Miyerkules, Hulyo 31, 2019

Ang mga maikling kwento ni Ohyie Purificacion

ANG MGA MAIKLING KWENTO NI OHYIE PURIFICACION
Maikling Sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Isa sa mga magagaling na manunulat para sa uring manggagawa si kasamang Ohyie, o Ma. Lorena Purificacion. Isa siyang dating pangulo ng unyon sa kumpanya ng Noritake, ang Noritake Porcelana Labor Union (NPLU) na isa sa kasaping unyon ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Bukod sa kanya ay may dalawa pang kasamang manunulat ang may natipon ding mga sulatin - ang gurong si Prof. Ramon Miranda, na isa sa best man ko sa kasal, at si Ka Jhuly Panday na nasa Partido Lakas ng Masa. At kung makakapag-ipon tayo ng sapat na sulatin para maisaaklat ang kanilang mga naipong akda ay ilalathala natin ang mga iyon bilang aklat. Ito naman ay sa pamamagitan ng pinangangasiwaan kong Aklatang Obrero Publishing Collective.

Anim ang maikling kwento, dalawang tula at isang sanaysay ni kasamang Ohyie ang natipon ko. Dalawang kwento niya ang nalathala sa magasing PUGON ng Noritake Porcelana Labor Union. Apat na maikling kwento naman niya ang nalathala sa magasing ANG MASA na inilathala ng Partido Lakas ng Masa mula Nobyembre 2011 hanggang Mayo 2012.

Nalathala sa PUGON ang kanyang maikling kwentong "Anay at Bukbok" at "Minsan, sa Luneta". Nalathala naman sa magasing ANG MASA ang kanyang maikling kwentong "Ang Huling Biyahe ni Margie" (Nobyembre-Disyembre 2011), Si Mina (Disyembre 2011 - Enero 2012), Si Violy (Pebrero-Marso 2012), at Si Hanna, at si Lilly (Abril-Mayo 2012). Inilagay ko ito sa kawing na http://mgaakdaniohyie.blogspot.com/ blogsite ng kanyang sulatin na ako na ang lumikha, sa layuning hindi na ito mawala.

Mayroon din siyang sanaysay na pinamagatang "Kumusta na ang mga manggagawa", at dalawang tulang pinamagatang "Ang Mundo ay Triyanggulo" at "Ang Manggagawa".

Anim na makabuluhang maiikling kwento hinggil sa buhay sa pabrika, buhay ng manggagawa, buhay ng kababaihan, na tiyak na kagigiliwang basahin ng madla. Anim na kwentong nararapat mapasama sa panitikang Pilipino.

Kung hindi nagsara ang magasing Ang Masa dahil sa kawalan ng pondo, marahil ay nasa apatnapu o limampu na ang kwentong naisulat ni kasamang Ohyie. At maaari na itong maisalibro.

Nawa'y makapagsulat pa si kasamang Ohyie ng makabuluhan at napapanahong maiikling kwento ng buhay, lalo na sa panahon ng tokhang, kontraktwalisasyon, at paninibasib ng globalisasyon sa kabuhayan ng mamamayan. Alam kong kaya ni kasamang Ohyie na isulat ang mga ito. Marahil kailangan muli ng malalathalaang magasin o pahayagan upang sumipag muli si kasamang Ohyie sa pagsusulat. 

O kaya naman, may mga naisulat na talaga siyang maiikling kwento pa, subalit nakatago lamang dahil walang maglathala. Sana'y marami pa siyang naipong kwentong dapat malathala dahil ang talento ng tulad niyang dating lider ng unyon ng manggagawa ay hindi dapat maitago na lamang.

Napapanahon na upang malathala ang kanyang mga kwento sa isang aklat at bibilhin natin ito sa National Book Store, Power Books, Fully Booked, Book Sale, Popular Book Store, at iba pa.

Malaking ambag sa panitikang manggagawa at sa panitikang Pilipino ang kanyang mga sulatin.

Martes, Hulyo 23, 2019

Maralita at Kontraktwalisasyon

MARALITA AT KONTRAKTWALISASYON
Sinulat ni Greg Bituin Jr.

Pabor ba sa maralita ang kontraktwalisasyon dahil kahit papaano'y nakakasingit siya ng trabaho kahit 5-months, 5-months lang? Hindi naman magkalayo ang bituka ng manggagawa at maralita upang gustuhin ng maralita ang maging kontraktwal kaysa naman walang trabaho. Nais ba ng maralita ng mumo kaysa walang makain? Bituka ba at hindi karapatan kaya nais niyang maging kontraktwal? Sawa na siya sa 555 na sardinas, ngayon ay nais niyang magtrabaho ng 5-5-5 months bilang kontraktwal.

Maraming benepisyo at katiyakan sa trabaho (security of tenure) ang mga benepisyong hindi tinatamasa ng mga manggagawang kontraktwal. Na hindi rin tatamasahin ng maralitang naging manggagawang kontraktwal.

At ang maralitang kontraktwal ay magiging manggagawa na rin. At hindi niya maiiwasang mamulat bilang manggagawa bunsod ng labis na kaapihan at pagdurusa sa kalupitan ng mga kapitalista, at sa kalaunan ay maunawaan niya ang katumpakan ng makauring pagkakaisa at harapin ang mga hamon ng kasaysayan. Hanggang sa matanto ng maralitang kontraktwal na hindi lamang dahil sa kagustuhang magkatrabaho ay magbibingi-bingihan na siya sa karaingan  ng  kanyang  mga kapwa manggagawa.

Nanaisin tiyak ng maralitang naging kontraktwal na ipaglaban din, hindi lamang ang ilalaman ng kanyang tiyan, kundi ang karapatan nila bilang manggagawa.

Matatransporma sa kalaunan ang kamalayan ng maralitang kontraktwal upang yakapin niya ang kanyang uring pinagmulan - ang uring walang pag-aari kundi ang kanyang lakas-paggawa - ang uring manggagawa. 

Kaya hindi lamang pabahay at laman ng tiyan ang nasa kanyang isipan kundi ang karapatan niya sa loob ng pagawaan ay maipaglaban, at ang kanyang dignidad bilang tao (hindi makina) ay kanyang maipagtanggol at mapanghawakan.

* Nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Espesyal SONA issue, Hulyo 2019, p. 6

Miyerkules, Enero 30, 2019

Kwento - Mandaragat ng Navotas, itinapos sa bundok ng Towerville, walang dagat upang maghanapbuhay doon


MANDARAGAT NG NAVOTAS, ITINAPON SA BUNDOK NG TOWERVILLE, WALANG DAGAT UPANG MAGHANAPBUHAY DOON
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-uusap ang ilang mga mangingisda sa Navotas na nailipat na sa relokasyon sa bundok ng Towerville sa San Francisco Del Monte sa Bulacan, nang minsang mapadalaw si Igor doon dahil sa ilang gawain sa samahan niyang pinaglilingkuran. Nagkita sila nina Inggo, Isko, at Igme.

Bungad ni Inggo, “Alam mo, Igor, kami nina Igme, at ng asawa kong si Isay, hindi na halos kumakain, at sumasala na sa oras pati ang aming mga anak. Hindi kagaya noong nasa Navotas pa kami, kahit paano’y nakakakain kami ng tatlong beses kada araw, lalo na pag may huli, kahit barungbarong lang tirahan namin. Dito sa relokasyon, walang dagat. Wala rito ang kabuhayan. Gutom ang inaabot namin dito. Binigyan ka nga ng bahay ngunit hindi naman makakain. Nagbago ang lahat, Igor.”

“Kung hindi po maganda ang kalagayan ninyo dito sa relokasyon, ano pong balak ninyong gawin?” Tanong ni Igor.

Mabilis namang sumagot si Isko, “Nais naming bumalik sa Navotas at doon ay makipagsapalaran muli. Mangingisda muli kami roon, kasama ng aming pamilya, kaysa mamatay kami sa gutom dito.”

“Di po ba, may sinasabi sa UDHA (Urban Development and Housing Act) na bibigyan daw kayo rito ng kabuhayan sa relokasyon upang kayo’y makapagsimula muli.” Usisa ni Rigor, at sumagot si Igme.

“Mukhang hindi naman totoo iyon. Dahil hanggang ngayon, ilang buwan na kami rito, ay wala namang pangkabuhayan. Maliban sa P18,000 na pabaon paglipat dito na halos paubos na. Aba’y kami pa ang nag-finishing ng bahay na bigay dahil manipis ang pader, na may lamat na. Ang totoo lang dito, dinala kami rito at bahala na kami. Dumating kaming walang kuryente at tubig. Nag-iigib pa kami sa ilog sa ibaba, na ginawa na ring labahan.” Mahabang sabi ni Igme. “Kaysa magutom ang pamilya namin, mangingisda uli kami sa Navotas. Kahit paano, may makukuha pang tahong doon, na  maaaring ibenta at kumita kahit papaano.”

"Kailan po ninyo balak bumalik ng Navotas?” Muli, si Igor.

Napabuntunghininga si Inggo, “Maganda na nga may sarili kaming bahay. Subalit gutom naman ang inaabot namin dito. Sa Sabado ay luluwas kami pabalik sa Navotas at muling makapangisda roon. O kaya’y manguha ng tahong. Baka may mga kaibigan pa tayong makakatulong sa amin. Alam mo naman, Igor, mahirap namang manghingi, dahil walang-wala rin sila. Makikitrabaho lang.”

“Nauunawaan ko po kayo, Mang Inggo. Kumusta po pala ang mga anak ninyo?” Usisa ni Igor.

Si Inggo uli, “Isa pa iyan. Simula nang mapunta kami dito, di na sila nakapag-aral. Grade 6 na sana si Dayunyor ko. Iyan din, nais ko silang makatapos kahit elementarya. Igapang sila sa pangingisda ko sa Navotas. Kahit nga tuyong dilis o tuyong hawot ay nag-uulam din sila. Paborito nila ang tahong.”

Maya-maya, dumating na si isay, kasama ang hipag na si Ines, na asawa ni Igme. Galing sila sa pangunguha ng talbos ng kamote na nadatnan na nilang tanim sa relokasyon. 

“Nandiyan ka pala, Igor? Buti, nadalaw ka.” Ani Isay.

“Oo nga po. Nangungumusta lang po.” Sagot naman ni Igor.

“Mahirap ang buhay dito sa relokasyon.” Nakatungong sabi ni Aling Isay. “May bahay nga, subalit kung hindi ka magtitiyagang magtanim-tanim ay baka mamatay kami sa gutom dito. Di tulad sa Navotas, nakaka-ekstra pa ako sa pagbebenta ng tahong na pinanguha nitong si Inggo at mga kasamahan niya.”

Sumabat si Ines, “Balak na nga naming bumalik sa Navotas, hindi gaya rito, baka magkasakit na nga kami rito. Iyong iba nga naming kasabayang pumunta rito, umalis na. Binenta ang bahay nila upang may maipandagdag sa pagkain nila. Para kasi kaming dagang itinaboy sa malayo at bahala na kami rito. Kaya nagbabalak din kaming bumalik sa pangingisda sa Navotas upang kahit paano ay may makakain kami. Teka, ilaga ko lang muna itong talbos ng kamote, at sabay na tayong kumain. Marami pa tayong pagkukwentuhan,”

Napatanga na lang si Igor at napatango. Naisip niyang bakit ganito ang nangyari? Nasaan ang pangako ng pamahalaan, na sa relokasyon, dapat ay may serbisyong panlipunan, tulad ng tubig at kuryente. At higit sa lahat, may pangkabuhayan sa mga nadala rito upang hindi sila magutom at makapamuhay ng maayos. Nasaan na ang mga iyon?

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Enero 16-31, 2019, pahina 18-19.