KANIN AT TOYO LANG SA PANANGHALIAN
minsan, ganito lamang ang pananghalian
lalo na't walang-wala talagang pagkunan
minsan, maayos ang agahan o hapunan
pag nakaluwag-luwag, na bihira naman
maraming salamat sa nakauunawa
sa kalagayan naming mga walang-wala
mga maralitang madalas naglulupa
upang makausap lamang ang kapwa dukha
minsan, kanin at toyo; minsan, may kamatis
minsan nama'y tuyong hawot na maninipis
kung walang toyo o asin, madalas patis
ganyan ang tibak na Spartan kung magtiis
buti't walang sakit na siyang mahalaga
sa mga rali'y dumadalo pa talaga
katawan nama'y di pinababayaan pa
kumakain ng gulay, okra, kalabasa
- gregoriovbituinjr.
12.04.2025













