Martes, Pebrero 27, 2024

Ang karapatan sa paninirahan sa komiks na Bugoy ni Mang Nilo

ANG KARAPATAN SA PANINIRAHAN SA KOMIKS NA BUGOY NI MANG NILO
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi masasabing lagi na lang patawa ang komiks na Bugoy ni Mang Nilo. Sapagkat sa isyung Pebrero 27, 2024 ng pahayagang Pang-Masa, pahina 7, ay hindi siya kumatha ng komiks na ikatatawa ng tao. Bagkus ay katha ng paglalarawan ng paninirahan ng ibon at tao. Kumbaga, isa iyong pabula na pinagsalita niya ang ibon sa ikatlong kahon ng comics strip.

Naglalarawan ng awa sa naganap na kawalan ng tahanan.

Sa unang kahon ay sinabi ng tao sa kanyang sarili, "Kawawang ibon... Walang masisilungang bahay."

Sa ikalawang kahon ay pagkidlat, at pagkakaroon ng malakas na bagyong naging dahilan upang lumubog ang bahay ng tao, na inilarawan sa ikatlong kahon, kung saan ibon naman ang nagsabi, "Kawawang tao... Lumubog ang bahay!"

Walang nakakatawa, subalit ipinakita ng komiks ang kaibahan ng tao at ibon nang mawalan ang mga ito ng bahay. Ipinakita ang isang katotohanan, na bagamat hindi natin nakikitang nagsasalita ang ibon, maliban marahil sa loro, na naaawa sila sa isa't isa pag nawalan ng tahanan.

Ang ibon ay walang punong masilungan, habang ang tao ang lumubog ang bahay dahil sa bagyo't baha.

Anong gagawin sa ganitong kalagayan? May mga taong nawalan ng tahanan dahil dinemolis, habang ang iba'y itinapon sa malalayong relokasyong malayo sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay.

Kung naitapat pa ang nasabing komiks sa petsang Oktubre 10, masasabi nating itinapat ng may-akda sa World Homeless Day ang kanyang comics strip.

Subalit paano ba natin masasabing may sapat na pabahay o masisilungan ang tao. May batayan para sa maayos at sapat na pabahay na binabanggit sa dokumento mismo ng United Nations (UN) Committee on Economic, Social and Cultural Rights (ESCR). Ito'y nakasaad mismo sa General Comment No. 4 (1991) at General Comment No. 7 (1997) ng nasabing komite. Tinalakay din ito sa Fact Sheet 21 na may pamagat na "The Human Right to Adequate Housing" bilang bahagi ng World Campaign for Human Rights. Narito ang pitong sangkap upang tiyakin ang karapatan sa sapat na pabahay.

1. Ligal na Seguridad sa Paninirahan (legal security of tenure) - isa itong legal na anyo ng proteksyon na magtitiyak sa paninirahan ng mamamayan sa kanilang tahanan at komunidad;

2. Matatamong serbisyo, materyales at imprastraktura (availability of services, materials and infrastructure) - madaling maabot ang likas-yaman, ligtas na inuming tubig, gas sa pagluluto, kuryente, sanitasyon at labahan, tinggalan ng pagkain, tapunan ng dumi at mga serbisyong agarang kailangan (emergency services);

3. Kayang-kayang matamong paninirahan (affordable housing) - hindi dapat magamit sa gastusin sa pagpapagawa at pagpapayos ng bahay ang salaping nakalaan na para sa pagkain, edukasyon at pananamit;

4. Bahay na matitirahan (habitable housing) - ang bahay ay may sapat na espasyo. maluwag para sa titira, may bentilasyon, at yari sa matitibay na materyales na magtitiyak na ang mga titira sa bahay na iyon ay madedepensahan laban sa lamig, init, hamog, ulan, hangin, o anumang banta sa kalusugan, mapanganib na istruktura at sakit;

5. Kayang puntahang pabahay (accessible housing) - madaling puntahan ang lugar at unahin sa mga proyektong pabahay ang mga biktima ng kalamidad, mga may kapansanan, at iba pa;

6. Lokasyon (location) - ang pabahay ay dapat malapit sa lugar ng trabaho at mga serbisyong panlipunan tulad ng eskwelahan, palengke, ospital, libangan, libingan, at iba pa;

7. Sapat na pangkulturang pabahay (culturally adequate housing) - ang disenyo ng pabahay ay dapat na may paggalang sa identidad o kultura ng mga naninirahan, halimbawa'y tribung lumad, muslim o kristyano.

Paano naman ang pabahay sa panahon ng nagbabagong klima, tulad ng naganap na Ondoy at Yolanda, na talagang umugit ng kasaysayan ng trahedya sa ating bansa? halina't tunghayan natin ang ulat ng Special Rapporteur na nalathala sa website ng United Nations Human Rights Office of the High Commissioner. 

The right to adequate housing in disaster relief efforts (2011)

The report of the Special Rapporteur on the right to adequate housing assesses human rights standards and guidelines relevant to an approach to disaster response based on the right to adequate housing and discusses some existing limitations. It elaborates upon key challenges relating to the protection and realization of the right in disaster response: inattention to or discrimination against vulnerable and disadvantaged groups; the overemphasis on individual property ownership and the associated difficulty to recognize and address the multiplicity of tenure forms equally in restitution and recovery programmes; the risks of approaching post-disaster reconstruction predominantly as a business or development opportunity that benefits only a few; and limitations in existing frameworks for reconstruction and recovery.

(Ang karapatan sa sapat na pabahay sa mga pagsisikap sa pagtulong sa kalamidad (2011)

Sa ulat ng Espesyal na Rapporteur sa karapatan sa sapat na pabahay, tinatasa ang mga pamantayan ng karapatang pantao at mga alituntunin kaugnay sa paano ang pagtugon sa kalamidad batay sa karapatan sa sapat na pabahay at tinatalakay ang anumang umiiral na limitasyon. Ipinapaliwanag nito ang mga pangunahing hamon na may kaugnayan sa proteksyon at pagsasakatuparan ng karapatan sa pagtugon sa kalamidad: kawalan ng atensyon o diskriminasyon laban sa mga bulnerable at grupong may kahinaan; ang labis na pagbibigay-diin sa pagmamay-ari ng indibidwal na ari-arian at ang kaugnay na kahirapang kilalanin at tugunan ang maramihang mga anyo ng panunungkulan nang pantay-pantay sa mga programa sa restitusyon o pagsasauli at rekoberi o pagbawi; ang mga panganib ng rekonstruksyon matapos ang kalamidad na gawing negosyo o pagkakataon sa pag-unlad na nakikinabang lamang sa iilan; at mga limitasyon sa umiiral na mga balangkas para sa rekonstruksyon at pagbawi.)

Mayroon ding batas hinggil sa animal welfare, kung titingnan nating ang mga ibon ay animal din, at hindi lang ang mga may apat na paa, tulad ng aso, pusa, baboy, kalabaw, baka, leyon, tigre, at iba pa. 

Halina't basahin natin ang Seksyon 1 ng  Batas Republika 8485 ng ating bansa, na mas kilala ring "The Animal Welfare Act of 1998": It is the purpose of this Act to protect and promote the welfare of all animals in the Philippines by supervising and regulating the establishment and operations of all facilities utilized for breeding, maintaining, keeping, treating or training of all animals either as objects of trade or as household pets. For purposes of this Act, pet animal shall include birds."

Salin sa wikang Filipino: Layunin ng Batas na ito na protektahan at itaguyod ang kapakanan ng lahat ng mga hayop sa Pilipinas sa pamamagitan ng pangangasiwa at pagsasaayos sa pagtatatag at pagpapatakbo ng lahat ng pasilidad na ginagamit para sa pagpaparami, pagpapanatili, pag-iingat, paggamot o pagsasanay ng lahat ng mga hayop, ito man ay para sa kalakalan o kaya'y bilang mga alagang hayop sa bahay. Para sa mga layunin ng Batas na ito, dapat isama sa alagang hayop ang mga ibon.

Malinaw na kasama ang mga ibon sa dapat protektahan ng tao. Kaya ang mga karapatang ito sa paninirahan ng tao at ng mga hayop ay dapat nating batid at igalang. Ginawan ko ng tula ang paksang ito:

ANG TAHANAN NG TAO AT NG IBON SA KOMIKS NI MANG NILO

di patawa lang ang komiks na Bugoy ni Mang Nilo
pagkat nagtalakay ng paksang sosyo-politiko
sa kanyang ideya ay mapapahanga kang totoo
pagkat mapapaisip ka sa paksang ikinwento

hinggil ito sa karapatan sa paninirahan
ng mga tao, ng hayop, ng ibon, ng sinuman
ang food, clothing, shelter nga noon ay napag-aralan
sa eskwela na pangunahing pangangailangan

Tao: "Kawawang ibon... walang masilungang bahay."
sa kanyang sinabi'y tila di siya mapalagay
tapos ay bumagyo, baka may bahay pang natangay
anang Ibon: "Kawawang tao... lumubog ang bahay!"

mabuhay si Mang Nilo sa komiks niya't ideya
simple lang subalit nakakapagmulat talaga
bagamat komiks, ito'y may aral, hindi patawa
pagpupugay po, Mang Nilo, at sa dyaryong Pang-Masa!

02.27.2024

Pinaghalawan:
pahayagang Pang-Masa, Pebrero 27, 2024, pahina 7

Walang komento: