Huwebes, Enero 19, 2012

Ang "Monologo ng Manggagawa" ni Roberto "Bobet" Mendoza

ANG "MONOLOGO NG MANGGAGAWA" NI ROBERTO "BOBET" MENDOZA

ni Gregorio V. Bituin Jr.


Mapalad ako't nabili ko sa halagang P100 lamang ang aklat na "BANGON: Antolohiya ng mga Dulang Mapanghimagsik" na sale sa UP Press Bookstore noong Disyembre 14, 2007. Ang nasabing aklat ay binubuo ng 760-pahina, at may sukat na 7" ang lapad at 10" ang taas. Sa kapal na ito'y baka mahigit P500 ito sa iba pang bookstore. Buti na lamang at natsambahan kong nagbaratilyo ng libro ang UP Press Bookstore na nasa unang palapag ng Balay Kalinaw sa UP Diliman.


Klasik ang librong ito at collector's item na kung tutuusin, dahil ito'y katipunan ng mga dulang nilikha mismo ng mga manggagawa mula sa pabrika, mga dulang tinipon sa loob ng tatlong dekadang singkad, mula 1967 hanggang 1997. Inilathala ang aklat na ito ng Office of Research Coordination ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod ng Quezon noong 1998, kung saan ang mga patnugot ng aklat na ito'y sina Glecy C. Atienza, national artist for literature Bienvenido L. Lumbera, at Galileo S. Zafra.


Nang makita ito ni Apo Chua, isang UP professor, awtor ng libro at tagapayo ng Teatro Pabrika, tinanong agad niya sa akin kung nabasa ko na sa librong ito ang tula ni Bobet Mendoza, na isang kasapi rin ng Teatro Pabrika. Ang sabi ko'y hindi pa, at itinuro niya sa akin ang "Monologo ng Manggagawa" sa mahabang dulang "Kuwatro Kantos", na mula pahina 559 hanggang 606. Sinabi niyang basahin ko raw ang tulang ito ni Bobet Mendoza at magugustuhan ko. Kung gayon, si Bobet Mendoza ang tinutukoy sa pambungad ng dulang "Kuwatro Kantos" kung saan nakasulat: "Ang mahabang "Monologo ng Manggagawa" sa dulo ng unang eksena ay nakabatay sa monologo na laging itinatanghal noon ng isang naunang miyembro ng Tanghalang Silangan." Matatagpuan ang nasabing tula sa pahina 575-579 ng nasabing aklat. Matagal ko na ring nakilala si Bobet Mendoza dahil isa siya sa mga mang-aawit at naggigitara para sa Teatro Pabrika, na siya ring grupong pangkultura ng sosyalistang organisasyon at pampulitikang sentro ng uring manggagawa, ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).


Gayunpaman, sa aklat ay walang eksaktong nakalagay kung sino ang tiyak na may-akda ng mahabang tulang "Monologo ng Manggagawa" at tanging ang may awtor ay yaong buong dulang "Kuwatro Kantos" na nakasulat sa pambungad: "Sinulat ito nina Glecy Atienza, Roberto Mendoza at ng Teatro Pabrika Writers' Pool."


Isang trahedya ang tula, na nang dahil sa kahirapan sa lalawigan ay pinangarap ng isang karaniwang tao na maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya, ngunit lagim ang kanyang sinapit sa huli.


Nagsimula ang tula sa paglisan ng manggagawa sa kanilang lalawigan upang magtrabaho sa Maynilang anya'y nakararahuyo. Lumuwas siya ng Maynila't nahanap ang barungbarong na tahanan ng kanyang Nana Sela. Naghanap siya ng trabaho't nakapasok sa pabrika ng pakain sa hayop, ngunit umalis din upang mapasok naman sa isang pabrika ng sapatos. Naging kasapi siya ng unyon at naging aktibo sa mga gawain doon, dahil naniniwala siyang dapat maging makatarungan ang kapitalista sa ibinibigay na sahod at benepisyo sa manggagawa. Hanggang kumilos na rin siya sa labas ng pabrika upang organisahin ang iba pang manggagawa. Ngunit naging mainit siya sa mga kapitalista.


Papauwi na ang manggagawang iyon mula sa isang pagpupulong nang hinablot siya ng kung sinong mga buhong at ipinasok sa sasakyan. Dinala sa isang talahiban, at doon naalala ng manggagawa ang iniwan niyang lalawigan pati na mga magulang at kapatid na naghihintay. Ngunit iyon na pala ang kanyang katapusan.


Tinortyur siya ng mga kumuha sa kanya hanggang siya'y pinatakbong pilit. Tumalima naman siya sa pag-aakalang siya'y makakatakas. Ngunit paano niya matatakasan ang putok ng baril? Sa huling hibla ng kanyang hininga'y umaasa siyang sana'y may magpatuloy pa ng kanyang marangal na adhikain para sa mga manggagawa.


Napakaganda ng salaysay ni Mendoza, at sinuman ang makababasa nito, sa wari ko'y maghihimagsik dahil sa kawalang katarungang sinapit ng manggagawa. Maganda ang pagkakahawak ni Mendoza sa tugma't sukat. Apat na taludtod ang bawat saknong, habang lalabing-apatin ang pantig ng bawat taludtod, bagamat di siya naging masinsin sa pagtiyak ng sesura o hati sa gitna ng tula, na dapat ay may hati sa ikapitong pantig, na sa kabuuan ng tula'y di sumusunod sa ganito. Gayunpaman, di na ito gaano pang mapapansin ng mga mambabasang di pamilyar sa batas ng tugma't sukat, at di na rin papansinin ng sinumang makikinig o manonood sa monologo, dahil sa mas mapapansin nila ang indayog at emosyon ng pagkakasalaysay ng tula.


Isang taas-noo at taas-kamaong pagbati ang iniaalay ko sa makatang ito ng uring manggagawa. Sadyang kalulugdan siya at maoorganisa niya ang mga unyonista't karaniwang manggagawa sa tula niyang ito. Mabuhay ka, kasamang Bobet!


Halina't ating namnamin ang kabuuan ng 34-saknong na tula.



MONOLOGO NG MANGGAGAWA

ni Roberto "Bobet" Mendoza, Teatro Pabrika


Naging balon ng luha mga mata ni Inang;

Kalungkuta'y bakas naman sa mukha ni Tatang;

Maliliit kong kapatid ay nakatingin lang,

Habang ako sa kanila ay nagpapaalam.


Masakit sa loob kong sa kanila'y malayo

Ngunit mga pangarap ko'y di dapat maglaho

Buo ang paniniwalang ito'y matatamo,

Sa Maynilang kilala at nakararahuyo.


Ako nga ay lumisan sa aming lalawigan;

Ang trabahong bukid ay akin nang iiwanan;

At maging si Tatang ay di na mananakahan;

Buong pamilya’y hahanguin sa kahirapan.


Sa barko pa lamang ay di na ‘ko mapakali;

Kinakab’han dahil ‘di alam ang mangyayari;

Kahit may pananabik takot ang nakakubli;

Sa likod ng pag-asa’t pangako sa sarili.


Sa wakas, sa wakas narating ko ang Maynila;

Punong-puno ng tao kahit saan luminga;

Sa sari-saring amoy ikaw ay magsasawa;

Kaya kailangan ay matibay na sikmura.


Agad kong hinanap ang lugar na tutuluyan

Na ibinilin sa akin ng pinsan ni Tatang;

Nagtanong-tanong pa ako sa kung saan-saan;

Sa tsuper, sa pulis, mga tambay sa tindahan.


Sa pinagtatanunga’y aking ipinakita

Ang tangan kong papel iniwan ni Nana Ella

Na nagsasaad kung saan siya nakatira

Kung kaya’t narating, makipot na eskinita.


Nakakakaba ang makitid na daraanan

Dikit-dikit ang bahay halos walang pagitan

Mga tagarito sa aki’y nagtitinginan

Lalo na ang mga lalaking nag-iinuman.


Naglakas-loob akong huwag na lang pansinin,

At sa halip ay nagtuon sa dapat marating

‘Di pa nagtatagal, may kumakaway sa akin

Ang Nana ko palang sa tuwa’y halos magbitin.


Sinalubong ko siya ng ngiti’t pagtataka;

Dahil ang asa ko, ang bahay niya’y maganda

Ngunit ang katotohana’y barung-barong pala

At ito’y nasa tabi ng bundok ng basura.


Matamang minasdan ko ang aking Nana Ella

Ibang-iba siya noong huli kong makita

Kumikinang sa alahas, todo ang pustura

Ngayo’y mukhang ginahasa ng kabayong mola.


Ano pa ba’ng magagawa kundi ang tumigil

Sa paligid na ito na nakahihilahil

Taglay ang pag-asa at walang makakapigil

Na hinding-hindi na muling sa bukid hihimpil.


Hindi nagtagal ako’y naghanap ng trabaho

Pinupuntahan ang mga anunsyo sa dyaryo

Binabasang lahat, paskil na madaanan ko

Ngunit iisang sagot: “Walang bakante dito.”


Tanggapin na nyo ako’t marami akong alam

Sanay ako sa hirap, ang lakas ko’y kay inam;

Maghalo man ng semento, magpukpok, magkatam

Gagawin ko’ng lahat, ‘wag lang tiyan ko’y kumalam.


Dahil sa ‘king kakulitan, ako ay natanggap

Sa pabrika ng feeds ako’y naging tagabuhat

Ngunit anong malas, ako’y pinantal, sinugat

Ngunit naranasan ko ang kakaibang hirap.


Hinintay ko na lamang ang maliit kong sweldo;

Upang makapagpagamot kahit papaano

Ngunit ang takdang araw upang makuha ito

Sadyang pagkatagal-tagal at pabagu-bago.


Sa pangyayaring ito’y di na nga nakatiis

Nilapitan ang bisor at nagtanong kung bakit?

‘Wag daw akong magreklamo’t bawal ang makulit

Kaya’t sa trabaho, agad akong pinaalis.


Kaya ako ay muling naghanap ng trabaho

Sa pabrika ng sapatos, na-regular ako

At dito’y agad akong naging isang miyembro

Ng unyong di ko malaman ang layuning gusto.


Hindi nagtagal at akin nang naunawaan

Ang unyon pala’y para sa aming karapatan

Sahod at benepisyo’y dapat makatarungan

Makakamit lamang ito kung ipaglalaban.


Sa gawaing pag-unyon ako’y naging aktibo

Unti-unting nasasagot ang mga tanong ko

Nalaman ang dahilan maging ang puno’t dulo

Ng lahat ng kaapihan sa lipunang ito.


Ang pagsasamantala ang ugat ng problema

Nang aking matuklasan ay agad na nagpasya

Na kumilos nang lubos di lamang sa pabrika

Sa labas ma’y kaydaming dapat iorganisa.


Naging matagumpay ang aking mga gawain

Sa mga pagawaan ay nagpasalin-salin

Hangad ang pag-uunyo’y lalong pag-ibayuhin;

Buo ang hangaring ang kalayaan ay kamtin.


Sa mga kapitalista ako ay uminit

Mayr’ong nakikiusap at mayr’ong nangungulit,

Mayr’on ding nanunuhol at nananakot pilit

Pag ‘di daw ako tumigil ako’y ililigpit.


Dahil sa batid kong ako ay nasa matuwid

Hindi ako natinag at ni hindi nanginig

Ako’y naniniwala na nasa aking panig

Ang katarungang sa manggagawa’y aking hatid.


Papauwi na ako mula sa aming pulong

Ang lansanga’y mala-dagat noong gabing iyon

Sa tubig-ula’t putik, swelas ko’y bumabaon,

Nang biglang sa aki’y may sasakyang sumalubong.


Hinablot agad ako’t inginudngod sa putik

Ng mga lulan nitong pawang mababalasik

Tinadyakan ako at namilipit sa sakit,

Ulirat ko’y nawala’t lubusang natahimik.


Nang ako’y magising sa silya na’y nakatali

Sa madilim na silid na hindi ko mawari

Kahit anong isip ko’y iisa’ng sumasagi

Nasa bahay akong kalupita’y naghahari.


Umilaw ang bombilya sa may aking ulunan

At mayro’ng pumasok na di ko maaninawan

Paglapit sa akin, ako ay sinikmuraan

Sinampal, pinaso, kinalikot ang katawan.


Ang bawat parusang iginagawad sa akin

Ng mga dyablong itong lubhang mapang-alipin

May kasamang katanungang dapat kong sagutin,

Sumagot ka’t hindi ay tatamaan ka pa rin.


“Di ba ikaw ay rebelde’t isang subersibo?”

“Hindi! Wala akong alam!” ang laging sagot ko

Sila ay lalong bumangis at sinila ako

Kaya’t ako’y nawalang muli ng malay-tao.


Muli akong nagising sa kaibang paligid

Malawak na lupaing mayro’ng mga talahib

Para bang ako ay nagbalik sa aming bukid

Hinihintay ng magulang at mga kapatid.


Ako ay kinalagan ng mga mapandahas

Pinatakbo ako kahit na magkandadulas

Gawin ko raw ito kung nais kong makaligtas

Baka sakaling sa bala ako’y makaiwas.


Tumalima ako at tumakbo papalayo

‘Di pa nagtatagal at sumunod na ang punglo

Ang damo at talahib ay dinilig ng dugo

Payak at bagong pangarap, ngayo’y naglalaho.


Sa ‘king paghalik at pagyakap dito sa lupa

Sana’y may magpatuloy nitong aking nagawa

Ang paglingkuran at mahalin ang ating kapwa

Uri at Inang Baya’y ganap na mapalaya.

Walang komento: