KAPITALISMO, SALOT!
ni Ka Gem de Guzman
SAKLOT ang buong mundo ng krisis – ng krisis ng kapitalismo. Mula sa Wall Street ng New York, ito ay lumaganap na parang epidemya sa buong Amerika, naimpeksyon ang Europa, Asya, Africa, Antarctica, Oceania at lahat ng bansa. Nangalugi ang mga mortgage companies, bangko at investment houses sa Wall Street hanggang sa mga bangko at insurance companies sa ibat-ibang bansa; nagbagsakan ang Big 3 (Ford, GM at Chrysler) sa Detroit at iba pang pabrika sa buong mundo.
Lahat ay nagitla: gubyerno at burgesya; ekonomista at pantas; pati ang kanilang mga tuta sa kilusang paggawa. Di matanto kung ano ang tumama sa kanila, nagsisisihan sa nangyari, di malaman ang gagawin.
Limang milyong manggagawa na ang nawalan ng trabaho sa Amerika mula ng sumabog ang krisis noong Setyembre 16, 2008, marami ng nakatira sa mga tent. Tinatayang aabot sa 20 milyon ang mawawalan ng trabaho sa China. Sa Pilipinas, ayaw ihayag ng gubyerno ang totoong bilang ng nawalan ng trabaho pero may tantyang 1.5 milyon ang mawawalan ng trabaho ngayong 2009.
Dalawang bagay ang ibinunga nito:
1. Napatunayang panaginip lang ang American Dream.
2. Nasira ang alamat na mag-aahon sa kahirapan ang neoliberalismo at lumalantad sa mata ng madla ang salot ng kapitalismo.
Sa dahilang ito, nagtipun-tipon sa London ang mga pangunahing CEO ng kapitalismo mula sa iba’t-ibang bansa (G-20), at nagbalangkas ng isang communique, upang isalba ang bulok na sistema.
Pero bago natin tingnan ang pinagkaisahan nilang reseta, alamin muna natin kung ano ang sakit na ito na gusto nilang gamutin.
1. Saan nagsimula ang krisis?
Ang mitsa ng krisis ay ang tinatawag na subprime mortgage market sa US na nagsimula pa noong 2002 matapos sumabog ang dot com bubble sa stock market noong 2001. Mga housing loans ito (atbp gaya ng car loans, credit cards) na ibinigay sa mga taong mababa ang kakayahang magbayad (low credit ratings) o mababa ang kita na sa simula ay mababa ang interest rate pero kalaunan ay itinaas din. Pinalawak ang merkado at pinaluwag ang mga rekisito para sila makautang dahil gustong tumubo nang malaki ng mga kapitalista. Bilyun-bilyong dolyar ang ipinuhunan dito.
Ito ay sumabog noong Setyembre 2008, nang di na kayang bayaran ng mga umutang ang kanilang hulugang bahay. Maraming nailit na bahay. Dahil dito bumaba ang presyo, buy one , take one. Dahil bumagsak ang presyo ng bahay, kahit ang mga may kakayahang magbayad ay iniiwan ang kanilang bahay dahil mas malaki ang kanilang hinuhulugang prinsipal kaysa sa inabot na presyo ng bahay. Resulta: puro bahay ang naiwan sa mga bangko, walang pera. Dito nagsimula ang krisis na tinawag na credit crunch.
Pero di lang ang mga kumpanya sa US na direktang nagpautang sa mga tao ang apektado ng mga bad debts o utang na di na kayang bayaran. Ang epekto ay lumaganap sa buong sistemang pampinansya ng mundo.
2. Paano ito nangyari?
Ang mga pautang sa mga tao ay nirepak (repackaged) sa mga bond (sertipiko) na binili at ibinenta sa mga institusyong pampinansya. Nilaro naman ng mga negosyante at bangko ang presyo ng mga bond na ito. Sa maikling salita, ang pautang ng mga nagpagawa ng bahay ay ibinenta sa iba at ibinentang muli ng mga nakabili ng mga bond. Nabibili ang bond dahil sa napaniwala ng nagbebenta ang mga negosyante na malaki ang tutubuin nila pagdating ng oras ng paniningil. Halimbawa ng bentahan ng bond: Company A ang nagpagawa ng bahay na ipinahulugan sa mga tao; nirepak ng Company A ang pautang at ginawang bond. Ibinenta ng Company A ang bond kay Company B, C at D. At sina Company B, C at D ay muling ibinenta ang bond sa mas mataas na halaga kay Company E, F at G. Trilyong dolyar ang pinag-uusapan dito.
Sa bawat bentahan ay tumutubo nang malaki ang mga negosyante at bangko kahit walang ginagawang produkto o serbisyo. Ispekulasyon ang tawag dito. Parang madyik na tumutubo ang kanilang pera kahit di ito inilalagak sa produksyon na gumagawa ng produkto at serbisyo. Tumutubo kahit walang value-added na sa produksyon lamang nagaganap. Ito’y parang sugal kayat tinawag na casino economy.
Sa karaniwan, ang tubo ay nagmumula sa produksyon. Ang lakas-paggawa na inilalapat ng manggagawa sa mga hilaw na materyales para makalikha ng bagong produkto o serbisyo ay tinatawag na value-added o dagdag na halaga. At ang dagdag na halagang ito ay napupunta sa manggagawa bilang sahod at sa kapitalista bilang tubo matapos maibenta ang produkto. Ang produksyon ang tinatawag na real economy.
Nang di na makabayad ang mga taong umutang, natanto ng mga negosyante na ang mga bond ng housing ay mas delikadong negosyo kaysa sa nauna nilang paniniwala. Napaso kasi ang marami sa dot com bubble na sumabog noong 2001 o ang biglang pagbaba ng halaga ng sapi (stocks) sa stock market ng internet startup (Amazon at AOL). Kaya naniwala silang mas mainam ang housing bond dahil ito ay may produktong nakikita kaysa sa stock market.
Pero dahil sa paraan ng pagkakarepak ng pautang at ibinenta nang ibinenta nagpasapasa sa iba-ibang kamay ang mga bond, walang nakakaalam kung kanino kamay pumutok ang bad debts at kung gaano kalaki ito.
Kaya tumigil sa pagpapautang ang mga bangko sa isa't isa sa takot na di na bumalik sa kanila ang kanilang pera. (Kailangan ng mga bangko ng short term na pautang ng isa't isa para sa kanilang arawang operasyon. Di lang sila umasa sa deposito sa savings account ng mga tao).
Dito nagsimula ang credit crunch – nang ang pautang sa pagitan ng mga bangko at financial houses na dati ay kaydaling makuha ay biglang natuyo. Pati ang mga pabrika ay apektado ng kawalan ng magpapautang. Bukod sa kawalan ng pang-operasyon, walang bumibili sa kanilang mga produkto dahil walang laman ang mga credit cards ng mga tao.
Isang halimbawa: ang Northern Bank sa Great Britain ay mas umaasa sa short term na utang para pinansyahan ang negosyo nito, kaysa sa deposito ng mga tao.Nang matigil ang pagpapautang, bumagsak ang bangkong ito. Gumalaw ang gubyerno at isinabansa ito noong nakaraang taon. Ganyan din ang ginawa ng US sa mga bangko, investment at insurance companies.
3. Ispekulasyon ang gumatong sa krisis
Nang mawalan ng kumpyanya ang mga negosyante sa kanilang tinayaan, inilipat nila ang kanilang pera na nagdulot ng panic sa iba pa at nagsunuran na rin.
Sa pagbagsak ng mga bangko, may mga negosyanteng kumita ng milyun-milyong dolyar.
Isang paraan nila ay ang “short selling” na ipinagbabawal. Ang mga negosyante na karaniwang nasa sirkulo ng malilihim na grupong pampinansyang tinatawag na hedge funds ay kumukuha o humihiram ng mga sapi sa isang takdang panahon. Sa pag-asang bababa ang presyo, ibinibenta nila ito agad bago bumaba ang presyo at muling bibilhin pag mababa na ang presyo. Ganyan sila tumitiba.
Isa pang paraan ang “insider dealing” na iligal. Ang ilang tao sa loob ng kumpanya ay alam na may ilalathala ang kumpanya, kung ito ay masama o mabuti o alam din kung kailangan bilhin o ibenta ang shares. Sa ganitong paraan, isang iglap lang ay tumutubo nang malaki ang mga sugarol sa stock market.
Isang pag-aaral sa 172 mergers sa US stock exchange ang nakatuklas na sa bawat kaso ng merger ay may nangyaring insider dealing.
4. Deregulasyon ang nagpahintulot sa walang-prenong ispekulasyon
Ang Wall Street o ang financial houses sa Wall Steet ay umabot na kanilang kapabilidad na bagu-baguhin at magimbento ng sari-sari at sopistikadong financial instruments na lagpas sa kakayahang mangontrol ng gubyerno ng US. Di dahil sa walang kakayahang mangontrol ang gubyerno kundi dahil ang pangingibabaw ng kaisipang neoliberal at malayang kalakalan ang pumigil sa gubyerno na gumawa ng mga epektibong mekanismong pangkontrol.
Ito’y sapagkat ang mga gubyerno mismo ng mayayamang bansa sa pangunguna ng US ang nagsilbing chief executive officers sa pagpapatupad ng polisiyang neoliberal at malayang kalakalan.
5. Tama bang sa mga gahamang ispekulador lang isisi ang krisis?
Totoo may malaking papel ang mga ispekulador sa pagputok ng krisis. Hindi lang ang mamamayan ang kanilang niloko kundi pati na rin ang kanilang mga kauring kapitalista. Pang-eengganyo sa mga manggagawang Amerikano na umutang sa mababang interest rate na kalauna’y itataas din, mga pandaraya sa totoong halaga ng mga ari-arian, artipisyal na pagpapalobo ng presyo ng kanilang ibinebenta at pangangako ng mas malaking tubo, panunuhol sa mga opisyal ng mga gubyerno upang malusutan ang mga ipinagbabawal ng batas at iba pa. Lahat ng ito ay ginagawa nila para magkamal ng mas malaking tubo sa maikling panahon. At ang mga ito ay kakambal ng kapitalismo.
Pero natural sa sistemang kapitalismo ang maghangad ng mas malaking tubo. Ang mga kapitalista ay nagpapaligsahan sa pagalingan ng teknolohiya at pababaan ng pasahod upang maging “competitive” sa kanilang mga karibal sa negosyo at sa dulo ay tumabo ng malaking tubo.
Kahit na gaano “kabusilak” ang puso ng isang kapitalista, siya ay uubligahin ng sistema na maging wais para magkamal ng malaking tubo, gagawin ang lahat para mapalaki ang tubo sa pinakamaikling panahong kakayanin. Iyan ang kaibuturan ng kapitalismo bilang sistemang panlipunan. Dahil kung hindi ito gagawin ng isang kapitalista, maiiwanan siya sa pansitan, matatalo sa kumpetisyon, malulugi, hindi na siya matatawag na kapitalista, mawawala siya sa uring kinabibilangan niya. Hindi ito udyok ng masamang ugali ng indibidwal na kapitalista.
Isa pa, Ang perang nakaimbak o di ginamit sa negosyo ay yaman pero hindi kapital, hindi puhunan. Ang kapital ay hahanap at hahanap ng negosyong mapagtutubuan nang malaki at madali. Iyan ang kalikasan o naturalesa ng kapital.
6. Bakit hindi nakabayad ang mga Amerikano sa kanilang utang sa pabahay?
Una. Nabaon sa utang ang mamamayang Amerikano. Noong 1980, ang karaniwang utang ng isang pamilya ay $40,000; ngayon ito ay umaabot sa $130,000. Mas malaki ang kanilang gastos kaysa sa kanilang kita. Mula 2005, sa kauna-unahang pagkakataon mula noong matapos ang Great Depression of 1930, walang naiimpok ang mamamayang Kano. Noong Agosto 2007, nagwarning ang United States Federal Reserve na ang utang ng bawat pamilyang Kano ay tumaas mula 58% ng kita ng pamilya noong 1980, umabot na sa 120% noong 2006. Ayon naman Kay Eric Toussaint, isang eksperto sa paksang ito, ang average na utang ng pamilyang Amerikano sa nakalipas na dalawang taon ay umabot na sa 140% ng kanilang taunang kita. Bukod sa utang sa bahay, baon din sa utang sa credit card ang mga Amerikano. Utang ang tumutustos sa buhay nilang “kinaiinggitan” ng maraming Pinoy—ang tinatawag na American Dream. Sa katapusan ng 2008, ang total na utang ng US (utang ng gubyerno, utang ng mga kumpanya, at utang ng bawat pamilya) ay umabot sa mahigit triple (350%) ng gross domestic product ng nito.
Tatlumpo at tatlong milyong Amerikano (33M) ang nabubuhay sa ilalim ng poverty line. Bagama’t tumaas nang 60% ang produktibidad ng manggagawang Amerikano mula 1979, ang sahod naman nila ay bumagsak nang 5%.
Ikalawa. Kagaya ng iba pang manggagawa sa lahat ng bansa, ang mga manggagawang Amerikano ay biktima rin ng cheap labor policy, flexibilization of labor at iba pang pakana ng uring kapitalista para paliitin nang husto ang gastos sa produksyon (variable capital—sweldo at mga benepisyo) na napupunta sa manggagawa kapalit ng lakas-paggawa upang mapalaki ang kanilang tubo sa patuloy na pagbaba ng rate of profit dahil sa inherent o likas na problema ng sistemang kapitalismo—ang overproduction.
Narito ang kabalintunaan ng sistemang kapitalismo. Ang katangian nitong maghangad ng mas malaking tubo ang siya ring dahilan ng paulit-ulit na krisis ng overproduction. Maraming nalilikhang produkto pero walang kakayahan ang manggagawa at mamamayan na bilhin ang mga ito. Ito’y dahil patuloy na pinabababa ng mga kapitalista sa tulong ng mga gubyernong maka-kapitalista ang sweldo at benepisyo ng manggagawa sa buong mundo.
Ito ang problema ng kapitalismo. Likas sa katawan nito ang overproduction dahil sa kakayahan nitong palakasin ang produktibong kapabilidad nang lagpas sa kakayahan ng populasyong bumili dahil naman sa panlipunang di pagkakapantay-pantay na naglilimita sa kakayahang bumili ng tao. Ang gayo’y nagpapababa sa tantos ng tubo.
7. Ano ang overproduction?
Kagaya ng nasabi na sa itaas, sobra-sobra ang produkto at serbisyong nagagawa ng manggagawa pero di mabili. Hindi sa ayaw bilhin kundi walang kakayahang bumili ang mga manggagawa mismo at iba pang mamamayan. Iyan ang overproduction.
Pero higit pa sa simpleng paliwanag na yan ang overproduction ng kapitalismo bilang sistemang panlipunan na dominante sa buong mundo.
Ang kapitalistang produksyon ay para sa ultimong layuning magkatubo. Nagkakaroon ng produksyon kapag ang likas yaman ay nilapatan ng lakas-paggawa – mula sa pagkuha, pagpoproseso at paggawa ng sari-saring produkto mula sa mga hilaw na materyales na ito. Matapos ibenta at bawasin ang mga gastos sa produksyon (variable at constant capital), ang matitira ay ang tinatawag na tubo o surplus value o profit.
Pag konti ang kapital, konti rin ang nagagawang produkto, kaya konti rin ang tubo. Kaya may naririnig tayong expansion ng kumpanya, ito’y dahil sa gustong palakihin ang produksyon upang mas malaki ang tutubuin. Kung ano ang uso at mabili dun naglalagak ng puhunan ang mga kapitalista. Pero dahil iisang palengke naman ang mundo at walang regulasyon sa pagmamanupaktura kung ilan ang gagawing produkto, sumusobra ang nagagawang produkto. Nabubulok ang mga pagkaing di mabili. Nalilipasan ng uso ang mga kasuotang di nabenta. Ganyan din sa ibang produkto. Bunga nito, lumiliit ang rate of profit. Para di tuluyang lumiit ang tubo, binabawasan ang produksyon, ang ibang pabrika ay nagsasara o ibinibenta sa ibang kapitalista. Ang resulta, nawawalan ng trabaho at nagugutom ang maraming manggagawa.
Ang ganitong problema ay paulit-ulit na naganap sa kasaysayan mula 1841 mula nang mauso ang malakihang produksyon na ibinunsod ng Industrial Revolution. Mula noon, ilang ulit na lumaki ang kapasidad ng lipunan sa buong mundo na lumikha ng pangangailangan ng tao. Sa kasalukuyan, ang produksyon ng pagkain ay kayang pakainin nang sapat sa nutritional requirement ang tripleng bilang ng populasyon ng mundo. Napakalaking bilang ng populasyon ng mundo ay nagugutom dahil wala silang kakayahang bumili ng pagkain. Ayon sa International Labor Organization (ILO) ng United Nations, ang 190 milyong walang trabaho sa buong mundo noong 2008 ay maaaring madagdagan ng 51 milyon sa katapusan ng 2009 dahil sa nagaganap na krisis. At magkakaroon ng 1.4 bilyong manggagawa na nabubuhay sa kahirapan na kumikita lang ng di tataas sa P120 (2 Euros) bawat araw, 45% ito ng may trabaho o economically active sa mundo.
Ang kasaysayan ng kapitalismo sa mundo ay kasaysayan ng pag-ahon at pagbagsak o ang tinatawag na boom and bust cycle. Sa bawat pag-ahon, tumitiba ang mga kapitalista. Sa bawat pagbagsak, nababawasan ng tubo ang mga kapitalista, may mga nalulugi at nagsasara pero nalilipat lang sa ibang kamay ang kanilang kapital. Sa panahon ng pag-ahon at sa panahon ng pagbagsak ng kapitalismo, parehong kawawa ang mga manggagawa. At habang tumatagal ang kapitalismo sa daigdig bilang panlipunang sistema, lumalaki ang bilang ng manggagawa at mamamayang tila purgatoryo ang buhay sa lupa. Ito’y sapagkat sinisipsip ng kapitalismo ang yamang ginawa ng manggagawa sa produksyon. Ang yamang ito ay ang surplus value o tubo. Dahil sa extraction ng super-profit ang motibo ng kapital, ang manggagawa ng daigdig ay natatalsikan lang ng yamang nilikha niya sa proseso ng produksyon, at balde-balde sa mga kapitalista. Sa paraang yan nagkakamal ng limpak-limpak na tubo ang mga kapitalista at bilyun-bilyon naman ang naghihirap.
8. Ano ang kaugnayan ng overproduction sa pumutok na krisis pampinansya?
Bakit hindi inilagak ang malaking pera sa produksyon sa halip na bumili ng bond, stocks at derivatives?
Overproduction na ang mundo. Overcapacity rin ang mga kagamitan sa produksyon. Sobra-sobra na rin ang perang tinubo mula sa production. Wala ng lugar ang dagdag na pabrika. Kung magtatayo ka ng bagong pabrika, di ka na rin tutubo dahil marami ng produkto sa merkado.
Kaya ang limpak-limpak na salaping tinubo ng mga kapitalista sa produksyon ay ginamit sa financial market para tumubo pa kaysa nakaimbak lang—andyan ang mga bangko, mortgage companies, investment houses at insurance companies. Di lang nila pera kundi maging ang mga impok ng mamamayan na pera ay kanilang ginagamit – savings, pension fund, educational fund, pati mortuary, atbp. — sa ispekulasyon ng kapital.
Sari-saring paraan ito na gumagamit lang ng papel, mga sertipiko na ibinibenta at binibili para tumubo. Trilyon-trilyong dolyar ang halagang umiikot sa financial market. Hamak na malaki ito, higit doble, sa puhunang nakalagak sa real economy o produksyon.Pero tulad ng nangyari sa housing bubble sa US, puro hangin ang laman ng mga transaksyong ito. Sa isang iglap lang ay naglahong parang bula ang trilyun-trilyong dolyar.
Para higit nating maunawaan, balikan natin ang tingurian nilang Gintong Panahon ng Kapitalismo noong 1945 hanggang 1975.
Ito ang panahon ng mabilis na “pag-unlad” (growth, na sinusukat sa GNP at GDP) kapwa sa center economies (gaya ng US, England, France, etc) at underdeveloped economies (gaya ng Pilipinas, Indonesia). Isang dahilan ng pag-unlad ay ang malawakang rekonstruksyon sa Europa at East asia matapos sirain ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig na nagpasikad ng produksyon at demand. Isa pang dahilan ay mga bagong kasunduang sosyo-ekonomiko na pumailalim sa Keynesianismo—susi rito ang malakas na kontrol ng estado sa merkado, agresibong paggamit ng fiscal at monetary policies para kontrolin ang inflation at recesssion, at pagbibigay ng relatibong mas mataas na sweldo upang paandarin at panatilihin ang demand (pagbili).
Ang kaunlarang ito ay nagwakas noong kalagitnaan ng dekada 70, nang ang center economies ay tinamaan ng stagflation – magkasabay na low growth at inflation.
Bakit nangyari ito? Ang rekonstruksyon ng German at Japan at ang mabilis na pag-unlad ng mga bagong industrialisadong bansa gaya ng Brazil, Taiwan at South Korea ay nagdagdag sa productive capacity at nagpalala ng kumpetisyon sa mundo. Ang social inequalities ay lumaki ang agwat sa bawat bansa at sa pagitan ng mga bansa, na naglimita sa paglago ng kakayahang bumili (purchasing power) at demand. Sa gayo’y bumaba ang tubo (profitability). Pinalala pa ito ng mabilis na pagtaas ng presyo ng langis noong dekada 70.
9. Paano nilulutas ang krisis?
Sa di malayong nakaraan sa kasaysayan, ang krisis ng kapitalismo ay nilutas ng digmaan. Ang dalawang digmaang pandaigdig noong 1914 at 1941 ang “lumutas” sa krisis ng overproduction, pagbagsak ng stock market at pagliit ng rate of profit.
Di na kayang bilhin ng kanya-kanyang merkado ang produkto ng mga kapitalistang bansa noon. Kailangang maghanap ng panibago at dagdag na merkado upang magtuluy-tuloy ang produksyon at magtuluy-tuloy din ang pag-akyat ng tubo. Wala silang ibang paraan noon kundi agawin sa isa't isa ang kanya-kanyang merkado.
Ang panalo ng Allied Power na pinangunahan ng US noong World War II ang nagsalba sa US sa Great Depression na nagsimula noong 1929 na ayon sa maraming ekonomista ay katulad ang tindi sa nagaganap ngayong krisis. Ang produksyon ng materyales pandigma na ibinenta sa mga kaalyado ng US ang nagpaandar ng ekonomya nito. At ito ay umahon sa depresyon sa pamamagitan ng pagsakop sa mga merkado ng mga natalong bansa sa pamamagitan ng mga kondisyones na nilagdaan ng magkabilang panig bilang resolusyon sa pagtatapos ng gyera.
Sa kasalukuyang mga sirkumstansya, ang pandaigdigang gyera bilang solusyon sa krisis ay halos segunda sa imposible nang maganap. Ito’y dahil ang business interests ng malalaking burgesya sa iba’t-bang malalaki at mayayamang bansa ay nakakalat na sa buong mundo. Ang G-8 at G-20 ay ang mga konsolidadong samahan ng malalaking kapitalistang bansa. Sa pana-panahon ay nag-uusap sila sa Davos upang lutuin ang kanilang taktika kung paano patataasin ang rate of profit; kung paano pigain ang manggagawa ng lahat ng bansa para palakihin ang kanilang tubo. At nitong Abril 2009 nga ay nagmiting sila sa London para pagkaisahan ang kanilang taktika kung paano pigain ang mangagawa ng buong mundo upang isalba ang kapitalistang sistemang kanilang pinagkakakitaan.
Pero di nangangahulugan na ang mga burgesyang ito ay di susuporta sa gyera gaya ng pagsuporta nila sa adventuristang militar ng US sa Iraq at Afganistan upang ipreserba ang pandaigdigang kaayusang kapitalista at upang palakihin ang tubo ng military industrial complex ng US at iba pang monopolyo kapitalista na direkta at di-direktang nakakabit ang kapalaran sa kapangyarihan ng Amerika.
Mula 70’s, may 3 paraan silang ginawa para maalpasan ang krisis—neoliberal restructuring, globalization at financialization.
a. Neoliberal restructuring. Ito ang tinatawag na Reaganism at Thatcherism sa mauunlad na bansa (North) at Structural Adjustment Program (SAP) sa mahihirap na bansa (South). Ang layunin nito ay palakasin ang akumulasyon ng kapital, at sa paraang 1) alisin ang kontrol ng estado sa paglago, paggamit at paggalaw ng kapital at yaman; 2) redistribusyon ng kita mula sa mahihirap at middle class patungo sa mayayaman (kapitalista) sa paniniwalang maeenganyo silang mamuhunan at pasikarin ang economic growth.
Malaki ang problema ng pormulang ito. Sa paghigop ng kita ng mahihirap at panggitnang uri papunta sa mga kapitalista, pinaliliit ang kita ng mahihirap at gitnang uri na ang resulta ay pagbaba ng purchasing power nila at kung gayo’y pagbaba ng demand. Samantalang di sigurado na maeenganyo ang mga mayayaman na maglagak ng mas maraming puhunan sa produksyon.
Sa katunayan, nang ipatupad nang todo ang neoliberal restructuring noong 80’s at 90’s kapwa sa mayayaman at mahihirap na bansa, nagresulta ito ng mababang rekord sa pag-unlad: ang average global growth ay 1.1% noong 90’s at 1.4% noong 80’s. Samantalang 3.5% noong 60’s at 2.4% noong 70’s nang dominante pa ang pakikialam ng gubyerno sa negosyo. Hindi nagawang pigilan ng neoliberal restructuring ang pagbagsak ng ekonomya tungong stagflation.
b. Globalisasyon. Ang ikalawang lunas ng pandaigdigang kapital para mapigil ang stagnation ay ang malawakang akumulasyon o globalisasyon. Ito ang mabilisang integrasyon ng mga bansang di kapitalista o mala-kapitalista sa global market economy. Ito ay para maitaas ang rate of profit sa mayayamang bansa. Paano? Sa pamamagitan ng pagpapatrabaho sa mga manggagawang mababa ang sweldo, pag-abot sa bagong pamilihan, pag-abot sa mga bagong pagmumulan ng murang produktong agrikultural at hilaw na materiales at bagong lugar na gagawan ng imprastraktura.
Ang integrasyong ito ay nagawa sa pamamagitan ng trade liberalization o ang pag-aalis ng mga sagabal sa paggalaw ng pandaigdigang kapital at dayuhang pamumuhunan.
Ang China ang pinakaprominenteng kaso ng di kapitalistang bansa na pumasok sa integrasyon sa nakalipas na 25 taon.
Upang makontra ang patuloy na pagbaba ng kanilang rate of profit, marami sa Fortune 500 corporations – ang pinakamalalaking kumpanya sa mundo – ay inilipat ang malaking bahagi ng kanilang operasyon sa China upang samantalahin ang napakalaking bilang ng napakamurang lakas-paggawa doon. Sa kalagitnaan ng unang dekada ng bagong milenyo (2005), humigit kumulang sa 50% ng tubo ng mga korporasyong Amerikano ay galing sa operasyon at benta sa labas ng US, pangunahin ang China.
Bakit di nagawang sawatain ng globalisasyon ang krisis? Pinalala lang ng globalisasyon ang overproduction. Ito ay sapagkat dinagdagan nito ang productive capacity. Napakalaki ng kakayahang lumikha ng produkto ang naidagdag sa China sa nakalipas na 25 taon. At ito ay nagbunga ng pagbaba ng presyo at tubo. Bandang 1997 nang makitang di na tumataas ang tubo ng mga korporasyong Amerikano. Ayon sa isang pag-aaral, ang rate of profit ng Fortune 500 ay pababa: 7.15 noong 1960-1969; 5.30 noong 1980-1990; 2.29 noong 1990-1999; 1.32 noong 2000-2002.
c. Financialization. Dahil sa limitadong ganansya ng neoliberal restructuring at globalisasyon para kontrahin ang pababang epekto ng overproduction sa rate of profit, ang ikatlong solusyon ang nasilip ng mga kapitalista para imentena at itaas ang tantos ng tubo.
Sa ideyal na mundo ng ekonomyang neoklasikal, ang sistemang pampinansya ay mekanismo para pagsanibin ang mga may sobrang pondo at mangangalakal na nangangailangan ng pampuhunan sa produksyon. Sa mundo ngayon ng late capitalism, dahil sa napakababang rate of profit sa industriya at agrikultura bunga ng overcapacity sa produksyon, higanteng sobrang pondo ang umiikot, ipinipuhunan at muling ipinupuhunan sa sektor ng pinansya. Nagsarili ang sektor ng pinansya.
Nagresulta ito ng malaking dibisyon sa pagitan ng masiglang financial economy at matamlay na real economy.
Sa esensya, ang financialization ay pagpiga ng halaga (value) sa dating nagawang halaga. Tutubo ka sa pamumuhunan dito pero di ka makakagawa ng bagong halaga. Ang industriya, agrikultura, pangangalakal (trade), at serbisyo lamang ang nakakabuo ng bagong halaga.
Pero mabuway ang pamumuhunan dito dahil ang tubo ay di nakabatay sa nagawang halaga. Ang presyo ng mga sapi, bond, derivatives at iba pang porma ng puhunan ay madaling magbago, tumaas o bumaba, mula sa totoong halaga nito. Isang halimbawa ang sapi ng Internet startups na patuloy ang pagtaas, pataas nang pataas sa tulak ng mga ispekulador hanggang sa biglang bumagsak noong 2001.
Tutubo ka kung natiyempuhan mong bumili ng sapi nang ang presyo ay papataas at naibenta ito sa mas mataas na presyo bago bumagsak ang presyo sa totoong halaga nito. Ang sobrang pagtaas ng presyo ng aria-arian (assets) na malayo sa totoong halaga (real value) nito ay tinatawag na “bubble”.
Nalutas ba ng financialization ang problema?
Dahil ang pagtubo ay nakadepende sa ispekulasyon, di nakapagtataka na ang mga kapitalista ay palukso-lukso sa bawat bubble. At dahil ito ay pinaaandar ng ispekulasyon, ang kapitalismo ay dumanas ng napakaraming financial crisis mula nang ipatupad ang deregulasyon at liberalisasyon sa pinansya noong 1980’s.
Bago naganap ang kasalukuyang Wall Street meltdown, ang pinakamalalala ay ang Mexican Financial Crisis noong 1994-95, ang Russian Financial crisis noong 1996, ang Asian Financial Crisis noong 1997-98, ang Wall Street Stock Market Collapse noong 2001, at ang Argentine Financial Collapse noong 2002.
Lahat ng mga pagbagsak na ito, at kahit ang Great Depression noong 1930, ay kinakitaan ng pag-ayuda (bail-out) ng mga gubyerno at/o ng IMF sa mga kumpanyang bumagsak. Gaya ng nangyayari rin ngayon, trilyon-trilyong dolyar ang pinagsama-samang bail out ng mga gubyerno sa kani-kanilang ekonomya sa layuning apulain ang malawakan at tuluyang pagbagsak ng sistemang kapitalista.
Pero ang perang ito ng mga gubyerno ay pera ng manggagawa, pera ng mamamayan. Ililigtas nila ang mga nagpakana ng krisis hindi ang malawak na bilang ng mamamayang biktima ng krisis.
Tunghayan natin ngayon ang pinagkaisang reseta ng G-20 sa London nitong maagang bahagi ng Abril, 2009 para gamutin ang karamdaman ng kapitalismo:
1. Kinikilala nilang pandaigdigan ang krisis, lampas na sa pagiging isang pinansyal na krisis. Sabi nila, kung global ang krisis, global din ang solusyon. Malinaw na preserbasyon ng neo-liberal na sistema ang puno’t dulo ng kanilang recovery plan.
2. Ang sentro ng recovery plan ng G20 ay ang pagsasaayos ng pandaigdigang sistemang pampinansya: bailout para ipreserba ang banking and finance system, hinahabol na mapadaloy muli ang pagpapautang at kapital.
3. $5.5 Trillion ang ipapasok sa recovery plan. Ang bulto ay ibibigay sa banking and finance system para matiyak ang pagsikad ng daloy ng kapital.
4. Ang IMF at WB ang sentro na magpapatupad ng programa sa recovery. Ito rin ang magiging tagapagtiyak nila na susunod sa kanilang plano ang mga mahihirap at gipit na bansa.
5. Nagsasalita ng mga regulasyon pero walang ngipin ang regulasyon sa mga instrumentong pampinansya tulad ng hedge funds, derivatives, CDO, atbp (speculative funds) na siyang nagluwal ng kasalukuyang krisis pampinansya. Bakit nga ba nila kikitlin ang buhay ng mga instrumentong ito samantalang ito ang siyang mabilis na nagpalago ng tubo para sa mga kapitalista sa kaayusang neoliberal?
6. Ang recovery plan ay ipatutupad sa loob ng dalawang taon. Sa tantya nila, sa katapusan ng 2010 matatapos ang recession na niluwal ng global financial crisis. Tinataya nilang makakakita na ng 2% growth sa dulo ng 2010. Subali’t dahil hindi man lang inugat ng kanilang solusyon ang mga kontradiksyon na nilikha ng pakanang “financialization,” umangat man nang 2% ang world economy, ito’y muling bubulusok sa maiksing panahon.
Walang ibang patutunguhan ang recovery plan na ito kundi ang pagkakatali ng mga mahihirap at gipit na bansa sa kumunoy ng utang at pagsunod sa kaayusang pangkalakal at pamumuhunan na higit na dudurog sa mga pambansang ekonomiya ng mga ito. Mas titindi ang pagpiga ng tubo sa mga manggagawa ng lahat ng bansa, laluna sa mahihirap na bansang kagaya ng Pilipinas. Dapat maghanda ang mga manggagawa ng lahat ng bansa sa muling pag-atake ng kapital sa kaparaanan ng mabang sweldo at benepisyo, pagyurak sa mga karapatan at pagliit ng maliit nang serbisyo publiko.
Tayo ay nasa gitna ng krisis. Higit pa sa pampinansyang krisis. Higit pa sa pang-ekonomyang krisis. Ito ay krisis ng panlipunang sistemang kapitalismo.
Ang sistemang ito ang nagkakait ng masaganang kabuhayan sa mayorya ng tao sa mundo.
Ang sistemang ito ang naghahasik ng karahasan sa sangkatauhan.
Ang sistemang ito ang sumisira sa kalikasan.
Ang sistemang ito ang nagpapababa sa dignidad ng tao at sumisira sa bawat hibla ng sibilisadong buhay panlipunan. Ang sistemang kapitalismo ang pumapatay sa pangarap na pinapangarap ng sangkatauhan.
Ang sistemang kapitalismo ay salot!
Dapat itong ibagsak at palitan ng sistemang para sa tao hindi para sa tubo! Ito ang sistemang sosyalismo.
Pero hindi kusang maglalaho ang sistemang kapitalismo. Kahit na paulit-ulit ang boom and bust cycle, nagagawan ng solusyon ng pandaigdigang burgesya ang krisis. Ito’y sapagkat ang manggagawa ng lahat ng nasyon ay pumapayag pa na isalba nila ang kapitalismo mula sa napakalalim na krisis nito.
Minsan ay sinabi ni Lenin, “Ang kapitalismo ay di babagsak nang walang panlipunang pwersang magpapabagsak nito.”

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento