Lunes, Setyembre 1, 2025

Bansa ng 7,641 kapuluan

BANSA NG 7,641 KAPULUAN

mula pitong libo, isang daan at pitong isla
ang kapuluan sa ating bansa'y nadagdagan pa
pitong libo, animnaraan, apatnapu't isa
ayon sa bagong datos na nakalap ng NAMRIA

si Charlene Gonzales ay agad naalala natin
noong sa Miss Universe pageant siya ay tanungin
Ilan ang isla sa Pilipinas, na sinagot din
ng tanong, "High tide or low tide?" ang sagot ba'y kaygaling?

dagdag na limang daan, tatlumpu't apat na pulô
kapag taog ba o high tide ay agad naglalahò?
buti't mga bagong isla'y natukoy, naiturò
ng NAMRIA, bilang ng mga pulô na'y nabuô

limang daan tatlumpu't apat na pulo'y nasaan?
sa satellite images doon natin malalaman
nais kong marating ang mga bagong islang iyan
upang sa sanaysay, kwento't tula'y mailarawan

- gregoriovbituinjr.
09.01.2025

* ulat at litrato mula sa kawing na: https://www.facebook.com/share/1FrewfMduj/ 
* NAMRIA - National Mapping and Resource Information Authority, sentrong ahensya sa Pilipinas hinggil sa pagmamapa ng mga lupa sa bansa

Kung may humanitarian mission sa Palestine

KUNG MAY HUMANITARIAN MISSION SA PALESTINE

kung may humanitarian mission sa Palestine
nais kong maging boluntaryo sa gawain
pagkat ito'y tunay na dakilang tungkulin
ng bawat isang nagpapakatao man din

isang gawain tungo sa kapayapaan
sa rehiyong niluray ng mga digmaan
isang adhikain tungo sa kalayaan
ng mga Palestinong dapat lang tulungan

tulad ng dalitang inagawan ng lupa
pati pinagsasamantalahang manggagawa
karapatan nila'y ipaglalabang sadya
tulad din ng Palestinong tigib ng luha

ay, kayrami na nilang namatay sa gutom
kaya kung doon may humanitarian mission
ang magboluntaryo ako'y isa kong layon
itutula ko rin ang lagay nila roon

- gregoriovbituinjr.
09.01.2025

* ulat at litrato mula sa fb page ng Middle East Monitor sa kawing  na:

Gawain tuwina

GAWAIN TUWINA

ang pagsusulat at pagbabasa
ang madalas kong gawin tuwina
pagbabasa'y bisyo ko talaga
gabi, hapon, tanghali, umaga

binabasa'y samutsaring aklat
sa bawat pahinang nabubuklat
dito'y kayrami kong nauungkat
kayraming paksang nabubulatlat

tuwina'y dito ko binubuhos
ang panahon bagamat hikahos
pag maghapong trabaho'y natapos
libro nama'y babasahing lubos

kakatha ng tula bawat araw
kahit kagubatan ko'y mapanglaw
pag may lumitaw sa balintataw
ang pluma kong tangan na'y hahataw

magsusulat ng kwento't sanaysay
dama man ay saya, dusa, lumbay
mga tagong paksa'y binubuhay
upang sa masa'y maisalaysay

- gregoriovbituinjr.
09.01.2025

* larawan mula sa google