REDTAGGING
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
“Hoy, alam n’yo ba na na-redtag daw si Mang Gusting, kaya hindi niya alam ang gagawin. Kaya nagpapahanap ng abogado upang ipagtanggol ang kanyang sarili.” Agad na balita ni Mang Igme.
“Nakupo,” ang tugon ni Aling Ligaya. “Mahirap iyan, alam n’yo naman na pag na-redtag ka ay para na ring may nakatutok na bala sa ulo mo. Pagbibintangan ka nang komunista, at baka likidahin ka na rin ng mga terorista, ‘yun bang mahilig sa tokhang. Lagot siya sa mga asong ulol na naglalaway sa gatilyo. Sana’y mag-ingat si Mang Gusting.” Dating unyonista si Mang Gusting at ngayon ay lider maralita.
“Tama po kayo, pagkat mura na lang ang buhay ngayon. Di ba’t nung nakaraang administrasyon ay libu-libo ang natokhang, na pinatay nang walang kalaban-laban, at sinasabing nanlaban daw kaya pinatay. Hay, naku! Lalo na iyang redtagging na iyan. Nakakatakot!” sabi ni Mang Kulot.
“Kaya anong maipapayo natin kay Mang Gusting?” ani Mang Igme.
“Aba’y kausapin natin si Attorney kung anong dapat gawin. Aba’y nakakaawa naman ang ating kasamahan kung ganyang sa araw-araw na lang ay kinakabahan dahil sa maling paratang sa kanya,” dugtong naman ni Aling Ligaya. “Iyan lang sa ngayon ang ating magagawa.”
Kaya kinausap nila si Mang Gusting upang pumunta kay Attorney. “Ano kaya kung samahan ka namin upang matiyak namin na makakausap mo siya? Aba’y kaligtasan mo na ang nakasalalay dito. Baka isang araw ay matagpuan kang nakahandusay na lang sa kalye at may tama ng bala.”
“Mga siraulo ang nangre-redtag na iyon. Mga naglalaway sa dugo. Akala’y kabayanihan ang kanilang ginagawa para sa bayan kundi pagiging salot at kawalanghiyaan!” ang himutok ni Mang Gusting.
“Naririyan na iyan,” sabi ng kanyang asawang si Aling Luningning, “di na panahon ng paghihimutok ngayon kundi ng pagtatanggol sa ating karangalan. Harapin natin iyan, mahal ko. Dahil kung di natin haharapin iyan ay baka mamihasa ang mga damuho at marami pang mabiktima!”
Buong puso ang suporta ng kanyang asawa. “Batid natin ang ating mga karapatan. Ang nais nila’y patahimikin ka sa pagtatanggol sa mga karapatang iyan. Mga karapatang matagal nang ipinaglaban ng ating mga ninuno upang lumaya tayo sa kamay ng mga halimaw na dayuhan at tusong mangangalakal. Ngayon ka pa ba susuko? Huwag. Lalaban tayo!”
Kaya nagplano na silang tumungo para makipag-usap kay Attorney upang hingan ng payo. Sinabihan silang kumuha ng ebidensya na ilalabas upang may patunay kung paano siya na-redtag, at iyon ang ipi-presenta sa mungkahing presscon. “Nais nating mabulgar at mapanagot ang mga gumagawa ng ganyang krimen. Isang krimen na ang pananakot na iyan, ang pangre-redtag na iyan, na maaaring magresulta ng hindi magandang pangyayari, o kaya’y kamatayan.” Ito ang payo ni Attorney.
Kaya nang makakuha sila ng footage ng bidyo kung saan binanggit ang pangalan ni Mang Gusting, iyon na ang gagamitin nilang ebidensya upang makasuhan ang mga nangre-redtag sa kanya. “Si Mang Gusting ay kasapi ng armadong grupong CPP-NPA kaya siya’y terorista!” ang sabi sa bidyo.
“Matagal ka nang aktibista, Gusting, mula noong ating kabataan. Alam kong ipinaglalaban lang natin ang malayang karapatan na magpahayag, magsalita, mag-organisa, hustisya sa mga api’t pinagsasamantalahan, tulad din ng ipinaglaban noon ng Katipunan. Kaya alam kong hindi mo isusuko nang basta na lang ang prinsipyo mo sa mga halimaw na nangre-redtag at nais magpatahimik sa iyo. Huwag kang susuko, mahal ko.”
Sa araw ng presscon ay sinabi ni Attorney, “Hindi mali ang maging aktibista. Kaya may aktibista tulad ni Mang Gusting ay dahil may mali.”
At ipinahayag naman ni Mang Gusting, “Tayo ay nasa isang malayang bansa, na ginagarantiyahan ng ating Konstitusyon ang mga karapatan natin bilang malayang tao, bilang mamamayan, at kahit bilang aktibista, dahil mismong mga demokratikong karapatan natin ay nakaukit sa mga pandaigdigang kasunduan tulad ng Universal Declaration of Human Rights, International Covenant on Civil and Political Rights, at mismong Bill of Rights sa ating Konstitusyon. Walang labag sa ginagawa naming pagtatanggol sa karapatan ng mga manggagawa’t maralita. Wala kaming armas kundi ang aming paninindigan. Hindi kami papayag na sirain lamang ng mga halimaw na iyon ang aming dignidad at karapatang matagal na naming ipinaglalaban. Ang salot na pangre-redtag ang isang patunay kung bakit dapat baguhin na ang bulok na sistema!”
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 1-15, 2022, pahina 18-19.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento