Miyerkules, Abril 2, 2014

Si Teodoro Asedillo bilang Bayani ng Sariling Wika

SI TEODORO ASEDILLO BILANG BAYANI NG SARILING WIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bago pa maging tagapagtanggol at maging Ama ng Wikang Pambansa si Manuel L. Quezon, may isa nang kilalang guro sa kasaysayan ang unang nagtanggol sa sariling wika, at siya si Teodoro Asedillo.

Dapat ituring na bayani ng wikang pambansa ang rebolusyonaryong guro na si Teodoro Asedillo. Ayon sa kasaysayan, labing-isang taon naglingkod bilang guro si Maestro Asedillo sa mababang paaralan ng Longos sa lalawigan ng Laguna, mula taong 1910 hanggang 1921. Bilang guro, itinuro niya ang lahat ng aralin sa maghapong pagpasok sa klase ng mga mag-aaral sa elementarya. Siya’y naangat bilang head teacher ngunit nagpatuloy siyang nagturo sa mga batang nasa ikatlo at ikaapat na baytang. Kilala siya sa kahusayan sa pagtuturo. Isang disiplinaryan, ayaw niya sa mga estudyanteng nagbubulakbol, di nagsisikap matuto, at nagsasayang lang ng oras.

Nang panahong iyong sakop ng Amerika ang bansa, ipinagbawal ang paggamit ng sariling wika sa pagtuturo, at yaong gumagamit nito'y pinarurusahan. Noong elementarya ako'y naranasan ko rin ang ganito sa aming paaralan, ipinagbawal ang paggamit ng sariling wika, at may parusa ang magsasalita ng sariling wika, gayong mahigit na kalahating siglo na yaong nakararaan sa panahon ni Asedillo. Matutunghayan natin ang eksenang ito sa unang bahagi ng pelikulang Asedillo na pinagbidahan ni Fernando Poe Jr. na ibinase sa kanyang buhay.

Isa sa pinagtuunan ng pansin ng mga Amerikanong kolonisador ay ang Department of Public Instruction (DPI) sa kanilang kampanya ng pasipikasyon (pwersahang pagpayapa) at asimilasyon (sapilitang pagpapalunok sa atin ng sarili nilang kultura). Sa pamamagitan ng Philippine Commission Act No. 74 (Enero 1901), iniatas ni Gobernador-Heneral Elwell Otis ang mga sumusunod na polisiya: (1) sentralisadong sistema ng batayang edukasyon; (2) paggamit sa Ingles bilang wikang panturo at komunikasyon; at (3) pagtatatag ng isang kolehiyong normal para sa maramihang pagsasanay ng magiging mga guro. 

Ang mga pangyayari at kalagayang ito ang nagtulak sa unang paghihimagsik ni Asedillo. Pinili niyang gamitin ang wikang Pilipino sa halip na wikang Ingles. Iminulat niya ang mga mag-aaral sa kagitingan at aral ng mga bayaning Pilipino, habang tinuruan din niya ang mga mag-aaral ng awiting makabayan. Hindi rin niya ginamit ang mga aklat na sinulat ng mga dayuhang awtor. Dahil dito, siya’y kinasuhan ng insubordinasyon o pagsuway sa kautusan ng kagawaran noong 1923. Ipinagtanggol niya ang sarili at ikinatwirang hindi dapat ipilit sa mga batang Pilipino ang kulturang banyaga sa kanilang karanasan at pang-unawa. Ngunit siya’y natalo at natanggal sa pagtuturo. Ang pamilyang Asedillo ay naghirap ng husto. 

Anong saklap na pangyayari! Nang dahil sa pagtatanggol sa sariling wika na dapat gamitin sa pagtuturo, siya pa ang natanggal.

Naging masalimuot ang buhay ni Asedillo mula noon. Hinirang siya ng alkalde sa bayang San Antonio bilang hepe ng pulisya roon, ngunit nabiktima ng pang-iintirga at natanggal bilang hepe.

Nang maitatag ang Katipunan ng mga Anakpawis sa Pilipinas (KAP) noong 1929, sumapi rito si Asedillo nang nagkatrabaho na siya bilang magsasaka sa taniman ng kape. Hanggang siya'y atasaan ng pamunuan ng KAP na lumuwas sa Maynila upang mag-organisa ng mga manggagawa partikular sa unyon ng La Minerva Cigar and Cigarette Factory sa Tondo, hanggang sa ang mga manggagawa rito ay nagwelga. Sa welgang iyon ay pinagtangkaan siyang arestuhin ng Konstabularya ngunit nakatakas siya patungong Laguna, ang kanyang probinsya. 

Bumalik siya sa Laguna kung saan may base ng magsasaka ang KAP. Muli siyang nag-organisa. Napagtanto niyang hindi na maaari ang parlamentaryong paraan lamang ng protesta. Hindi na libro, plakard at araro ang hawak-hawak, kundi baril, bilang isang mandirigma ng masa. Ipinakita niya ang kahusayan sa pamumuno, at nagsagawa sila ng repormang agraryo, pinababa ang buwis o upa sa lupa.

Sumanib si Asedillo sa mga pwersa ni Nicolas Encallado, na kilala sa tawag na Kapitan Kulas.

Naging alamat si Asedillo sa mga lugar na pinaglalabas-masukan niya noon sa Laguna at Tayabas. Siya’y katulad ni Robin Hood na ang kinukuha sa mayayaman ay ibinibigay sa mahihirap. Sinasabing araw na araw ay ligtas siyang nakakapaglakad sa mga kalye ng pinagmulan niyang bayan, at pinakakain siya ng taumbayan at pinatutuloy sa kanilang bahay.

Noong Disyembre 31, 1935, pagkaraan ng mahigpit na paghahanap ng mga tropa at ahente ng gubyerno kina Asedillo at Encallado, natagpuan nila ang pinagtataguan ni Asedillo sa Cavinti, Laguna. Sa labanang nangyari, napatay si Asedillo at ang dalawa niyang badigard. Pagkaraa’y inilibot ng Konstabularya sa bayan-bayan ang bangkay ni Asedillo na tadtad ng bala. Ang buong ngitngit ng kaaway ay ipinadama kahit sa kanyang luray na bangkay. Kinaladkad sa mga poblasyon, sa harap ng mga presidencia ng mga bayang kanyang kinilusan, upang ipagyabang na patay na si Asedillo. Si Asedillo ay itinulad kay Kristong ipinako sa krus hanggang sa mamatay.

Marahas na wakas ang nangyari kay Teodoro Asedillo, guro at tagapagtanggol ng sariling wika. Ngunit ang halimbawa niya bilang tagapagtanggol ng sariling wika, una pa kay Manuel Quezon, ay hindi dapat mabaon sa limot. Dapat siyang itaguyod sa panahong ito na dinedelubyo ng globalisasyon ang edukasyon at K-12 upang huwag nang pag-aralan ng sambayanang Pilipino ang sariling wika, at matuto na lang ng wikang dayuhan upang maging alipin sa ibang bansa.

Noong kanyang panahon ay wala pang idinedeklarang wikang pambansa, ngunit ang pagtataguyod niya ng sariling wikang nakagisnan niya ay malaking bagay na upang kilalanin siyang tagapagtanggol ng sariling wika at hindi ng wika ng dayo.

Dapat itaguyod ang simulan ni Teodoro Asedillo, hindi lamang ang kanyang paninindigan noong siya'y kasapi ng KAP, kundi higit sa lahat, bilang tagapagtanggol ng sariling wika.

Dapat siyang kilalanin at gawan ng bantayog bilang ganap na pagkilala sa kanya at ituring siyang bayaning nakibaka laban sa mga dayuhan at bayaning nanindigan para sa sariling wika. Halina't tayo'y magkaisa upang bigyang parangal si Asedillo bilang una pa kay Quezon sa pagtataguyod ng sariling wika.

Mabuhay si Teodoro Asedillo, rebolusyonaryo, tagapagtanggol ng api, at bayani ng sariling wika!

Linggo, Disyembre 1, 2013

Panata ng Manggagawa

PANATA NG MANGGAGAWA

Ako ay manggagawang Pilipino

Mahigpit akong nanunumpa na maging masipag sa paghahanapbuhay

Sapagkat ito ang siyang tunay na pag-ibig at pagmamahal sa sarili, sa asawa, anak at kapatid o kababayan

Ngunit hindi ako papaapi at hindi ako makikiapi

Ipagtatanggol ko ang inaapi at kakabakahin ang umaapi sa kapwa manggagawa

Gagawin ko ito ng malamig ang aking loob, matiyaga, makatuwiran at may pag-asa

Sapagkat dito nagbubuhat ang ikagaganap ng mabuting ninanais

Magkakawanggawa ako, iibig ako sa kapwa

Isusukat ko ang bawat kilos, gawa, at pangungusap sa talagang katuwiran

Sapagkat isinusulong ko ang tunay na puri at kabanalan

Ipagwawagi ko ang kahusayan, upang matupad ang layon ng Katipunan

Na itampok at tubusin ang bayan

Hindi ko gagawin sa asawa, anak, at kapatid ng iba

Ang hindi ko ibig gawin sa asawa, anak, at kapatid ng iba

Hindi ko sasayangin ang panahon

Sisikapin kong magkaroon ng magandang asal

May isang pangungusap, may dangal at puri

Sapagkat sa kabutihang-loob nagmumula ang tunay na kaginhawahan

Babahaginan ko ng makakaya ang alinmang nagdaralita

Iibigin ko ang kapwa ko bilang aking kapatid

At aampunin ko ang bayan dahil ang nais ko ay lunas

Sapagkat ang kaginhawahan ng bayan ay ang kalayaan ng lahat

Itinataya ko ang aking dangal sa ipagkakaisa ng loob at kaisipan ng mga Anak ng Bayan

Kasihan nawa ako ng Maykapal


* ni Michael Charleston "Xiao" Chua, batay sa mga sinulat nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, at Julio Nakpil, 30 Nobyembre 2013, ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, 4:44 AM

Miyerkules, Mayo 1, 2013

Ang Manggagawa - ni Lorena Purificacion

ANG MANGGAGAWA
ni Lorena Purificacion

Sana ay hindi limot ng manggagawa
na ang lakas ng kanyang bisig..
na ang kanyang mapanlikhang kamay,,
na ang kanyang mapagmahal na puso..
na ang kanyang matalas na isip..
ang dahilan bakit may mga nagtatayugan na mga gusali..
magagarang nga damit..pagkain..
at lahat ng tinatamasang luho at karangyaan sa buhay ng iilan..

Sana ay makilala ng manggagawa ang kanyan sarili..
hindi lamang bilang sahuran..kundi bilang isang uri..
na maghahangad na makamit ang malayang daigdig..
walang nagsasamanta at nang-aapi..
Mangagawa!! ikaw ang maglalagot ng tanikala..
sa isang rebolusyon..ang tagumpay nasa iyong mga kamay..

MABUHAY KA!!

Mayo 1, 2013

Huwebes, Setyembre 13, 2012

Kalagayan ng mga Guro


KALAGAYAN NG MGA GURO
ni Serg Calayag

Ang mga guro ng paaralan
mahirap ang kalagayan
Sa liit ng kanyang sahod
Pamilya'y naitataguyod

Pag dumating na ang sahuran
Nangangati ang buong katawan
di alam kung sinong uunahan
sa mga utang na babayaran

Pag dumating ang kagipitan
Ang MTMAS ang lalapitan
GSIS at Pag-ibig loan
pati 5-6 susunggaban

Kahit buhay ay ganyan
pamilya'y di pinababayaan
Mga paraan pinag-iisipan
kahirapa'y maiiwasan

Mga gurong matatapat
kahit sahod ay di sapat
Ang TDC ang kabalikatUpang buhay ay aangat

SERGIO G. CALAYAG
San Roque National High School
Bamban, Tarlac

Martes, Hulyo 31, 2012

Disgrasya sa mga Pagawaan


DISGRASYA SA MGA PAGAWAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Alalahanin ang mga namatay na manggagawa: Manila Film Center Workers (Nov 1981), Eton Workers (Jan 2011), Hanjin Workers (patuloy hanggang 2012), at marami pang iba.

patuloy na nagkakayod para sa pamilya
nag-iipon para sa kinabukasan nila
sweldo'y kaybaba, bagamat nagsisipag sila
ngunit ang masakit, sa trabaho'y nadisgrasya

namatay sa disgrasya'y minsan nababalita
ngunit karamihan, itinatago nang kusa

mga namatay na manggagawa'y kayrami na
guho sa Manila Film Center, alam ng masa
sa konstruksyon sa Eton Towers, nahulog sila
sa Hanjin sa Subic, bawat buwan yata'y isa

mga balita'y di mapag-usapan ng madla
pilit ba kayang itinatago ang balita?

bisig ng obrero'y bumuhay sa ekonomya
gusali'y tinayo, lansangan ay pinaganda
ngunit pag sila sa trabaho'y nadidisgrasya
nakakamit kaya ang marapat na hustisya?

marami pang insidenteng di nababalita
marami nang aksidenteng di na nabalita

Itinalaga ang Abril 28 bawat taon bilang International Workers' Memorial Day (an international day of remembrance and action for workers killed, disabled, injured or made unwell by their work) sa iba't ibang panig ng mundo. Ngunit di lang sa araw na ito dapat natin silang gunitain dahil patuloy pa ang mga nagaganap na disgrasya sa mga pagawaan.

Huwebes, Hulyo 26, 2012

Kontraktwalisasyon ba'y jigsaw puzzle?


KONTRAKTWALISASYON BA'Y
ISANG JIGSAW PUZZLE?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

palaisipan ba ang kontraktwalisasyon
na hindi malutas ng milyong manggagawa
ang kailangan ba'y madugong rebolusyon
upang salot na ito'y tuluyang mawala

kontraktwalisasyon ba'y kapara ng bugtong
na kinakailangang hanapan ng sagot
ang lulutas ba niyan ay mga marunong
trapo, abugado, kapitalistang buktot

di ba't may pakana'y yaong kapitalista
upang mabawasan ang mga benepisyo
ng obrerong kayod kalabaw sa pabrika
ayaw gawing regular ang mga obrero

seguridad natin sa trabaho’y nasaan
na nakaukit sa ating Saligang Batas
seguridad na ito’y ating karapatan
o Konstitusyong ito'y may saligang butas

anong pyesa ang nawala sa jigsaw puzzle
hanapin natin, makita kaya ang sagot
di ba’t may sagot sa problema't kuntil-butil
bawat epidemya'y may katapat na gamot

sa isyung ito'y di dapat maging tahimik
ang manggagawang lumikha nitong lipunan
alinlangan pa kaya silang maghimagsik
upang malutas nila ang palaisipan

jigsaw puzzle na ito'y halina't buuin
nawawalang pyesa'y atin ding mahahanap
magtyaga't kumilos tayo't pasasaan din
kalutasan ay atin ding mahahagilap