Linggo, Mayo 9, 2021

Pagtahak sa landas ng tuwid at balintuna

PAGTAHAK SA LANDAS NG TUWID AT BALINTUNA

minsan, ako'y napadaan sa bookstore na Biblio
tila ako'y hinila roon ng isang magneto
naroon ang mukha ng idolong Edgar Allan Poe
makata't awtor ng katatakutan at misteryo

tiningnan ang mga librong mula sa ibang bansa
di makapili sa mga naggagandahang paksa
tila kaytagal nahimbing, muling nagsisimula
sa pagtahak sa landas ng tuwid at balintuna

nilibot ko ang paligid, ang paksa'y iba't iba
natitigan ko ang libro ng samutsaring kanta
binasa ang geometriya't trigonometriya
aaralin ang mga bituin sa astronomya

ah, nakabili lang ako ng mumurahing aklat
hinggil sa pulitika lalo't salapi'y di sapat
ramdam ko kasing napili ko'y nakapagmumulat
na baka balang araw ay aking maisiwalat

tila ba sa mga aklat ako'y sabik na sabik
habang sa aking diwa'y kayrami ng pahiwatig
nakakapagsuri't nasasagot ang mga hibik
upang maging matatag na tungko ng aking tindig

- gregoriovbituinjr.

Walang komento: