Biyernes, Hulyo 29, 2022

Kwento: Agam-agam sa nakaambang historical distortion


AGAM-AGAM SA NAKAAMBANG HISTORICAL DISTORTION
Maiking kwento ni Greg Bituin Jr.

Nakikinig ako sa usapan at pala-palagay ng marami hinggil sa nakaambang pagbabago sa kasaysayan. Ibig sabihin, pagbibigay ng bagong hugis sa kasaysayan upang pabanguhin ang mabantot na imahe ng namayapang diktador sa mata ng taumbayan, lalo na sa mga GenZ (edad 15-24) at mga talubata (edad 25-35) o yaong tinatawag na millennial (edad 25-39).

Sabi ng isang kakilala, “Hindi na naniniwala ang mga kabataan ngayon sa kung ano ang tunay na nangyari noong martial law. Mas pinaniniwalaan na ng mga kabataan ang history bilang tsismis tulad ng pananaw ng isang Ella Cruz na nag-viral sa socmed.”

Tugon ko naman, “Oo nga, eh.“ At napailing na lang ako.

Sabi pa ng isa, “Iyan na nga ba ang napala natin sa pagtanggap ng mga namuno sa atin sa neoliberalismo. Yaon bang matapos ang Unang Pag-aalsang Edsa, niyakap na ng ating pamahalaan ang globalisasyon. Pumasok tayo sa World Trade Organization (WTO), na siyang pagpalaot natin sa tatlong panganib ng deregulasyon, liberalisasyon at pribatisasyon. Aba’y wala na ngang kontrol ang pamahalaan sa presyo ng pandaigdigang petrolyo, dahil diyan sa Oil Deregulation Law. Dapat nang ibasura ang batas na iyan!”

“Oo nga,” sabi naman ng isang lider ng unyon, “Hindi makontrol ang presyo ng langis subalit kinokontrol ng pamahalaan ang presyo ng lakas-paggawa ng mga manggagawa dahil naman sa pag-iral ng mga Regional Wage Boards, kaya iba-iba ang pasahod sa bawat rehiyon. Kaya rin hindi maregular ang mga manggagawa ay dahil sa mga parasite na manpower agencies na dapat lang buwagin.”

Ika naman ng isa pa, “Wala namang ipinangako ang Edsa sa taumbayan, maliban sa mapatalsik lang ang pamilya ng diktador. Bakit? May nangako bang giginhawa ang buhay natin pag pinatalsik na ang diktador. Hindi ba, wala? Ispontanyong pagkilos iyon ng taumbayan na nagkaisa upang tapusin na ang kanilang pagdurusa sa ilalim ng martial law. Subalit walang nangako ng langit.”

Patuloy lang akong nakikinig sa kanilang usapan. Hanggang mabanggit ko kung ano ba ang dapat nating gawin sa napipintong pagbabago ng ating kasaysayan. Historical revisionism man ito o historical distortion. Natigilan kami ng ilang sandali. Paano nga ba sasagutin ang ganitong tanong, lalo na’t nauukol sa kasaysayan?

Maya-maya ay nagsalita ang isang may katandaan nang lalaki, na noong kabataan niya’y nakasama sa Unang Sigwa. Anya, “Hindi natin dapat payagang basta na lamang baguhin ang mga nakaraang pangyayari, at ituring itong gintong panahon, gayong kayraming mga iwinala, tinortyur, ikinulong at pinaslang noong panahong iyon. Babalewalain lang ba natin ang mga buhay na sinakripisyo ng maraming kababayan alang-alang sa pangarap nilang lipunan?”

“Narito na tayo sa puntong ang anak ng diktador ang nanalong pangulo ng ating bayan. Nanalo siya dahil o marahil sa napaniwala nila o ng mga trolls nila na gintong panahon ang panahon ng diktadura, na may bulto-bultong Tallano gold na pambayad ng utang ng bansa. Subalit alam nating ang mga ito’y  kasinungalingan. Ang maaari nating gawin ay isulat natin ng isulat ang anumang nangyari noong panahon ng karima-rimarim na martial law. Tangan nila ang pambura, subalit patuloy tayong magsulat. Huwag nating hayaang burahin nila ang alaala ng mga martir na nakibaka para sa kalayaan ng bayan mula sa kuko ng mapaniil na diktadura,”

Maganda ang kanyang payo, kaya nagpaalam akong may gabay na tangan sa puso’t diwa upang hindi mabalewala at hindi mabago ang totoong kasaysayan. Hindi tayo papayag na kasinungalingan nila ang mangingibabaw. Maraming salamat.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2022, pahina 18-19

Walang komento: