Sabado, Agosto 14, 2021

Paghahanda upang kunan ng dugo

PAGHAHANDA UPANG KUNAN NG DUGO

madaling araw pa lamang ay nagising na ako
upang paghandaan ang dapat puntahang totoo
dahil kasama'y kailangan ng apat na tao
magbibigay ng dugo para sa asawa nito

aalmusaling tuyo ay inihanda ko agad
at pinrito sa kawali ang isdang di maalat
kamatis at sibuyas naman ay aking ginayat
nilagyan ng toyo, aba'y almusal na kaysarap

mahirap kasing magutom doon sa pupuntahan
at mahirap umalis nang walang laman ang tiyan
baka mahal pa ang kakainin sa pagamutan
mabuting nakahanda sa kakaharaping laban

wala kang almusal, tapos kukunan ka ng dugo
baka mahilo ka'y maging dahilan ng siphayo
aral: paghandaan ang anuman, huwag yuyuko
upang magtagal sa labanan at di sumusuko

parang paghahanda laban sa bulok na sistema
kumusta na ang asam na panlipunang hustisya?
mga api ba'y patuloy pa ring nakikibaka?
dapat laging handa ang tulad naming aktibista

- gregoriovbituinjr.
08.14.2021

Walang komento: