Huwebes, Abril 23, 2020

Unang pantigan bilang bagong eksperimentasyon ko sa pagtula


UNANG PANTIGAN BILANG BAGONG EKSPERIMENTASYON KO SA PAGTULA
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa panahon ng kawarantina, ayokong maging tambay lang sa bahay. Kaya nagsagawa ako ng eksperimentasyon sa pagtula. Nakagawian ko nang gawin ang estilong akrostika, o yaong mga tulang may ibig sabihin ang unang titik ng bawat taludtod, o pag binasa mo pababa ang unang letra ng bawat taludtod ay may lalabas na salita, parirala o pangungusap. Tulad ng tula ko sa Earth Day 2020, na ang unang titik ng bawat taludtod pag binasa mo ay Earth Day, at sa Soneto sa Pamamaslang na ang nakatagong mensahe'y sa anyong akrostika. 

Tula sa Earth Day 2020

Earth Day, ating ipagbunyi ang Araw ng Daigdig
Alagaan ang kalikasan at magkapitbisig
Ritmo ng kalupaan ay iyo bang naririnig?
Tao raw ang sumira't tao rin ang nayayanig
Halina't dinggin ang kalikasang bahaw ang tinig.

Dumi sa paligid, basura sa laot at tuktok
Ang upos, plastik at polusyong nakasusulasok
Yinari ng taong siya ring lulutas, lalahok.

- gregbituinjr.
04.22.2020

SONETO SA MAMAMASLANG

May araw din kayong pumapaslang ng inosente
Ang tulad nyo'y berdugong sayang-saya sa punebre
Yumurak sa buhay ng kapwa't nangamoy asupre

Ang ginawa ninyong sindak ay higit pa sa aswang
Rimarim ang idinulot sa laksang mamamayan
Astang sumisingasing na halimaw at tikbalang
Walang budhi't ang ginawa'y walang kapatawaran

Diyata't kayo'y uhaw sa dugo, uhaw sa dugo!
Iyang pinaggagawa'y kawalan ng budhi't puso
Na wala nang katarungan ay basag pa ang bungo

Karapatan at buhay ay sinabuyan ng putik
Ah, balang araw, babagsak din kayong mga lintik
Yayanigin din kayo ng budhing di matahimik
O dapat lang kaming sa poon ninyo'y maghimagsik!

- gregbituinjr.
02.26.2020

Higit isang dekada na ang nakalipas nang mag-eksperimento ako sa pagtula, at nilikha ko ang siyampituhan. May siyam na pantig bawat taludtod sa kalahating soneto, o pitong taludtod. Siyam-pito, siyam na pantig sa pitong taludtod, na hinati ko pa sa dalawang bahagi. Ang unang apat na taludtod ang problema o tesis, at ang huling tatlong taludtod ang solusyon o kongklusyon. May pag-uulit ng salita bagamat nag-iiba ang gamit sa una't huling taludtod. Inilathala ko ang una kong aklat ng siyampituhan sa aklat na pinamagatang Mga Sugat sa Kalamnan, Katipunan ng 150 Tulang Siyampituhan. Tingnan natin ang halimbawa ng tulang siyampituhan.

HABILIN

Nawa'y itanim itong labi
Kaypait man buhay kong iwi
Upang diwa ko'y manatili
Sa mga kapatid sa uri.
Mamamatay akong may puri
Pagbigyan ang hiling kong iwi
Na itanim ang aking labi.

- gregbituinjr.
11.18.2008

USAPANG ISDA

Usapan ng isda sa dagat
Dapat daw sila na'y mamulat
Magpapahuli ba sa lambat?
O sa mga pain kakagat?
Pating ba ang dapat mabundat?
O taong sa buhay ay salat?
Ito ang usapan sa dagat.

- gregbituinjr.
11.18.2008

Kahit ang pagsusulat ng soneto'y may eksperimentasyon, tulad ng ginawa kong taludturang 2-3-4-3-2 sa limang saknong o dalawang taludtod sa una at ikalimang saknong, tatlong taludtod sa ikalawa at ikaapat na saknong, at apat na taludtod sa ikatlong saknong. Halimbawa:

Nais kong magtanim ng puno upang may mapitas
(taludturang 2-3-4-3-2)

nais kong magtanim ng puno upang may mapitas
nang sa gayon ang pamilya'y may makakaing prutas

simulan nating bungkalin ang lupang pagtatamnan
ng iwing pag-ibig sa ating lupang tinubuan
nang magbunga ito ng mabubuting mamamayan

ang lupang tinubuang dinilig ng luha't dugo
kaya dapat ibunga'y namumunong matitino
at itanim ang binhing may ginhawang mabubuo
na ibubunga'y kapayapaa't pagkakasundo

itanim ang punong may prinsipyong makatutulong
na di kayang tibagin ng sinumang tuso't buhong
nang asam na makataong lipunan ay yumabong

itanim ang magbubunga ng masarap na prutas
upang mga kakain ay lumusog at lumakas

- gregbituinjr.
02.11.2020

Soneto sa dukha
(taludturang 2-3-4-3-2)

tinuturing kayong iskwater sa sariling bayan
sapagkat dukhang walang sariling lupa't tahanan

kaya tinataboy kayong animo'y mga daga
ng naghahari-harian at masisibang pusa
wala kasi kayong pribadong pag-aari, wala

dangal ng burgesya'y nasa pribadong pag-aari
yaman ng uring elitista'y pinagmamapuri
tuklasin mo, maralita, bakit may naghahari
pribadong pag-aari ang sanhi bakit may uri

suriin mo't pag-aralan ang takbo ng sistema
ng lipunang animo'y may totoong demokrasya
na paraan ng kapital upang magsamantala

maralita, di ka iskwater sa sariling bayan
lumaban ka't itayo ang makataong lipunan

- gregbituinjr.
02.11.2020

Nitong Abril 17, 2020, habang tangan ko ang Diksyunaryong Filipino-Filipino, na inedit ni Ofelia E. Concepcion,  naisipan kong magkaroon din ng inobasyon sa aking mga ginagawa. Dito na nagsimula ang estilong unang pantigan sa pagtula. Ito yaong mga salitang magkakapareho ang unang pantig sa bawat taludtod. Tatlong tula ang nagawa ko sa araw na iyon batay sa estilong unang pantigan.

Hinalaw ko ang mga salita sa pagtitig ko sa mga pahina ng nasabing diksyunaryo. Inilista ko ang mga nakita kong salitang may magkakapareho ng unang pantig.

Panibagong eksperimentasyon sa pagtula. Tinawag ko ang estilo ng tula na unang pantigan, dahil pare-pareho ang unang pantig ng bawat taludtod. Sumunod ay nakagawa rin ako ng dalawang pantigan naman sa bawat taludtod.

Sinusunod ko pa rin ang tugma't sukat na tradisyon sa pagtula. Dahil naniniwala akong mas paniniwalaan ng tao o mambabasa na pinagtiyagaan mo, pinagsikapan at pinaghirapan mo ang tula pagkat may tugma't sukat. Subalit hindi ko naman pinupuna yaong mga nagmamalayang taludturan, dahil doon din naman ako nagsimula.

Nang sumapit ang World Creativity and Innovation Day nitong Abril 21, 2020, nasundan pa ang tatlong tulang unang pantigan na nalikha ko noong Abril 17, 2020. Araw ng Pagkamalikhain at Inobasyon ang araw na iyon, kaya dapat ipagpatuloy ko ang paggawa ng mga tulang unang pantigan.

Naririto ang mga unang halimbawa ko ng unang pantigan.

GARAPALAN NA ANG NANGYAYARING KATIWALIAN

I
Garapalan na ang nangyayaring katiwalian
Gahaman at tuso'y napaupo sa katungkulan
Ganid na pawang pahirap sa laksang mamamayan
Garapata silang nasa likod ni Kalakian
Garote'y dapat sa tulad nilang taksil sa bayan

II
Gawa ng magulang upang anak ay di bumagsak
Gagapang upang mapagtapos lang ang mga anak
Garantiyang pag napagtapos ay labis ang galak
Ganansyang may kinabukasan, di naging bulagsak
Gantimpala na itong nagbunga rin ang pinitak

III
Gaygayin ang laot tungo sa pulo ng mabuti
Gaod sa balsa'y gamitin mong wasto't magpursigi
Gampanan ang misyon habang bawat mali'y iwaksi
Gagayak tungo sa islang walang mga salbahe
Galak ang madarama sapagkat wala ring peste

IV
Garalgal na ang pananalita't di makangawa
Garil ang tinig sa isyu't problemang di humupa
Gamol man siyang laging sakbibi ng dusa't luha
Gatla sa noo'y tandang marami pang magagawa
Gawin lagi sa kapwa kung anong mabuti't tama

- gregbituinjr.
04.17.2020

GILIW, IKAW ANG MUTYA NIRING PUSONG SUMISINTA

Giliw, ikaw ang mutya niring pusong sumisinta
Gitling man ay di namagitan sa ating dalawa
Giikin natin ang palay nang may buong pag-asa
Gilik sa palay ay iwasang mangati sa paa

Gipit man ngayon ay patuloy kitang nagsisikap
Giti man ang pawis sa noo'y laging nangangarap
Gitata sa sipag nang kaalwanan ay malasap
Ginhawang anong ilap ay atin ding mahahanap

Giray-giray man sa daan, tutupdin ang pangako
Giyagis man ng hirap ay di rin tayo susuko
Giwang sa adhika'y suriin nang di masiphayo
Ginisang anong sarap ay atin ding maluluto

Gising ang diwang di payag mapagsamantalahan
Giting ng bawat bayani'y kailangan ng bayan
Giit natin lagi'y wastong proseso't karapatan
Gibik na kamtin ng masa'y hustisyang panlipunan

- gregbituinjr.
04.17.2020

GUNAM-GUNAMIN MO ANG SAKIT NA KASUMPA-SUMPA

Gunam-gunamin mo ang sakit na kasumpa-sumpa
Gustong madalumat pagkat di iyon matingkala
Guniguni'y tila baga may asam na adhika
Gugulin ay di na mawari pagkat walang-wala

Gutom at di makapagtrabaho ang nangyayari
Gugupuin ang kalusugan nating di mawari
Gulo ito kung namumuno'y tila walang silbi
Gutay-gutay na pamumuhay sa dusa'y sakbibi

Guhong mga pangarap sa dibdib na'y halukipkip
Gubat na ang lungsod na animo'y di na malirip
Gunggong ang tusong trapong sarili lang ang inisip
Guwang sa polisiya nila'y ating nahahagip

Gulat man ang masa sa sakit na nananalasa
Gulantang man ang bayan sa biglaang kwarantina
Gulilat man tayo sa aksyon ng trapong paasa
Gusot ay maaayos pag nalutas ang pandemya

- gregbituinjr.
04.17.2020

TALUKTOK AY NAAABOT DIN NG PAKIKIBAKA

talahulugan ay magandang gawin nating gabay
talasalitaan ay gamitin sa tagulaylay
talata o saknong man ay may akibat na lumbay
talastas mo dapat ang paksang iyong naninilay

talindaw ang katha habang bumabaybay sa ilog
talinghaga sa bawat saknong ay damhin mo, irog
talino'y linangin sa mga tulang maalindog
taliwas man sa burgesya'y panindigan ang handog

talos mo naman bakit tinalakay mo ang isyu
talop na talop mo ang buong paksa hanggang dulo
talo man sa debate, isyu'y nalaman ng tao
talon man sila sa tuwa, tumindig kang totoo

talumpati'y atake man sa bulok na sistema
taludtod mo'y patama man sa sukab na burgesya
talukod ka sa sambayanang laging may pag-asa
taluktok ay naaabot din ng nakikibaka

- gregbituinjr.
04.21.2020

ANG TAGPO'Y TAGPOS MAN SA TAKDANG PANAHON

tagaktak ang pawis sa bawat niyang pagpunyagi
tagal man ng kwarantina'y di nagpapaduhagi
tagas sa gripo'y papasakang may pagmamadali
tagasaan man ay laging nagbabakasakali

tagistis ang pawis sa pagsisipag nilang todo
tagilid kasi ang kabuhayang walang trabaho
tagibang habang iniisip ang kasunod nito
tagisan muna tayo sa paglaro ng sudoku

tagunton ang nililikha ng makata ng buhay
tagulaylay ang kinakatha habang nagninilay
taguyod ang panitikang may mga akdang lantay
taguri sa makata'y isang libo't isang panday

tagpong kung di matingkala'y baka di makaahon
tagpos man o sadyang lampas na sa takdang panahon

- gregbituinjr.
04.21.2020

KULIMLIM NA ANG LANGIT SA KATANGHALIANG TAPAT

kulimlim na ang langit sa katanghaliang tapat
kuliglig ba'y dinig ko o tulog pa silang lahat?
kulisap na iba't iba'y naroroong nagkalat
kulit ni bunsong di mapakali'y saan nagbuhat?

kulog at kidlat animo'y naglampungan sa langit
kulob sa munting dampang munting kibot lalangitngit
kulong pa sa dampa pagkat kwarantina'y naulit
kulo pa ang tiyan, sana'y di naman magkasakit

kulang pa ba sa pamilya ang rasyong ibinigay?
kulata pa'y aabutin pag lumabas ng bahay
kulaba sa mata'y tila lumaki't nangangalay
kulag at gutom pa'y dama, buti't di nangingisa

kulti ang tawag sa pabrika ng balat ng hayop
kultibasyon ba'y tinitiyak upang magkasalop?
kulto sana'y tigilan ang pagsipsip at pagsupsop
kultura'y ating linangin nang di basta masakop

- gregbituinjr.
04.22.2020 (Earth Day)

PAGSIPAT SA APAT NA KWENTO NGAYONG UMAGA

kumakain na lang dalawang beses isang araw
kumakayod pa rin sa kabila ng pamamanglaw
kumakanta't tutugtog sa youtube kahit mababaw
kumakasa na't sana'y tanggapin, hataw ng hataw

kumindat ang mutyang diwatang kaysarap ng ngiti
kumisig ba ang binatang nagbabakasakali
kumisap ang ningning sa mata't ngiti'y namutawi
kumilos siya't masagot na, agad magmadali

kumulo na ang tiyan, walang laman ang sikmura
kumurot sa puso ang anak na nagugutom na
kumulimlim na naman ang langit ngayong umaga
kumusta na kaya ang nasa malayong pamilya

kumpunihin ko man ang mga sira't magbutingting
kumpulan ay bawal din, dapat may social distancing
kumpas ng kamay nawa'y suriin ng magagaling
kumpay para sa alaga ko sana'y makarating

- gregbituinjr.
04.23.2020

Narito naman ang mga unang halimbawa ko ng dalawang pantigang magkakapareho.

KASABIHAN, KASAYSAYAN, KASARINLAN

kasalukuyan ngang mayroon pa ring COVID-19
kasador o mangangaso'y hanap din ay pagkain
kasado rin tayong kumilos upang di gutumin
kasaba man, kamote o talbos lang ang kainin

kasama, patuloy tayong makibaka't kumilos
kasapi tayo nitong lipunang binubusabos
kasali man o hindi'y kayraming naghihikahos
kasangkot tayo sa bayan nating dapat matubos

kasalanan sa bayan ang ganid na paghahari
kasakiman nila sa tubo'y pinananatili
kasagwaang pagyakap sa pribadong pag-aari
kasayahan sa tuso't mapagsamantalang uri

kasabihan nga'y tuloy pa rin ang pakikibaka
kasabayan man o hindi, tayo'y may ninanasa
kasarinlan sa pang-aapi't pagsasamantala
kasaysayang ang nagbuo'y ang pagkilos ng masa

- gregbituinjr.
04.22.2020 (Earth Day)

Kung sakali mang makalikha ako ng isangdaang tulang unang pantigan, sa palagay ko'y dapat ko na itong isaaklat, lalo na kung magagawa ko ngayong taon, sa Disyembre 2020 ang paglulunsad ng unang aklat ng koleksyon ng mga tulang pantigan.

Maraming salamat. Mabuhay kayo!

Walang komento: