Huwebes, Disyembre 18, 2008

Mapagpalayang mga Tula ni Ka Kikoy Baltazar

Mula sa librong MASO, Katipunan ng Panitikang Manggagawa, Ikatlong Aklat, pahina 17-26, at inilathala ng Aklatang Obrero Publishing Collective, Disyembre 2008

ANG MAPAGPALAYANG PANITIK NI KA KIKOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napakatagal na panahong nakatago sa baul ang kayamanang ito ng panitikan, ang mga tulang ginawa ni Ka Kikoy. Kaya't nang may makita kaming mga tulang gintong pamana sa uring manggagawa, na gawa ng isang matanda nang rebolusyonaryo, agad naming napagpasyahang dapat itong malathala. Pagkat naniniwala kaming ang mga gintong pamanang ito'y di dapat mabaon na lamang sa nakaraan, o sa limot, kundi dapat ibahagi sa kasalukuyan upang magamit sa hinaharap at mapaghalawan ng aral.

Nang sabihan ako ni kasamang Ronald ng Institute of Political Studies (IPS) na may mga tula ang isang matandang rebolusyonaryo, agad akong nagkainteres, di lamang para mabasa ito, kundi para ito'y ilathala. Nang makarating ako sa opisina ng IPS isang Lunes, nakita ko ang lumang kwadernong mahigit nang kalahating siglo ang tanda.

Marami ritong mga tulang nakatala na sinulat ni Ka Kikoy, isang matandang lider-magsasaka at manggagawa, na nakaabot pa umano sa kalakasan ng mga rebolusyonaryong Pilipino noong panahon pa ng Hapon at noong kalakasan pa ng HMB (Hukbong Mapagpalaya ng Bayan). Si Ka Kikoy ay mahigit siyamnapung taong gulang na, ayon kay kasamang Ronald, ngunit nabubuhay pa at malakas.

Kinopya ko sa aking dalang kwaderno ang mga nakasulat na tula. Napakalinaw pa ng mga tulang sulat-kamay kahit mahigit limampung taon na ang nakalilipas nang isinulat ito, kaya hindi ako nahirapang kopyahin ito. Limang tula sa maraming tulang kanyang nasulat dito ang aking sinipi para sa antolohiyang ito, na pumapatungkol sa diwang mapagpalaya.

Kapansin-pansin sa kanyang mga tula ang kinis ng pananaludtod at maayos na bilang ng pantig. Ang bilang ng pantigan ay walang labis, walang kulang. At higit sa lahat, ang talas ng mga kaisipan.

Napakahalaga ng ambag na ito ni Ka Kikoy sa panitikang manggagawa, at nawa'y manamnam natin ang katas ng kaisipan at marubdob na diwang ibinahagi ni Ka Kikoy sa kanyang mga tula.

Halina’t tunghayan natin at namnamin ang kanyang mga katha.

PAGGAWA
ni Francisco "Ka Kikoy" Baltazar
sinulat circa 1955-1962

Noong una, daigdig ay walang ayos di marangya
Palibhasa ay wala pang sa kanya ay nagpapala
Datapuwa't ng sa kahoy ang matsing ay magsibaba
At ang paunahang paa ay gamitin sa paggawa
Nuon na nga nagsimulang nagkatao itong lupa
Na ngayon ay gumaganap ng tungkuling darakila.

Ilang daang libong taon ang nagdaan at lumipas
Bago itong tao ngayong dalubhasang tinatawag
Patuloy na pagbabago banay-banay na pag-unlad
Ang tinahal nitong taong dinaanan at dinanas
Bawat yugto na magdaan bawat baytang ng paglipat
Mga bagong kasangkapan sa pagyaring nagtutulak.

Noong una, itong tao'y walang damit at tahanan
At ang kanyang kinakahig walang tiyak na kukunan
Nagdaan din ang panahon upang mayrong ikabuhay
Bato't pana lang ang sangkap sa paghanap at pagdulang
Hanggang tayo ay sumapit sa yugto ng kaunlaran
Pag ginusto ng paggawa'y nagagawang sapilitan.

Kaya ngayon palibhasa'y maunlad na ang daigdig
Kaya naman ang pagyari'y maunlad din at mabilis
Nariyan ang makinaryang pangpaandar ng elektrik
Na katulong sa paggawa ng maraming anakpawis
Dapat nating unawaing ito'y di hulog ng langit
Ito'y bunga ng paggawa, paggawa ng nagsaliksik.

Paggawa ang s'yang simula kaya ang tao'y lumitaw
Paggawa rin ang s'yang balong ng lahat ng kayamanan
Nang dahilan sa paggawa'y napaunlad ang isipan
Nitong taong dati-rati'y atrasado't mga mangmang
Itakwil mo ang paggawa't sa gutom ay mamamatay
Yakapin mo ang paggawa't masaganang mabubuhay.

MGA MOOG NG URI
ni Francisco "Ka Kikoy" Baltazar

Ang iilan ay nagtatag
Nang isang pamahalaang pinairal na panglahat
Bumalangkas ng panuto
Naglagay ng mga puno, naglagda ng mga batas
At lumikha ng maraming kasangkapang mabibisa
Upang ang kapangyarihan ay tahasang ipatupad
Ang timbangan at panukat, ang halaga at takalan
Inihanda at binuo ng sang-ayon sa panaling
Kaisipan at pananaw
Nagmula man o patungo kahit saan
Ay hahantong sa kung ano, saa't alin ibig niyang dalhin ikaw.

Kung bagaman bukambibig
Na ang lantay na tuntuni't patakara'y ang matuwid
Pagkakapantay ng lahat sa lahat ng bagay-bagay
Sa samahang magkapatid sa tunay na karanasa'y
Patumbalik kung maganap at sa matang mapansinin
Ay baligtad ang daigdig
Ang lipunang maharlika
Na siya ring kakaunting namayani sa simula
Nagkamal ng karapatan sa tibay ng mga moog
At naglagda ng tadhana
Diyan kayo't dito kami - utos haring nagbabansag
Nang tandisang pagkahati ng mayroon at ng wala.

At sa lunsod itinayo
Ang gusali ng talino - paaralang magtuturo
Ang sinumang ibig maging pinagpala
Dapat munang magdaan sa kanyang pinto
Ang di niya nasusulit ay malayong makapasok
Sa pook na mapapalad, maginhawa at maginto
Bawat isip at paningin
Papandaying sapilitan sa kanilang simulain
Bawat pusong walang apoy sa palalong katayua'y
Susubhan at papandayin
Bawat katauhang kutad sa mayabang na adhikain
Ang gagawing di masabi, kung bayani o salarin.

Nagtindig din ng sambahan
Banal na bahay ng Diyos, amang kabanal-banalan
Bukal ng awa't pag-ibig, batis ng tuwa't ligaya
Ugat ng lahat ng buhay
Ang sa kanya'y di lumuhog manalangi't magsumamo
Walang pag-asang maligtas sa sanlaksang kamatayan
Tao'y ganap na tinakot
Iminulat na sa lupa'y walang langit pawang kuros
At ang taong nangangarap sa hiwagang kalangitan
Sa sambahan napabuklod
Naglimos ng yama't lupa sa lumikha ng daigdig
Binili ng ginto't dasal sampung buhay na susunod.

Upang lubos na maghari
Di sukat ang pari't guro, ang alamat at ugali
Nagtayo rin ng hukuman
At hukom na walang puso't pawang utak ang pinili
Sa uri ng may usapin ibabatay ang sa batas
Na pasiya't lagdang hatol katarungang makauri
At ang batas ay nagbadya
Ang may sala'y magtatamo ng katapat na parusa
Sa kamay ng katarungang kabilanin
Isang lambat ng malikot na pag-asa
Aligasi'y laging huli at kawala ang apahap
Katarunga'y dalawa rin sa dalawang nagkasala.

Bilang putong na paniil
Nang tuntuning pamarusa't batas ng ngipin sa ngipin
Bilangguan ang sumipot
Isang dambuhalang yungib na malupit at malagim
Libingan ng mga buhay na panuto sa bilanggong
Kalusuga't diwang pili - salarin man o matupling
Ang higanti, sumpa't poot
Nang lipunan ay sa kanyang kalupitan itinampok
Ngunit hindi bawat piit ay talagang may sala nga
Ni sa tao ni sa Diyos
Marami rin ang magiting na ang tanging kasalanan
Ay nagtakwil sa dambana at naggiba ng bantayog.

Kaya naman kung sumapit
Ang araw ng pagtutuos at kalusin na ng labis
Kung ang bansang sinisiil ay mamulat at bumangon, ang iila'y mapapalis
At ang mga lumang moog ng gahamang karapata'y
Siyang unang winawasak ng balanang naghimagsik
At sa abo ng gumuho
Nang ubaning diwa't buhay ay may bagong itinayo
Bagong kuta, bagong moog na anaki'y bahaghari
Sa makulay na pangako
At ang bayan ay pamuling
Sa matimyas na pag-asa't pananalig
Bubuhayin ng kanilang bagong puno.


MAGBUBUKID
ni Francisco "Ka Kikoy" Baltazar

Kidlat ay gumuhit singningning ng apoy
halos nakatupok
Kasunod ang kulog na dumadagundong
di malagot-lagot
Makailang saglit pumatak ang ulan
lupa'y pinalambot
Bitak na nilikha ng katag-arawa'y
naghilom na lubos
Tigang na pinitak na ang katigasan
ay bato na halos
Ngayo'y nagtutubig at kabi-kabila'y
merong umaagos.

At kinabukasan, talang pang-umaga'y
di pa sumisilay
Abang magbubukid na likas ang sipag
yaon na sa linang
Ugit ang araro na hila ng kanyang
hayop na katuwang
Kalakiang siyang sa bawat gawain
ay karamay-damay
Alisin mo ito't para mong inalis
kanan niyang kamay
Kaya kahit hayop pagtuturing niya'y
isang kaibigan.

Puno ng kawayan sa baybay hapila'y
tubo na ang labong
At ang bawat kahoy sa buong paligid
may mura ng dahon
Binhing isinabog ay punla na ngayong
sangdangkal ang usbong
Waring nagsasabing ikaw'y magmadali't
baka ka magahol
Kaya sa paggawa itong magsasaka
ay magha-maghapon
Sugod kung lumakad at waring mayroong
laging hinahabol.

Sumapit ang araw ng kanyang patanim
araw na sinadyang
Pinili sa alta't sabi ng matanda'y
mapalad na araw
Merong nagsusuyod, merong bumubunot
iba'y naghahanay
Sa saliw ng tugtog mutyang manananim
pagtundos ay sabay
Ang buhay sa nayon, ang pagtutulungang
dito namamasdan
Pagsasamang tapat na di pakunwari
at walang imbutan.

At sa di kawasa tarat ay humuni
sa bukid ay hudyat
Buwan ng tag-ani'y di na malalaon
di na magluluwat
Sa mga hapila ang mga talahib
ay namumulaklak
At kukunday-kunday sa dapyo ng hanging
amihang banayad
Mga magbubukid ay wala na halos
pagsidlan ng galak
Sa napagmasdang masaganang aning
tutubos sa hirap.
Itong magbubukid kahit maralita
sa yaman ay kapos
At sa araw-araw ang laging kayakap
ay paghihikahos
Ngunit sa damdaming laging nag-aapoy
pag-ibig na taos
Sa baya't sa kapwa at sa kay Bathalang
pinakaiirog
Mag-ani ng konti lalong daragdagan
pagtawag sa Diyos
Kapag sumagana ang pasasalamat
di matapos-tapos.


KALAYAAN
ni Francisco "Ka Kikoy" Baltazar

Kalayaan, dahil sa'yo'y ilang buhay ang nabuwis
At namatay sa ngalan ng sa'yo'y tapat na pag-ibig
Tanging taglay sa isipa'y ang tapat na pananalig
Mamatay ng dahil sa'yo'y luwalhati't isang langit
Datapuwa't tunay kayang mayroon ng binabanggit
Na paglayang inaasam at lagi nang bukambibig?

Sa saligang-batas nati'y malinaw na matutunghan
Ang tadhanang nagsasaad ng ukol sa kalayaan
Karapatang magsalita, mamahayag, manambahan
At sumapi sa anumang uri't hugis ng samahan
Ang pagpili niyong pook na ibig na panirahan
At katwirang ipagtanggol ang sarili sa hukuman.

Kalayaang itong tao'y nararapat maging ligtas
Sa pangamba at sa gutom na salot sa ating lakas
Pagtangkilik ng gobyerno sa hikahos na mag-anak
Sa likas na katungkulan na sa bunso ay magmulat
Ano pa nga't kung lahat ng tinurol ko'y matutupad
Di ba't ito'y tunay na ngang kalayaang matatawag?

Ngunit bakit hanggang ngayon itong bayan ay hikahos?
At ang mga mamamayan sa dalita'y nakalugmok?
May buhay na masasabi, buhay na palaging dahop
Kalayaan ay may lambong, wala ang tunay na lugod
Bakit kaya? Anong dahil ng ating pagkabusabos?
At ang ating kalayaa'y may pangambang sumasapot?

Mga ugat na dahila'y marami ang matuturol
Mga sinding ang hantunga'y ang ating pagkaparuol
Nariyan ang mga taong mahilig sa pagsalilong
At may diwang maibiging maglingkod sa panginoon
Sa karampot na halaga ay hindi na nililingon
Kapakanan ng maraming nagnanais ng pagsulong.

Naririyan ang maraming pulitikong makabayan
Na kaya lang makabaya'y kung panahon ng halalan
Nagsasabing tangkilikin ang yari nating kalakal
Datapuwa't pusakal na kasangkapan ng dayuhan
Nakadamit Pilipino, kayumanggi pati kulay
Ngunit dayo ang ugali, kilos, gawi at isipan.

Nariyan din ang maraming dalubhasa sa panulat
Na sa ating kasaysaya'y nagbubuo't nagtatala
Datapwat nang mabigyan ng karampot na pabagsak
Nalimutan ang halaga laya sa pamamahayag
Mga labi'y binusalan at labag na ang mangusap
Kapag ito sa nais ng panginoo'y sasalungat.

Kung tunay na nagnanasang kalayaan ay malasap
Unang gawin sa'ting bansa ang dayuha'y mapalayas
Isabansa ang lahat ng kayamanan nating likas
Paunlarin at iukol sa kabutihan ng lahat
Bigyan ang lahat ng tao hanapbuhay na matatag
At tiyaking wala na ring manggagaga't manghahamak
Kapag ito ay nagawa saka lamang matatawag
Na tayo nga'y malaya na at may kasarinlang ganap.

11/14/1961


DALAW
ni Ka Kikoy Baltazar

I

Sa aking kulungan
Sa napakalaking bilangguang hindi malipad ng uwak
Bilang ko ngang lahat ang maraming bagay sa loob at labas
Nang piitang silid na abot ng sungay at tabing ng malas
Ang bakal na rehas ang kabi-kabilang moog na matigas
Ang munting dungawang nakapinid kahit bahagyang ibukas
Pagkat a paningi'y may panangga't halang ng banig na kawad
Isang pinggang lata at basong may lamat
Tinapay na lumang hindi na makagat
Isang timbang tubig na ang kiti-kiti'y binhian ng lagnat
Lapis na maikling hindi maisulat
Tatlong dahong papel at dalawang aklat
Ilaw na malabong sa dilim ng gabi'y lalong pampatingkad
Kaputol na lupang nakangangang libing ang nakakatulad
At may punong kahoy na anaki'y kuros ng kinulang-palad
Ang aking daigdig sa kawalang layang sakdal na ng hirap.

Ang buong maghapon ay natatandaan
Ang tatatlong yugto gayon araw-araw
Agahan paggising, agaw gutom bago magpananghalian
Maagang hapunan
Makaitlong kain ng isang pagkaing pambilanggng tunay
Ang haba ng gabi'y aking nilalamay
Ang bawat bitui'y pinagtatanungan
Ang aking paglaya'y kailan?... Kailan?
At ako'y malimit tuguning pauyam
Mabibilanggo ka sa haba mong buhay.

Datapwa't ang tanging binibilang-bilang sa lahat ng saglit
Ay ang mga araw na halos hilahing buong pagkainip
Magmula sa Lunes hanggang sa Sabado
Ay amin na buhol ng libong pasakit
Ang bawat sandaling nagdaan ay tila nabunot na tinik
Sa may dusang dibdib
Mabagal ang Impong hindi na malulon ang hinig'ang banig
Subalit di kaginsa-ginsa'y masayang sumapit
Ang linggong dahilan ng lahat ng aking mga pananabik
Ako'y dadalawin ng mga kapilas ng aking pag-ibig
At di na tumikim ng pagkaing lamig
Lipas ng lugod pang humuni't umawit
Habang hinihintay ang tanging ligya sa pagkakapiit.

Tinawag ng tanod ang ilang pangalan
Ng kapwa bilanggo sa ibang kulungan
At halos patakbong lumabas sa init ng katanghalian
Tila mga ibong pinawalang bigla sa luntiang parang
Lumipas ang ilang oras na mabagal
Baka kaya ako ay nakalimutang sabihan ng bantay
Subalit ang bantay ay tumawag uli ng ibang pangalan
Gumabon, Mercado, Orines, Palmipar
Briones, Llonera, Obredor at Maclang
Ang aking pangala'y di ko napakinggan
Naging dapithapon at nangulimlim na ang sikat ng araw
Hanggang sa tuluyang ang buhok na ginto'y
Agarang pusuri't itim ang ilagay
Datapwa't sa pinto ng aking kulungan
Ang tanod ay hindi lumapit man lamang.

Aking inaasam... Ako'y naghihintay
Ako'y nagdaramdam... Ako'y namamanglaw
At nang ibabala ng lumang batingaw
Ang takda ng oras, ikapitong ganap ng gabing karimlan
Noon naniwala sa gitna ng lumbay
Sa napakapait na katotohanang
Wala akong dalaw... Wala akong dalaw
Ngunit nadama kong ang pagkabilanggo'y di nakamamatay
Gaya ng paglimot ng nangasa layang pinakamamahal.

Miyerkules, Disyembre 3, 2008

Ang Dakilang Dukha

ANG DAKILANG DUKHA
(mula sa notbuk at sa sulat-kamay ni Francisco "Ka Kikoy" Baltazar, sinulat bandang 1950s, sinaliksik, sinipi at tinipa sa kompyuter ni Gregorio V. Bituin Jr.)


Pelaton, preparen
Carguen, armas

I

Ito’y siyang dagling utos na maliksi at matatag
Sa labi ni Komandante Macapagal ay namalas
Paanan ng Bundok Tala, di-kawasa ay ginulat
Ng putok na sunud-sunod, mga putok na pang-utas
Punglo iyong nangagtiklop sa dahon ng gintong aklat
Ng dakilang Pilipino, ang bayani ng mahirap.

II

Samantala!... Samantala
Ganito ring araw noon na ang hanging halumigmig
Nahihinog na ang palay sa lawak ng mga bukid
At sa Tondo, sa Maynila, sa pook ng anakpawis
Ang uha ng isang sanggol na lalaki ay narinig
Uha iyong punung-puno ng ligaya at pag-ibig
Sa puso ng ama't inang karukhaan ang bumigkis.

III

Nang ang sanggol ay ipasok sa simbahan at binyagan
Ang Andres ang sa kanya ay ibinigay na pangalan
Palibhasa'y maralita ang buhay na kinagisnan
Ay ni walang tinapos na mataas na paaralan
Gayunpaman ay nagsikap maghinang ng kaisipan
Sa pagbasa ng maraming mga aklat kasaysayan.

IV

Araw noon ng malabis na dahas ng pananakop
Ng dayuhang sukdulan na ang sama ng panghuhuthot
Bawat taong sa katwira'y tumindig na lakas-loob
Kung hindi man ipatapon sa garote tinatapos
Ang laya at katarunga'y halaga nang tila limot
At ang tanglaw sa pag-usig ay hindi pa sumisipot.

V

Ang kaniyang namulata'y isang buhay na duhagi
Isang buhay na di halos matatawag na sarili
Ang ganitong katayuan ay dagok pang sakdal tindi
Ang pagyao ng maaga ng ama at inang kasi
Mula noon ay siya na ang tuwirang kumandili
Sa lima niyang kapatid na noo'y di pa malaki.

VI

Sa kaniyang pagkataong sumilang na maralita
Ay malaki ang halaga ng paglikha at paggawa
Ang buhay sa kahirapa'y tinahak na may tiyaga
Isa siyang salaminan at ulirang manggagawa
Nag-ahente, bodegero, at iba pang gawang dukha
Ngunit laging ang damdaming makabaya'y nasa diwa.

VII

Nang ang ilang ilustradong Pilipino ay magsikap
Na ang ating himagsikan sa daigdig ay ihayag
Isa siyang pangunahin na sa bayan ay nagmulat
Upang itong ating bansa, sa kadena ay makalas
Siya'y hindi nanghinayang na ang buhay, dugo, lakas
Ay gugulin alang-alang sa dakilang mithi't hangad.

VIII

Ang maraming mamamayan noo'y laging nakamasid
Sa dilim na nakalambong sa buhay ng ating langit
Sa lakas ng pagdarasal ay ni hindi naligalig
Ang moog ng kasakimang sa bayan ay humahamig
Habang tayo'y dumaraing, sumasamo't tumatangis
Ang paggapas ng dayuha'y lalo lamang nahihigpit.

IX

Bawat gatang ng biyaya, bawat lawak ng lupain
Pag naisip na kinamkam, sapilitang kakamkamin
Ang tumutol ay erehe at ang bungo'y babasagin
Sa duyan ng katarungang - katarungan nang masalin
Ang may nais mabuhay ay marapat na limuting
Siya'y taong mayrong bansa't kalayaang dati'y angkin.

X

Ito'y siyang buhay noon, isang buhay na baligho
Isang buhay na tikis nang naubusan ng pagsamo
At ang tanging nalalabi'y ang alab na nasa puso
Lagablab na mag-uusig, mamuhunan man ng dugo
Ang dibdib ng inang baya'y nayayanig, kumukulo
At doon sa Pugad Lawin nabigkis ang ayo-ayo.

XI

Mula roon ay gumuhit ang sigaw na sakdal-lakas
Ang sigaw na sa dayuha'y nakatakot at gumulat
Himagsikan ay isa nang nagpupuyos na lagablab
Buhat doon, ang damdaming naglalatang ay kumalat
Itong bayang mahigit na tatlong siglong naghihirap
Sa uhaw na katarungan ay dugo ang iniluwas.

XII

At ang sanggol na lalaking ng lumaki'y bodegero
Sa bunton ng anakpawis, ngayo'y amang Bonifacio
Siya yaong walang gulat at patnubay na Supremo
Na sa buong kapulua'y kinilalang siyang ulo
Ang kaniyang kagitingan at makislap na talino
Ang talino't kagitingang di marunong manganino.

XIII

Datapuwa't anong sakit na hampas sa himagsikan
Ay gayon din sa malapit nang pag-ani ng tagumpay
Siya bilang siyang ama ng dakilang Katipunan
Ay inusig ng kanya ring mga anak na minahal
Sa ganitong pangyayari hanggang ngayo'y tila ayaw
Na magtapat ang matapat ngunit piping kasaysayan.

XIV

Kataksilan ang paratang na sa kanya'y inuusig
At pati na sa kaniyang isang tunay na kapatid
Kung tutuo ang paratang ay hindi ko maisulit
Kasaysayan ay alam kong sa sarili'y maglilinis
Ang tangi kong masasabi ay mapait sakdal sakit
Na sa likod ang tumudla ay punglo ng kapanalig.

XV

Nang ang mga pag-uusig at paglitis ay magwakas
Ubod bagsaik - kamatayan ang hatol na iginawad
Papatayin! Mamamatay ang ama sa Balintawak
Ang ama ng Katipunang ang pinasa'y anong bigat
Mamamatay ang lalaking nagpunla ng lahat-lahat
Mamamatay ang tagumpay ng hindi na mamamalas.

XVI

Nagpupuyos ang labanan, himagsikan ay patuloy
Ang laranga'y tila parang nagliliyab, nag-aapoy
Samantala ang ama ng Katipuna'y nakakulong
At sa kanyang alaala ang nagdaa'y nililingon
Naiiling ng mapait pag narinig ang dagundong
Ng punglo ng manlulupig at ng aping nagbbangon.

XVII

Noong buwan ng bulaklak, nalagas ang sampung araw
Nang banayad na mabuksan ang pintuan ng piitan
Ang Supremo't ang kapatid dinapit ng ilang kawal
Sa ilalim ng pinunong Komandante Macapagal
Ang utos na dala-dala ay sa sobre nasasarhan
Pagsapit ng Bundok Tala, doon lamang malalaman

XVIII

Ang Supremo ay sugatan, ang katawan ay mahina
Nang sila ay lumakad nang patungo sa Bundok Tala
Ang araw ay sakdal init datapuwa't nagluluksa
Sa ulap ng Bundok Buntis na ang sabi'y mahiwaga
Bundok Tala pag may ulap sang-ayon sa matatanda
Ay may salot na darating, pag malinis mabiyaya.

XIX

Nagpahinga sila noon sa paanan niyong bundok
Hinimok na ng Supremo na basahin yaong utos
Ang pinunong sabik na rin na ang utos ay matalos
Ay binuksan yaong sobre at ang laman ay hinugot
Ang laman ng kautusa'y parang kulog na pumutok
Sa pandinig ng Supremong sinakbibi ng himutok.

XX

Anang utos: Kumandante Macapagal iyong tupdin
Ang utos na ang bilanggong magkapatid ay patayin
Nang marinig ang ganito ang Supremo ay nagturing
Mandi'y lito; O, kapatid, ako'y inyong patawarin
Datapuwat ang pagsamo'y hindi lubos na pinansin
Mga kawal pinahanda at ang utos ay susundin.

XXI

Pelaton, preparen
Carguen, armas
Fuego

Mga putok, mga putok na pumutol sa pangwakas
Na talata ng buhay na gumanda sa paghihirap
Hanggang ngayon kapag yaong Bundok Buntis ay nag-ulap
Ay para kong nakikitang ang Sumpremo'y tumatawag
At tila ko naririnig na aniya - "Bayang Lingap"
Ang buto ko'y naririni't naghihintay ng liwanag.

(Si Francisco "Ka Kikoy" Baltazar ay isang lider-manggagawa at magsasaka, at ngayon ay nasa ika-90 taong gulang na)