Miyerkules, Hunyo 11, 2008

Kwento: Yagit sa Konstruksyon - ni Edgar Doble

Maikling Kwento

YAGIT SA KONSTRUKSYON

ni Edgar Doble

“Tangna ka, Doming!” Pabulong ngunit puno ng paghihimagsik ang damdamin ni Ador. Mula sa kanilang bayan na sinalanta ng lahar ay inakit siya ni Mang Badong (isang porsyentuhang rekruter) na magtrabaho sa isang itinatayong tenement sa Maynila. Ayaw sana ni Ador na iwanan ang kanilang nayon, ngunit ang nagtulak sa kanya ay ang mga iyak ng kanyang tatlong kapatid dala ng matinding gutom. Idagdag pa rito ang ama niyang maysakit at ang inang tila wala nang pahinga sa paglalabada.

Isang buwan na si Ador na nagtatrabaho sa konstruksyon ngunit ni pisong duling ay hindi pa niya nagawang magpadala sa kanilang probinsya. Dalawang daan at limampung piso ang sahod niya kada araw; minimum daw iyon, at iyon naman ang pinirmahan niya sa kanyang payroll slip. Ngunit ang pinasasahod sa kanya ay dalawang daang piso lamang. Kinakaltasan ng foreman nilang si Doming ng limampung piso sa hindi niya malamang dahilan.

“Walang pwedeng magreklamo!”, ang matigas na sabi ni Doming bilang panakot. “Ang ayaw sa ganitong patakaran ay puwede nang magpaalam!” Kapit sa patalim si Ador, kaya’t sa sahod niyang dalawang daang piso na kinakaltasan pa ng kanyang rekruter ng kwarenta pesos, at kinukuhanan pa ng kontribusyon daw sa SSS, PAG-IBIG at insurance (na hindi naman sigurado kung nilalagak nga) ay halos wala nang matira sa pansariling gastos ni Ador.

Si Romulo naman na may-ari ng kantina ay parang buwaya na nakanganga sa mga lumalabas na trabahador para maningil sa pagkain na wala namang kalasa-lasa at napakamahal pa ng presyo. “BAWAL KUMAIN SA LABAS NG CANTEEN”, iyon ang nakapaskil sa pintuan ng pagawaan. “Kung hindi nga lamang biyaya ito ng Diyos, maibabato mo sa mukha ng kusinero,” pagpupuyos ng kalooban ni Ador.

Tumatayo ring kanang-kamay ni Doming si Romulo. Sa madaling salita: sipsip. Maraming nagagalit sa kanilang kasuwapangan sa pera, kabilang na nga rito si Ador. Marami ang naghahangad na mawala na sa mundo ang dalawang ito.

Araw na naman ng kanilang sahod. Ngunit tulad ng dati, nagsisisigaw na naman si Romulo. Napagsarhan daw diumano ang kahera nila ng bangko. Wala daw sweldo, ngunit may pahabol pa siya na sinuman ang nais na magbenta ng kanilang sahod ay may nakahandang pera sila ni Doming, ang kaso, aawasan nila ito ng diyes porsyento. May pumiyok... may nagreklamo at inalis sila sa mahabang pila ng sumasahod. May pumayag at ilan ang nagsunuran na. Lalong nagngingitngit sa galit si Ador, kinapa niya sa kanyang bag ang pinatulis niyang welding rod. Isasaksak niya ito sa dibdib ni Doming kapag nagkaroon siya ng pagkakataon.

Ngunit nang malapit na si Ador sa unahan ng pila, biglang tumayo si Doming at umalis. Naiwan si Romulo na nagbabayad ng sahod. Parang may kung ano namang dahilan si Romulo na huminto sa pagbabayad sa suweldo ng mga trabahador at umalis din ito.

Dito lalong nagpuyos ang kalooban ni Ador. Kung kailan siya na ang sasahod, saka pa inihinto ang pagbabayad ng kaniyang suweldo, kailangang kailangan pa naman niya ang pera na pambili ng gamot ng kanyang ama, pambili ng pagkain ng kanyang mga kapatid, at pambayad sa utang ng nanay niya. Dito lalong lumakas ang loob ni Ador na ituloy ang plano niya. Katuwiran niya, makulong man siya, napatay naman niya ang ganid at suwapang sa lipunan.

Ang mga yabag na patungo sa kuwarto ni Doming ay nagbibigay ng babala sa ginagawa niyang paglalaro ng apoy, ngunit hindi niya ito alintana. Huli na nang namalayan niya na nasa harapan na niya ang nagngangalit na kamay. Kaagad sinaksak si Doming sa dibdib ng hawal na patalim. Hindi mabilang ang unday ng saksak hanggang sa duguang nalugmok si Doming at umagos ang maitim na dugo nito sa pusali.

May mga pulis na dumating. Agad na hinuli ang kriminal at mababakas sa kanyang mukha na walang pagsisisi sa pagkakapatay niya kay Doming. “Hayop siya! Nakisama ako sa kanya na parang alipin, kinatalo pa niya ako... pati asawa ko tinalo niya!”

At isinakay na sa mobile car si Romulo, upang ibilanggo na ng tuluyan. Naiwan si Ador sa kanyang pagkatulala, nabitiwan niya ang hawak na matulis na welding rod. Parang naalimpungatan siya sa mahabang pagkakatulog. Ngayon niya napag-isip-isip na tama ang salita na laging ipinapaalala sa kanya ng kanyang kasintahan. “Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao.”

Pumikit siya. Pakiramdam niya ay may mabuting kamay na humaplos sa kanyang puso. Nang siya ay dumilat, naroon na sa kanyang harapan ang pangako ng isang bukas. Wala na si Doming at si Romulo, wala na ang mga magnanakaw ng kanyang sahod. Nang gabing iyon, nakatulog si Ador nang mahimbing. Bukas ay uuwi na siya sa kanilang bayan taglay ang hindi malilimutang pakikipagsapalaran bilang isang yagit sa konstruksyon.

(Ang maikling kwentong ito ay nalathala sa pahayagang “Pugon” ng Noritake Porcelana Labor Union (NPMI-LU), pahina 8, Hulyo-Setyembre 2001)

Walang komento: