Biyernes, Oktubre 14, 2022

Kwento - Anong lamig ng katanghaliang tapat

ANONG LAMIG NG KATANGHALIANG TAPAT
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Makulimlim ang langit. Tila nagbabanta na naman ang malakas na ulan. Narinig nga ni Aling Ligaya sa radyo na may bagyong paparating.

“Hoy, Luningning,” sabi niya sa anak, “ipasok mo na ang mga sinampay at mukhang uulan na. Nangingitim na ang mga ulap. Itaas na rin natin ang mga gamit at baka magbaha, tulad ng naranasan nating Ondoy noon, na biglaan. Nagulantang na lang tayong basa na lahat ng ating kagamitan.”

Naalala pa niya ang mga nakaraan. Kung paanong dinaklot ng Ondoy ang kanilang kabuhayan, Setyembre 26, 2009, labingtatlong taon na ang nakararaan. Sinasabi ng mga eksperto na dahil dito’y nagbabago na nga ang klima. Habang noong Nobyembre 8, 2013 ay nanalasa ang Yolanda sa pinanggalingang lalawigan na higit limang libong katao ang namatay.

Kamakailan lang ay dumalo sila sa patawag na pag-aaral ng grupong Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), kung saan tinalakay kung bakit nga ba nagbabago ang klima, at anong dapat nating gawin.

Naalala ni Aling Ligaya ang sinabi ng isang tagapagtalakay nito, na may mga usapan na sa pandaigdigang saklaw. “Nakikipaglaban at nagrarali tayo upang ipanawagan sa maraming bansa sa mundo na huwag nang paabutin pa sa 1.5 degree Celsius ang pag-iinit pa ng mundo. Noon ngang Okrubre 2018 ay sinabi na ng mga siyentipiko na labingdalawang taon na lang ang nalalabi upang ayusin natin ang mundo, kundi’y mapupunta na tayo sa tinatawag na ‘point of no return’ o hindi na tayo makakabalik sa dati. Baka lumubog na ang maraming isla. 2022 na, kaya walong taon na lang. Dapat tigilan na ang paggamit ng mga fossil fuel at pagsusunog ng coal, lalo na iyang nakakahumalingan nila ngayong natural gas, na lalong magpapalala sa pagbabago ng klima, at lalo pang pag-iinit ng mundo.”

Tinanong pa niya noon, “Ano pong dapat nating gawin, lalo na kaming mga maralita, na wala namang kakayahan upang makausap ang mga sinasabi ninyong lider ng mga bansa. Pagkain pa nga lang ay hirap na kami kung saan kukunin. Tapos, mananawagan pa kami ng climate justice?”

“Maganda ang tanong mo,” sabi ng tapapagtalakay, “Hindi totoo na dahil mahirap lang kayo ay wala kayong magagawa. Kung marami tayong sama-samang kikilos at mananawagan ng Climate Justice, at ang ating panawagang mag-shift na tayo sa renewable energy, mas maiparirinig natin ang ating tinig dahil sama-sama tayong nananawagan. Ang inyong pagdalo sa ating mga pagkilos ay malaking bagay na.” Tumango siya habang ramdam niya ang sagad sa butong lamig ng katanghaliang tapat.

Nasa gayon siyang pagmumuni nang naglagitikan na sa bubungan ang mga malalaking patak ng ulan. Kaluluto pa lang niya ng pananghalian ngunit hindi pa sila kumakain nang manalasa na ang bagyong Karding.

Binabaha pa naman ang kanilang lugar sa kaunting tikatik pa lamang. Barado na kasi ang kanal dahil sa mga basurang plastik, na kung kaya lang gawin ng pamahalaan ang tungkulin nito ay hindi sana sila binabaha. Iba pa ang usaping klima, na dahilan naman ay mga maruruming enerhiya.

“Nay, akyat na kayo dito sa ikalawang palapag ng bahay. Bumabaha na po!” Hinakot naman ni Aling Ligaya ang iba pang gamit upang dalhin sa itaas na silid. Buong tanghaling tapat na umulan. Mabuti’t tumila agad ang ulan at hindi nabuo ang kinatatakutang bagyo sa kanilang lugar.

Kinahapunan ay tinawagan si Aling Ligaya ng nagtalakay sa kanila noon hinggil sa klima. May pagkilos kinabukasan. Sumang-ayon naman si Aling Ligaya na isasama niya ang kanyang anak at ilang kapitbahay sa nasabing pagkilos.

Kinabukasan, sa tapat ng tanggapan ng Asian Development Bank (ADB), kasama ang ibang grupo, ay nakiisa sila sa panawagang huwag nang pondohan ng ADB ang mga dirty energy, tulad ng fossil fuel, coal at natural gas dahil palalalain lang nito ang pag-iinit pang lalo ng mundo,

Naging tagapagsalita ang kanyang anak na si Luningning, na nagsabi, “Saksi po ako sa mga nagaganap na pagbabago ng klima, dahil sa Ondoy at Ulysses, na kung ititigil ang pagpopondo sa mga fossil fuel ay baka bumuti pa ang ating kalagayan. Mag-shift na tayo sa renewable energy!”

Magaling nang magsalita ang kanyang anak, at nadama ni Aling Ligaya na mula sa puso at karanasan ang sinabi ni Luningning. “Tiyak magiging mabuting lider balang araw ang aking anak,” ang nasasaisip niya.

Natapos ang pagkilos, na ang nadarama ng kanilang kapitbahay ay pagmamalaki, dahil ang dalagitang tulad ni Luningning ay tulad ng isang bayaning pinaglalaban ang kinabukasan ng bayan at kanilang henerasyon.

Alam nila, mararanasan pa rin nila ang init ng katanghaliang tapat.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 1-15, 2022, pahina 18-19.

Walang komento: