Linggo, Hulyo 11, 2021

Ang edukasyon, ayon kay Einstein

ANG EDUKASYON, AYON KAY EINSTEIN

"Education is not the learning of facts, but the training of mind to think." ~ Albert Einstein

nakita ko lang sa dingding ang nasabing kwotasyon
hinggil sa edukasyon na nakapaskil lang doon
sa daycare center na lunsaran nitong edukasyon
kayganda kaya kinunan ko ng litrato iyon

di lang iyon pagkabisado ng mga detalye
kung anong petsa't saan isinilang ang bayani
kung sino ang ikalabing-anim na presidente
kundi kung paano't bakit ng mga pangyayari

edukasyon ay pagsasanay paano mag-isip
magsuri ng kalagayan kaya huwag mainip
binubuksan ang mundo mo ng bagong malilirip
baka may mga paksang interesado kang mahagip

tulad din ng mga aralin sa matematika
tinuturuan tayo kung paano ba magkwenta
lalo sa usapin ng pera, malulugi ka ba
o sa negosyo mong pinasok, ikaw ba'y kikita

bakit nga ba tinuturuan tayong magmano
sa ating mga matatanda tanda ng respeto
bakit binabasa ang kasaysayan ng bansa mo
bakit sinusuri ang pulitika't pulitiko

inaaral natin anong magagamit sa buhay
di lang magkabisa ng detalye kundi magnilay
magamit sa trabaho't pamilya ang angking husay
edukasyong dala-dala natin hanggang mamatay

- gregoriovbituinjr.

- litratong kuha ng makatang gala sa Day Care Center sa ZOTO Towerville sa Bulacan

Sa batuhan

SA BATUHAN

nakatapak lang ako roon sa batuhang marmol
at sinusuri sa isip ang bawat kong nagugol
habang pinagmamasdan ang buhat nilang palakol
nang mga kahoy na iyon ay mapagputol-putol

nagmumuni-muni habang doon ay nakatayo
inaalagata ang nararanasang siphayo
dahil mga pangarap ay nagbabantang gumuho
nagsusuri paanong di ito sadyang maglaho

nakatitig sa inaapakan, nakatitig lang
mamaya'y titingala sa bughaw na kalangitan
kung anu-anong apuhap sa agiw ng isipan
habang paruparo sa hardin ay nag-iindakan

naririyan pa rin ang paralumang minumutya
tunay na inspirasyon sa aking bawat pagkatha
ang musa ng panitik na lambana ko't diwata
na pagsinta'y pagpapaubaya't pagpaparaya

- gregoriovbituinjr.

Danas

DANAS

tila nakasiksik sa waring pigil na damdamin
ang mga nakabaong tinik ng alalahanin
habang ang di magagap sa gunita'y sinisinsin
ngunit di malimot ang mga karanasang angkin

di matingkala kung paano harapin ang unos
ng buhay na iwing nangangarap ding makaraos
patuloy ang pulong, magsasaing pa pagkatapos
habang walang iuulam sa panahong hikahos

kaya dapat mabatid ang kakaharaping sigwa
upang di maunahan pag tuluyang nagsagupa
kahit naririnig ang munting impit ng pagluha
sa mga kalagayang madalas di matingkala

anuman ang mangyari'y pipiliting makaahon
di hahayaan ang sitwasyong parang nakakahon
kuko man ng ibong madaragit ay nakabaon
pipiliting pumiglas at lalaban din paglaon

- gregoriovbituinjr.

Sabado, Hulyo 10, 2021

Pagpupugay kay Kasamang Sammy Gamboa

PAGPUPUGAY KAY KASAMANG SAMMY GAMBOA

Pagpupugay sa iyo, kasamang Sammy Gamboa
Katawan mo'y nawala, ngunit diwa'y narito pa
Marami kang binahagi tungkol sa ekonomya
Nakasama sa mga rali at pakikibaka

"Freedom from illegitimate debts!" nga'y iyong hiniyaw
"Comprehensive audit of all public debts" pa'y sinigaw
Sa press statements at balita, ngalan mo'y lumitaw
Mga pagsusuri sa utang ay napakalinaw

Ilang beses ka ring bumili ng gawa kong libro
Na pawang inilathala ng Aklatang Obrero
Aklat ng mga sanaysay, serye ng librong MASO
Bumili't sumuporta sa mga tulang nilibro

Pareho tayong secgen ng ating organisasyon
Magaling kang secgen ng Freedom from Debt Coalition
Di ko malilimutan ang mga payo mo noon
Sa KPML at Ex-D'y ginagamit ko ngayon

Mga tindig sa isyu'y pinag-aralan mong husay
At sa tungkuling hawak ay nagsipag at nagsikhay
Sa iyo, Ka Sammy, taas-kamaong pagpupugay
Taospusong pasasalamat! Mabuhay! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
(Alay para sa Luksang Parangal ng Hunyo 10, 2021)

Biyernes, Hulyo 9, 2021

Kapayapaan

KAPAYAPAAN

kapayapaan ba'y ano? bakit ito'y hangad mo?
bakit pag wala nito'y nagpapatayan ang tao?
sa kabila ng kaibhan ng kultura't prinsipyo
bakit kapayapaan ay kailangan ng mundo?

lahat tayo'y tiyak ang hangad ay kapayapaan
lalo na't ibang iba ito sa katahimikan
ang kapayapaan ay tagos sa puso't isipan
habang ang katahimikan ay hanggang tainga lamang

iba ang PEACE sa SILENCE, ika nga sa wikang Ingles
kaya kapayapaan sa mundo ang ating nais
di ang katahimikang may takot pa rin sa dibdib
di ang patahimikin lang tayo't mata'y may takip

payapa na ba ang bayan pag nawala ang salot?
o patuloy ang digma dahil sa tuso't kilabot?
O, kapayapaan, ginhawa ba ang iyong dulot?
dahil nga ba sa iyo'y mawawala na ang takot?

marahil tutungo lang tayo sa kapayapaan
kung wala nang mga uri sa buong sambayanan
sa kabila ng kulay ng balat, nagbibigayan
kung natayo na ang isang makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.

Halaan

HALAAN

muli akong nag-ulam ng paboritong halaan
binibili namin ni Itay noong kabataan
matapos mag-jogging sa Manila Bay, pagpawisan
lalo't araw ng Linggo't nagrerelaks-relaks naman

may nagtitinda kasi ng halaan sa aplaya
ng Maynila o Manila Bay, kaysarap talaga
ng halaan, anila'y pampatibay ng tuhod pa
makakaiwas daw sa megaloblastic anemia

marami itong benepisyo, ayon sa eksperto
bukod sa binibigay sa inang nagpapasuso
sa sakit sa puso'y makakaiwas pa raw tayo
dahil may omega-3 fatty acids nga raw ito

hinigop ko ang sabaw ng halaan dahil na rin
upang maibsan ang aking nararanasang migraine
panlaban sa fatty liver disease dahil sa choline
para sa malusog na isip ay may riboflavin

aba'y sa palengke'y natsambahan ko lamang ito
at agad akong bumili ng kalahating kilo
nang tikman muli ang halaan ng kabataan ko
naiwasan na ang thyroid, pampalusog pa ito

- gregoriovbituinjr.
* litratong kuha ng makatang gala

Pinaghalawan ng ilang datos: 
https://ph.theasianparent.com/halaan-soup

Huwebes, Hulyo 8, 2021

Sa lababo

SA LABABO

ani Inay, dapat laging malinis ang lababo
dahil diyan natin nililinis ang mga plato
at hinuhugasan ang ating ininumang baso
anya pa, huwag itong hayaang maging barado

mga bilin ni Inay noong aking kabataan
na tinatandaan ko hanggang sa kasalukuyan
ang lababong marumi'y imahe ng kapangitan
is-isin ang paligid, dumi'y tanggaling tuluyan

kanina'y nilinis ko ang lababong anong dumi
nilinis dahil agad napansin, barado kasi
sinundot-sundot hanggang lumuwag ito't bumuti
matagal din, tila bumarang dumi'y anong dami

buti na lang, natuto sa mga aral ni Inay
pati nga paglalaba'y nagagampanan kong husay
tandaan lang, lababo'y laging lilinising tunay
dahil pag nagbara muli'y sadyang di mapalagay

- gregoriovbituinjr.