Biyernes, Agosto 20, 2021

Bukrebyu: Ang Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos

BUKREBYU: ANG BALARILA NG WIKANG PAMBANSA NI LOPE K. SANTOS
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tuwang-tuwa akong nabili ang aklat na Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos. Bihira lang ang magkaroon ng mahalagang aklat na ito, na sa madalas kong paglilibot sa mga book store ay wala nang makikitang ganito. 

Buti na lamang at muli itong inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pakikipagtulungan sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) noong 2019 bilang isang proyekto sa Aklat ng Bayan. Ang Aklat ng Bayan, ayon sa aklat, "ay isang pangmatagalang proyekto ng KWF na layuning isulong ang "Aklatan ng Karunungan" (Library of Knowledge) na magtatampok sa Filipino bilang wika ng pagkatha at saliksik."

Nabili ko ang aklat na ito mula sa katas ng isa kong artikulong inilathala ng Cultural Center of the Philippines (CCP) sa kanilang publikasyong Ani, kaya sa pagdalaw ko sa makasaysayang Solidaridad Bookshop sa Ermita, Maynila ay hindi ko na pinakawalan pa ang aklat na ito. Dahil naisip kong bihira lang ang nagkakaroon ng ganitong aklat. Nabili ko ang aklat noong Hunyo 3, 2021 sa halagang animnaraang piso (P600.00).

Ang sukat ng nasabing aklat ay 7" x 10" at ang kapal nito ay 1 at 1/4". Naglalaman ito ng mga pahinang Roman numeral na 42 at Hindu Arabic numeral na 496, na sa kabuuan ay 538 pahina.

Pinasimulan ang aklat sa mahabang talakay ni Galileo S. Zafra, na pinamagatang "Si Lope K. Santos at ang kanyang Palatuntunang Pangwika" mula pahina XI hanggang XLI. Dito'y tinalakay rin niya ang talambuhay ni LKS hanggang sa isulat nito ang Balarila ng Wikang Pambansa.

Ang Unang Bahagi ng aklat ay binubuo ng mga sumusunod na kabanata:
I. Balarila ng Wikang Pambansa, p.8
II. Ang Palatitikan, p.12
III. Ang mga Pantig, p.23
Iv. Palabuuan ng mga Salita, p.28
V. Mga Sangkap ng Pananalita, p.35
VI. Ang Palagitlingan, p. 40
VII. Ang Palatuldikan, p. 66
VIII. Ang Baybaying Pilipino, p. 95
IX. Ang mga Pang-angkop, p. 105

Ang Ikalawang Bahagi naman ay binubuo ng mga sumusunod na kabanata:
Ang Palasurian (Analogy), p. 111
X. Ang mga Pantukoy, p. 112
XI. Ang Pangngalanp. 120
XII. Ang Pang-uri, p. 167
XIII. Ang mga Panghalip, p. 234
XIV. Ang Pandiwa, p. 253
XV. Ang Pandiwari, p. 397
XVI. Ang Pang-abay, p. 402
XVII. Pang-ukol, p. 444
XVIII. Ang Pangatnig, p. 451
XIX. Ang Pandamdam, p. 470

Sa dulo ng aklat, mula p. 476 ay may kabanatang Mga Dagdag na Panutuhan, kung saan kasunod niyon ang Appendix A, B, at C.

Mapapansing mahahabang pahina ang inukol sa pagtalakay sa Kabanata XII na may 67 pahina at sa Kabanata XIV na may 144 pahina, patunay ng pinag-ukulan ng panahon at pananaliksik ang mayabong na pagtalakay hinggil sa Pang-uri at Pandiwa. Bagamat ang ibang maiikling kabanata ay kasinghalaga rin naman ng mga nabanggit.

Sa mga pagtalakay ay nagbibigay ng halimbawa si LKS upang mas magagap pa ng mambabasa o mag-aaral ng wika kung paano ba ito ginagamit.

Isa sa mga nagustuhan ko ang pagtalakay sa Titik m ng Kabanata VI hinggil sa Palagitlingan, na tumutukoy sa paggamit ng gitling sa panlaping ika (na madalas ay mali ang pagkakagamit ng ilan nating kababayan sa kasalukuyan, tulad ng ika-5 ay nilalagyan ng gitling kapag ginawang salita, ika-lima, na mali).

(m) Kung gamit sa pagbilang ng mga nagkakasunud-sunod sa hanay, at ang bilang ay di mga salita kundi mga titik-bilang o tambilang (numero-figure). Gaya ng: 

ika-8 ng umaga; ika-10 n.t.; ika-11 n.g.
ika-28 ng Pebrero; ika-13 ng Agosto; ika-25 ng Disyembre
tuntuning ika-4, kabanatang ika-12; ika-20 pangkat

Kung ang mga bilang ay salita, pinagkakabit na nang walang gitling. Gaya ng:

ikawalóng oras; ikasampú't kalahati; ikalabing-isá
ikadalawampú't walo ng Pebrero; ikalabintatló ng Agosto
tuntuning ikaapat; kabanatang ikalabindalawá

Mapapansing ginamitan pa niya ng tuldik ang mga halimbawa. Sadyang pinag-ukulan ng pansin ang paggamit ng gitling na binubuo ng dalawampú't siyam na pahina.

Sa kabuuan, ang aklat na ito ay isang kayamanang maituturing ng tulad kong makata't manunulat upang lalo pang mapahusay ang pagsusulat ng mga kwento, sanaysay at tula

Ibahagi natin ang mga kaalamang ito. Inirerekomenda ko ito sa mga mag-aaral, mga manunulat, kwentista, mandudula, kompositor, makata't mananalaysay, mga mananaliksik sa wika, at sa kapwa palaaral sa wikang pambansa. At ang munting pagtalakay na ito'y isa nang ambag at magandang pambungad ngayong Agosto bilang Buwan ng Wika.

08.20.2021

Walang komento: