ANG PANUNTUKAN O PINOY BOXING
Saliksik, sanaysay, at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
Isang katutubong anyo ng boksing umano ng Pinoy ay tinatawag na "panuntukan". Tiyak na mula ito sa salitang "suntok" na nilagyan ng unlaping "pan" at hulaping "an". Mula sa "pansuntukan' ay uminog ito sa "panuntukan". Hmmm, magandang salita, na maaari nating masabing wastong salin ng boxing sa wikang Filipino.
Malaki umano ang impluwensya ng panuntukan sa Western boxing. Ayon sa isang guro ng eskrima at dating amateur na kampyong boksingero na si Luckly Lucaylucay: "The English style of boxing would almost always lose to the Filipino style," at idinagdag pa niya, "It was just vastly sophisticated." Ang apelyido niyang Lucaylucay ay Pinoy, na sa pananaliksik natin sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 719, ay ganito ang nakasulat: lukay-lukayan [Sinaunang Tagalog]: tanikalang ginto.
Sa kanyang tinuran, aba'y ganoon pala katindi ang panuntukan ng Pinoy. Narito ang isang talatang sinulat ni Perry Gil S. Mallari kung saan binabanggit ang panuntukan, na nalathala sa magasing Rapid Journal, Vol. 6, No. 2, (Book 20, Taon 2001), pahina 45:
Filipino Martial Arts Influence
The Filipino martial arts and Western boxing crossed their paths in the island of Hawaii during the 1920s. Hawaii then, was a volatile territory and a great melting pot of cultures and martial arts. Filipinos in Hawaii during that time practiced their own indigenous form of boxing called panuntukan, whose movements are derived from knife fighting. In an interview conducted by Lilia Inosanto Howe, escrima master and former boxing amateur champion, Luckly Lucaylucay recounted how the Filipino method performed against the established form of Western boxing of that period: "The English style of boxing would almost always lose to the Filipino style," says Lucaylucay, "It was just vastly sophisticated." Thus, after experiencing the efficacy of the Filipino strategy, visiting serviceman and boxers adapted the panuntukan concept. Some believe that the Filipino ingredient aided the transition of boxing's body mechanics from a rigid straight-forward structure to a more fluid and alive form.
Narito naman ang malayang salin ko ng nabanggit na talata:
Impluwensya ng Filipino Martial Arts
Nagkurus ang landas ng Filipino martial arts at Western boxing sa isla ng Hawaii noong 1920s. Ang Hawaii noon, ay hindi pa matatag na teritoryo at lugar na malawak ang paghahalu-halo ng mga kultura at sining-paglaban o martial arts. Ang mga Pilipino sa Hawaii noong panahong iyon ay nagpapraktis ng kanilang sariling katutubong anyo ng boksing na tinatawag na panuntukan, na ang mga galaw ay hango sa pakikipaglaban gamit ang kampit o kutsilyo. Sa isang panayam na isinagawa ni Lilia Inosanto Howe sa escrima master at dating boxing amateur champion na si Luckly Lucaylucay, ikinwento nito kung paano isinasagawa ang pamamaraang Pilipino laban sa matatag na anyo ng Kanluraning boksing noong panahong iyon: "Ang istilong Ingles ng boksing ay halos palaging natatalo sa istilong Pilipino. ," sabi ni Lucaylucay, "Ito ay napaka-sopistikado." Kaya naman, matapos maranasan ang bisa ng istratehiyang Pinoy, niyakap na ng mga dumadalaw na kawal at boksingero ang konsepto ng panuntukan. Naniniwala ang ilan na ang sangkap na Pilipino ay tumulong sa paglipat ng mekanika ng katawan ng boksing mula sa isang matibay na tuwid na istraktura patungo sa isang mas magalaw at buhay na anyo.
Sinubukan kong ilapat sa tula ang naturang saliksik:
PANUNTUKAN
isa palang anyo ng taal na sining-paglaban
ang noon pa ma'y tinatawag nilang panuntukan
ginamit noon sa Hawaii ng mga kababayan
marahil ay salin ng boxing sa kasalukuyan
di nga raw manalo ang kanluraning boksing dito
sa estratehiya't galawan ng ating kamao
na mula sa sining-tanggol na gamit ang kutsilyo
mapapahanga ka sa dagdag-kasaysayang ito
mula salitang ugat ng panuntukan na suntok
kung paanong wikang ugat ng panuluka'y sulok
habang historya'y binasa, kayraming naaarok
panuntukan kaya'y ilan ang noon inilugmok?
salamat sa kasaysayang dapat ipamahagi
taal na salitang buhay pa't dapat manatili
sining na patunay na di tayo basta pagapi
sa sinumang sa atin ay basta mang-aaglahi
08.22.2023
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento