BUBONIC PLAGUE, PIED PIPER, LESTOSPIROSIS, AT MGA PAGBAHA DAHIL SA MGA PALPAK NA FLOOD CONTROL PROJECTS
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nanalasa nitong mga nakaraan ang mga bagyong Emong, Fabian, katukayong bagyong Gorio, Huaning, at Isang. Nagbaha ang maraming kalsada sa kalunsuran na bunsod upang imbestigahan sa Senado ang mga umano’y palpak at pinagkaperahang flood control projects ng DPWH. Kaya sa karinderya ni Aling Isay na binaha ay napapag-usapan nila ang palpak na flood control projects na dahilan ng baha, at pagkalat ng lestospirosis na umano’y galing sa ihi ng daga na humalo sa baha.
“Napakasakit. Bukod sa gastos ay nagka-leptospirosis pa ang anak ko dahil lumusong sa baha sa kasagsagan ng bagyong Isang. Gusto kasing bumili ng tsokolate sa tindahan kaya lumusong sa baha nang walang suot na bota. Tsk, tsk, ang batang iyon talaga, oo! Dinala ko sa klinik sa barangay. Kauuwi lang namin.” Himutok ni Mang Igme.
Sumagot si Isay, “Naku! Matindi iyang lestospirosis dahil humalo ang ihi ng daga sa baha. Naalala ko tuloy ang istorya ng Bubonic Plague sa Europa kung saan milyon-milyong katao ang namatay. Ang bubonic plague ay isang impeksiyon na kadalasang kumakalat sa mga tao sa pamamagitan ng mga nahawaang pulgas na kumakapit sa mga daga. Tinawag nga iyong Black Death, dahil pinatay nito ang nasa 75 milyong Europeano noong Middle Ages, ayon sa nabasa ko.”
Napangiti si Inggo, “Ang husay mo pala sa kasaysayan. Baka diyan din nagsimula ang istorya ng Pied Piper of Hamelin, na ang mga dagang nanalasa sa isang bayan ay inakit niya ng pagtugtog ng musika sa trumpeta hanggang mahulog sa tubig ang mga daga’t namatay.”
“Teke, bibili lang ako ng niresetang gamot kay Ines. Naubusan kasi sa barangay dahil sa dami ng tinamaan ng lestospirosis.” Sabi ni Igme. “Punta muna akong botika. Kaya kasi nagbaha ng ganyan ay hindi pa dahil sa pagbabara ng mga kanal dahil sa basura natin, eh. Kundi dahil sa mga palpak na flood control project ng gobyerno. Sige, alis muna ako.”
Sumagot si Ingrid, na kaharap si isay sa upuan sa karinderya, “Ingat kayo, medyo baha pa. Buti nakabota na kayo. Sana, gumaling na si Ines.”
Si Inggo uli, “Mabuti’t binanggit ni Igme ang mga flood control na iyan. Aba’y meron daw mga ghost flood control. Nasa papel ngunit sa aktwal ay wala naman. Kaya iyan ang ikinagalit ng pangulo sa SONA.”
“Aba’y hindi lang pangulo ang dapat magalit diyan, kundi tayong mga mamamayan. Aba’y buwis natin ang ipinanggastos diyan, tapos palpak, tapos kinurakot, tapos wala palang proyekto, guniguning proyekto lang pala. Sino ang kawawa? Tayong taumbayan! Dapat may managot diyan!” Ito ang nanggagalaiting sabi ni Ingrid.
Biglang dumating si Isko, ang kapatid ni Igme at tiyuhin ni Ines. “Nasaan si Igme? Ang taas na ng lagnat ni Ines. Dalhin natin sa ospital.”
Buti’t dumating si Igor, sakay ng kanyang traysikel. Kakain sana siya sa karinderya dahil gutom na. Subalit tumulong na rin siyang dalhin si Ines sa ospital. Sumama na rin sina Isay, Isko, at Ime, na asawa ni Igme.
“Ingrid, ikaw muna ang bahala sa karinderya.” Bilin ni Aling Isay.
“Opo.” Sagot ni Ingrid habang papaalis ang traysikel.
Tangan ni Inggo ang isang pahayagan, “Nakupo! Sana’y maagapan si Ines. Delikado talagang basta lumusong sa baha. Aba’y dito nga sa pahayagang Remate na may petsang Agosto 8, 2025, ibinalita nga, ‘Patay sa leptospirosis sa San Lazaro Hospital sumipa na sa 13.’ kaya sana nga’y maagapan pa si Ines.”
“Iyan kasing mga flood control project na palpak at mga ghosts projects ang dahilan ng mga pagbahang iyan. Hindi inaayos, kinukurakot lang ng mga damuho sa DPWH. Aba’y makinig kayo sa radyo at talagang manggagalaiti ka. Lalo na pag may nangyari riyan kay Ines.” Ani Ingrid.
“Buksan mo nga ang radyo, Ingrid, nang makapakinig tayo ng balita.” Ani Inggo. Subalit dumating na si Igme at ibinalita ni Ingrid na dinala na sa ospital si Ines. Dahil sa nabalitaan, agad nang umalis si Igme patungo sa ospital.
Ilang sandali pa ay dumating na si Aling Isay, “Iko-confine muna sa ospital si Ines upang maobserbahan. Nagbabantay si Ime kay Ines.”
“Sana po ay walang mangyaring masama kay Ines.” Ani Ingrid. “At sana po, mapanagot ang mga walanghiyang gumawa ng mga palpak na flood control projects. Dahil taumbayan ang kanilang pinuperwisyo!”
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 16-31, 2025, pahina 18-19.