Huwebes, Enero 14, 2021

Kwento: Pagsalubong sa Bagong Taon


PAGSALUBONG SA BAGONG TAON
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

Sinasalubong ng mamamayan ng daigdig, saanmang bansa nagmula, anumang lahi ang pinanggalingan, anumang kulay ng kanilang balat, ang pagsapit ng Bagong Taon. Sinasalubong nila ito sa pamamagitan ng mga makukulay na paputok. Madalas na Enero a-Uno ng madaling araw ay ipalalabas na sa balita sa telebisyon ang mga Bagong Taon sa iba’t ibang panig ng mundo, na ang madalas ipakita ay pawang mga paputok.

Habang sa Pilipinas, mapapanood mo sa mga ulat sa telebisyon ang mga kabataang naputukan ng daliri. Halos taun-taon na lang ay nadarag-dagan ang bilang ng mga naputukan. Maaaring mas mababa ang bilang ng naputukan ngayon kumpara noong nakaraang taon subalit walang nabawas sa bilang. May Bagong Taon pang may nabaril na bata. Namatay. Ah, dapat ngang ipagbawal ang pagpapaputok ng baril pag Bagong Taon.

Tingnan natin ang kwento ng dalawang kakilala ko. Magkaiba sila ng dahilan kung paano sila nawalan ng daliri. Si Inggo ay nawalan ng daliri noong nakaraang Bagong Taon dahil naputukan ng malakas na paputok, iyon bang Goodbye Philippines kung tawagin. Kaya iyon, Goodbye Daliri rin siya. Si Igme naman ay nawalan ng daliri nitong nakaraang taon din lang, bagamat hindi Bagong Taon, Kalagitnaan ng taon nang maipit ng makina ang kanyang tatlong daliri, ang hintuturo, ang hinlalato at ang palasinsingan. Naiwan na lang sa kanya ang hinlalaki at kalingkingan. Ah, paano ba natin sinasalubong ang Bagong Taon? Nagtanong-tanong ako.

Sabi ni Aling Rosa, “Dapat sa media noche pa lang ay marami na kayong mga prutas na bilog sa inyong lamesa. Tapos, magsuot din kayo ng mga kamisetang may tatak o disenyong bilog-bilog. Ito kasi ang sabi ng mga matatanda sa amin noong araw. Swerte raw ang mga bilog-bilog.”

Ayon naman kay Mang Kiko, “Noong araw, noong bata pa kami, asayment namin sa eskwela ang pagsulat ng mga New Year’s resolution. Ginagawa naman namin, hindi ang pagsasabuhay ng resolusyon, kundi ‘yung asayment, para makapasa naman kami at tumaas ang grado.”

“Nagpapahula naman ako pag Bagong Taon,” ani Impong Nena, “Ano bang kakaharapin ko ngayong taon? Bakasakaling tumama sa lotto ang mga numero ko.”

“Alam mo, Utoy,” ani Tata Bestre, “Kaya nagpapaputok ang mga tao sa Bagong Taon, dahil sa paniwalang tinataboy nito ang mga masasamang espiritu, at mawala ang mga kamalasan. At salubungin natin ay swerte.”

Marami pang mga kwentong kaugnay sa Bagong Taon. At ito ang matindi, nang makausap ko na’y manggagawa, tulad ni Ka Pilo, isang lider-manggagawa at pangulo ng isang unyon ng manggagawa sa Pasig.

“Bagong Taon? Bagong petsa lang naman iyan sa kalendaryo. Pero lumang sistema pa rin! Kung nuong nakaraang dalawa o limang taon ay kontraktwal na manggagawa ka, kontraktwal ka pa rin naman ngayon. Hindi nasusunod ‘yung patakarang pag nakaanim na buwan ka na, dapat maging regular ka nang manggagawa. Kaya nga walang pagbabago sa Bagong Taon. Pagbabago lang iyan ng petsa, hindi pagbabago sa buhay at kalakaran ng bulok na sistema ng lipunan!” Ito ang mariing sinabi ni Ka Pilo nang aking makausap.

Ayon naman kay Ka Miguel, na kanyang bise-presidente sa unyon, “Wala talagang pagbabago kahit Bagong Taon. Tingnan mo na lang ang sahod ng manggagawa, napakababa kumpara sa sinasabing living wage sa Konstitusyon na dapat sahod na makabubuhay. Ano pa? Magkakaiba rin ang pasahod sa bawat rehiyon. Kung dito sa NCR ay P519 ang minimum wage o natatanggap ng manggagawa, sa Laguna ay P400 lang, sa Visayas ay P310 lang, at sa Davao ay P300 lang. Aba’y dahil iyan sa mga Regional Wage Board na nagtatakda ng sahod. Aba’y nakokontrol ng pamahalaan ang sahod ng mga manggagawa ngunit hindi nila makontrol ang presyo ng mga bilihin. Nakakapikon, di ba? Kaya anong ipagsasaya natin sa Bagong Taon maliban sa nagbagong petsa?”

“Kung nais nating ipagdiwang ang Bagong Taon,” hirit ko, “dapat pala bago na rin ang sistema. Pag naipanalo na ng uring manggagawa ang inaasam niyang pandaigdigang lipunang makatao, isang lipunang walang pang-aapi at walang pagsasamantala ng tao sa tao, isang lipunang nangangalaga sa kalikasan at kapaligiran, isang lipunang ang bawat isa’y nagpapakatao at nakikipagkapwa tao.”

“Iyan, tama ka, iho.” Sabi ni Ka Pilo, “Kaya patuloy tayong magmulat at mag-organisa upang makamit natin ang lipunan nating pinapangarap.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2021, pahina 13-14.

Walang komento: