LABANAN ANG KATIWALIAN!
katiwalian ba'y paano lalabanan?
ng mga wala naman sa kapangyarihan
ng mga ordinaryong tao, mamamayan
ng kagaya kong naglulupa sa lansangan
iyang katiwalian ay pang-aabuso
ng pinagtiwalaan mo't ibinoto
para sa pansariling pakinabang nito
pondo ng bayan ang pinagkunang totoo
paano ba tayo magiging mapagbantay?
upang katiwalian ay makitang tunay!
paano ba bawat isa'y magiging malay?
na may korapsyon na pala't di mapalagay
ang mga tiwali'y paano mahuhuli?
kung krimen nila'y pinagmumukhang mabuti?
kung may mansyon na ba't naggagandahang kotse?
kung serbisyo'y negosyo na, imbes magsilbi?
dahil sa ghost flood control projects at pagbahâ
kayâ katiwalia'y nabatid ng madlâ
habang mayayama'y masaya't natutuwâ
dahil sa nakurakot sa kaban ng bansâ
salamat sa mga dumalo sa Luneta
at Edsa, pinakitang tumindig talaga
laban sa katiwalian at inhustisya
pagpupugay sa lahat ng nakikibaka!
- gregoriovbituinjr.
09.26.2025
* unang litrato mula sa google
* ikalawa'y kuha ng isang kasama
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento