Linggo, Hulyo 14, 2024

Kwento - Bakit laban din ng maralita ang sahod, eh, wala nga silang regular na trabaho?

BAKIT LABAN DIN NG MARALITA ANG SAHOD, EH, WALA NGA SILANG REGULAR NA TRABAHO?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pulos diskarte na lang ang mga maralita, o yaong mga mahihirap, isang kahig, isang tuka. Lalo na’t wala naman silang regular na trabaho. Nariyan ang mga nagtitinda ng bananakyu at kamotekyu, ng mga tuhog-tuhog tulad ng pusit, isaw, atay, at barbekyu. May pedicab driver, barker sa dyip, atbp. Ang matindi ay ang mga nagbabantay ng tinapong pagkain mula sa mga fastfood, pinipili ang pwede pa, pinapagpag, hinuhugasan, saka muling iniluluto upang maging pamatid-gutom ng kanilang pamilya.

Ang karamihan ay pawang dating manggagawang kontraktwal, na matapos ang kontrata, ay hindi na nakabalik sa kanilang trabaho, at nauwi na lang sa pagtitinda, magbabalut, o dumiskarte sa kalsada. Dating may tiyak na sinasahod, subalit ngayon ay kumikita na lang sa diskarte sa araw-araw. Noong nasa pabrika pa sila, bagamat kontraktwal, ay may regular na sahod sa loob ng limang buwan nilang kontrata. Ngayong natapos na ang kontrata at hindi na sila kinuhang muli ng kumpanya, wala na silang sahod.  Ang iba’y natutong mamasada ng traysikel o dyip. Hanggang nagtungo sa kanila ang isang dating katrabaho, si Igme,  upang hingan ng tulong sa kampanya para sa pagtaas ng sahod.

Nagtanong si Inggo, “Kasamang Igme, wala na kaming regular na trabaho ngayon, kaya wala na rin kaming regular na sahod. Kumikita na lang kami sa pabarya-baryang diskarte sa kalsada. Ako nga ay naglalako na lang ng mani sa araw at penoy-balot at tsitsarong bulaklak sa gabi. Bakit sasama ako sa pangangampanya at pagkilos para sa dagdag-sahod gayong wala na akong sweldo? Pasensya na. Di ko lang maintindihan.”

Sumabad naman si Isay, katabi ang katsikahang si Ines, na dati ring katrabaho ni Igme, “Ako rin ay nahihiwagaan. Dapat ilinaw sa amin ang panawagang iyan. O baka dahil wala nang manggagawang sumasama sa pagkilos ninyo ay yaong mga hindi na manggagawa ang napapakiusapan ninyong sumama sa laban na iyan? Ano ba talaga, Igme?”

Sumagot naman si Igor na kasama ni Igme sa pangangampanya para sa dagdag-sahod. “Hindi naman sa ganoon, Isay. Sa totoo lang, ang laban sa sahod ng mga manggagawa ay laban din ng maralita. Alam n’yo kung bakit? Pag tumaas ang sahod ng mga manggagawa, may sapat na siyang pambili ng pangangailangan. Kanino naman karaniwang bumibili ang mga manggagawa, kundi sa mga vendor na katulad ninyo, sa kagaya nating maralitang nabubuhay ng marangal. Kaya iikot ang ekonomiya natin dahil sa ating pag-uugnayan. Isa pa, umuuwi ang mga manggagawa sa komunidad ng maralita. Iisa lang ang ating interes, ang guminhawa ang buhay nang walang pinagsasamantalahan, walang inaapakan, walang kaapihan, at walang pagsasamantala ng tao sa tao.  Sino pa bang magtutulungan kundi tayong walang pribadong pag-aari kundi  ang ating lakas-paggawa.”

“Sabagay, tama ka naman, Igor. Isa rin iyan sa napag-aralan namin noon sa pabrika. May polyeto ba kayong dala?” Sabi ni Aling Isay. 

Sumagot si Igme, “Meron. Mungkahi ko, magpatawag na tayo ng pulong upang masabihan ang mga kapitbahay hinggil sa isyu ng sahod at nang maipaunawa sa kanilang kahit tayo’y maralita ay laban din natin ang laban ng manggagawa, lalo na sa isyu ng sahod! Magandang ipatampok ang usaping magkakauri tayo, hindi burges, hindi kapitalista, kundi KAURI! Mungkahi ko, sa araw ng Linggo, ikalawa ng hapon, ay magdaos dito ng pulong dahil narito ang mga manggagawa.”

Kumasa sina Isay. “Sige, sa pulong sa Linggo, dadalo kami.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 1-15, 2024, pahina 18-19.

Walang komento: