Maikling Kwento
ANAY AT BUKBOK
ni Ohyie Purificacion
Nagmamadali si Ato bitbit ang isang bote ng gaas na ipinabili sa kanya ng kanyang tiyo. Sa loob-loob niya, tiyak na namumula na sa galit ang kanyang tiyo sa tagal ng paghihintay sa kanya. “Kung bakit naman kasi napakaraming bumibili sa tindahan ni Cheng,” bulong niya sa sarili.
Papasok pa lamang si Ato sa bakuran ng kanyang bahay, natanaw na niya ang kanyang Tiyo Matias na galit na galit habang pinapagpag ang hawak nitong mga libro.
“Bakit ba napakatagal mo?” sigaw niya.
“Kasi po maraming bumibili sa tindahan ni Cheng.”
“Hala, buhusan mo ng gaas ang mga librong ‘yan at sunugin mo!”, singhal na utos ng kanyang Tiyo Matias.
“Bakit ko po susunugin, sayang naman po,” lakas-loob na tanong ni Ato.
“Gago ka talaga, hindi mo ba nakikita ang mga anay sa librong ‘yan, mabuti nga at nakita ko agad. Kung hindi baka pati itong bahay na tinutuluyan mo ay anayin tulad ng utak mo.”
Masakit magsalita ang kanyang Tiyo Matias, pero sanay na si Ato sa ugali nito.
Hindi tunay na tiyuhin ni Ato sa Matias. Napulot lamang siya ni Matias na pagala-gala sa
Nag-iisa sa buhay si Matias Delgado Jr., isang matandang binata. Namana niya sa kanyang mga magulang ang malaking bahay. Yari ito sa kahoy at bagamat may kalumaan na ay maayos pa rin. Nagtapos siyang may karangalan sa Pamantasan ng Pilipinas.
Ibinuhos lahat ni Ato ang gaas sa mga libro. Nakita niyang patalikod na ang kanyang Tiyo Matias, kaya’t bago niya ito sindihan, pinulot niya ang ilang mga librong punit-punit na ang mga pahina. Binasa niya ang ilang mga pamagat ng libro: “Ang Buhay ni Karl Marx”, “Sosyalismo Demokratiko”, “Unyon Demokratica”. At ilang mga sertipikasyon ng paglahok ni Matias Delgado Jr. sa mga piling seminar ng Kawanihan ng Paggawa.
“Napakatalino talaga ng Tiyo Matias ko”, may paghangang naisaloob ni Ato, bagamat hindi niya nauunawaan ang nilalaman ng mga librong iyon.
Sa malaking tindahan ni Cheng nagtatrabaho ang kaibigan ni Ato, si Bombet. Labingdalawang taong gulang at kaparis niya ay utusan si Bombet ng Filipino-Chinese na si Cheng. May kabigatan nga lamang ang trabaho ni Bombet, wala siyang pahinga sa loob ng labingdalawang oras na pagtatrabaho. Pagbubuhat ng mga kahon-kahong delata, softdrinks, saku-sakong bigas at asukal. Kung pagmamasdan ang hukot na katawan ni Bombet, nakapagtataka na nakakaya niya ang mga mabibigat na trabaho sa tindahan ni Cheng.
Malupit at ganid na amo si Cheng. Ibinabawas niya sa maliit na sweldo ni Bombet ang anumang mga paninda na nasira o natapon. Hindi naman makaangal si Bombet dahil sa malaking utang ng nanay niya sa tindahan.
Pinupuntahan ni Ato si Bombet kapag alam niyang libre na ang oras ng kaibigan. Nakararamdam si Ato ng isang tunay na kapamilya sa mga pagkakataon na nag-uusap sila nito. Ganundin si Bombet, sumbungan niya si Ato sa hirap ng trabaho na pinagagawa sa kanya ni Cheng. Sa murang idad at katawan nila, natutuhan nang tanggapin ng dalawa na normal lamang ang nangyayari sa kanilang buhay. Ngunit sa isang bahagi ng kanilang isip, nandoon ang pagkaunawa na may
“Bakit kaya ganun si Tiyo Matias, lahat naman ginagawa ko, pero lagi pa rin siyang galit, lagi niya akong sinasabihan ng bobo… bobo ba ako, Bombet?”, tanong ni Ato sa kaibigan.
Hindi sumagot si Bombet, nakahilata ito sa malaking mesa na nasa harapan ng sarado nang tindahan ni Cheng. Malalim na ang gabi, tanging kahol ng mga aso ang maririnig sa paligid.
“Alam mo, hanga ako kay Tiyo Matias, sabi nga ni Mang Dado, aktibista daw si Tiypo Matias noong araw, ewan nga daw ni Mang Dado kung bakit nang maging supervisor sa pagawaan ng tela ay nagbago ng kulay. Di ko maintindihan kung anong kulay… ah, siguro maitim noon si Tiyo Matias, kasi maputi siya ngayon,” pagpapatuloy ni Ato.
Napansin niyang tila hindi nakikinig si Bombet. Hinampas niya ito sa balikat.
“Hoy, ano ka ba? Hindi ka naman nakikinig, e. Ano ba ang iniisip mo?”, untag ni Ato kay Bombet.
“Alam mo, ‘tol, kung bakit naibebenta ni Cheng ng mura ang kanyang mga paninda, kasi nakita ko hinahaluan niya ng mga luma ang paninda… ‘yung bigas… may mga bukbok iyon, ‘tol. Pinagloloko ng gagong Cheng na iyan ang mga tao dito!”
Bumangon na si Bombet at humarap kay Ato.
“Tol, tulungan mo ako, susunugin ko itong tindahan ni Cheng para masunog na ang mga bukbok diyan sa loob.”
Inginuso ni Bombet ang tindahan ni Cheng. Napalatak si Ato.
“Tama! Napepeste na rin ako sa mga anay sa bahay, lagi na lang akong napapagalitan ni Tiyo Matias dahil sa mga anay na iyon. Tepok sila ngayon,” bakas ang katuwaan sa mukha ni Ato.
Hatinggabi. Nagkakagulo ang mga tao. Nasusunog ang malaking tindahan ni Cheng… at ang malaking bahay ni Matias.
(Ang maikling kwentong ito ay nalathala sa pahayagang “Pugon” ng Noritake Porcelana Labor Union (NPMI-LU), pahina 6, Oktubre-Disyembre 2001)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento