
kaygandang dilag
ang kasabay sa baha
puso'y pumitlag

15
pulos basura
sa kalye'y naglipana
anod ng baha

16
bubong na butas
aba'y tagas ng tagas
sinong gagawa

17
kayraming plastik
na nagbara sa kanal
walang magawa?

18
basa ng dyaryo
o makinig ng radyo
kapag may bagyo

19
tagas na tubig
ay ipunin sa timba
pang-inidoro

20
kapag may unos
mabuti't may PAGASA
makapaghanda

09.04.2023

Linggo, Setyembre 3, 2023

Ingatan, huwag ibagsak

INGATAN, HUWAG IBAGSAK

"Fragile, Handle With Care" ang katumbas
nang sa isang kahon ay kalatas
paalala, baka babasagin
ang nasa kahon nilang dadalhin

pinaalam sa sariling wika
pag sa wikang dayo'y di unawa
naisip pang itatak sa kahon
ah, kayhusay ng ganitong layon

bilin: Ingatan, Huwag Ibagsak
sa himpapawid man o sa lubak
pag may basag, di mapapakali
kaya pakaingatang mabuti

salamat sa pagpapaalala
sa puso'y may ginhawang nadama
kahon na'y naingatang malugod
wikang sarili pa'y nataguyod

- gregoriovbituinjr.
09.03.2023

Sabado, Setyembre 2, 2023

Bakbak-tahong

BAKBAK-TAHONG

mas mabigat pa sa ningas-kugon
ang tinatawag na bakbak-tahong
trabaho ka ng trabaho ngunit
walang nangyayari, aba'y bakit?

gumagawa'y walang natatapos?
walang nayari, parang busabos?
ginagawa mong paulit-ulit
pala'y walang resulta, kaysakit!

kung may ugali kang bakbak-tahong
aba, ikaw ay di sumusulong
kumbaga sa barkong nakalutang
gawaing ito'y tiktik-kalawang

tiyaking ginawa'y may resulta
kung wala, panaho'y naaksaya
para kang tumatandang paurong
kung naging gawi mo'y bakbak-tahong

- gregoriovbituinjr.
09.02.2023

bakbak-tahong - trabaho ng trabaho ngunit walang natatapos 
o nayayari, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.109

Biyernes, Setyembre 1, 2023

Sa dalawang magigiting

SA DALAWANG MAGITING

taospuso pong pakikiramay
sa pamilya ng mga namatay
isa'y kilalang mamamahayag
isa'y mahusay na manggagawa

sumikat noon si Mike Enriquez
sa kanyang pagsisilbi sa bayan
sa Imbestigador maririnig:
"Hindi namin kayo tatantanan"

kilala rin namin si Efren Cas
organisador ng manggagawa
na pangarap ay lipunang patas
at lipunang makataong sadya

isa'y sikat na mamamahayag
kilala sa radyo't telebisyon
ang isa'y magaling na kasama
at kilala sa maraming unyon

inalay ninyo ang inyong buhay
para sa kagalingan ng tanan
sa inyong dalawa'y pagpupugay
salamat sa ambag n'yo sa bayan

- gregoriovbituinjr.
09.01.2023

Huwebes, Agosto 31, 2023

Larawan ng nakaraan

LARAWAN NG NAKARAAN

"We may have had black and white photos, but you can find here colorful memories."

itim at puti man ang larawan
ay kayraming gunitang nariyan
wala mang kulay kung iyong masdan
ay makulay pa rin kung titigan

ang kanilang mata'y nangungusap
sa pagitan nila'y nag-uusap
tila dinig bawat pangungusap
kahit sila lang ang nagkausap

iyan ang iyong mararamdaman
sapagkat tigib sa karanasan
bawat litrato'y may kasaysayan
na nagkukwento ng nakaraan

namatay na'y muling nabubuhay
ang tumanda'y bumabatang tunay
pawang mga alaalang taglay
na di basta na lang mamamatay

puti at itim man ang litrato
ay may kwentong nagbibigkis dito
na di malilimutang totoo
pagkat makulay kung suriin mo

- gregoriovbituinjr.
08.31.2023

Martes, Agosto 29, 2023

Kwento - Rali ng maralitang taga-Malipay


RALI NG MARALITANG TAGA-MALIPAY
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga sumama sa rali ng mga taga-Malipay sa isang araw nilang pag-iikot at pagpoprograma sa harap ng Senado, Kongreso at sa paanan ng Mendiola. Bunsod iyon ng nangyayari sa kanila na pagtanggal ng kuryente at ang buo nilang komunidad ay binakuran na ng pamilya ng isa sa makapangyarihan at mayamang angkan sa bansa.

“Dumudulog kami ngayon sa Senado upang mapaimbestigahan ang nagaganap sa aming lugar kung saan binakuran na ang aming pamayanan at tinanggalan pa kami ng kuryente kung saan wala na kaming ilaw sa gabi. Walang bentilador ang aming mga anak na kapag natutulog na’y nilalamok. Hindi na rin kami makapag-charge ng aming selpon dahilan upang hindi kami makontak ng aming mga kamag-anak.” Ito ang sabi ng isang lider-maralita habang tangan ang megaphone.

Binulungan din ako ni Ka Tek, ang bise-presidente ng aming samahan, “Pakinggan mo ang kanilang inilalahad. Talagang mula sa puso. Mula sa galit nila sa mga namamanginoon at nang-aagaw ng kanilang lupang tinitirahan.” Napatango na lang ako dahil totoo. Kita mong tahimik lang sila roon ngunit nanggagalaiti na sa galit bagamat nagpipigil.

Sigaw naman ng isang lider-maralita. “Karapatan sa paninirahan, ipaglaban!” At sinabayan din namin ang kanyang sigaw. “Karapatan sa paninirahan, ipaglaban! Karapatan sa paninirahan, ipaglaban”

Nagpa-receive din sila ng liham na humihiling na imbestigahan ng Senado ang nangyayari sa kanila. Subalit may agam-agam sapagkat isang Senador ang kalaban nila sa nasabing lupa at umano’y asawa ng isang talamak na land grabber. Sa isip-isip ko, hindi kaya harangin lang ang sulat? Gayunman, nagpatuloy sila sa pagkilos. Matapos iyon ay nagsilulan na kami sa mga sasakyan upang magtungo ng Mendiola.

Habang daan, napapag-usapan namin paano magpo-programa sa Mendiola, gayong alam naming di na pinapapasok sa makasaysayang tulay ng Mendiola ang sinumang nais magpahayag. 

Bukas ang Mendiola kung saan paroo’t parito ang mga sasakyan habang naglalakad naman papasok ang mga estudyante. Umakyat kami sa footbridge at pagdating sa paanan ng Mendiola ay agad nagladlad ng plakard, nagkapitbisig at nagprograma. Nais talaga ng mga maralita na matugunan ang kanilang problema, dahil buhay, gutom at kawalan ng tirahan ang kanilang kinakaharap. Para sa kanila, makasaysayan ang pagkilos na iyon. At naging bahagi kami ng nasabing kasaysayan.

Agad kaming hinarang ng mga pulis. Itinaboy sa labas ng paanan ng Mendiola. Mukhang napaganda pa ang pwesto, dahil sa mas maraming taong nagdaraan at nakasakay ang makakabasa ng aming mga plakard. At baka maunawaan nila ang aming mga ipinaglalaban.

Binigyan kami ng mga pulis ng labinglimang minuto para sa apat na tagapagsalita. Naglahad doon ng kanilang damdamin ang mga taga-Malipay. Habang ang mga kasama ay matatag na nagkakapitbisig.

Katanghaliang tapat na iyon. Matapos ang pagkilos sa Mendiola ay nagsikain muna kami. May baon ang ilan, habang kami’y kumain sa karinderyang malapit doon. Alauna na ng hapon nang lumarga kami.

Nang papunta na kami ng Kongreso ay nadaanan namin ang Commission on Human Rights o CHR. Bakit kaya hindi namin binigyan ng liham iyon? Sa isip-isip ko, baka dahil hindi na kaya sa buong maghapon ang lakarin. Matapos ang Kongreso ay pupunta pa sa Energy Regulatory Commission para hilinging ibalik ang kanilang kuryente.

Dumating kami sa panulukan ng Commonwealth Ave. at Batasan Ave. sa ganap na ikalawa ng hapon. Doon ay hinintay pa namin ang ibang kasamang umano’y nahuli ang sinasakyan. Pasado ikatlo ng hapon ay lumarga na kami. Mga limang sasakyan na lamang kami.

Sa South Gate ng Kongreso ay nagprograma agad kami habang sa North Gate naman nagtungo ang ilang kasama upang magpa-receive ng sulat. Sana nga ay maimbestigahan na, in aid of legislation, masulat ng midya, o kaya’y talagang maresolba na ang kanilang problema.

Hindi madali ang kanilang laban. Wala namang madaling laban. Ngunit ang ipinakita nilang pakikibaka sa ligal na paraan, pagtungo sa Senado, Malakanyang at Kongreso, ay nagbibigay inspirasyon sa iba pa na matutong ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa paninirahan at mapahalagahan ang karapatan ng bawat tao.

Hindi na kami pumunta ng ERC dahil mag-aalas-singko na. Hindi na kami aabot. Gayunman, sana’y maipanalo nila ang kanilang laban.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 16-31, 2023, pahina 18-19.

Biyernes, Agosto 25, 2023

Mag-aral din ng martial art

MAG-ARAL DIN NG MARTIAL ART

dapat na may alam din tayo sa martial art
sakaling sa atin ay may biglang bumanat
holdaper man o sinumang nais mangkawat
sa panahong tayo'y talagang inaalat

matuto ng wingchun, yaw-yan, nang di masilat
prinsipyo ng jeetkundo't judo'y madalumat
maging listo sa depensa't huwag malingat
baka mahal mo ang ipagtanggol mong sukat

anong dapat kung may kutsilyo ang kalaban?
eskrima't arnis ba'y basta gagamitin lang?
sa magulong mundo'y anong kahihinatnan?
kung magtanggol sa kapwa't sarili'y di alam

- gregoriovbituinjr.
08.25.2023