Linggo, Mayo 2, 2021

Kung walang manggagawa

KUNG WALANG MANGGAGAWA

kung walang manggagawa, walang natayong gusali
at wala ring trono at palasyo para sa hari
walang ring kaunlaran silang ipagkakapuri
at wala ring luklukan ang mga payaso't pari

kung walang manggagawa, wala tayong mga bahay
wala ring mahahabang lansangan at mga tulay
dahil sa kanila kaya may kaunlarang tunay
lalo't buong daigdig ang kanilang binubuhay

subalit kayliit ng natatanggap nilang sweldo
sapat lang upang makabalik sila sa trabaho
at karampot din kung may madadagdag sa umento
ang kontraktwalisasyon pa'y pasakit sa obrero

karapatan nila'y nakasaad sa Konstitusyon
karapatang makipagtawaran at magkaunyon
sa usapan, dalawang panig ay dapat sang-ayon
kung hindi man, karapatang magwelga'y isang opsyon

subalit welga'y huling opsyon lang ng manggagawa
upang kalagayan sa pabrika ay maitama
silang nagpapaunlad ng ekonomya ng bansa
at nagpapabundat sa kapitalistang kuhila

karapatan ng manggagawa'y dapat ipaglaban
upang pagsasamantala'y mawala nang tuluyan
sila'y dapat magkapitbisig, tahakin ang daan
upang itayo ang isang makataong lipunan

salamat, manggagawa, taos-pusong pagpupugay
sapagkat buong lipunan ang inyong binubuhay
walang kaunlarang di dumaan sa inyong kamay
nagningning ang mga lungsod sa inyong pagsisikhay

- gregoriovbituinjr.

* kuha ng makatang gala sa isang lalawigan niyang napuntahan

Walang komento: