Martes, Agosto 19, 2025

Isinantabi

ISINANTABI

sadyang iba ang isinantabi
kaysa binasura, nariyan lang
itinago lang, iyan ang sabi
ng mga senador na hinirang

ibig sabihin, di pa abswelto
ang pinatutungkulang pinunò
at mapapakinggan pa ng tao
kung buwis ng bayan ba'y tinagò

aba'y maipepresenta kayâ
sa bayan anumang ebidensya
mababatid pa kayâ ng madlâ
kung paano nalustay ang pera

lalo na't buwis ng bayan, buwis
ang nagamit, paano nilustay
makapangyariha'y nanggagahis
taumbaya'y nayurakang tunay

- gregoriovbituinjr.
08.19.2025

* komiks mula sa pahayagang Remate, Agosto 19, 2025, p.3

Sa Buwan ng Wika

SA BUWAN NG WIKA

kinalulugdan ko / ang Buwan ng Wika
na sa bawat pintig / niring puso'y handa
nang muling sumuong / sa anumang sigwa
maipagtanggol lang / ang ating salita

pagkat wika'y tatak / niring pagkatao
hindi ito wikang / bakya o sanggano
hindi ito wika / ng burgesyang tuso
ito'y wika natin, / wikang Filipino

halina, kabayan, / ating pagyamanin
wikang Filipino / ay sariling atin
itaguyod natin, / saanma'y gamitin
sa ating bansa man / o dayong lupain

kahit manggagawa / mang kayod ng kayod
o burgesyang bigay / ay kaunting sahod
laging iisiping / pag itinaguyod
ang sariling wika, / bansa'y di pilantod!

- gregoriovbituinjr.
08.19.2025

* kinatha sa kaarawan ni MLQ, ang Ama ng Wikang Pambansa

Lunes, Agosto 18, 2025

Pagtula

PAGTULA

dito ko binubuhos lahat kong lunggati
lalo't di na madalumat ang pusong sawi
aking hiyaw, pakikibaka'y ipagwagi
ngunit sa katahimikan ay humihikbi

tila tula'y tulay sa bawat paglalakbay
ngunit tila pluma'y sa banig nakaratay
tila Spartan akong katawa'y matibay
bagamat ang iwing puso'y tigib ng lumbay

tula lang ng tula kahit natutulala
katha lang ng katha kahit pa naluluha
akda lang ng akda ligalig man ang diwa
kwento lang ng kwento para sa api't madla

ay, sa pagtula na lang binubuhos lahat
isinasatitik anumang nadalumat
itinutula ang nadaramang kaybigat
sa nakauunawa, maraming salamat

- gregoriovbituinjr.
08.18.2025

Linggo, Agosto 17, 2025

Necessary o necessity, sa RA 12216 (NHA Act of 2025)

NECESSARY O NECESSITY, SA RA 12216 (NHA ACT OF 2025)

Nagkakamali rin pala ng kopya ang nagtipa ng batas na Republic Act 12216 o National Housing Authority Act of 2025. Necessary ba o necessity ang tama?

Sa kawing na:https://lawphil.net/statutes/repacts/ra2025/ra_12216_2025.html, nakasulat ay: That the Authority shall have the power to summarily eject and dismantle, without the NECESSARY of judicial order...

Habang sa kawing na: https://lawphil.net/statutes/repacts/ra2025/pdf/ra_12216_2025.pdf, nakasulat naman ay: That the Authority shall have the power to summarily eject and dismantle, without the NECESSITY of judicial order...

Kapwa ito matatagpuan sa Seksyon 6, numero IV, titik d, ikalawang talata (Section 6, number IV, letter d, second paragraph).

Napakatinding probisyon pa naman ito pagkat ang probisyong ito ang pinag-uusapan ng mga maralita na tatama sa kanila, lalo na yaong mga nasa relokasyon na hindi nakakabayad sa NHA. Alin ba ang tama: necessary o necessity?

Una kong nakita at nabasa ang naka-pdf file, subalit dahil mahaba upang kopyahin upang ilagay sa polyeto, discussion paper, o diyaryo ng samahan, naghanap pa ako sa internet ng mismong teksto nito, kaya nakopya ko (cut and paste) ay yaong may NECESSARY, imbes na yaong may NECESSITY. Mabuti na lang at napansin ko.

Para kasing barok na Ingles ang "without the NECESSARY of judicial order", na kung ito ay tama, dapat ay "without the NECESSARY judicial order," wala nang "of".

Bagamat halos magkapareho ng kahulugan pag isinalin sa wikang Filipino, "nang hindi KINAKAILANGAN ng kaayusang panghukuman", mas maganda pang basahin at maliwanag ang grammar o balarila ng pariralang "without the NECESSITY of judicial order".

Kaya ang gamitin po natin, o basahin natin ay yaong naka-pdf file na talagang may pirma ng pangulo sa dulong pahina. Palagay ko, mas ito ang tama.

- gregoriovbituinjr.
08.17.2025

Salamisim

SALAMISIM

inaaliw ko na lang ang sarili
sa pagkilos at pagsama sa rali
sa pagbasa ng aklat nawiwili
tulâ ng tulâ sa araw at gabi

ako'y ganyan nang mawala ka, sinta
tunay na yaring puso'y nagdurusa
natutulala man, nakikibaka
kasama'y obrero't dukha tuwina

sa uring manggagawa naglilingkod
habang patuloy ding kayod ng kayod
maraming lansangan ang sinusuyod
at sa pagsulat nagpapakapagod

ikasampu ng gabi mahihimbing 
at madaling araw naman gigising
laksa ang paksa sa pagkagupiling
pagsisikapan ang larang at sining

- gregoriovbituinjr.
08.17.2025

Sa muling pagninilay

SA MULING PAGNINILAY

magkahiwalay man yaong libingan 
magkikita pa rin tayo sa langit
sakali mang malugmok sa labanan 
ngunit ayokong mamatay sa sakit

nais ko pa ring maging nobelista
hinggil sa dukha't uring manggagawà
pinagsisikapang maging kwentista
ng kababaihan, pesante't batà

nais ko pa ring maabot ang edad
na pitumpu't pito, kakayanin ko
pagsisikapan kong maging katulad
ng edad sandaan inabot nito

magpalakas ng katawan at isip
araw-araw, maglakad-lakad pa rin
tuloy sa pagkatha ang nalilirip
sariling sining ay pag-ibayuhin

- gregoriovbituinjr.
08.17.2025

Sabado, Agosto 16, 2025

Tutulâ, tulalâ

TUTULÂ, TULALÂ

ako'y isang makatâ 
laging tulâ ng tulâ 
madalas na'y tulalâ
nang asawa'y nawalâ

palaging nagmumuni
tititig sa kisame
ngunit pinagbubuti
ang sa tula'y mensahe

mga dahong naluoy
nagsasayawang apoy
tubig na dumadaloy
ay paksa ng panaghoy

ang bawat tula'y tulay
sa yugto niring buhay
patuloy sa pagnilay
sakbibi man ng lumbay

di man nananaginip 
lumilipad ang isip
lalo't di na malirip
ang anumang mahagip

- gregoriovbituinjr.
08.16.2025