Miyerkules, Disyembre 3, 2008

Ang Dakilang Dukha

ANG DAKILANG DUKHA
(mula sa notbuk at sa sulat-kamay ni Francisco "Ka Kikoy" Baltazar, sinulat bandang 1950s, sinaliksik, sinipi at tinipa sa kompyuter ni Gregorio V. Bituin Jr.)


Pelaton, preparen
Carguen, armas

I

Ito’y siyang dagling utos na maliksi at matatag
Sa labi ni Komandante Macapagal ay namalas
Paanan ng Bundok Tala, di-kawasa ay ginulat
Ng putok na sunud-sunod, mga putok na pang-utas
Punglo iyong nangagtiklop sa dahon ng gintong aklat
Ng dakilang Pilipino, ang bayani ng mahirap.

II

Samantala!... Samantala
Ganito ring araw noon na ang hanging halumigmig
Nahihinog na ang palay sa lawak ng mga bukid
At sa Tondo, sa Maynila, sa pook ng anakpawis
Ang uha ng isang sanggol na lalaki ay narinig
Uha iyong punung-puno ng ligaya at pag-ibig
Sa puso ng ama't inang karukhaan ang bumigkis.

III

Nang ang sanggol ay ipasok sa simbahan at binyagan
Ang Andres ang sa kanya ay ibinigay na pangalan
Palibhasa'y maralita ang buhay na kinagisnan
Ay ni walang tinapos na mataas na paaralan
Gayunpaman ay nagsikap maghinang ng kaisipan
Sa pagbasa ng maraming mga aklat kasaysayan.

IV

Araw noon ng malabis na dahas ng pananakop
Ng dayuhang sukdulan na ang sama ng panghuhuthot
Bawat taong sa katwira'y tumindig na lakas-loob
Kung hindi man ipatapon sa garote tinatapos
Ang laya at katarunga'y halaga nang tila limot
At ang tanglaw sa pag-usig ay hindi pa sumisipot.

V

Ang kaniyang namulata'y isang buhay na duhagi
Isang buhay na di halos matatawag na sarili
Ang ganitong katayuan ay dagok pang sakdal tindi
Ang pagyao ng maaga ng ama at inang kasi
Mula noon ay siya na ang tuwirang kumandili
Sa lima niyang kapatid na noo'y di pa malaki.

VI

Sa kaniyang pagkataong sumilang na maralita
Ay malaki ang halaga ng paglikha at paggawa
Ang buhay sa kahirapa'y tinahak na may tiyaga
Isa siyang salaminan at ulirang manggagawa
Nag-ahente, bodegero, at iba pang gawang dukha
Ngunit laging ang damdaming makabaya'y nasa diwa.

VII

Nang ang ilang ilustradong Pilipino ay magsikap
Na ang ating himagsikan sa daigdig ay ihayag
Isa siyang pangunahin na sa bayan ay nagmulat
Upang itong ating bansa, sa kadena ay makalas
Siya'y hindi nanghinayang na ang buhay, dugo, lakas
Ay gugulin alang-alang sa dakilang mithi't hangad.

VIII

Ang maraming mamamayan noo'y laging nakamasid
Sa dilim na nakalambong sa buhay ng ating langit
Sa lakas ng pagdarasal ay ni hindi naligalig
Ang moog ng kasakimang sa bayan ay humahamig
Habang tayo'y dumaraing, sumasamo't tumatangis
Ang paggapas ng dayuha'y lalo lamang nahihigpit.

IX

Bawat gatang ng biyaya, bawat lawak ng lupain
Pag naisip na kinamkam, sapilitang kakamkamin
Ang tumutol ay erehe at ang bungo'y babasagin
Sa duyan ng katarungang - katarungan nang masalin
Ang may nais mabuhay ay marapat na limuting
Siya'y taong mayrong bansa't kalayaang dati'y angkin.

X

Ito'y siyang buhay noon, isang buhay na baligho
Isang buhay na tikis nang naubusan ng pagsamo
At ang tanging nalalabi'y ang alab na nasa puso
Lagablab na mag-uusig, mamuhunan man ng dugo
Ang dibdib ng inang baya'y nayayanig, kumukulo
At doon sa Pugad Lawin nabigkis ang ayo-ayo.

XI

Mula roon ay gumuhit ang sigaw na sakdal-lakas
Ang sigaw na sa dayuha'y nakatakot at gumulat
Himagsikan ay isa nang nagpupuyos na lagablab
Buhat doon, ang damdaming naglalatang ay kumalat
Itong bayang mahigit na tatlong siglong naghihirap
Sa uhaw na katarungan ay dugo ang iniluwas.

XII

At ang sanggol na lalaking ng lumaki'y bodegero
Sa bunton ng anakpawis, ngayo'y amang Bonifacio
Siya yaong walang gulat at patnubay na Supremo
Na sa buong kapulua'y kinilalang siyang ulo
Ang kaniyang kagitingan at makislap na talino
Ang talino't kagitingang di marunong manganino.

XIII

Datapuwa't anong sakit na hampas sa himagsikan
Ay gayon din sa malapit nang pag-ani ng tagumpay
Siya bilang siyang ama ng dakilang Katipunan
Ay inusig ng kanya ring mga anak na minahal
Sa ganitong pangyayari hanggang ngayo'y tila ayaw
Na magtapat ang matapat ngunit piping kasaysayan.

XIV

Kataksilan ang paratang na sa kanya'y inuusig
At pati na sa kaniyang isang tunay na kapatid
Kung tutuo ang paratang ay hindi ko maisulit
Kasaysayan ay alam kong sa sarili'y maglilinis
Ang tangi kong masasabi ay mapait sakdal sakit
Na sa likod ang tumudla ay punglo ng kapanalig.

XV

Nang ang mga pag-uusig at paglitis ay magwakas
Ubod bagsaik - kamatayan ang hatol na iginawad
Papatayin! Mamamatay ang ama sa Balintawak
Ang ama ng Katipunang ang pinasa'y anong bigat
Mamamatay ang lalaking nagpunla ng lahat-lahat
Mamamatay ang tagumpay ng hindi na mamamalas.

XVI

Nagpupuyos ang labanan, himagsikan ay patuloy
Ang laranga'y tila parang nagliliyab, nag-aapoy
Samantala ang ama ng Katipuna'y nakakulong
At sa kanyang alaala ang nagdaa'y nililingon
Naiiling ng mapait pag narinig ang dagundong
Ng punglo ng manlulupig at ng aping nagbbangon.

XVII

Noong buwan ng bulaklak, nalagas ang sampung araw
Nang banayad na mabuksan ang pintuan ng piitan
Ang Supremo't ang kapatid dinapit ng ilang kawal
Sa ilalim ng pinunong Komandante Macapagal
Ang utos na dala-dala ay sa sobre nasasarhan
Pagsapit ng Bundok Tala, doon lamang malalaman

XVIII

Ang Supremo ay sugatan, ang katawan ay mahina
Nang sila ay lumakad nang patungo sa Bundok Tala
Ang araw ay sakdal init datapuwa't nagluluksa
Sa ulap ng Bundok Buntis na ang sabi'y mahiwaga
Bundok Tala pag may ulap sang-ayon sa matatanda
Ay may salot na darating, pag malinis mabiyaya.

XIX

Nagpahinga sila noon sa paanan niyong bundok
Hinimok na ng Supremo na basahin yaong utos
Ang pinunong sabik na rin na ang utos ay matalos
Ay binuksan yaong sobre at ang laman ay hinugot
Ang laman ng kautusa'y parang kulog na pumutok
Sa pandinig ng Supremong sinakbibi ng himutok.

XX

Anang utos: Kumandante Macapagal iyong tupdin
Ang utos na ang bilanggong magkapatid ay patayin
Nang marinig ang ganito ang Supremo ay nagturing
Mandi'y lito; O, kapatid, ako'y inyong patawarin
Datapuwat ang pagsamo'y hindi lubos na pinansin
Mga kawal pinahanda at ang utos ay susundin.

XXI

Pelaton, preparen
Carguen, armas
Fuego

Mga putok, mga putok na pumutol sa pangwakas
Na talata ng buhay na gumanda sa paghihirap
Hanggang ngayon kapag yaong Bundok Buntis ay nag-ulap
Ay para kong nakikitang ang Sumpremo'y tumatawag
At tila ko naririnig na aniya - "Bayang Lingap"
Ang buto ko'y naririni't naghihintay ng liwanag.

(Si Francisco "Ka Kikoy" Baltazar ay isang lider-manggagawa at magsasaka, at ngayon ay nasa ika-90 taong gulang na)

Walang komento: