Miyerkules, Hulyo 3, 2019

Mga tula ng Watawat ng Lahi na sinulat ni Rizal sa anyong Kastila - salin ng tula ni Eman Lacaba

MGA TULA NG WATAWAT NG LAHI NA SINULAT NI RIZAL SA ANYONG KASTILA 
Tula ni Eman Lacaba
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

1.

Sa dibdib na tinatawag na Lecheria
kung saan ang mga kambing ay mga kabayong may sungay, may bigote't balbas,
may bundok ng manna ng mga ina,
Nakikita ko ang aking Salita ng mga salita
na binubutonesan ang aking dibdib, ang aking dibdib na parang laman ng gansa, ng aking Panginoon.

Itim ang mga pisngi, mga lábi ng magsasaka.
Ang mga mananampalataya ay nakasuot ng mga puting damit para sa araw ng pahinga;
ang mga pari, na naaalmirolan ang mga kasuotan.
Ang kalawang, alikabok sa kanilang mga tinig
ay kumakapit sa akin: makasalanang kápa sa pilak na karimlan.

Ay, sa pilak na karimlang iyon
Hinahaplos ko ang mga palawit sa tsalekong hindi tinatablan ng bala
Dinadala ko lamang para sa liwanag;
naghabi ng ilang muling pagsasadula
ng mga masaker sa bukangliwayway ng mga kilusang tagapagligtas.

Sa dibdib na tinatawag na Lecheria!
(kung saan ang mga kambing ay mga kabayong may sungay, may bigote't balbas,
may bundok ng manna ng mga ina.)
Nakikita ko ang aking Salita ng mga salita
na binubutonesan ang aking dibdib, ang aking dibdib na parang laman ng gansa, ng aking Panginoon.

2.

Pag-alog ng sandalyas ng buhok, nakikita niya
bawat pinto ay isang buto; dugo ang liwanag
na namumula, namumuo patungong gabi.
Habang inuukit niya ang pagkalalaki ni Kristo.
Na amoy ng sampu-sampung taga-Galilee.
Sa Lecheria kung saan araw-araw
ay iniiwasan ko ang mga martilyo ng Kanyang pagkabigo;
ang kanyang kasanayan; maaaring pagsugat hindi, hindi, hindi.
May kinang na dumaraan;
may panginginig, kayumanggi at banal.

Ang aking inahitang ulo ay dapat sanang sinabihang:
"Marahil ang mga lamok
ang hindi natin matiis; o sa mga lugar
kung wala sila, ang mga ngipin ng lamig
ang humihiwa sa ating balat." Ang aking mga may pilat 
na pulso, paa, at tagiliran ay talagang
mga butas na dumudugo, nililinlang ako.
Ang kanyang mga luha'y parang nakalaylay na buhok sa kanyang mga mata.
Ang pagkamartir, isang kulay-abong dahilan
para sa mga lubid na nakikipagtalik sa isang puno.

* Inilathala ang orihinal na bersyong Ingles sa Philippines Free Press, Araw ng Kababaihan, Marso 8, 1969, p. 27
* Isinalin ng petsang Hulyo 3, 2019
* Gabi ng Mayo 5, 2018, sa ancestral house ng aking asawang si Liberty, sa Barlig, Mountain Province, ay hinalungkat ko ang mga isyu ng Philippines Free Press mula 1966 hanggang 1969 na tinipon ng kanyang namayapang ama. Nilitratuhan ko rito ang mga poetry o tulang nalathala. At ilan sa aking natagpuan, bukod sa mga tula ni Cirilo F. Bautista, ay ang labingtatlong tula ng makatang Eman Lacaba, na sa ngayon ay inisa-isa kong tinipa sa kompyuter at malayang isinalin sa wikang Filipino.

WATAWAT NG LAHI POEMS WRITTEN IN SPANISH FORMS USED BY RIZAL

1.

On the breast called Lecheria
where goats are unicorns, mustaches beards,
mothers mountain of manna,
I find my Word of words
buttoning my chest, my goose-flesh chest, my Lord's.

Black the cheeks, lips of peasants.
The faithful wear holiday clothes of whiteness;
the priests, stiff flags of vestments.
The rust, dust on their voices
cling to me: guilty coat in silver darkness.

O in that silver darkness
I fondle the bulletproof vests of pendants
I bring only for brightness;
weave a few reenactments
of dawn massacres of messianic movements.

On the breast called Lecheria!
(where goats are unicorns, mustaches beards,
mothers mountain of manna.)
I find my Word of words:
buttoning my chest, my goose-flesh chest, my Lord's.

2.

Shaking hair's sandals free, she sees
every door a bone; blood the light
reddening, clotting into night.
As she carves the manhood of Christ.
Which stinks of tens of Galilees.
On Lecheria where daily
I dodge hammers of His failure;
her craft; may gashing no, no, no.
There is a brilliance on the go;
a shivering, brown and holy.

My shaved head should have been told:
"Perhaps it is the mosquitoes
we cannot stand; or in places
without them, the teeth of cold
incising our skins." My scarred
wrists, feet, and side are actually
bleeding sockets, deceiving me.
Her tears are bangs over her eyes.
Martyrdom, a gray excuse
for ropes making love to a tree.

Emmanuel Lacaba

Sabado, Hunyo 29, 2019

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

MINSAN, SA ISANG DEMOLISYON
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

Nakatunganga siya sa kawalan. Dumating siyang giba na ang kanilang tahanan. Wala nang tirahan ang kanyang pamilya. Ang kanyang bunso'y iyak ng iyak dahil marahil sa lamig ng gabi. Ang langit na ang kanilang kisame.

Kanina, nasa trabaho siya. Nakatutok maghapon sa makina. Walang obertaym kaya maagang nakalabas. Subalit nagyaya pa ang isang kasamahan. Tigalawang bote ng beer muna bago umuwi.

Pagdating sa inuuwian, nag-iiyakan, nagsisigawan, malalakas na boses ang kanyang nadatnan. Habang ang iba'y muli namang itinatayo ang kanilang nagibang barungbarong. Nagbabakasakaling maibalik ang buhay na nawala sa buong maghapon.

Inilagay niya sa pinggan ang binili niyang pansit upang pagsaluhan nilang mag-anak. Habang kanyang iniisip, anong kinabukasan mayroon ang kanyang mga anak sa lugar na iyon? Kailangan na ba nilang lumipat at ialis ang kanyang pamilya roon? Magiging makasarili siya kung iyon ang gagawin. Iiwan ang iba sa laban habang siya'y tatakbo sa kinakaharap na suliranin upang pamilya'y iligtas.

Ah, naisip niya. Dapat pag-usapan ng buong komunidad ang kanilang kalagayan  at anong mga 

hakbang ang dapat nilang gawin. Hindi dapat magkawatak-watak para isa-isang iligtas ang kani-kanilang pamilya. Dapat ngang mag-usap na sila't magkaisa kung may relokasyon bang nakalaan? Kung paano ang gagawin kung gigibain silang muli? o magkaisang magmartsa ang buong komunidad sa tanggapan ng punong alkalde upang malutas ang kanilang problema sa paninirahan.

Tama. Ito nga ang kanyang gagawin. Sasabihan niya ang mga kapitbahay niyang magbuo na sila ng samahan ng nagkakaisang magkakapitbahay sa lugar na iyon. 

Dapat nilang pagkaisahin ang buong komunidad upang ipagtang-gol ang kanilang karapatan sa paninirahan at para sa kinabukasan nila at ng kanilang mga anak. Bukas na bukas din.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hunyo 16-30, 2019, pahina 14.

Biyernes, Hunyo 14, 2019

Kwento - Isulong, palaganapin at maglathala ng pahayagang Baybayin




ISULONG, PALAGANAPIN AT MAGLATHALA NG PAHAYAGANG BAYBAYIN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Baybayin. Ito ang panulat nating mga Pilipino bago pa dumating ang mga mananakop na Kastila. Tinalakay rin ito nina Dr. Jose Rizal at Gat Andres Bonifacio sa kanilang mga akda. 

“Alam mo ba, pareng Mulong,” ani Simon, “nais kong maglathala ng isang munting pahayagan. May kaunti naman akong naipon. Kahit sa pamamaraang xeroxgrapiya ay makapaglathala ng tatawagin kong Pahayagang Baybayin.”

“Aba’y maganda ang ideya mong iyan, pareng Simon,” sabi naman ni Mulong. “Lalo na iyang baybayin na paraan ng panulat ng ating mga ninuno. Alam mo bang tinalakay iyan ng ating Gat Andres Bonifacio sa kanyang akdang Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog?”

“Oo, batid ko iyon. Pati nga si Dr. Rizal ay nagsulat din tungkol sa baybayin sa Kabanata 25 ng nobela niyang Noli Me Tangere. Tinawag lang iyon ni Ibarra na hieroglipiko, at hindi binanggit ni Pilosopo Tasyo na sa baybayin siya sumulat. Bagamat tinanong siya ni Ibarra kung saang wika siya sumusulat, at sagot ni Pilosopo Tasyo ay sa Tagalog.”

Narinig pala sila ng kapitbahay nilang si Magda, “Paano naman ang mga hindi batid kung ano iyang baybayin, tulad ko, tulad ng henerasyon ng mga kabataan ngayon? Hindi na iyan itinuturo, o kung may magturo man, ay di sineseryoso sa mga eskwelahan.”

Sinagot siya ni Simon, “Iyan ang dahilan kaya nais kong maglathala ng pahayagang Baybayin - ang buhayin ang panulat na Baybayin sa ating bansa, at mabalik-aralan natin ang panulat ng ating mga ninuno. Isa pa, ito’y kampanya rin upang isabatas ang muling pagsusulat ng baybayin, tulad halimbawa, lagyan ng baybayin ang mga karatula sa daan, gaya ng pangalan ng mga lansangan.”

“Magandang mungkahi,” sabi naman ni Ingrid, “Alam n’yo, sang-ayon ako sa mungkahi mo, Simon. Natutunan ko ring magsulat ng baybayin sa aking Ingkong, at kay-inam kung matupad ang plano mong maglathala ng pahayagang Baybayin. Kung matutuloy ang balak mong iyan, tutulong ako sa paghahanap ng pondo para sa dyaryo. Sa totoo lang, maraming mag-aambag diyan. Tulad ko, ‘yung mga tulang sinulat ko sa baybayin ay ipapasa ko sa iyo. Pati sa pamamahagi o kaya’y magbenta ng pahayagang Baybayin ay tutulong ako. Tiyak, patok iyan.”

“Maraming salamat,” ani Simon. “Nais ko munang isulat ang papel hinggil diyan at makakumbinsi ng mag-aambag, tulad mo, upang sadyang maipalaganap natin ang ating katutubong panulat. Balak ko nga, bukod sa paghahanap ng pondo upang mailathala iyan, ay maisalin ko ang mga tula nina Rizal at Bonifacio sa panulat na baybayin.”

“Magandang plano iyan. Ako naman ay yaong kasaysayan ng ating bansa, pati na pagkabayani ni Lapulapu, ay isusulat ko sa baybayin,” ani Mulong. “Aba’y magagamit na natin ang ating natutunan kay Titser Beth na nagturo sa atin ng baybayin nang tayo’y nasa hayskul pa lamang. Na pati sa panliligaw sa klasmeyt nating si Lisa ay ginamit ko, kaya niya ako sinagot. Pati mga anak namin, alam kung paano magsulat sa baybayin.”

“Sulatin mo na, Simon, ang papel, at magandang makapagpatawag ka ng pulong sa mga interesado, tulad ng pamilya ko,” ani Ingrid, “kung paano kami makakatulong sa pagpapalaganap ng dyaryo.”

“Bigyan n’yo lang ako ng kaunting panahon upang maisulat kung bakit dapat maglathala ng pahayagang Baybayin. At ‘yung pulong, sa susunod na Sabado ba libre kayo? Alauna ng hapon, sa tapat ng bahay, magpulong tayo. Ayos ba sa inyo?”

“Ayos iyan. Pati mga anak kong nakakaunawa ng Baybayin ay aking isasama. Kita-kits sa Sabado. Sana’y matuloy ang pulong.” Ani Mulong.

“Kami rin ng aking mga anak, dadalo.” Sabi naman ni Ingrid.

MARA AT LITA

MAGANDA ANG PLANO NINA SIMON, MARA. NAIS KASI NILANG MAGLABAS NG ISANG PAHAYAGANG BAYBAYIN.

WOW! OKAY IYAN, LITA. KAILANGAN TALAGA NATING MAGKAROON NG GANYANG DYARYO PARA MAUNAWAAN NG KASALUKUYAN ANG LUMANG PANULAT NG ATING MGA NINUNO.

BUTI NA LANG, NATURUAN AKO NI INAY NG PANULAT BAYBAYIN NOONG BATA PA KAMI NINA LINA.

KUNG SAKALI, LITA, TULUNGAN NATIN SILA, DAHIL SARILI NATING KULTURA IYAN. KUNG SAKALI NGA, MAGLABAS DIN TAYO NG LIBRO NG TULA NATING NASUSULAT SA BAYBAYIN.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hunyo 1-15, 2019, pahina 18-19.

Miyerkules, Mayo 29, 2019

Kwento - Ang payo ni Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng KPML


ANG PAYO NI KA EDDIE GUAZON, ANG UNANG PANGULO NG KPML
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ngayong taon ang ikatatlumpung anibersaryo ng kamatayan ni Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Mayo 19, 1989 siya namatay nang siya’y inatake sa puso sa loob ng Senado habang ipinagtatanggol ang mga maralita laban sa naganap na demolisyon. 

Kaya nagkausap ang ilang mga maralitang nakakakilala noon kay Ka Eddie, at nais nilang maghandog ng pag-alala sa namayapang lider.

Sabi ni Aling Iska, “Dalawin natin ang puntod ni Ka Eddie Guazon at mag-alay tayo ng bulaklak.”

Sinegundahan naman ito ni Mang Kanor. “Tama ang mungkahi mo dahil ikatatlumpung anibersaryo na ng kanyang kamatayan ngayong Mayo. Kailangan lang masabihan natin ang ilang lider ng KPML na hindi na siya naabutan.”

“Natatandaan ko pa ang kanyang sinabi noon, na ngayon ay naukit sa isa niyang larawan sa tanggapan ng KPML, kung saan nakataas ang kaliwa niyang kamao.” Ang sabi ni Iska, “Pag nakikita ko iyon ay aking naaalala ang aming mga pinagdaanang laban, lalo na nang siya’y namatay nang makipagdebate sa loob ng Senado dahil sa pagtatanggol sa mga maralitang dinedemolis.”

“Ano nga pala ang sinabi ni Ka Eddie?” Tanong naman ni Inggo, na naroong nakikinig sa usapan.

“Ang kanyang sinabi, kung natatandaan ko pa ng eksakto, ay ‘Ang pabahay ay karapatan kahit siya pa ay mahirap.’ Oo, parang ganyan nga ang natatandaan ko. Isang prinsipyong tinanganan ko hanggang ngayon sa patuloy na pakikibaka para sa karapatan at kagalingan nating mga maralita.”

“Planuhin natin ang pagpunta,” mungkahi ni Mang Kanor, “upang makasama rin sa atin ang mga bagong pamunuan ng KPML. Baka nais din nilang magtungo sa pinaglagakan ng kanyang mga labi at magbigay ng respeto at bulaklak bilang alay.”

“Aba’y maganda ang iyong mungkahi,” ani Iska, “kaya mabuti pa’y magtungo muna tayo sa tanggapan ng KPML upang iyan ay ating mapag-usapan, maplantsa ang plano, at sabay-sabay na magtungo roon ang mga bagong pamunuan at iba pang kasapi ng KPML. Aba’y tara na!”

Kaya nagtungo na sila sa tanggapan ng KPML upang imungkahi ang kanilang naiisip. Agad na sabi ni Iska, “Ka Pedring, sa ika-19 ng Mayo ang ikatatlumpung anibersaryo ng kamatayan ni Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng KPML. Anong plano ninyo? Kung wala pa, nais naming imungkahing magtungo tayo kahit sandali lang sa kanyang libingan at mag-alay ng bulaklak at magsindi ng kandila.”

Naroon si Ka Pedring, at sinabing “Maganda ang inyong sinabi at maging ako’y nais kong magtungo sa sementeryo upang magbigay-pugay. Dapat maisama natin ang mga bagong halal na pamunuan ng KPML sa lakad na iyan.”

Hanggang sa mapansin ni Iska ang nakaukit na litrato ni Ka Eddie, kung saan may KPML sa ibabaw, nakataas ang kanyang kaliwang kamaong nakakuyom, habang nakaukit din doon ang bilin ni Ka Eddie, na ang nakasulat: “Ang kasiguruhan sa paninirahan ay karapatan ng bawat mamamayan maging siya man ay maralita.”

“Tamang-tama at may pulong kami ngayon,” ani Ka Pedring, “at dapat isama natin iyan sa plano. Malapit na ang Mayo 19.”

Maya-maya pa’y nagdatingan na ang iba pang kasapi ng bagong halal na NEC o National Executive Committee ng KPML. Nariyan sina Ka Kokoy, Ka Tek, Greg na secgen, Vicky, si Neneng na ingatyaman. Maya-maya pa’y narinig na rin nila ang ugong ng motor ng auditor na si Manuel.

“Mga kasama,” bungad ni Ka Pedring, “bilang pagpupugay sa ating unang pangulong si Ka Eddie Guazon, “ay dadalawin natin ang kanyang puntod, dahil sa Mayo 19 ang ikatatlumpung anibersaryo ng kanyang kamatayan. Ayos ba sa inyo?”

Tumugon si Neneng, “Okay iyan. Paghandaan lang natin ang mga kandilang sisindihan at bulaklak na iaalay natin. Salamat kay Ate Iska sa kanyang paalala sa atin.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Mayo 16-31, 2019, pahina 18-19.

Martes, Mayo 14, 2019

Kwento - Pakikiisa ng maralita sa mga manggagawa sa Mayo Uno


PAKIKIISA NG MARALITA SA MGA MANGGAGAWA SA MAYO UNO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mahalaga sa mga maralita ang pagiging mala-manggagawa o bilang bahagi ng uring manggagawa. Karamihan sa kanila’y hindi swelduhan ng kinsenas at katapusan kumpara sa kauri nilang manggagawa sa pabrika. Madalas, nabubuhay sila sa diskarte, pagtitinda sa bangketa na madalas ay hinahabol at hinuhuli. Subalit nais nilang mabuhay ng marangal, kaya kahit sa mumunting trabaho, halimbawa, pagwawalis, paglilinis ng kanal, pagkakarpintero, paglalako ng kung ano-ano, tulad ng tuhog-tuhog, ay ginagawa nila upang mabuhay at may maipakain sa kanilang pamilya.

Kaya pagsapit ng Mayo Uno, Daigdigang Araw ng Paggawa, sila’y nakikiisa sa pagdiriwang nito, at sumasama sa rali upang gunitain ang mga sakripisyo ng mga naunang manggagawa sa kanila, lalo yaong mga nangamatay sa Haymarket Square sa Chicago noong Mayo 1886, upang ipaglaban ang pagsasabatas ng walong oras na paggawa bawat araw. 

Nagsalita si Mang Ambo sa mga kapitbahay niya sa isang iskwater. “Sasama ba kayo sa rali sa Mayo Uno? Kung hindi pa, kayo’y aking inaanyayahang dumalo at makiisa sa Dakilang Araw ng Paggawa.”

Nagtanong si Berting, “Bakit naman kami sasama riyan, ay wala naman kaming sahod tulad ng mga obrero sa pabrika? Ano bang pakinabang namin diyan? Mahirap para sa amin ang sumigaw ng Sahod Itaas, Presyo Ibaba, dahil nga wala naman kaming sahod na patataasin?”

Sinagot siya ni Mulong, “Alam mo, Berting, bakit kaya ang mga manggagawa ay umuuwi sa komunidad ng maralita, lalo na sa iskwater? Dahil kapwa sila mahirap at pinagsasamantalahan ng bulok na sistema ng lipunan. Sa madaling salita, pangunahin dahil sa krisis sa ekonomya, mababang sahod, at kakapusan sa kabuhayan na nagtutulak sa kanila upang mamuhay sa mga lugar na abot-kaya, kahit na ito ay sa tabing riles, tabi ng tapunan ng basura, o sa ilalim ng tulay. Madalas, ang mga obrero’t maralita’y magkasamang nakikipagsapalaran sa lungsod.”

“Sabagay, tama ka, Mulong,” pagsang-ayon ni Berting, “Mababang sahod at malaking gastusin, na di makaagapay ang sahod sa taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Subalit bilang maralitang walang sahod at pulos diskarte lang upang makakain ang pamilya sa araw-araw, parang kayhirap namang isigaw ang Sahod Itaas, Presyo Ibaba! Bagamat maaari naman kaming sumama sa pagkilos sa Mayo Uno.”

“Maraming salamat naman kung sasama kayo,” ani Mang Ambo, “subalit mas magandang bukal sa inyong puso at nakumbinsi kayo sa katwiran kung bakit dapat nating ipagdiwang ang Mayo Uno kahit wala kayong sinasahod. Nais ko pang magbigay ng ilan pang paliwanag. Ang mga manggagawa ay madalas na malapit sa mga sentro ng kalakalan, pabrika, o opisina kung saan sila nagtatrabaho. Nakakatipid sila sa pamasahe at oras sa pagbiyahe. Madalas ding ang kakulangan ng abot-kayang disenteng pabahay sa mga lungsod ang nagtutulak sa kanilang tumira sa tabing ilog, ilalim ng tulay, o riles ng tren. Ang mataas na implasyon at kawalan ng regular na trabaho ay patuloy na nagpapahirap sa masa, na nag-uudyok sa kanilang ipaglaban ang kanilang karapatan.”

Tatango-tango naman si Berting at ilang mga kapitbahay. Hanggang sa sumapit ang Mayo Uno. Nagtungo sila sa Daang España at nagmartsa patungong Mendiola at doon ay inilahad nila ang kanilang hinaing.

Si Mang Ambo ang unang tinawag upang magsalita, “Bilang isang dating unyonistang nawalan ng trabaho dahil ginipit ng kapitalista, narito kami bilang mga maralitang nakikiisa sa laban ng manggagawa. Wala man kaming sinasahod ngayon, ito’y hindi hadlang upang isigaw natin ang madalas na nating panawagan: Sahod Itaas, Presyo Ibaba!”

Ang pangulo naman ng isang unyon ang nagsalita, “Salamat, Mang Ambo, sa iyong tinuran. Kami mang mga manggagawa sa pabrika ay sumasahod, hindi iyon sapat. Kaya naghihirap din kami tulad ninyo. Subalit ngayong Mayo Uno, ating tandaan, mga kasama, tayong naririto ay nasa iisang uri, magkakauri tayo, bilang uring manggagawa. Dahil ang manggagawa at ang maralita, na madalas ituring na mala-manggagawa, ay nasa iisang uri, bilang mga walang pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon. Iisa ang ating uri. Tayo’y mga proletaryado!”

Sumigaw si Mulong, “Halina’t nating isigaw, Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!”

Sila’y tumugon: “Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Mayo 1-15, 2019, pahina 18-19.

Huwebes, Mayo 9, 2019

Terza Rima para sa isang babaeng manlililok - salin ng tula ni Eman Lacaba

TERZA RIMA PARA SA ISANG BABAENG MANLILILOK
Tula ni Eman Lacaba
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang orapronobis, pampaurong ng tubig,
ang misererenobis, hangin at panginorin
sa himpapawid...
- PANALANGIN NG LAHI

Kung iuukit mo para sa iyong sarili
ang pagkalalaki ni Kristo,
aawitin ko ang bitak ng kanyang ina:

ang buhok nito; ang kanyang mga dede.
Ang aking mga kumot, ang iyong bato,
ay nagliliwanag: halos

bumalumbon sa kisame;
inurong ng butiki ang
paet at pluma,

nawala na lamang
sa gitna ng mga tinggil
ng mga hawakan, ng mga pindutan. Lahat na'y

nawala. Dumarating at mawawala.
Kung iuukit mo para sa iyong sarili
ang pagkalalaki ni Kristo.

* Ang terza rima ay uri ng tula na binubuo ng mga saknong na may tigagatlong linya at may padrong ABA BCB CDC DED (at iba pa hanggang sa gusto ng manunulat).

* Inilathala ang orihinal na bersyong Ingles sa Philippines Free Press, Enero 11, 1969, p. 13
* Isinalin ng petsang Mayo 9, 2019
* Gabi ng Mayo 5, 2018, sa ancestral house ng aking asawang si Liberty, sa Barlig, Mountain Province, ay hinalungkat ko ang mga isyu ng Philippines Free Press mula 1966 hanggang 1969 na tinipon ng kanyang namayapang ama. Nilitratuhan ko rito ang mga poetry o tulang nalathala. At ilan sa aking natagpuan, bukod sa mga tula ni Cirilo F. Bautista, ay ang labingtatlong tula ng makatang Eman Lacaba, na sa ngayon ay inisa-isa kong tinipa sa kompyuter at malayang isinalin sa wikang Filipino.

TERZA RIMA FOR A SCULPTRESS

Ang orapronobis, pampaurong ng tubig,
ang misererenobis, hangin at panginorin
sa himpapawid...
- WATAWAT NG LAHI PRAYER

If you carve for yourself
the manhood of Christ,
I'll sing his mother's cleft:

its hair; her breasts.
My sheets, your stone,
are florescent: almost

scrolled the ceiling;
the lizard skulls
of chisel and ballpen,

lost at will
among clitorises
of knobs, of switches. All

lost. Coming and lost.
If you carve for yourself
the manhood of Christ.

Emmanuel Lacaba

Awtobiograpiya - salin ng tula ni Eman Lacaba

AWTOBIOGRAPIYA
Tula ni Eman Lacaba
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Katapusan ng linggo ng pag-ulan.
Nagpupumiglas nang magkakapantay ang aking mga palad
sa masinop at malapad na puwitan
ng mga pasimano ng bintanang naampiyasan ng langit
at serbesang bagong hango sa pridyider.

Naisip ko ang mga liham na isusulat ko sa aking yumaong
ama, marahil ay pinapanood niya akong nanonood
ng mga banal na nangyayari:
mula sa mga bubungang lata, mga pilak na kuwerdas ng kalo
ng oksiheno at diatomikong haydroheno;
kidlat na kumikislap sa mga lansangan ng sang-iglap na
Morse code.

Kaya ang mga talukap sa mga mata ay parang mga bisig na nakayakap
sa baywang ng aking hindi pa nakikilalang asawa
at sa mga balikat ng hindi pa isinisilang na anak,
binigkas ko nang pabiro ang katalogo
mula sa Ecclesiastes: may panahon para sa lahat ng bagay,
panahon upang isilang at panahon upang subukang
mamaalam, sa sentro ng mga ugat na namamatay
kasabay ng matinong tunog ng ulan at hangin
sa mga kamay sa tainga na parang mga dede.

Isinara ang katapusan ng linggo ng pag-ulan
ng mga pinid na baskagan ng capiz sa mga mansanas
na mga tubong pansubok na pawang saranggola:
mga animo'y kidlat na sasakyan at maitim na buntot ng mga pedikab.

* kalo - pulley
* ang baskagan ay tumutukoy sa balangkas o frame
* tubong pansubok - test tube

* Inilathala ang orihinal na bersyong Ingles sa Philippines Free Press, Enero 11, 1969, p. 13
* Isinalin ng petsang Mayo 9, 2019
* Gabi ng Mayo 5, 2018, sa ancestral house ng aking asawang si Liberty, sa Barlig, Mountain Province, ay hinalungkat ko ang mga isyu ng Philippines Free Press mula 1966 hanggang 1969 na tinipon ng kanyang namayapang ama. Nilitratuhan ko rito ang mga poetry o tulang nalathala. At ilan sa aking natagpuan, bukod sa mga tula ni Cirilo F. Bautista, ay ang labingtatlong tula ng makatang Eman Lacaba, na sa ngayon ay inisa-isa kong tinipa sa kompyuter at malayang isinalin sa wikang Filipino.

AUTOBIOGRAPHY

Rain's weekend.
My palms struggled isometrically
with the primly wide buttocks
of window sills made wet by skies and beer
refrigerator-fresh.

I thought of letters I would write my dead
father, maybe watching me watching
divine proceedings:
from roofs of tin, silver pulley strings
of oxygen and diatomic hydrogen;
lightning flashing on the streets a frantic
Morse code.

So lids over eyes like arms around
my still unmet wife's waist and still
unborn son's shoulders,
I recited tongue-in-cheek the catalogue
from Ecclesiastes: a time for everything,
a time to be born and a time to try
dying, in the solar plexus dying
with the sober sound of rain and wind
in hands over ears like breasts.

Rain's weekend
closed capiz panes to apples that
were test tubes that were kites:
lightning cars and dark tails of pedicabs.

Emmanuel Lacaba