Martes, Hunyo 29, 2021

Bukrebyu: Ang aklat na "Tungkos ng Talinghaga"



BUKREBYU: ANG AKLAT NA "TUNGKOS NG TALINGHAGA"
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tuwang-tuwa akong makabili ng mga aklat ng tula ng iba pang makata, bilang mga koleksyon sa munti kong aklatan. Tulad na lang nitong aklat na "Tungkos ng Talinghaga" na inilathala ng Talingdao Publishing House sa Taguig noong 2002. Nabili ko ang aklat na ito sa Solidaridad Bookshop sa Ermita nito lang Pebrero 19, 2021, sa halagang P250.00.

Sampung manunulat, sampung tula bawat isa. Ito ang agad kong napansin sa koleksyon. Ibig sabihin, isangdaang tula lahat-lahat. At bawat makata ay may maikling tala bago ang kanilang sampung tula. Ang mga nag-ambag sa aklat na ito'y sina Lilia F. Antonio, na siya ring patnugot ng koleksyon, Apolonio Bayani Chua (ABC), Eugene Y. Evasco (EYE), Ezzard R. Gilbang, Ruby Gamboa Alcantara, Florentino A. Iniego Jr., Wilfreda Jorge Legaspi, Jimmuel C. Naval, Rommel Rodriguez, at Elyrah Loyola Salanga.

Nagbigay ng Paunang Salita si Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 2003, at naging guro ko sa poetry clinic na LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) noong Setyembre 2001 hanggang Marso 2002. Nagbigay ng Panimula (o Pambungad hinggil sa koleksyon) ang baitakng manunulat na si Ligaya Tiamzon-Rubin, na madalas kong nababasa sa magasing Liwayway. At mensahe mula sa patnugot na si Lilia F. Antonio.

Ang buong aklat ay binubuo ng 184 pahina, kasama na ang mga unang pahinang nasa Roman numeral. Ang mga tula ay hanggang 163 pahina, at ang mga paunang paliwanag ay naka-Roman numeral na 19 pahina. Subalit may mga blangkong pahina, o yaong walang nakalathala.

Ang mga nasabing makata ay pawang mga nasa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod ng Quezon. Nakakatuwa ang pamagat ng Paunang Salita ni Almario, May Iba Pang Makata, na sabi nga niya, "nais patunayan wari ng koleksyon na may iba pang mga makata na dapat makilala ng madla. Na maaaring hindi nagwagi ng anumang pambansang gawad pampanulaan ang mga kalahok subalit hindi mapipigil ang natural na simbuyong umibig at lumikha ng tula." At idinagdag pa niya sa ibang talata: "Sa madaling sabi, iba lamang nilang tumula."

Ayon naman kay Panimula ni Rubin, "Animo'y may puwersang nagtutulak sa kanila upang maging makata. Maaaring hindi isinilang na may budbod na talinghaga ang kanilang haraya subalit may lawas o kolektibong kaisahan ang umaahon sa kanilang kaloob-looban upang lumikha ng mga bersong magtatakda ng kanilang identidad at pananaw sa mundo." At inisa-isa ni Rubin kung sinu-sino ba ang nabanggit sa itaas na sampung makata.

Napakaganda naman ng mensahe ng patnugot na si Lilia F. Antonio, "Dahil bayan na agrikultural ang Pilipinas, klasikong talighaga ng ating panitikan ang linang o kabukiran. Gayundin, ang mga tula o alinmang anyong pampanitikan ay naiuugnay bilang tungkos ng talinghaga - isang patunay sa pananalig ng Pilipino sa palay bilang halaman ng buhay. Lagi kasing nakalatag sa hapagkainang Pilipino ang sinaing. Ang mga manunulat - establisado man o nakikibaka ng isang pangalan - ay kadalasang inihahambing bilang sumisibol o hinog na nakakawing sa pangunahing talinghaga ng palay. Kung salat ang nalilikhang akda, agad masasabing tigang ang lupang sakahan."

Maganda ang pagkakalatag ng tulang "Alak" ni Antonio dahil nakadisenyo ang tula sa korteng bote ng alak. Nagagandahan din ako sa tulang "Anak ng Manggagawa" ni Apo Chua, lalo na't siya'y ilang ulit ko na ring nakasama dahil siya ang tagapayo ng pangkulturang grupong Teatro Pabrika, na kasama naman namin sa mga pagtatanghal sa lansangan pag may pagkilos ang mga manggagawa. Si Evasco naman, na isang premyadong manunulat, ay nababasa ko na sa Liwayway dahil sa kanyang kolum doon na Buklat-Mulat.

Para naman kay Ruby Gamboa-Alcantara, "Pansariling libangan at ekspresyon lamang ng sarili ang manaka-nakang pagsusulat na walang sinusunod na pormal na batas sa pagsulat." Si Ezzard R. Gilbang naman itinanghal na Makata ng Taon 2014 sa Talaang Ginto ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Sa pagpapakilala naman kay Iniego ay nakasulat: "At narito ang matapat na tungkulin ng makata - sikaping sindihan ang mitsa ng mga alaala bago tuluyang mamuo at matuyo sa putik ang mga kislap ng gunita."

Ayon naman kay Legaspi, "Ang mga tulang sinusulat ko ay ekspresyon lamang ng mga sandaling nais kong makawala sa hawla ng pagiging edukador at akademista." Para naman kay Naval, "Sumusulat ako ng tula upang tugunan ang responsibilidad at tungkulin, upang magpahayag at magpalaya." Sa pagpapakilala kay Rodriguez ay nakasulat: "Kuntento sa buhay... kahit papaano." 

Anong ganda naman ng paliwanag ni Salanga, "Dahil sa aktibo at nagbabago ang lipunan na ating ginagalawan, naniniwala ako na ang pagsusulat ay kinakailangang maging mapanuri, pumupuna't nanghihimasok sa kanyang mambabasa. Hindi nagwawakas ang pagsusulat sa iisang tuldok. Ito ay malaya't paulit-ulit na isinisilang."

Tunay na isang kayamanan ang katipunang ito ng kanilang mga tula, pagkat bukod sa kapupulutan ng mga naiibang talinghaga ay isa rin itong inspirasyon upang magpatuloy sa pagsusulat. Isa itong koleksyong maipagmamalaki kong nasa aking munting aklatan. Mabuhay ang mga makatang nalathala sa aklat na ito. At nawa'y magpatuloy pa silang magbigay-inspirasyon sa iba pang makata.

Hunyo 29, 2021 

Walang komento: