Huwebes, Hunyo 24, 2021

Sampung araw di nakatula

SAMPUNG ARAW DI NAKATULA

sampung araw di tumula, nag-alala si misis
ang tanong agad sa akin kung ako ba'y maysakit
dama niya agad pag tula'y tila ba napalis
di maikaila pagkat walang masambit-sambit

hanggang makausap kong muli ang diwatang irog
tula'y biglang sumigla, lumipad nang anong tayog
tila siya ang rosas, ako naman ang bubuyog
sampung araw di tumula, ngayon ay dumudulog

sa lungga ko sa ilalim ng lupa nagninilay
habang minumutya'y nasa panagimpan kong taglay
nang magkatalamitam ang nadama'y tuwang tunay
pagkat gumaling ang iwing pusong puno ng lumbay

ramdam ng mutya sa bawat kong saknong at taludtod
kung ako ba'y nawawala sa huwisyo't hilahod
kung ito'y tumitindig pa kahit pagod na pagod
tulad ng tandang na sa salpukan ay di luluhod

logro diyes, sa pula, sa puti, yaong sigawan
ngunit ako'y patuloy sa kathang pinupulutan
at muling tutula upang paglingkuran ang bayan
habang katha ng pagsinta'y nasa kaibuturan

- gregoriovbituinjr.
06.24.2021
* mula Hunyo 14-23 ay di nakatula ang inyong abang lingkod

Walang komento: