Linggo, Hunyo 15, 2008

Ang kabaliwan ng kapitalistang sistema - ni Diego Vargas

ANG KABALIWAN NG KAPITALISTANG SISTEMA
ni Diego Vargas

Isang matandang lalaki ang halos ordinaryong tanawin na sa harap ng planta ng Rubberworld sa kahabaan ng Quirino Hi-way sa Novaliches. Hanggang ngayon, halos araw-araw nitong binabaybay ang kalsada, lakad na lang ng lakad. Mapapansin na lang itong hihinto sa harapan ng Rubberworld, biglang titigil at matagal na tutulala sa direksyon ng planta. Hindi siya isang gusgusing taong grasa. Hindi siya ‘yung tipong katatakutan mo kapag nasalubong mo sa daan. “Dati siyang trabahador dito sa Rubber. Malamang daw masyado niyang dinamdam ang pagsara ng pabrika kaya siya nagkaganun, sabi ng ilang nakakakilala sa kanyang tagarito”, sabi ni Ka Gerry Marbida, bise-presidente ng unyon ng manggagawa sa Rubberworld na nakatira sa bungad ng planta.

Nitong nakaraang dalawang buwan, isa pang dating trabahador ng Rubberworld ang biglang lumitaw sa planta. Naroon daw siya upang maningil ng mga pautang niya sa five-six. Oorder ng softdrink sa tindahan at kapag siningil ng tindera, paulit-ulit nitong sasabihing maniningil siya ng kanyang mga pautang. Pagbalik niya kinabukasan, hahanapin pa niya sa tindera ang ‘binili’ niyang softdrink o kape. Para bang ang tindahan pa ngayon ang may utang sa kanya. Mga 40-45 anyos ang babae. Mahigit 20 taon din daw itong namasukan sa Rubberworld. Hindi nila ito nakita ni isang beses sa mga pulong na ipinatawag noon ng unyon sa kasagsagan ng kampanya nito laban sa pagsasara ng kumpanya. “Maka-manedsment kasi ‘yan”, sabi ng mga tagaroon.

Pero isang bagay na ipinagtataka ng mga nakatira roon ay ang katotohanang hindi naman ito nagpapautang noong bukas pa ang planta. Laging mayroong dalang notbuk ang ale ngunit hindi naman ito talaan ng mga singilin. Punung-puno ito ng sulat na hindi mabasa. Parang Latin daw na hindi mo maintindihan.

“Basta na lang siyang lumitaw dito, araw-araw pumupunta rito. Kagalang-galang naman ang itsura niya. Para bang papasok talaga sa trabaho. Uwian pa iyan araw-araw mula Malabon, sabi ng mga nakakakilala sa kanya dito”, dagdag ni Ka Gerry.

Nang marinig ko ang mga kwentong ito, agad na bumalik sa isipan ko ang sinabi ni Karl Marx sa Economic and Philosophical Manuscripts of 1844, isa sa mga unang akda ng ama ng rebolusyonaryong sosyalismo. Sabi ni Marx, “Lalong bumababa ang halaga ng manggagawa sa kabila ng pagdami ng kalakal na kanyang nalilikha.” Ibig ding sabihin, may direktang proporsyon ang halaga ng manggagawa at ang lumolobong halaga ng kalakal na produkto ng kanyang lakas-paggawa. Ang huli’y lalago lamang kung lubos na bubulusok pababa ang una.
Dalawang taon bago nito, sinulat naman ni Friedrich Engels noong 1842 ang The Condition of the Working Class in England na naging mahalagang sanggunian ni Marx sa pagsusulat ng kanyang aklat na nauna nating pinaghalawan. Dito isinalarawan ni Engels ang nasaksihan niyang kalunus-lunos na kundisyon ng mga manggagawa sa England sa panahong namamayagpag ito bilang pinakamakapang-yarihang kapitalistang bansa sa mundo.

Sa panahon na ibayong ipinupundar ng mga kapitalistang Ingles ang mga sangkap para sa mas ibayong industriyalisasyon. Industriyalisasyong nakapundar sa ibayong pagsasamantala sa uring manggagawa. Sa bahagi ng aklat kung saan tinalakay ni Engels ang laganap na child labor at kaso ng mga aksidente sa pabrika ay sinabi niya na “Ilan lamang sa listahan ng mga sakit na dulot ng malupit na kasakiman ng mga kapitalista: Mga kababaihang nababaog, mga batang depormado, kalalakihang nababaldado, mga katawang nagkalasog-lasog, pagkawasak ng buong henerasyong sinalanta ng iba’t ibang sakit at abnormalidad, lahat para lamang umapaw ang bulsa ng mga kapitalista.”

Susi ang akdang ito ni Engels sa pagsulat ni Marx ng Economic and Philosphical Manuscripts of 1844 na bagamat batbat pa ng impluwensya ng ideyalistang pilosopiyang Aleman ay naging susing yugto sa pag-unlad ng kanyang imbestigasyon sa batas ng paggalaw ng kapitalismo na humantong sa pagkakasulat ng Das Kapital mahigit dalawang dekada pagkalipas nito.

Sumagi at ngayo’y nagmistulang multo sa aking isipan ang dalawang aklat na ito dahil matingkad ang mga katotohanang ito hanggang ngayong mahigit 150 taon ang nakalilipas. Ngunit nang una kong marinig ang mga kwento mula sa Rubberworld, isang tanong ang mas bumabagabag: Paano kung nahinto sa paglikha ng mga kalakal ang isang manggagawa? Paano kung biglang nagsara ang pabrika niyang pinapasukan gaya ng Rubberworld? o ng Novelty? o kaya nama’y tinanggal sila ng kapitalista at matagal nang nakawelga, tulad ng nangyari sa BF Metal na pagmamay-ari ni Bayani Fernando.

“Ang direktang debalwasyon ng mundo ng mga tao ay nasa direktang proporsyon sa paglaki naman ng halaga ng mundo ng mga bagay (kalakal).” Ganito halos sinusuma ni Marx ang kalagayan ng tao sa ilalim ng kapitalismo. Ang debalwasyon ng halaga ng tao bilang tao mismo. Ang laganap na dekadenteng kultura ng kamangmangan o kung gusto mo’y kabaliwan. Hindi iiral ang kapitalismo nang wala ang ganitong kundisyon ng pagkabusabos ng tao. Minsan kong naisip na sino ba naman ang hindi masisiraan ng bait halimbawa sa ganitong kalagayan na binayaran ng Adidas si Kobe Bryant ng daang-milyong dolyar sa pag-eendorso ng Adidas, samantalang ang mga manggagawa ng Rubberworld na ilang dekadang lumikha ng produkto ng Adidas ay hindi pa nababayaran ng separation pay mula nang magsara ang kumpanya noong 1995.

Hindi lamang dalawang beses kong naengkwentro ang isang aklat, isang koleksyon ng mga akdang tula, dula at mga kwento noong maligalig na panahon ng mga unang bahagi ng dekada 80. Isang tula rito ang matagal ko nang nakabisado matapos pa lang ang una kong pagbasa nito. Nakalimutan ko na kung sino ang may-akda pero ang maikling tula ay saulado ko pa rin:

Ang Rebolusyon ay awit ng isang baliw sa mundong ang kabaliwan ay paglaya mula sa tanikala ng pagiging alipin.

Tahimik kong susupilin ang mga halakhak sa aking isipan habang sasagi ang larawan ng dalawang dating manggagawa ng Rubberworld.

T’ang ina, kung tutuusin mas baliw pa rin ako kaysa mga taong ito…


Pahayagang Obrero, Blg. 12
Disyembre 2003

* nalathala rin sa aklat na MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa, Blg. 1, Taon 2006, mp. 52-55

Biyernes, Hunyo 13, 2008

Kwento: Minsan, sa Luneta - ni Ohyie Purificacion

Maikling Kwento

MINSAN, SA LUNETA

ni Ohyie Purificacion

Sabi ng propesor ko sa Literatura noong nag-aaral pa ako sa PUP, “Ang buhay ay hindi ang mga magagandang bagay na nakikita sa kapaligiran… kailangang itaktak ang mundo, para makita ang tunay na buhay…” Noong una ay hindi ko ganap na maunawaan ang kahulugan nito.

Alas-diyes ng gabi. Nagkita-kita kami ng mga kaklase ko sa pagsusulat, sa isang lugar sa Luneta, sa may Philippine map.

“Ano naman ang gagawin natin dito?”, tanong ko kay Anne, na naging kapalagayang-loob ko sa simula pa lang ng pag-aaral namin ng scriptwriting.

“Hindi mo ba naiintindihan ang paliwanag ni Joen, maghahanap tayo rito ng kwento na isusulat natin,” mataray na sagot sa akin ni Anne.

Si Joel Chionglo, kapatid ng movie director na si Mhel Chionglo ang matiyagang nagtuturo sa amin ng scriptwriting. Halos dalawampu rin kaming mga estudyante niya. Dinala kami ni Joen sa Luneta para gumala, mag-interbyu, at magsulat ng kuwento. Sa loob-loob ko, ano kayang magandang kuwento ang mapupulot dito sa Luneta?

Magkasama kami ni Anne na naglakad-lakad. Napansin ko habang lumalalim ang gabi, dumarami ang tao sa Luneta. Sa bawat madilim na sulok, mayroong magkakapareha na mahigpit na magkakayakap, ang iba ay nahihiya na akong tingnan. Niyaya ko si Anne na magpahinga sandali, nakakapagod ang dalawang oras na paglilibot sa Luneta. Sumalampak kami ng upo sa damuhan.

“Paano ba ito? Hanggang ngayon, wala pa rin tayong maisulat, samantalang iyong ibang mga kasama natin, may mga iniinterbyu na... malapit nang matapos ang oras natin,” reklamo ni Anne, sabay bato sa notebook niyang hawak. “Ano ang gagawin natin?”

Natatawa kong sagot, “Hindi ko ata kayang lumapit doon sa babae at tanungin siya ng ‘Hoy! Pokpok ka ba?’”

Dalawang oras na lang ang nalalabi sa amin ni Anne, dahil may usapan ang aming grupo na pagsapit ng alas-dos ng madaling araw ay magkikita-kita kami sa McDonald’s, sa tapat ng Holiday Inn Hotel. Nakakaramdam na ako ng antok at panlalamig. Tiyempo naman, may isang ale na may idad na pero mapostura pa rin ang nagtitinda ng sigarilyo at kendi. Tinawag ko ang ale para bumili ng chewing gum, lumapit at naupo sa tabi namin ni Anne ang matandang babae. Naibigay na niya sa akin ang sukli at nginunguya na namin ni Anne ang Doublemint na binili ko ay hindi pa rin siya umaalis.

“Ano ang ginagawa nyo rito sa Luneta?”, tanong ng matandang babae sa amin ni Anne.

Si Anne ang dagling sumagot, “Manang, mga writer ho kami.”

“Hindi ho, nag-aaral pa lang!”, pakli ko. Sumilay ang hindi ko mawaring ngiti sa labi ni Manang.

“Marami na ang katulad ninyo na nagpunta rito. Ewan ko ba kung bakit paborito kami na igawa ng istorya.” Si Manang. Medyo napahiya ako. Totoo naman na ang buhay ng isang mahirap kung minsan ay walang pasintabi kung kalkalin... lalo na ng taga-media. Hindi katulad ng buhay ng mga mayaman at prominenteng tao na mayroong takot na baka makasuhan sila ng libelo.

Si Anne na may angking kadaldalan ang sumabad agad, “Manang, ang buhay ninyo kasi masyadong madrama!”

“Ano ka ba, Anne!”, saway ko.

“Alam nyo, dati maganda ang buhay ko... may sarili akong bahay na inuuwian... Pero dahil sa walanghiya kong asawa na nambubugbog na ay mahilig pa sa babae ay nasira ang buhay ko. Tinakasan ko siya, dala ko ang kaisa-isa naming anak na lalaki, pero di ko siya kayang buhayin kaya ipinamigay ko,” bungad ni Manang.

Agad pinulot ni Anne ang notebook sa damuhan at nagsulat.

“Nasaan ang anak nyo? Paano kayo nabuhay?” Nahawa na rin ako ng interes kay Anne.

“Hindi ko alam kung nasaan siya, hindi na kami nagkita. Dito ako sa Luneta nakatira. Minsan kumikita ako ng malaki, kapag naka-deal ako.”

Tiningnan ko si Manang, inaalam ko kung bakit kaya napakadali para sa kanya ang magkuwento ng kanyang pribadong buhay.

“Ano ho’ng deal?”, tanong ko.

Tumawa sa Manang.

“Alam mo, ‘ne, marami ang nakatago dito sa Luneta, bagsakan din ito ng bato, ‘yung shabu, mga pulis pa nga ang nagpapa-deliver sa akin,” paliwanag niya.

Nagulat ako ng may biglang kumalabit sa aking likuran.

“Ay, kabayo!” Napasigaw si Anne.

Nang lingunin namin ni Anne, nakita namin ang tatlong batang lalaki na sa tantiya ko ay nasa apat hanggang anim na taong gulang, walang tsinelas, marungis ang mga suot at ang isa ay panay pa ang punas ng kamay sa tumutulo niyang sipon. Nakalahad ang mga kamay.

“Ate, pahingi ng pera kahit piso lang,” sambit ng isa.

Tumayo si Anne at hinarap niya ang mga bata, “Bakit gising pa kayo, nasaan ang mga nanay ninyo?” malakas niyang tanong sa mga bata.

“Wala akong nanay!”, sagot ng isa.

“Ang nanay ko, nandyan lang sa tabi-tabi, rumarampa,” sagot ng ikalawa.

Ang ikatlong bata ay hindi sumagot. Abala siya sa pagpahid ng uhog na labas-masok sa kanyang ilong.

Dumukot si Anne ng barya sa kanyang pantalon at ibinigay sa mga bata. Kinuha ko naman ang baon kong potato chips at iniabot ko sa tatlong bata na sabay-sabay nang nagtakbuhan palayo na sa amin. May paghihimagsik akong naramdaman... may pananagutan din ang gobyerno sa mga batang ito.

Naalala namin ni Anne si Manang. Hindi pa pala siya umalis. Naupo kaming muli ni Anne sa kanyang tabi. Maya-maya, may itinuro si Manang sa amin – isang babae na nakasuot ng shorts na puti at blouse na kulay itim na hapit sa kanyang balingkinitang katawan.

“Baka gusto nyong interbyuhin ang babaeng ‘yan? kilalang pokpok ‘yan dito sa Luneta,” alok sa amin.

Tiningnan ko ang relos. Ala-una pa lang ng madaling araw, may isang oras pa kami. Nagpasalamat kami at inabutan ko siya ng bente pesos.

Hindi namin malaman ni Anne kung paano lalapitan ang itinurong babae ni Manang. Pero naghahabol kami ng oras at nag-iisa lang naman ang babae na nakaupo sa batong upuan.

“Miss, may customer ka ba?”, sarkastikong tanong ni Anne.

Ngumiti lang ang babae at umiling, tila sanay na sa ganoong tanong. Nagpakilala kami.

“Ako si Norma,” pagpapakilala ng babae sa sarili.

Niyaya namin si Norma sa isang burger stand. Habang naglalakad kami, nalaman ko sa kuwento ni Norma na galing siya sa Bicol. Disisiyete anyos pero mukha siyang matanda sa kanyang idad sa kapal ng kanyang make-up. Inabuso si Norma ng kanyang tiyuhin. Nagkaanak sa pagkadalaga, at ang trabaho niya ngayon ay ang alam niya na madaling pagkakitaan ng pera.

Hindi kinain ni Norma ang hamburger na binili namin ni Anne para sa kanya. “Uwi ko na lang sa anak ko,” sabi ni Norma.

Bigla ay humawak si Norma sa braso ko, mahigpit.

“Bakit?”, tanong ko.

“Mga pulis! Huhulihin kami ng mga ‘yan. Kakasuhan kami ng bagansya!”

Kami ang banggit ni Norma dahil maraming tulad niya ang gumagala sa Luneta.

“Huwag kang matakot,” sabi ko.

“Alam mo, isandaang piso ang kinukuha sa amin ng mga ‘yan. Pag wala kaming maibigay, tinutuluyan kami. Ikinukulong. Minsan nagbigay na ako ng pera gusto pa makalibre ng dyok-dyok... sa tabi-tabi lang naman ako dinala,” ang parang nagsusumbong na kuwento ni Norma.

Nakita nga namin ni Anne na dinampot ng isang pulis ang isang babae at pasalyang isinakay sa kulay puting van. Inilayo namin si Norma sa lugar na iyon. Nakaramdam ako ng matinding poot... sa isip ko ay minumura ko ang mga gagong pulis.

“Tangna nila!” Hindi ko naiwasan na lumabas sa bibig ko.

Lumapit ang isang patpating lalaki kay Norma. May ibinulong. Ah... siguro ito ang bugaw.

Ilang sandali pa ay nagpaalam na si Norma. Nagpasalamat kami ni Anne at inabutan ko si Norma ng singkwenta pesos.

Tumingin ako muli sa aking relos. May kinse minutos pa kami. Naupo kami muli ni Anne sa damuhan para magpahinga ng ilang sandali nang may lumapit at umupo sa tabi namin ni Anne. Lalaki, mukhang disente, may dala-dalang portpolyo.

“Puwede bang humingi ng oras n’yo, kahit five minutes?”, bungad sa amin ng lalaki.

“Sige!”, sabay naming sagot.

“Alam n’yo ba ang pangalan ng Diyos, kilala n’yo ba si Jehovah? Meron akong magasin dito, five pesos lang bilang donation,” bungad ng lalaki.

Nagkatinginan kami ni Anne.

“Mister, marami pa kaming kuwento!”

At tumayo kami at iniwan ang lalaki.

(Ang maikling kwentong ito ay nalathala sa pahayagang “Pugon” ng Noritake Porcelana Labor Union (NPMI-LU), pahina 8, Hulyo-Setyembre 2001.)

Miyerkules, Hunyo 11, 2008

Kwento: Yagit sa Konstruksyon - ni Edgar Doble

Maikling Kwento

YAGIT SA KONSTRUKSYON

ni Edgar Doble

“Tangna ka, Doming!” Pabulong ngunit puno ng paghihimagsik ang damdamin ni Ador. Mula sa kanilang bayan na sinalanta ng lahar ay inakit siya ni Mang Badong (isang porsyentuhang rekruter) na magtrabaho sa isang itinatayong tenement sa Maynila. Ayaw sana ni Ador na iwanan ang kanilang nayon, ngunit ang nagtulak sa kanya ay ang mga iyak ng kanyang tatlong kapatid dala ng matinding gutom. Idagdag pa rito ang ama niyang maysakit at ang inang tila wala nang pahinga sa paglalabada.

Isang buwan na si Ador na nagtatrabaho sa konstruksyon ngunit ni pisong duling ay hindi pa niya nagawang magpadala sa kanilang probinsya. Dalawang daan at limampung piso ang sahod niya kada araw; minimum daw iyon, at iyon naman ang pinirmahan niya sa kanyang payroll slip. Ngunit ang pinasasahod sa kanya ay dalawang daang piso lamang. Kinakaltasan ng foreman nilang si Doming ng limampung piso sa hindi niya malamang dahilan.

“Walang pwedeng magreklamo!”, ang matigas na sabi ni Doming bilang panakot. “Ang ayaw sa ganitong patakaran ay puwede nang magpaalam!” Kapit sa patalim si Ador, kaya’t sa sahod niyang dalawang daang piso na kinakaltasan pa ng kanyang rekruter ng kwarenta pesos, at kinukuhanan pa ng kontribusyon daw sa SSS, PAG-IBIG at insurance (na hindi naman sigurado kung nilalagak nga) ay halos wala nang matira sa pansariling gastos ni Ador.

Si Romulo naman na may-ari ng kantina ay parang buwaya na nakanganga sa mga lumalabas na trabahador para maningil sa pagkain na wala namang kalasa-lasa at napakamahal pa ng presyo. “BAWAL KUMAIN SA LABAS NG CANTEEN”, iyon ang nakapaskil sa pintuan ng pagawaan. “Kung hindi nga lamang biyaya ito ng Diyos, maibabato mo sa mukha ng kusinero,” pagpupuyos ng kalooban ni Ador.

Tumatayo ring kanang-kamay ni Doming si Romulo. Sa madaling salita: sipsip. Maraming nagagalit sa kanilang kasuwapangan sa pera, kabilang na nga rito si Ador. Marami ang naghahangad na mawala na sa mundo ang dalawang ito.

Araw na naman ng kanilang sahod. Ngunit tulad ng dati, nagsisisigaw na naman si Romulo. Napagsarhan daw diumano ang kahera nila ng bangko. Wala daw sweldo, ngunit may pahabol pa siya na sinuman ang nais na magbenta ng kanilang sahod ay may nakahandang pera sila ni Doming, ang kaso, aawasan nila ito ng diyes porsyento. May pumiyok... may nagreklamo at inalis sila sa mahabang pila ng sumasahod. May pumayag at ilan ang nagsunuran na. Lalong nagngingitngit sa galit si Ador, kinapa niya sa kanyang bag ang pinatulis niyang welding rod. Isasaksak niya ito sa dibdib ni Doming kapag nagkaroon siya ng pagkakataon.

Ngunit nang malapit na si Ador sa unahan ng pila, biglang tumayo si Doming at umalis. Naiwan si Romulo na nagbabayad ng sahod. Parang may kung ano namang dahilan si Romulo na huminto sa pagbabayad sa suweldo ng mga trabahador at umalis din ito.

Dito lalong nagpuyos ang kalooban ni Ador. Kung kailan siya na ang sasahod, saka pa inihinto ang pagbabayad ng kaniyang suweldo, kailangang kailangan pa naman niya ang pera na pambili ng gamot ng kanyang ama, pambili ng pagkain ng kanyang mga kapatid, at pambayad sa utang ng nanay niya. Dito lalong lumakas ang loob ni Ador na ituloy ang plano niya. Katuwiran niya, makulong man siya, napatay naman niya ang ganid at suwapang sa lipunan.

Ang mga yabag na patungo sa kuwarto ni Doming ay nagbibigay ng babala sa ginagawa niyang paglalaro ng apoy, ngunit hindi niya ito alintana. Huli na nang namalayan niya na nasa harapan na niya ang nagngangalit na kamay. Kaagad sinaksak si Doming sa dibdib ng hawal na patalim. Hindi mabilang ang unday ng saksak hanggang sa duguang nalugmok si Doming at umagos ang maitim na dugo nito sa pusali.

May mga pulis na dumating. Agad na hinuli ang kriminal at mababakas sa kanyang mukha na walang pagsisisi sa pagkakapatay niya kay Doming. “Hayop siya! Nakisama ako sa kanya na parang alipin, kinatalo pa niya ako... pati asawa ko tinalo niya!”

At isinakay na sa mobile car si Romulo, upang ibilanggo na ng tuluyan. Naiwan si Ador sa kanyang pagkatulala, nabitiwan niya ang hawak na matulis na welding rod. Parang naalimpungatan siya sa mahabang pagkakatulog. Ngayon niya napag-isip-isip na tama ang salita na laging ipinapaalala sa kanya ng kanyang kasintahan. “Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao.”

Pumikit siya. Pakiramdam niya ay may mabuting kamay na humaplos sa kanyang puso. Nang siya ay dumilat, naroon na sa kanyang harapan ang pangako ng isang bukas. Wala na si Doming at si Romulo, wala na ang mga magnanakaw ng kanyang sahod. Nang gabing iyon, nakatulog si Ador nang mahimbing. Bukas ay uuwi na siya sa kanilang bayan taglay ang hindi malilimutang pakikipagsapalaran bilang isang yagit sa konstruksyon.

(Ang maikling kwentong ito ay nalathala sa pahayagang “Pugon” ng Noritake Porcelana Labor Union (NPMI-LU), pahina 8, Hulyo-Setyembre 2001)

Kwento: Anay at Bukbok - ni Ohyie Purificacion

Maikling Kwento

ANAY AT BUKBOK

ni Ohyie Purificacion

Nagmamadali si Ato bitbit ang isang bote ng gaas na ipinabili sa kanya ng kanyang tiyo. Sa loob-loob niya, tiyak na namumula na sa galit ang kanyang tiyo sa tagal ng paghihintay sa kanya. “Kung bakit naman kasi napakaraming bumibili sa tindahan ni Cheng,” bulong niya sa sarili.

Papasok pa lamang si Ato sa bakuran ng kanyang bahay, natanaw na niya ang kanyang Tiyo Matias na galit na galit habang pinapagpag ang hawak nitong mga libro.

“Bakit ba napakatagal mo?” sigaw niya.

“Kasi po maraming bumibili sa tindahan ni Cheng.”

“Hala, buhusan mo ng gaas ang mga librong ‘yan at sunugin mo!”, singhal na utos ng kanyang Tiyo Matias.

“Bakit ko po susunugin, sayang naman po,” lakas-loob na tanong ni Ato.

“Gago ka talaga, hindi mo ba nakikita ang mga anay sa librong ‘yan, mabuti nga at nakita ko agad. Kung hindi baka pati itong bahay na tinutuluyan mo ay anayin tulad ng utak mo.”

Masakit magsalita ang kanyang Tiyo Matias, pero sanay na si Ato sa ugali nito.

Hindi tunay na tiyuhin ni Ato sa Matias. Napulot lamang siya ni Matias na pagala-gala sa Lawton, dalawang taon na ang nakararaan. Tubong Bisaya si Ato, labingdalawang taon siya nang maglakas-loob na sumakay ng barko papuntang Maynila. Isinama siya ni Matias sa inuuwian nito sa isang lugar sa Laguna. Pinangakuan siya na pag-aaralin ng kanyang Tiyo Matias, pero hindi natupad ang pangakong iyon. Nagsilbi siyang utusan kapalit ng libreng pagkain at tirahan.

Nag-iisa sa buhay si Matias Delgado Jr., isang matandang binata. Namana niya sa kanyang mga magulang ang malaking bahay. Yari ito sa kahoy at bagamat may kalumaan na ay maayos pa rin. Nagtapos siyang may karangalan sa Pamantasan ng Pilipinas.

Ibinuhos lahat ni Ato ang gaas sa mga libro. Nakita niyang patalikod na ang kanyang Tiyo Matias, kaya’t bago niya ito sindihan, pinulot niya ang ilang mga librong punit-punit na ang mga pahina. Binasa niya ang ilang mga pamagat ng libro: “Ang Buhay ni Karl Marx”, “Sosyalismo Demokratiko”, “Unyon Demokratica”. At ilang mga sertipikasyon ng paglahok ni Matias Delgado Jr. sa mga piling seminar ng Kawanihan ng Paggawa.

“Napakatalino talaga ng Tiyo Matias ko”, may paghangang naisaloob ni Ato, bagamat hindi niya nauunawaan ang nilalaman ng mga librong iyon.

Sa malaking tindahan ni Cheng nagtatrabaho ang kaibigan ni Ato, si Bombet. Labingdalawang taong gulang at kaparis niya ay utusan si Bombet ng Filipino-Chinese na si Cheng. May kabigatan nga lamang ang trabaho ni Bombet, wala siyang pahinga sa loob ng labingdalawang oras na pagtatrabaho. Pagbubuhat ng mga kahon-kahong delata, softdrinks, saku-sakong bigas at asukal. Kung pagmamasdan ang hukot na katawan ni Bombet, nakapagtataka na nakakaya niya ang mga mabibigat na trabaho sa tindahan ni Cheng.

Malupit at ganid na amo si Cheng. Ibinabawas niya sa maliit na sweldo ni Bombet ang anumang mga paninda na nasira o natapon. Hindi naman makaangal si Bombet dahil sa malaking utang ng nanay niya sa tindahan.

Pinupuntahan ni Ato si Bombet kapag alam niyang libre na ang oras ng kaibigan. Nakararamdam si Ato ng isang tunay na kapamilya sa mga pagkakataon na nag-uusap sila nito. Ganundin si Bombet, sumbungan niya si Ato sa hirap ng trabaho na pinagagawa sa kanya ni Cheng. Sa murang idad at katawan nila, natutuhan nang tanggapin ng dalawa na normal lamang ang nangyayari sa kanilang buhay. Ngunit sa isang bahagi ng kanilang isip, nandoon ang pagkaunawa na may mali sa tratong ibinibigay sa kanila ni Matias at ni Cheng. Hindi nga lamang kayang ipaliwanag ng dalawa ang nasa isip nila. Ni hindi nga nila matukoy kung ano ba talaga ang problema.

“Bakit kaya ganun si Tiyo Matias, lahat naman ginagawa ko, pero lagi pa rin siyang galit, lagi niya akong sinasabihan ng bobo… bobo ba ako, Bombet?”, tanong ni Ato sa kaibigan.

Hindi sumagot si Bombet, nakahilata ito sa malaking mesa na nasa harapan ng sarado nang tindahan ni Cheng. Malalim na ang gabi, tanging kahol ng mga aso ang maririnig sa paligid.

“Alam mo, hanga ako kay Tiyo Matias, sabi nga ni Mang Dado, aktibista daw si Tiypo Matias noong araw, ewan nga daw ni Mang Dado kung bakit nang maging supervisor sa pagawaan ng tela ay nagbago ng kulay. Di ko maintindihan kung anong kulay… ah, siguro maitim noon si Tiyo Matias, kasi maputi siya ngayon,” pagpapatuloy ni Ato.

Napansin niyang tila hindi nakikinig si Bombet. Hinampas niya ito sa balikat.

“Hoy, ano ka ba? Hindi ka naman nakikinig, e. Ano ba ang iniisip mo?”, untag ni Ato kay Bombet.

“Alam mo, ‘tol, kung bakit naibebenta ni Cheng ng mura ang kanyang mga paninda, kasi nakita ko hinahaluan niya ng mga luma ang paninda… ‘yung bigas… may mga bukbok iyon, ‘tol. Pinagloloko ng gagong Cheng na iyan ang mga tao dito!”

Bumangon na si Bombet at humarap kay Ato.

“Tol, tulungan mo ako, susunugin ko itong tindahan ni Cheng para masunog na ang mga bukbok diyan sa loob.”

Inginuso ni Bombet ang tindahan ni Cheng. Napalatak si Ato.

“Tama! Napepeste na rin ako sa mga anay sa bahay, lagi na lang akong napapagalitan ni Tiyo Matias dahil sa mga anay na iyon. Tepok sila ngayon,” bakas ang katuwaan sa mukha ni Ato.

Hatinggabi. Nagkakagulo ang mga tao. Nasusunog ang malaking tindahan ni Cheng… at ang malaking bahay ni Matias.

(Ang maikling kwentong ito ay nalathala sa pahayagang “Pugon” ng Noritake Porcelana Labor Union (NPMI-LU), pahina 6, Oktubre-Disyembre 2001)