Maikling Kwento
MINSAN, SA LUNETA
ni Ohyie Purificacion
Sabi ng propesor ko sa Literatura noong nag-aaral pa ako sa PUP, “Ang buhay ay hindi ang mga magagandang bagay na nakikita sa kapaligiran… kailangang itaktak ang mundo, para makita ang tunay na buhay…” Noong una ay hindi ko ganap na maunawaan ang kahulugan nito.
Alas-diyes ng gabi. Nagkita-kita kami ng mga kaklase ko sa pagsusulat, sa isang lugar sa Luneta, sa may Philippine map.
“Ano naman ang gagawin natin dito?”, tanong ko kay Anne, na naging kapalagayang-loob ko sa simula pa lang ng pag-aaral namin ng scriptwriting.
“Hindi mo ba naiintindihan ang paliwanag ni Joen, maghahanap tayo rito ng kwento na isusulat natin,” mataray na sagot sa akin ni Anne.
Si Joel Chionglo, kapatid ng movie director na si Mhel Chionglo ang matiyagang nagtuturo sa amin ng scriptwriting. Halos dalawampu rin kaming mga estudyante niya. Dinala kami ni Joen sa Luneta para gumala, mag-interbyu, at magsulat ng kuwento. Sa loob-loob ko, ano kayang magandang kuwento ang mapupulot dito sa Luneta?
Magkasama kami ni Anne na naglakad-lakad. Napansin ko habang lumalalim ang gabi, dumarami ang tao sa Luneta. Sa bawat madilim na sulok, mayroong magkakapareha na mahigpit na magkakayakap, ang iba ay nahihiya na akong tingnan. Niyaya ko si Anne na magpahinga sandali, nakakapagod ang dalawang oras na paglilibot sa Luneta. Sumalampak kami ng upo sa damuhan.
“Paano ba ito? Hanggang ngayon, wala pa rin tayong maisulat, samantalang iyong ibang mga kasama natin, may mga iniinterbyu na... malapit nang matapos ang oras natin,” reklamo ni Anne, sabay bato sa notebook niyang hawak. “Ano ang gagawin natin?”
Natatawa kong sagot, “Hindi ko ata kayang lumapit doon sa babae at tanungin siya ng ‘Hoy! Pokpok ka ba?’”
Dalawang oras na lang ang nalalabi sa amin ni Anne, dahil may usapan ang aming grupo na pagsapit ng alas-dos ng madaling araw ay magkikita-kita kami sa McDonald’s, sa tapat ng Holiday Inn Hotel. Nakakaramdam na ako ng antok at panlalamig. Tiyempo naman, may isang ale na may idad na pero mapostura pa rin ang nagtitinda ng sigarilyo at kendi. Tinawag ko ang ale para bumili ng chewing gum, lumapit at naupo sa tabi namin ni Anne ang matandang babae. Naibigay na niya sa akin ang sukli at nginunguya na namin ni Anne ang Doublemint na binili ko ay hindi pa rin siya umaalis.
“Ano ang ginagawa nyo rito sa Luneta?”, tanong ng matandang babae sa amin ni Anne.
Si Anne ang dagling sumagot, “Manang, mga writer ho kami.”
“Hindi ho, nag-aaral pa lang!”, pakli ko. Sumilay ang hindi ko mawaring ngiti sa labi ni Manang.
“Marami na ang katulad ninyo na nagpunta rito. Ewan ko ba kung bakit paborito kami na igawa ng istorya.” Si Manang. Medyo napahiya ako. Totoo naman na ang buhay ng isang mahirap kung minsan ay walang pasintabi kung kalkalin... lalo na ng taga-media. Hindi katulad ng buhay ng mga mayaman at prominenteng tao na mayroong takot na baka makasuhan sila ng libelo.
Si Anne na may angking kadaldalan ang sumabad agad, “Manang, ang buhay ninyo kasi masyadong madrama!”
“Ano ka ba, Anne!”, saway ko.
“Alam nyo, dati maganda ang buhay ko... may sarili akong bahay na inuuwian... Pero dahil sa walanghiya kong asawa na nambubugbog na ay mahilig pa sa babae ay nasira ang buhay ko. Tinakasan ko siya, dala ko ang kaisa-isa naming anak na lalaki, pero di ko siya kayang buhayin kaya ipinamigay ko,” bungad ni Manang.
Agad pinulot ni Anne ang notebook sa damuhan at nagsulat.
“Nasaan ang anak nyo? Paano kayo nabuhay?” Nahawa na rin ako ng interes kay Anne.
“Hindi ko alam kung nasaan siya, hindi na kami nagkita. Dito ako sa Luneta nakatira. Minsan kumikita ako ng malaki, kapag naka-deal ako.”
Tiningnan ko si Manang, inaalam ko kung bakit kaya napakadali para sa kanya ang magkuwento ng kanyang pribadong buhay.
“Ano ho’ng deal?”, tanong ko.
Tumawa sa Manang.
“Alam mo, ‘ne, marami ang nakatago dito sa Luneta, bagsakan din ito ng bato, ‘yung shabu, mga pulis pa nga ang nagpapa-deliver sa akin,” paliwanag niya.
Nagulat ako ng may biglang kumalabit sa aking likuran.
“Ay, kabayo!” Napasigaw si Anne.
Nang lingunin namin ni Anne, nakita namin ang tatlong batang lalaki na sa tantiya ko ay nasa apat hanggang anim na taong gulang, walang tsinelas, marungis ang mga suot at ang isa ay panay pa ang punas ng kamay sa tumutulo niyang sipon. Nakalahad ang mga kamay.
“Ate, pahingi ng pera kahit piso lang,” sambit ng isa.
Tumayo si Anne at hinarap niya ang mga bata, “Bakit gising pa kayo, nasaan ang mga nanay ninyo?” malakas niyang tanong sa mga bata.
“Wala akong nanay!”, sagot ng isa.
“Ang nanay ko, nandyan lang sa tabi-tabi, rumarampa,” sagot ng ikalawa.
Ang ikatlong bata ay hindi sumagot. Abala siya sa pagpahid ng uhog na labas-masok sa kanyang ilong.
Dumukot si Anne ng barya sa kanyang pantalon at ibinigay sa mga bata. Kinuha ko naman ang baon kong potato chips at iniabot ko sa tatlong bata na sabay-sabay nang nagtakbuhan palayo na sa amin. May paghihimagsik akong naramdaman... may pananagutan din ang gobyerno sa mga batang ito.
Naalala namin ni Anne si Manang. Hindi pa pala siya umalis. Naupo kaming muli ni Anne sa kanyang tabi. Maya-maya, may itinuro si Manang sa amin – isang babae na nakasuot ng shorts na puti at blouse na kulay itim na hapit sa kanyang balingkinitang katawan.
“Baka gusto nyong interbyuhin ang babaeng ‘yan? kilalang pokpok ‘yan dito sa Luneta,” alok sa amin.
Tiningnan ko ang relos. Ala-una pa lang ng madaling araw, may isang oras pa kami. Nagpasalamat kami at inabutan ko siya ng bente pesos.
Hindi namin malaman ni Anne kung paano lalapitan ang itinurong babae ni Manang. Pero naghahabol kami ng oras at nag-iisa lang naman ang babae na nakaupo sa batong upuan.
“Miss, may customer ka ba?”, sarkastikong tanong ni Anne.
Ngumiti lang ang babae at umiling, tila sanay na sa ganoong tanong. Nagpakilala kami.
“Ako si Norma,” pagpapakilala ng babae sa sarili.
Niyaya namin si Norma sa isang burger stand. Habang naglalakad kami, nalaman ko sa kuwento ni Norma na galing siya sa Bicol. Disisiyete anyos pero mukha siyang matanda sa kanyang idad sa kapal ng kanyang make-up. Inabuso si Norma ng kanyang tiyuhin. Nagkaanak sa pagkadalaga, at ang trabaho niya ngayon ay ang alam niya na madaling pagkakitaan ng pera.
Hindi kinain ni Norma ang hamburger na binili namin ni Anne para sa kanya. “Uwi ko na lang sa anak ko,” sabi ni Norma.
Bigla ay humawak si Norma sa braso ko, mahigpit.
“Bakit?”, tanong ko.
“Mga pulis! Huhulihin kami ng mga ‘yan. Kakasuhan kami ng bagansya!”
Kami ang banggit ni Norma dahil maraming tulad niya ang gumagala sa Luneta.
“Huwag kang matakot,” sabi ko.
“Alam mo, isandaang piso ang kinukuha sa amin ng mga ‘yan. Pag wala kaming maibigay, tinutuluyan kami. Ikinukulong. Minsan nagbigay na ako ng pera gusto pa makalibre ng dyok-dyok... sa tabi-tabi lang naman ako dinala,” ang parang nagsusumbong na kuwento ni Norma.
Nakita nga namin ni Anne na dinampot ng isang pulis ang isang babae at pasalyang isinakay sa kulay puting van. Inilayo namin si Norma sa lugar na iyon. Nakaramdam ako ng matinding poot... sa isip ko ay minumura ko ang mga gagong pulis.
“Tangna nila!” Hindi ko naiwasan na lumabas sa bibig ko.
Lumapit ang isang patpating lalaki kay Norma. May ibinulong. Ah... siguro ito ang bugaw.
Ilang sandali pa ay nagpaalam na si Norma. Nagpasalamat kami ni Anne at inabutan ko si Norma ng singkwenta pesos.
Tumingin ako muli sa aking relos. May kinse minutos pa kami. Naupo kami muli ni Anne sa damuhan para magpahinga ng ilang sandali nang may lumapit at umupo sa tabi namin ni Anne. Lalaki, mukhang disente, may dala-dalang portpolyo.
“Puwede bang humingi ng oras n’yo, kahit five minutes?”, bungad sa amin ng lalaki.
“Sige!”, sabay naming sagot.
“Alam n’yo ba ang pangalan ng Diyos, kilala n’yo ba si Jehovah? Meron akong magasin dito, five pesos lang bilang donation,” bungad ng lalaki.
Nagkatinginan kami ni Anne.
“Mister, marami pa kaming kuwento!”
At tumayo kami at iniwan ang lalaki.
(Ang maikling kwentong ito ay nalathala sa pahayagang “Pugon” ng Noritake Porcelana Labor Union (NPMI-LU), pahina 8, Hulyo-Setyembre 2001.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento