Lunes, Abril 29, 2019

Kwento - Mungkahi sa mga SK bilang mga susunod na lider ng bansa


MUNGKAHI SA MGA SK BILANG MGA SUSUNOD NA LIDER NG BANSA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Tila natatandaan kong sinabi noon ni Guingona na dapat mawala ang Sangguniang Kabataan o SK, kung hindi ako nagkakamali. Sinabi nga niya noon na ang mga kabataang tinedyer pa lamang ay hindi pa angkop upang maghawak ng mga responsibilidad sa pananalapi, lalo na’t may badyet na ibinibigay sa kanila.” Ani Igme sa isang huntahan dahil ang kanyang anak na si Isidro ay nais tumakbo sa SK bilang opisyal.

Dagdag naman ni Inggo, na kanyang kumpare, “Aba’y may balita nga noong nais hilingin ni Elections Commissioner Lucenito Tagle sa Kongreso na i-abolish ang SK dahil ito ay naging lunsaran ng mga political dynasty  at katiwalian.”

“Alam n’yo po ba na noong Agosto 2016 ay naisabatas na po ang bagong batas hinggil sa SK, ang Republic Act 10472, hinggil sa reporma sa SK, tulad ng hindi dapat galing sa pamilya ng pulitiko ang mga tumatakbo sa SK. Nangyayari po kasi noon, pag tatay ay meyor, ang nanay ay kongresista, ang anak naman po ay nasa SK. Binasa ko po ang batas na iyon dahil tatakbo ako sa SK.” Sabat ni Isidro na katabi ng ama.

Sumabat si Iska, na siyang natitinda sa karinderyang kinauupuan ng mga nag-uusap. “Palagay ko, hindi kasi alam ng mga senador at kongresista noon anong tamang gawin sa mga batang nais maglingkod sa bayan. Tingin nila’y mga batang pulitiko ang mga SK.”

Si Igor naman na kanina pa nakikinig ay nagsalita rin. “Ayaw kasi ng mga pulitikong iyan na matuto ang mga batang pulitiko na maging matino. Dapat binibigyan sila ng mga pag-aaral sa batang edad pa lang nila, pag naging SK na sila, hinggil sa papel ng mga kabataan sa mga nangyayari sa ating paligid. Pag naupo na sila sa SK, dapat bigyan agad sila ng mga pag-aaral, tulad ng Basic First Aid training upang makatulong na agad sila sa pamayanan, ipaunawa sa kanila ano ba ang karapatang pantao, pagsasanay hinggil sa disaster risk reduction, kung sakaling may pandemya muli o mga sakuna, tulad ng lindol at baha. Ano ang climate crisis, climate emergency, at anong dapat nating gawin? Higit sa lahat ay ang kolektibong pamumuno, iba ang lider sa boss, at ang code of conduct of public officials, upang hindi sila maging corrupt, lalo na’t may badyet ang mga kabataan para sa iba’t ibang aktibidad.”

“Iyan pa ang sinasabi ko,” ani Ines, “pulos basketball at paliga lang ang alam namin sa SK. Aba’y dapat talagang matuto sila sa isyu ng karapatang pantao sa maagang edad pa lang, upang di sila nambu-bully ng ibang kabataan. Para kasing breeding ground ng korapsyon ang SK.”

Sumagot si Igor, “Kaya nga marapat lang na mabigyan sila ng matitinong kasanayan bilang mga batang lider sa komunidad. Nang hindi sila maging korap. Sa maagang edad ay maging huwaran na sila bilang mga batang nagsisilbi ng tapat sa bayan. Di lang iyan simpleng training kundi ilalagay sa batas bilang rekisitos sa unang linggo ng pag-upo ng mga bagong SK.”

Natuwa naman si Isidro, “Tama si Tito Igor. Kung ako nga lang ay senador, isa iyan sa agad kong ipapasang batas para sa SK. Kaya lang bata pa ako. Sa SK muna ako tatakbo.”

“Dagdag ko pa,” ani Igor, “Kung sakaling makatapos ng Basic First Aid training ang isang SK, at makapasa, dapat bigyan sila ng ID ng DOH bilang first aider. Dagdag ko rin ‘yung paano ang iskedyuling ng training upang ang iba’t ibang SK sa iba’t ibang barangay ay sabay-sabay na makakuha ng pagsasanay.” At sinulat niya sa manila paper kung paano.

“Maganda iyang panukala mo, Igor,” ani Igme, “subalit paano natin matitiyak kung gagawin iyan ng pamahalaan kung nandito lang tayo sa ating barangay. Dapat maikampanya natin iyan upang maging batas.”

“Dapat po siguro ay lumapit tayo sa isang senador o kongresista ng ating bayan upang isabatas ang ganyang panukala.” Sabi ni Isidro.

“Bata ka pa, Isidro, subalit matalino ka na.” Ani Ines, “Sana nga’y manalo ka bilang SK sa susunod na SK election.”

“Salamat po. Paano po tayo magsisimula upang ‘yung mungkahi ni Tito Igor ay matupad?” Si Isidro muli.

Sumabat si Igme, “Mas maganda’y isulat mo, Igor, ang iyong mungkahi. At kausapin din natin ang ating kapitan. Matapos iyon ay lumiham tayo sa isang Senador. Ano sa tingin ninyo?”

“Sang-ayon kami.” Sabi ng mga naroroon.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 16-30, 2019, pahina 18-19.

Linggo, Abril 14, 2019

Ang papel ng papeles

ANG PAPEL NG PAPELES
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa isang hearing na aking nadaluhan minsan hinggil sa kaso ng isang lider-maralita, dumating ang mga arresting officers at may dalang warrant of arrest laban sa lider-maralitang napagbintangan. Ipinakita ng mga arresting officers ang warrant sa clerk of court bilang patunay na may arrest warrant ang nasabing lider-maralita. Sinuri ng clerk of court ang warrant, ngunit hindi inaresto ang akusado. Bakit? Nakita ng clerk of court na kumpleto ang detalye ng search warrant – nakalagay ang pangalan ng akusado, ang kaso, ang judge na pumirma, atbp. Ngunit xerox lamang ang arrest warrant, kaya sinabihan niya ang mga arresting officers na dapat ay certified true copy ang arrest warrant bago hulihin ang tao. Dahil dito, ang nasabing lider maralita ay hindi dinakip.

Sa kalakaran ng ating mundo ngayon, malaking bahagi ay papeles. Ang papeles ay anumang uri ng dokumento na nagpapatunay sa isa o maraming transaksyon o usapan. Ang mga halimbawa nito’y resibo, subpoena, sedula, lisensya, sertipiko, atbp.

Pagkapanganak pa lang, nariyan na ang birth certificate, isang papeles na nagpapatunay kung ano ang pangalan ng bata, kung saan at kelan siya ipinanganak, at sino ang tunay niyang mga magulang.

Meron ding certificate para sa binyag, kumpil, pagtatapos ng bata sa kinder, diploma, Nariyan din ang death certificate para sa mga namatay. Sa pangingibang-bansa ay naririyan ang visa at passport. Anupa’t umiinog ang ating mundo sa tambak na papeles. Sa madaling salita, dapat na may katunayan tayo ng anumang pagkakakilanlan o transaksyon upang hindi tayo maagrabyado sa anumang labanan.

Malaking bahagi ng laban ng maralita ay nakasalalay sa papeles. Sa usapin ng paninirahan, nariyan ang titulo ng lupa, resibo ng bilihan, notice for demolition, entry pass sa relocation site, atbp. Marami ang natatakot, napapalayas, o kung minsan ay namamatay, dahil sa kawalan ng papeles, at kung meron man ay pagmamaniobra naman ng malakas sa mahihina pagdating sa papeles. Halimbawa, sa Barrio Kangkong, marami ang natakot nang nakarinig na may dumating na sulat na nag-aatas umano ng demolisyon sa isang takdang panahon, gayong hindi muna ito nabasa at nasuri. Gayong ang nakasulat ay hindi demolisyon, kundi humihingi muna ng negosasyon ang may-ari, o kaya’y imbes na Barrio Kangkong ang idedemolis ay Barrio Kalabasa pala ang nakasulat, nagkamali lang ng pinadalhan. Noong 1997 sa Sitio Mendez, may demolition order na galing umano kay Mayor Mathay, pero nang suriin ang papeles, hindi iyon pirma ni Mathay at wala siyang inorder na demolisyon

Huwag tayong matakot magsuri ng papeles, dahil kadalasan buhay at kamatayan ang dulot nito ay di pa natin alam. Totoo ba ang Transfer Certificate of Title (TCT) na nasa kamay ng nagpapalayas sa inyo? Nasaliksik at nasuri nyo bang ang papeles ng nagpapalayas sa inyo ay mula sa Original Certificate of Title (OCT) hanggang sa nagpalipat-lipat na TCT? Dapat mabasa muna at masuri ng maigi ang buong papeles bago mag-panic. Para sigurado, puntahan at magsaliksik sa mga opisinang sangkot.

Hindi dapat matakot, malito, o magpanic ang sinuman, kapag nakatanggap ng anumang papeles. Ang dapat nating gawin ay suriin ito, pag-usapan ng nasasangkot, at iberipika sa kinauukulang ahensya kung gaano ito katotoo. Dahil kung hindi, baka mga manlolokong sindikato sa palupa ang magpalayas sa inyo, o kaya’y magbenta sa inyo ng lupa. Kaya ingat.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 1-15, 2019, p.8-9

Kwento - Si Balagtas, ang Wikang Filipino at ang Buwan ng Panitikan

SI BALAGTAS, ANG WIKANG FILIPINO AT ANG BUWAN NG PANITIKAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagsidalo ang ilang lider-maralita nang maimbitahan sila sa isang talakayan sa mismong araw ng kapanganakan ng Sisne ng Panginay na si Francisco Balagtas, may-akda ng walang kamatayang Florante at Laura, at ng Orozman at Zafira. Ang tema ng talakayan ay “Bakya Ba ang Wika ni Balagtas?” na pambungad sa pagbubukas ng Buwan ng Panitikan.

Tinalakay muna ng tagapagpadaloy na si Isko kung bakit ang Abril ay naging Buwan ng Panitikan. Ani Isko, “Ang Buwan ng Panitikan ay itinapat sa buwan ng kaarawan ni Balagtas at isinabatas noong 2015 ang  Proklamasyon Bilang 968. Ngayong taon naman, isinasagawa ang Buwan ng Panitikan 2019 sa temang Buklugan Panitikan, halaw mula sa buklog, isang ritwal ng pagbubuklod at pasasalamat ng mga Subanen. Ang buklog din ay isang estrukturang kawayan, malimit na umaabot ng 20 talampakan ang taas, may sahig na parang entablado, at ginagamit na sayawan at lundagan ng mga tao kapag may pagdiriwang.”

“Ah, kaya pala ganyan ang entablado, isa pala iyang buklog.” Ani Isay sa kasama niyang si Ingrid.

Si Isko uli, “Simulan natin ang ating palatuntunan sa katanungang Bakya Ba ang Wika ni Balagtas?”

Isa sa mga tagapagsalita ay si Mang Igme, na isang lider-maralita sa Pandacan. Ayon sa kanya, “Hindi bakya ang ating wika. Hindi porke mga inglesero ang nasa pamahalaan, eh, hindi na sila gumagamit ng ating wikang pambansa. Minamaliit ba ng mga ingleserong Pinoy na ito ang wika natin at tinatawag na bakya? Aba’y hindi na sila Pinoy kundi mga banyaga na. Aba’y umalis na sila sa pamahalaan! Hindi naman natin sila kailangan kung ganyan sila at minamaliit nila ang sarili nating wika!”

Sumabat si Igor, isang lider-maralita sa Sampaloc, Maynila, “Nilait na ng matagal na panahon ang ating wika kaya sinasabi nila itong bakya. Gamit lang daw ito ng mga katulong sa mansyon ng mga mayayaman, na pawang Ingles, kundi man Espanyol, ang sinasalita. Ako nga noon, sa elementarya, may parusa ka pag nag-Tagalog ka sa klase. Hindi lang parusa, kundi magbabayad ka ng piso. Aba’y malaking halaga na iyan noon. Nangyayari pa ba ito ngayon?”

Nagtaas ng kamay si Iska, “Danas ko rin iyan noon. Pagmumultahin ka ng guro pag nagsalita ka ng Tagalog sa iskul. Hay, naku!”

Si Igme muli, “Subalit karamihan sa atin dito ay maralita. Maralitang tinuturing na bakya ng mga nasa poder. Dukhang ang tanging alam lang ay sariling wika. Dapat makakumbinsi tayo ng mga mayaman o maykaya sa lipunan na nagsasalita ng wika ng madla, o kaya’y kongresista o senador na magpapasa ng batas na igalang ang ating wika.”

Sumabat si Ines, isang lider-kababaihan sa Quiapo, “Tandaan natin ang isang nakasaad sa Kartilya ng Katipunan, na natatandaan ko pa:  Sabi roon, ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng mukha; wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika.”

Napatango naman ang ilan sa sinabi ni Ines.

Nagtaas ng kamay si Inggo, mula sa isang maralitang pamayanan sa Tondo. Tinawag naman siya ni Isko. Ani Inggo, “Huwag nating sisihin ang mga inglesero dahil ipinakita lang nila ang asal nilang tunay sa atin. Huwag natin silang pag-aksayahan ng panahon. Ang mahalaga ngayon ay kung paano pa natin lilinangin at pauunlarin ang ating wikang pambansa. Ang mungkahi ko nga ay bigyang parangal natin ang mga tagapagtanggol ng ating wika, bukod kay dating Pangulong Manuel Quezon. Nariyan ang dating gurong si Teodoro Asedillo, at ang makatang si Jose Corazon de Jesus, na nakipaglaban sa mga Amerikano sa usapin ng wikang pambansa. Sila’y mga bayani ng ating wika.”

“Kayganda ng sinabi ni Inggo. Subalit paano iyan gagawin?” Ani Isko. “Ang mabuti pa’y lumiham tayo sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na dapat ay may mga bayani tayo sa sariling wika na titingalain natin, na ipinagtanggol nila noon ang ating wikang pambansa sa harap ng mga dayuhan. Kumausap na rin tayo ng mga kongresista at senador na maaaring magpasa ng batas hinggil dito.”

“Sinong magsusulat at lalagda.” Tanong ni Ines.

“Gagawin natin ang burador at lahat tayong narito ang pipirma.” Ani Isko. “Ayos ba sa inyo?” Nagtanguan naman ang mga lider-maralita.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 1-15, 2019, pahina 18-19.