Sabado, Abril 4, 2026

Pagtaguyod sa kapwa makata't tulâ

PAGTAGUYOD SA KAPWA MAKATA'T TULÂ
‎
‎itinataguyod ko ang kapwa makatâ
‎pati mga pinaghirapan nilang tulâ
‎ganyan ang adhikain ko't nasasadiwà
‎kapara'y Batute't Balagtas na dakilà
‎
‎pag sa iwing haraya'y mayroong makatas
‎paglalambing ng dila'y nagiging madulas
‎ang pananalinghaga'y agad mawawatas
‎parang walang kupas na Batute't Balagtas
‎
‎itutulâ ko sa pusikit na karimlan
‎ang diwà ng mga makatang kaibigan
‎kaisa sa kanilang ipinaglalaban,
‎pananaw, akala, isinasalarawan
‎
bagamat wala man kami sa toreng garing
‎kami'y magkasangga gaano man kadilim
‎ang bukas dahil sa digma't pagkagupiling
‎may bagong umaga't rosas na masisimsim
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.04.2026
‎
‎* litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon

Biyernes, Abril 3, 2026

Nagsasayaw nang mag-isa

NAGSASAYAW NANG MAG-ISA
‎
‎ako'y nagsasayaw nang mag-isa
‎sa musika ng mga harana
‎kunwa'y hawak ang kamay ng sinta
‎nakapikit, naririto siya
‎
‎para akong baliw, umiiyak
‎hanap ang kanyang mga halakhak
‎kahapon namin pa'y nag-aantak
‎sa puso't diwà na'y nakatatak
‎
‎tila ba ayoko nang magising
‎sa pag-idlip at pagkagupiling
‎nais kong magpatuloy na himbing
‎magkahawak yaong kamay namin
‎
‎paumanhin sa patak ng luhà
‎na tilà lansangan ay binahâ
‎ganito lang ang abang makatâ
na di ko naman mapagkailâ
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.03.2026

Luhà ko'y tila patak ng ulan

‎LUHÀ KO'Y TILA PATAK NG ULAN
‎
‎luhà ko'y tila patak ng ulan
‎luhang payak lang kung iyong tingnan
‎subalit wasak ang kalooban
‎nang aking sinisinta'y lumisan
‎
‎nakangiti sa harap ng iba
ngunit puso ko'y hirap talaga
‎ang pinangarap namin ng sinta
‎ay bulang tuluyang naglaho na
‎
may pamilyang itinataguyod
‎ang pagsasama'y nakalulugod
‎subalit para akong nalunod
‎sa dagat ng kawalan, sumudsod
‎
‎saan pa susuot ang tulad ko?
‎buti't inaalalayan ako
‎nitong panitikan, tula't kwento
‎na binubúhay akong totoo
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.03.2026

Sa puntod ng sinta

SA PUNTOD NG SINTA
‎
‎kaylayo man, ako'y nakarating
‎sa puntod ng sintang tinatangi
na ang alay ng makatang taring
‎ay tula't di maiwasang hikbi
‎
‎gumuhò ma'y lahat ng pangarap
‎ay dapat magpatuloy ang búhay
‎kayâ kailangan kong magsikap
‎at tagumpay ko'y sa sinta alay
‎
‎may libreto na ng mga tulâ
‎subalit wala pa ring nobela
‎ako ma'y isang abang makatâ
‎nangangarap maging nobelista
‎
‎narito ako sa kanyang puntod
‎na pag-ibig ang ibinubulong
‎na sa sumpaa'y di tatalikod
‎pagkat puso'y siya ang kadugtong 
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.03.2026

Sa mga kurakot ngayong Biyernes Santo (14th Black Friday Protest ng 2026)

‎SA MGA KURAKOT NGAYONG BIYERNES SANTO
‎
‎sa mga kurakot, tuso,
‎buwitre't buwayang trapo:
‎kayong kawatan sa pondo
‎ng bayan, magsisi kayo!
‎
‎ang inyong pangungurakot
‎ay dusa't hirap ang dulot
‎sa masa, kayo'y managot
‎at di dapat makalusot
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.03.2026
‎14th Black Friday Protest ng 2026

Huwebes, Abril 2, 2026

Coda Lines

CODA LINES
‎
‎kailangan ko nang umuwi ng Barlig
‎para sa huling ritwal sa namayapà
‎kong asawa, yaring puso'y nasasabik
‎buti't may pamasaheng bahid ay luhà
‎
‎dinaluhan muna'y taunang Kalbaryo
‎ng desaparesido, at nang matapos,
tinungo'y Coda Lines, wala pa umano
‎gabi pa ang biyahe ng anim na bus
‎
‎bumalik ng bahay, nag-ayos ng gamit
‎nasa terminal alas-singko ng hapon
‎inagahan ko at baka makasingit
‎fully-booked na, chance passenger na lang doon
‎
‎nagpalista, bakasakaling tawagin
‎dumating ang unang bus, di nakasakay
‎sa pangalawa't pangatlong bus, di pa rin
‎at sa pang-apat na bus na nakasakay
‎
‎salamat, Coda Lines, nakabiyahe na
‎sampung oras ding doon ay nakaupô
‎umalis ng alas-nuwebe y medya
‎alas-siyete y medya nang tumayô
‎
‎doon sa Bontoc na ako nag-agahan
‎isang kanin, isang karne, isang gulay
‎kaymahal na rin, presyo'y dalawang daan
‎matapos, sa dyip puntang Barlig sumakay
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.02.2026

Miyerkules, Abril 1, 2026

Pagdalo sa 'Kalbaryo ng Kawalan ng Katarungan' ng FIND

PAGDALO SA 'KALBARYO NG KAWALAN NG KATARUNGAN' NG FIND
‎Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.
‎
‎Umaga ng unang araw ng Abril, dumalo muna ako sa Kalbaryo ng Kawalang Katarungan, isang aktibidad ng FIND (Families of Victims of Involuntary Disappearance) sa Bantayog ng mga Bayani.
‎
‎Nagsimula ang programa ng ikasampu ng umaga, kung saan binasa ang walong pahinang pampleto, na binasa sa harap ng apat na estatwa ng desaparesido na nilikhâ ni National Artist Toym Imao.
‎
‎Matapos ang programa, nagbigay kami ng repleksyon. Doon ay binigkas ko ang isang tulang kinathâ ko, na pinamagatang "Hustisya sa mga Desaparesidos":
‎
‎wala kaming puntod na titirikan ng kandila
‎hanggang ngayon, sa mahal namin ay nangungulila
‎sila'y aktibistang nagsikilos upang lumaya
‎mula sa pagsasamantala ang bayan at dukha
‎
‎inorganisa ang kababaihan, manggagawa
‎magsasaka, kabataang estudyante, ang madla
‎ang guro, manininda, abugado, mangingisda 
‎subalit sila'y dinukot, sinaktan, iwinala
‎
‎hinanap ng pamilya ang kanilang katauhan
‎nagtungo sa mga ospital, presinto, kulungan
‎nagbabakasakaling may bakas silang naiwan
‎sinong saksi, sinong maysala o may kagagawan
‎
‎sa paghahanap sa kanila'y di dapat mabagot
‎sa nangyaring pagkawala, sinong dapat managot 
‎krimen at pangyayaring ganito' y dapat malagot
‎mga naiwang katanungan ay dapat masagot
‎
‎hustisya'y aming sigaw, sa kampo, korte, kalsada
‎saanmang lugar, panawagan namin ay hustisya
‎mga desaparesidos sana'y matagpuan na
‎mga mahal naming iwinala, sana'y makita
‎
‎Matapos iyon ay isinagawa ang kasunod na aktibidad. Binitbit namin ang mga litrato ng mga desaparesido o yaong iwinala sa panahon ng Batas Militar. Ang napunta sa akin ay ang litrato nina Jessica Sales at Rizalina Ilagan. Tumayo kami paikot at binigkas ang mga pangalan sa kwadrong aming tangan, at sabay-sabay kaming sumagot ng 'Presente!'.
‎Matapos iyon ay nagpiktyuran kami sa plakard na ang nakasulat ay "Release Khurram Parvez Now!" na nakalagda ay AFAD (Asian Federation of Involuntary Disappearances). Si Parvez, taga-Kashmir, ang tagapangulo ng AFAD, na ikinulong dahil sa kanyang adbokasya sa karapatang pantao.
‎
‎Natapos ang programa bago mag-alas dose ng tanghali, at kami'y nagsikain na ng inihandang pananghalian. Maraming salamat sa FIND at AFAD!
‎
‎04.01.2026