Huwebes, Mayo 6, 2021

Salimbubog

SALIMBUBOG

kung dikyang kulay puti'y palutang-lutang sa dagat
mayroon din palang dikyang itim sa tubig-alat
salimbubog ang tawag kaya huwag malilingat
baka mangati ka kaya sa pagligo'y mag-ingat

bakit kaya ito pinangalanang salimbubog
dahil pag natibo ka nito'y para kang nabubog
salitang Hiligaynon, na maganda nang isahog
sa pagtula ng may pagsuyo, saya, hapdi't libog

kung kasama pa ang pamilya'y pag-ingatang lalo
at patnubayan ang mga anak sa paliligo
pag nakagat ng salimbubog ay masisiphayo
o kung dikya man iyon ay tiyak na manlulumo

mag-ingat sa dikyang puti't salimbubog na itim
mag-ingat sa dikya't salimbubog lalo't dumilim
lalo't naglulunoy na may problemang kinikimkim
lalo't nagbababad sa tubig ng may paninimdim

samutsaring suliranin man ay di matingkala
batid man ang kapaligira'y pag-ingatang kusa
baka madale ng salimbubog ay matulala
at madarama'y nakakagulo sa iyong diwa

- gregoriovbituinjr.

* salimbubog - dikya na kulay itim, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1087

Walang komento: